Chapter- 1
"Hindi porke’t gusto ka ng kapatid ko ay maari nang maging tayo! Hindi ikaw ang babaeng pinangarap ko. Tandaan mo ‘yan!"
Masakit ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng binata, pero nanatili siyang nakikinig. Kahit nasasaktan siya sa sinasabi nito ay dapat niyang tiisin.
"Hindi ka ba nakakaintindi o sadyang bobo ka lang? Tsk! Maganda ka, yes. Pero iyon lang ang katangiang mayroon ka. Hindi iyan sapat para magustuhan kita! Now, can you please get out of my way?"
Napaatras ang dalaga at hinayaang talikuran siya ng binata. Luhaang sinundan na lang niya ng tanaw ang palayong lalaki.
"Hoy! Ayos ka lang ba? Anong nangyari sa’yo? Bakit ka tulala at umiiyak? Sinong umaway sa’yo?"
"W-wala. Okay lang ako. Sige, mauuna na ako sa ‘yo." Pilit ang ngiti na iniwanan niya ang iiling-iling na kaibigan.
Pagdating sa floor niya ay agad siyang dumiretso sa rest room. Doon niya pinakawalan ang impit na pag-iyak. Sobrang sakit at parang sasabog ang kanyang puso. Halos sampung minuto siya sa loob niyon at nang mahimasmasan ay naghilamos. Inayos niya ang kanyang sarili, saka bumalik sa cubicle at ipinagpatuloy ang trabaho.
Nang sumapit ang uwian ay inayos niya ang mga papel sa ibabaw ng kanyang desk. Marahang hinila niya pababa ng tumaas niyang mini-skirt uniform, ganoon din ang mahaba niyang buhok.
Isa sa mga assets niya ang buhok na kasing-itim ng gabi. Maingat na itinali niya iyon, kinuha ang kanyang bag, at tuluyang umalis. Nakatungo ang dalaga habang hinihintay ang pagbukas ng elevator. Hindi niya napansin ang matangkad na lalaking nakatayo sa may likuran niya.
Nang bumukas ang elevator ay aktong sasakay na siya nang bigla siyang matigilan. "Sumakay ka sa ibang elevator. Ayokong may ibang tao sa paligid ko."
Napaatras siya sa lamig at may diing boses ng kaniyang boss. Gumilid na lang muna siya at hinintay na magsara ang pinto ng elevator. Nang masigurong nasa ibabang palapag na ang binata ay saka niya pinindot ang buton. Ilan pang minuto ang hinintay niya bago bumukas muli ang pintong bakal. Mag-isa na lang siya kaya agad na sumakay siya at pinindot ang basement kung saan naka-park ang kanyang kotse.
Nasa kahabaan na siya ng highway nang tumunog ang kanyang phone. Sinilip niya iyon at isang message ang pumasok doon. Hindi muna niya iyon binasa at ipinagpatuloy ang pagmamaneho. Mayamaya pa ay nag-ring na naman ang phone. Napilitan siyang sagutin iyon at halos matulig siya sa malakas na boses ng nasa kabilang linya.
"What the f*ck?! Bakit hindi mo sinasagot ang text messages ko?!" malakas na sigaw ng nasa kabilang linya. Nabosesan naman niya agad ang kausap.
"P-pasensya na po, sir. Nagmamaneho po kasi ako."
"Kung hindi mo kayang gampanan ang trabaho mo ay mag-resign ka na!" matigas na pahayag ng kanyang kausap.
"S-sir, s-sorry..."
Dial tone na lang ang narinig niya.
Hindi siya halos nakakain sa opisina. Nawalan kasi siya ng gana dahil sa sunod-sunod na pangbubulyaw ng boss niya. Hindi niya na matiis ang pamamahiya ng kaniyang boss kaya pumasok na lang siya sa banyo nang marating ang bahay niya. Mabilis siyang nag-shower, saka humiga at sinikap na matulog.
Halos madaling-araw na siya dinalaw ng antok dahil sa kakaisip. Nalilito siya kung ipagpapatuloy pa ba niya ang pagtatrabaho sa Montemayor company.
Kinabukasan ay napabalikwas siya ng bangon. Nasilaw sa liwanag na nagmumula sa lace curtain ng bintana.
