Ang Lihim ni Seth
AiTenshi
Part 6
"Ang Sikreto ng Nakaraan"
Binalot ako ng kakaibang kalungkutan noong sandaling umalis si Seth, hindi ko lubos maisalawaran ang dapat kong maramdaman dahil hindi ko man lang nasabi sa kanya ang mga bagay na nais kong sabihin. Ewan, para itong isang kabute na susulpot at bigla ring nawawala. Napaka misteryoso ng kanyang dating dahil kahit naka ngiti ito ay mapapansin mo pa rin sa kanyang mata na marami itong lihim na itinatago.
Napabuntong hininga na lamang ako sabay higa sa kama. Halos ilang minuto rin ako sa ganitong pag kakahiga bago ko mapansin ang isang papel na nakatupi sa aking ulunan. Kinuha ko ito at binuksan "sulat galing kay Seth" ang bulong ko sa aking sarili kaya naman agad ko itong binasa.
"Tol, maraming salamat dahil pinatuloy mo ako sa iyong silid. Masayang masaya ako na mag karoon ng isang mabuting kaibigan sa katauhan mo. Pasensya kana kung agad akong umalis, baka kasi makita ako ng mga katiwala niyo at pag isipan ng masama. Gayon pa man, nais kong malaman mo na masayang masaya ako habang pinapanood kita sa iyong pag tulog kagabi. Iyon ang unang pag kakataon na may isang tao sa labas ng kakahuyan ang tumanggap at nag tiwala sa akin.
P.S
Mag kita tayo sa kakahuyan mamayang tanghali. Nais kong ipasyal ka sa aming maliit na bayan. " - Seth
Habang binabasa ko ang sulat ni Seth ay unti unting gumuhit ang ngiti sa aking mga labi. Kanina ay nalungkot ako dahil hindi man lamang ito nag paalam sa akin bago umalis ngunit biglang nag iba ang aking mood noong sandaling mabasa ko ang kanyang liham na nag sasaad ng imbistasyon upang ako ay kanyang makasama muli. Teka, gusto kaya talaga niya akong makita o baka naman token of appreciation lang ang nais nyang ibigay sa akin dahil tinanggap ko siya bilang aking KAIBIGAN? Baka naman nag aasume lang ako na may iba pang kahulugan ito. O baka naman may namumuo nang kalituhan sa aking pag katao kaya't hinahanap hanap na siya ng aking mga mata?
"Kalituhan? Ang ibig sabihin ay may nabubuong pag tingin ako para kay Seth kaya't nakakaramdam ako ng lungkot kapag wala siya at saya kapag nandito siya? Posible bang mag kagusto ang isang lalaki sa kapwa nya lalaki din? O baka naman nag hahanap lang ako ng "brother figure" dahil wala akong ibang kapatid maliban kay Buknoy?" tanong ko sa aking sarili sabay bitiw ng isang malalim na buntong hininga. Ewan, lalo lamang gumugulo ang lahat kapag sumasagi ang mga ganitong bagay sa aking isipan.
Tahimik..
Matagal tagal din akong nakatitig sa sulat kamay ni Seth bago tuluyang nag pasyang bumaba upang kumain ng almusal.
"Magandang umaga po sir Ybes. Nakahain na ang almusal sa kusina, gusto nyo po bang dalhan ko nalang kayo sa sala?" tanong ni Manang Pelly habang naka ngiti sa akin. "Hindi na po, sasabay na lamang akong kumain sa inyo doon sa kusina." sagot ko naman sabay sukli rin ng matamis na ngiti.
Sumabay akong lumakad kay Manang Pelly patungo sa kusina at habang nasa ganoong posisyon kami, unti unting nabuo sa aking isipan na tanungin na ito tungkol sa mga bagay na nais kong malaman. Partikular na nga dito ang tungkol sa kakahuyan at kay Seth.