"Oh, God!” Wala na siyang oras kaya agad na tumalon siya mula sa kama at mabilis na nag-shower. Isinuot niya ang kanyang uniform at sa kotse na siya nagsuklay. Nasa stoplight na siya nang mag-red lights. Agad siyang nagpreno, dinukot ang suklay mula sa kanyang bag, at mabilis na pinasadahan ng suklay ang mahabang buhok.
Agad na pinatakbo niya ang kotse nang mag-green light. Panay ang tingin niya sa orasan. Alanganin na siya sa oras. Mas malamang na hindi siya umabot sa schedule niya. Muntik na siyang mapasubsob nang bigla niyang sipain ang break. Isang humahagibis na sasakyan ang humaging sa gilid ng sasakyan niya. Eksakto namang nag-red light kaya kinailangan niyang ihinto ang sasakyan.
Hinagilap niya ang face powder mula sa kaniyang bag, saka mabilis na nagpahid ng manipis sa pisngi. Nagpahid din siya ng lip gloss. Isang busina ang nagpaangat ng mukha niya at mabilis na pinasibad niya ang kaniyang sasakyan para makarating agad sa trabaho.
Na-late siya ng five minutes kaya pagkaupong-pagkaupo niya ay ipinatawag siya agad sa opisina ng kaniyang boss. Kabado na naman siya. Alam niya kasing sermon na naman ang aabutin niya mula sa binata.
Nakatikwas ang nguso ng secretary ng boss niya pagkakita sa kaniya. "You’re late again. Kasalanan mo kaya nadadamay kami sa init ng ulo ni Boss!"
Napapahiyang napatungo na lang siya ng ulo. "Sorry."
"Pumasok ka na at kanina pa sumasabog sa galit si Boss."
Marahang itinulak ng dalaga ang glass door at malalaki ang mga hakbang na lumapit sa desk ng kanilang amo.
"What time is it, Ms. Lupez?" malakas na sigaw nito na muntik na niyang ikatalon.
"I'm so—"
"Sorry again?" pagputol nito sa paghingi sana niya ng sorry.
"I don't need you in my company! Now bring all your things, and get out!"
Natigagal ang dalaga sa sinabi ng boss niya kaya hindi siya agad nakahuma. Naramdaman na lang ng dalaga ang mahigpit na paghawak nito sa isang braso niya nang kaladkarin siya nito palabas. Isang malakas na tulak ang ikinawala niya ng panimbang kaya napasubsob siya sa makintab na tiles. "Idiot!"
Hindi napansin ng dalaga ang malaking sugat sa noo niya kaya nagmamadali siyang tumayo. Hinagilap niya ang kaniyang mga gamit, saka patakbong umalis ng lugar. Halos habulin siya ng tingin ng mga kapwa niya empleyado. Maraming nakakapansin sa kaniya dahil sa malakas na pagdaloy ng dugo mula sa kanyang noo. Ang akala niya ay luha ang umaagos sa sarili niyang mukha kaya panay ang punas niya rito gamit ang likod ng kanyang palad. Hindi na pinansin ng dalaga ang pagtawag sa kaniya ng gwardya nang madaanan niya ito. Agad na tumakbo siya palapit sa nakaparada niyang kotse at saka sumakay.
Nang makaupo na sa driver seat ay saka lang niya napansin ang dugong dumadaloy mula sa kanyang noo. Umabot na iyon sa uniform niya. Inabot niya ang tissue, saka pinunasan ang duguang mukha pero ayaw tumigil. Hinayaan na lang niya muna iyon at pinaharurot ang kotse pauwi sa kanyang condo unit.
Pagkapasok sa loob ng bahay ay tumuloy siya sa banyo. Naghubad siya saka pinilit na mag-shower. Naghilamos din siya at nang matapos ay saka kinuha ang first aid kit. Nilagyan niya ng alcohol ang bulak. Tiniis niya ang sakit habang nililinis ang kaniyang noo. Mabuti na lang at nasa malapit na sa buhok ang sugat. Kung nagkataon ay magkakaroon siya ng malalim na pilat sa noo.