"Ah, nga po pala Manang Pelly, tungkol doon sa kakahuyan. Naguguluhan kasi ako, paano mo nasabing hindi isang ordinaryong tao ang kasama ko? Mabait na tao po si Seth dahil tinulungan nya akong makalabas ng kakahuyan noong ako ay maligaw. Dinalhan pa nya ako ng prutas kagabi at sinamahan sa pag tulog. Nakatagpo ako ng bagong kaibigan sa kanya." ang nag tataka kong tanong dahilan para mapahinto sa pag kain si Manang Pelly at mapatingin ng seryoso sa akin.
"Sir Ybes, mahiwaga ang mundong ito. Maraming mga bagay ang hindi kayang ipaliwanag ng siyensya. Maraming mga pangyayari ang hindi lubos mauunawaan ng nakararami kaya tanging ang bukas na kaisipan lamang ang maaaring umunawa sa mga bagay na iyon. Ang ibig kong sabihin ay hindi ito basta basta pinag uusapan lalo't hindi pa tayo handa na harapin ang mga bagay sa dako pa roon." paliwanag ni Manang Pelly ngunit hindi iyon naging sapat para ako ay tumahimik. "Maaaring hindi ko pa lubos na mauunawaan kung ano ba ang mayroon sa dako pa roon, ngunit tinitiyak ko po sa inyo na handa akong unawain ang lahat. Ano po ba ang totoo lihim ng kakahuyan? Bakit mo nasabing hindi normal na tao si Seth?" muli kong pag tatanong sabay bitiw ng nangungusap na tingin.
Muling natahimik si Manang Pelly at kasabay nito ang pag papakawala niya ng isang malalim na buntong hininga. "Iho, maraming mga bagay sa loob ng kakahuyan ang hindi basta basta nakikita ng ordinaryong mata, ang ilan sa mga ito ay pinakikiramdaman at kinakailangan ng malawak na pang unawa upang iyong maintindihan. Ang buong kakahuyang iyon ay may sarili pag iisip. Ang mga pumapasok doon na may masamang intensyon ay hindi na nakakalabas at nakukulong na lamang doon habang buhay. Nararamdaman ng mga puno, hangin at lupa ang intensyon ng kanilang mga panauhin kaya't ang ilan sa mga ito ay sinuswerteng makalabas at ang ilan naman ay minamalas. Napaka hiwaga ng lugar na iyon. Punong puno ito ng mga elementong nag babantay at nangangalaga sa kanilang teritoryo. Kaya masasabing maswerte ka sir Ybes dahil mukhang isa ka sa kinalugdan at nakatuwaan ng kakahuyan kaya't nakalabas ka ng ligtas." Paliwanag ni Manang Pelly
"Ngunit, kaya po ako nakalabas ng ligtas doon sa kakahuyan ay dahil tinulungan ako ni Seth. Alam ko ang tungkol sa pag babago ng mga linya at lokasyon ng mga puno upang iligaw ang lahat ng taong gumagawi dito. Nasaksihan ko ito gamit ang aking dalawang mata." tugon ko naman sabay bitiw ng seryosong tingin. Samantalang si Manang Pelly naman ay nanatili lamang na nakatitig sa akin mukha.
"Nakita mo rin pala ang bagay na iyon. Ang pag babago ng lokasyon ng puno at anyong lupa ay nasaksihan ko rin noong ako ay bata pa. Marahil ay handa ka na nga malaman ang isang sikretong itinago ko ng mahabang panahon. Halos limampung taon ko rin itong itago, maging ang aking mga apo at anak ay hindi ito alam. Ako ay 63 anyos na at hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking alala ang lahat.." wika ni Manang Pelly at doon ay magkasama naming binalikan ang sikreto ng kanyang nakaraan.
"Ang aking ina ay dating katiwala nina Don Renante at Donya Ester dito sa loob ng hacienda, sila ang iyong lolo at lola. Ipinanganak ako ng walang kinikilalang ama dahil nag hiwalay daw ang aking mga magulang noong ako ay sanggol pa lamang kaya't ang aking ina ang siyang nag taguyod sa akin mula noong ako ay musmos pa lamang. Maganda ang pakikitungo sa amin nina Donya Ester at Don Renante. Binigyan kami ng sarili silid dito sa mansyon at lupain na maaari naming pag sakahan kaya naman malaki ang utang na loob namin sa iyong lolo at lola.