Nang malagyan niya ng gamot ang kaniyang sugat ay inabot niya ang kaniyang phone. She dialed a number.
"Book me a flight ticket as soon as possible." Agad na ibinaba niya ang phone. Hinagilap niya ang kanyang malaking maleta at binuksan iyon. Pumunta siya sa closet at pumili ng mga damit na pwede niyang magamit sa pupuntahan. Isang maleta at isang hand-carry lang ang kanyang dadalhin. Doon na lang siya bibili ng iba pang gamit.
Habang nag-iimpake ay panay ang agos ng luha niya. Ngayon niya nare-realize ang kaniyang kawawang sitwasyon.
I'm sorry, but I am leaving, Mommy. Akala ko, kaya ko pang tiisin ang lahat ng sakit. Pero, hindi ko na kaya. I love him so much, pero masyado na akong nasasaktan. Aalis ako dahil kaya ko pa. Hangga’t may natitira pa akong kaunting respeto para sa sarili ko.
Nag-sent siya ng resignation letter sa Montemayor Company effective this day. Ilang minuto pa at lumabas na siya ng condo unit habang hila-hila ang kanyang maleta at hand-carry bag. Minsan pa niyang nilingon ang loob ng bahay bago ikandado. Malalaki ang mga hakbang niya nang bumaba sa basement kung saan nakaparada ang kotse niya.
Ilang sandali pa, bago pumasok upang mag-check-in ay pinakiusapan niya ang kaibigan niya upang kunin ang kanyang kotse sa parking lot ng airport.
Suot niya ang malaking shades habang nakapila sa check-in counter. Mayamaya’y narinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan.
"Ms. Lupez, pakialis po ang shades ninyo."
Agad naman siyang tumalima at agad din ibinalik iyon. Dumiretso siya sa boarding-waiting area. Hindi nagtagal ay nakahinga siya nang maluwag. Umangat na kasi ang eroplanong sinasakyan niya. Pakiramdam niya ay totally free na siya.
SAMANTALA, malakas ang bulungan ng mga empleyado sa buong department lalo na sa canteen.
"Poor Yza! Malaki siguro ang sugat sa noo niyon. Ang daming dugo."
"Ano ba ang nangyari? Ang sabi ay kinaladkad daw ni Big Boss palabas, eh."
"Napalakas ang tulak ni Boss kaya tumama kung saan ang ulo."
"Napaka-violent naman pala ang boss natin. Nakakatakot."
"Psh! Enough, baka makarating iyan sa head office at madamay pa tayo."
Pasimpleng tumayo ang isang babae at lumabas ng canteen nang may devil smile. Ambisyosa! Tama lang sayo ang ginawa ni Boss. B*tch!
"What the hell are you doing Charles? I can't imagine na kaya mong manakit ng isang babae!" galit na tanong ng ama nitong si Dave. "Una, hindi ako makapaniwala sa usap-usapan! Pero nang makita ko ang CCTV... Tsk! Son, sana hindi mo pagsisihan ang mga ginawa mo pagdating ng araw."
Nakaalis na ang ama ay hindi pa rin makapagtrabaho si Charles. Naguguluhan siya sa mga nangyari. Masyado siyang nagalit kahapon at hindi niya napigilan ang sarili. Inangat niya ang intercom. "Come here!" tawag niya sa kaniyang secretary. "Pakidala rito ang dokumento ni Ms. Lupez!"
Sasagot pa sana ang secretary niya pero nawala na sa linya ang kaniyang amo. Dala ang bagong print na resignation letter ni Ma. Yzabelle Lupez, pati ang complete information ng dalaga, ay pumasok ng opisina ang sekretarya at iniabot ang mga dokumento sa amo nito.
Pinasadahan ni Charles ang laman ng folder.
Name: Ma. Yzabelle Lupez
Age: 27 years old
School: Harvard University
Degree: Political Science – Summa c*m laude
School degree: San Beda College of Law— Magna c*m laude
Napasandal si Charles sa upuan. Nanliit siya sa background ng dalaga. Binalingan niya ang secretary. "Go and do not disturb me.”
"Sir, here’s her resignation."