Busog ako sa pangaral at pag mamahal ng aking ina, lagi nya akong tinuturuan mag basa at sumulat kaya't kahit papaano ay hindi ako lumaking mangmang at walang alam. Lahat ng magagandang bagay sa mundo ay itunuro nya sa akin, kaya't masasabi kong maswerte ako. "Makinig kang mabuti Pelly, lahat ng mga lupain dito sa loob ng hacienda ay maaari mong bisitahin at puntahan maliban lamang sa kakahuyan doon sa kabila ng mga bakod. Huwag na huwag kang mag tutungo doon dahil kumukuha sila ng mga batang malilikot makukulit kagaya mo." ito ang madalas sabihin ng aking ina sa tuwing ako ay mag papa alam mag laro at mamasyal kasama ng aking mga kaibigan.
Sa pag lipas ng taon, sumapit ang aking ika 12 kaarawan. Sa pag kakataong ito ay hindi na ako nagagawa pang takutin ng aking ina tungkol sa hiwaga ng kakahuyan kaya't noong mga sandaling iyon ay natala ang pinaka malaking pag kakamali ng aking buhay at iyon ay ang suwayin ang aking ina. Dahil sa kami ay mga "teenager" ang aking mga kaibigan ay nag pasyang mag tungo sa loob ng kakahuyan upang mag katuwaan. Walang humpay na tawanan at harutan ang aming ginawa habang papasok ng naturang kakahuyan. Lima kaming mag kakaibigang sumubok na patunayan sa aming mga sarili kung totoo ba ang haka haka tungkol dito kaya't habang mataas pa ang araw ay nag tungo na kami sa loob nito.
Maliit lamang ang kakahuyan, ngunit habang tumatagal ay lumalawak ito at tila nawawalan ng hangganan. Ang mainit na paligid ay tila nag yeyelo at ang hangin ay umiiyak na tila nag sasabi na kami ay lumisan na sa lugar na iyon. Hanggang makalipas ang ilang oras ng pag lalakad, tuluyan nang nabago ang lokasyon at direksyon ng mga daan. Ang aming mga pala tandaan ay nawala at ang lahat sa aming paligid ay hindi na pamilyar katulad noong kami ay dumaan dito. Ibayong takot ang lumukob sa aming mga sarili kaya naman lahat kami ay nag sisigaw at nag panic. Takbo dito, takbo doon ang aming ginawa hanggang sa balutin kami ng makapal na hamog at tuluyang mag kahiwa hiwalay.
Wala nang makita sa paligid maliban sa makapal na usok. Dumilim na rin ito at tila nawalan na ako ng pag asang maka labas pa. Nag patuloy ako sa pag takbo, walang direksyon at walang patutunguhan. Daig ko pa ang naengkanto dahil tila paikot ikot lamang ako sa isang maliit na lugar.
Takot na takot ako..
Lalong nag ibayo ang kilabot ang kilabot sa aking katawan noong marinig ko ang sigaw ng aking mga kaibigan, umiiyak sila at nag mamaka awang huwag silang papatayin. Hanggang ngayon ay naririnig ko pa rin ang kanilang sigaw na tila ginigilitan ng buhay o kaya ay winawasak ng kung anong bagay ang kanilang mga katawan. Nakaka kilabot at nakaka sindak na pangyayari iyon dahilan para hindi na ako makalakad pa. Tila nawalan ng lakas ang aking tuhod dahil sa matinding takot kaya naman sumiksik na lamang ako sa ilalim ng isang puno at doon ay nanalungko. Abot ang aking dasal na sana ay mailigtas ang aking buhay. Hindi ko tuloy maiwasang mapa luha dahil nagawa kong suwayin ang aking ina. Ako na yata ang pinaka masamang anak dahil sa hindi pag sunod sa aking magulang..