Napamaang siya bago inabot ang papel. Paulit-ulit niyang binabasa ang resignation. Hindi siya makapaniwala na wala na sa company nila ang dalaga. Wala sa sariling lumabas siya ng opisina. Parang hindi siya makahinga sa loob ng company. Kailangan niya munang lumabas at sumagap ng hangin.
Gusto niyang matawa sa sarili. Ang yabang niya kapag minumura at iniinsulto ang dalaga, samantalang wala pala siya ni sa kalingkingan ng katalinuhan nito. Nagkataon lang na pamilya ng mga bilyonaryo ang pinaggalingan niya pero kung tutuusin ay parang ordinaryo lang siya. Nanliliit siya kapag naalala niya ang mga pinagsasabi, pananakit, at pang-iinsulto sa walang kalaban-labang babae.
Napailing siya sa sarili. Kung tutuusin ay kayang-kaya siyang sampahan ng kaso nito at ipakulong. Sa halip ay nanahimik ang dalaga at minabuting umalis ng company nila.
Sumakay siya ng kotse at nag-drive. Hindi niya namalayan na nasa harap na pala siya ng condo ng dalaga. Kahit sa sarili ay hindi niya alam kung anong ginagawa niya sa lugar na iyon. Pero wala siyang lakas para tutulan ang sariling mga paa. Kusang humakbang ang mga iyon patungo sa floor ng condo unit ni Yza.
Ilang beses siyang nag-doorbell pero walang nagbukas ng pinto. Minabuti na lang niyang umalis.
"Si Ms. Ganda po ba ang hanap ninyo, sir?"
"Yeah," agad na sagot ni Charles.
"Naku! Maaga pong umalis. May dalang mga gamit. Mukhang out of country ang gagawin. May iniwan nga po ritong card. Ipinabibigay niya po sa owner ng room na ‘yan."
"Oh, salamat. Pakibigay na lang ho sa akin, dahil ako po ang anak ng may-ari nito."
Agad namang iniabot ng may edad na babae ang card key matapos makausap ang manager ng buong building.
Bumalik si Charles sa condo ni Yza at ginamit ang card key. Malinis ang loob na parang walang nakatira maliban sa ilang paintings na nakasabit sa dingding. Dalawang room ang nakita niya kaya nilapitan niya iyon at itinulak ang pinto. Isang queen-size bed at katamtamang closet ang bumungad sa kaniya. Nilapitan niya iyon at binuksan. Maraming damit na iniwan doon. Siguro ay hindi naman magtatagal ang dalaga at babalik din.
Napansin niya ang nakatuping papel sa bedside table. Dinampot niya iyon at binasa.
She's not coming back, naisip niya. Isa pala iyong liham na nagbibigay ng permission na itapon na lahat ng gamit na nasa loob ng damitan. Wala sa sariling napaupo siya sa gilid ng kama. Kusang gumalaw ang mga kamay niya para haplusin ang ibabaw ng higaan pati na ang unan ng dalaga.
Nakaramdam siya ng pamimigat ng ulo kaya sumandal muna siya sa headboard ng kama at pumikit sandali. Naalipungatan si Charles nang makaramdam ng lamig. Agad na hinagilap niya ang kumot. Niyakap din niya ang isang unan at agad ding bumalik sa pagtulog.
Tunog ng alarm clock ang gumising sa kaniya.
Huh? kailan pa ako nagkaroon ng alarm clock? Napilitan siyang imulat ang mga mata at abutin ang maingay na aparato. Pinatay niya iyon dahil pakiramdam niya ay kulang pa siya sa tulog.
Bigla ang balik ng reyalidad sa kaniya at napabangon siya. Nilibot niya ang paningin sa paligid at saka lang bumalik sa tama ang kaniyang isipan.
Wala sa loob na dinampot ang unan at inamoy iyon. Nalanghap pa niya mula roon pabangong laging ginagamit ng dalaga. Feeling relax si Charles. Pagkatapos niyon ay agad siyang tumayo at nagmamadaling sinara ulit ang bedroom.
Dinampot niya ang card key at mabilis na lumabas ng condo.
He decided to keep her condo, hindi niya hahayaan na may ibang gumamit niyon. Instead, siya ang matutulog doon kapag gusto niyang mag-isa, para walang iistorbo sa kaniya.