tahimik
Patuloy ako sa pag tangis hanggang sa maramdaman ko nalang na mayroon lalaking lumapit sa akin at inabot nito ang aking kamay. Hindi na ako nag tanong dahil banayad at mabuti ang aura ng taong iyon kaya't tumakbo ako habang naka kapit sa kanyang braso. Walang kibuan, at nag paubaya na lamang ako sa kanya. Bahala na.. ang mahalaga ay makalabas ako ng buhay at ligtas. At makalipas ang halos ilang minutong pag takbo, narating namin ang bungad ng kakahuyan at doon ay sinalubong ako ng mga tao sa hacienda. Lahat sila ay natutuwa dahil nakabalik ako ng ligtas. Sa aming mag kakaibigan ay ako lamang daw ang nakabalik makalipas ang halos labing limang araw ng aming pag kawala.
"Labing limang araw?!" ang tanong ko sa aking sarili, pakiramdam ko ay wala pa kaming 5 oras sa loob ng kakahuyan. Ganoon na kami katagal nawala at ang nakakalungkot na pangyayari ay hindi ko na aabutan pa ang aking ina dahil nag pumilit daw itong hanapin ako sa loob ng kakahuyan kasama ang iba pang magulang ng aking mga kaibigan at lahat sila ay hindi na rin nakalabas pa. Halos mamatay ako sa kaiiyak noong mga oras na iyon. Hindi ako makapaniwala na wala na ang aking pinaka mamahal na ina at iyon ay kasalanan kong lahat. Kasalanan ko kung namatay si Inay! Ako ang pumatay sa kanya." ito ang salaysay ni Manang Pelly at doon ay hindi na nito napigil pa ang kanyang pag luha. "Hanggang ngayon ay inuusig pa rin ako ng aking konsensya at gabi gabi kong napapanaginipan ang aking ina. Hindi ko pa rin mapatawad ang aking sarili." patuloy na pag iyak ng matanda kaya wala akong nagawa kundi yakapin ito.
Ilang minuto ko rin itong niyakap hanggang sa humupa na ang kanyang pag iyak kaya naman nagkaroon na ako ng pag kakataon upang mag tanong sa kanya. "Manang Pelly, nasaan na ang lalaking tumulong sa iyo upang makalabas ng kakahuyan 50 years na ang nakalilipas?"
Ipinag patuloy ni Manang Pelly ang pag papahid ng panyo sa mukha bago tuluyang sumagot ito. "Siya ang nag ligtas sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay at sinamahan ako sa pag takbo palabas ng kakahuyan. Noong kami ay makarating sa bungad nito, binitiwan nya ang aking kamay at ngumiti sa akin. Hanggang ngayon ay naalala ko pa din ang kanyang anyo. Matangkad, maganda ang mata, at nakaka akit ang kanyang ngiti. Trese anyos pa lamang ako noon ngunit hindi ko maipag kakaila na siya na ang pinaka magandang lalaking nakita ko sa aking buong buhay." ang wika ni Manang Pelly habang inaalala ang kanyang nakaraan ngunit maya maya ay bigla ring tumahimik ito at napatingin sa akin ng seryoso. "Tandang tanda ko ang kanyang mukha at kahit na kailan ay hinding hindi ko ito malilimot.. Ang lalaking tumulong sa aking limampung taon na ang nakalilipas at ang lalaking kasama mo noong isang araw sa kakahuyan ay iisa...Naka kikilabot dahil hindi man lamang nag bago ang kanyang anyo." ang saad ni Manang Pelly at doon ay binalot ng kilabot ang aking buong katawan.
"Si Seth?" Tila isang malakas na bomba ang sumabog sa aking harapan. Ako ay labis na nabigla at kasabay nito ang pag tulo ang malamig na pawis sa aking noo. Labis akong nagulantang sa aking narinig at doon ay unti unting nanikip ang aking dibdib kasabay nito ang pag dilim ang aking paligid...
Naramdaman ko na lamang na marahang nabuwal ang aking katawan at tumama ang aking ulo sa sahig...
wala na akong natandaan pa.
itutuloy..