Victoria
Napahalukipkip ako sa kumot nang marinig ko ang sigaw ni mama. Uutusan niya na naman ako at pagsasabihan na tumigil na sa pag-aaral ng kolehiyo.
"Ria! Isang beses pa kitang tawagin ay malilintikan ka na!" sigaw niya dahilan upang mapalundag ako mula sa aking kinahihigaan at agad na nagtungo kung nasaan siya.
"Ma," tawag ko nang malapit na ako sa kan'yang harapan.
"Hindi ka pa talaga lalabas kung hindi pa ako sisigaw?" galit niyang saad dahilan upang mapayuko na lamang ako ng aking ulo.
"Sorry ma, napagod lang po kasi ako sa trabaho," wika ko at totoo 'yon dahil buong araw akong nagtrabaho at paroo't parito sa bahay upang pagsilbihan sila at 'di ko nga mawari kung bakit ang iba kong mga kapatid ayaw niyang pagtrabahuin samantalang ako ay parang kayod kalabaw na.
Mapaklang napatawa si mama at nagwika, "Pagod? Nagrarason ka pa ha! Hala sige magsaing ka na at magsimula ka ng magtrabaho at 'wag kang aalis 'pag hindi ka pa tapos!" Padabog niyang utos na halos ikanganga ko dahil hindi 'yon pwede at kahit siya ay alam iyon at nakailang paalam na rin siya.
"Pero ma, exam namin ngayon-" agad kong sumbat ngunit naputol ito nang harapin niya ulit ako at singhalan.
"Pakialam ko sa exam na 'yan? At sinong nagsabi sa iyo na mag-aaral ka pa? Titigil ka na kaya 'wag ka ng mag-ilusyon pang makakapagtapos ka ng pag-aaral mo," singhal niya na halos dilat na dilat ang kan'yang mga mata at dinuro-duro ako.
"Pero ma-" saad ko ngunit dinuro niya lamang ako ng kanyang hintuturo.
"Bilisan mo riyan at pagkatapos mo ay mag-ayos ka ng sarili mo at may mga bisita tayo mamaya-maya. Linisin mong mabuti itong bahay. Hala bilis at mga alas-onse ay nandirito na sila," sigaw niya at hindi ko na namalayan na kusa na palang tumutulo ang mga luha sa aking mga mata na kanina pa nagbabadyang kumawala.
"Sa mundong ito walang maitutulong ang pag-iyak mo Victoria at ngayon mag-iiba ang mundo mo," wika niya bago niya isinirado ang pinto at iniwan akong nag-iisa.
Hindi ko rin alam kung bakit ba hindi pa ako nasasanay sa ganitong komosyon sa bahay na ito. Minsan nararamdaman kong iba akong tao sa bahay na ito na para bang hindi nila ako kaano-ano ngunit noong nabubuhay pa si papa ay hindi naman ako iba sa kanila. Siya nga ang lagi kong kasangga sa tuwing binubungangaan ako ni mama at inaaway naman ng aking mga kapatid na lakas makapag-asar ngunit hindi ko naman iyon ininda dahil kapatid ko sila. Walang araw na hindi ko namimiss si papa at minsan napapaisip ako kung bakit agad siyang kinuha sa amin . . . sa akin dahil siya lang ang taong ramdam ko na anak niya ako. Lagi siyang may dalang pasalubong sa aming lahat ngunit ang sa akin ang pinaka-espesyal ngunit patagao niya itong ibinibigay sa akin dahil ayaw niyang mainggit ang mga kapatid ko sa akin at wala ring kaalam-alam si mama noon at ngayon ay halos isumpa ako nila mama at mga kapatid ko sa bahay na ito.
Agad akong nagluto at naghugas ng mga pinggan na naiwan. Habang naglilinis ako at pinupunasan ang mga muwebles ay kumakain na rin ako kahit paunti-unti dahil hindi ko talaga maasisikaso ang pagkain ko dahil sa samo't-saring mga gawain na lagi kong ginagawa araw-araw at kungi hindi ako kakakin ay malilipasan talaga ako ng gutom at magkakasakit at ayaw ko iyong mangyari.
Ayaw kasi ni mama na hindi pa malinis ang bahay 'pag bumalik siya at ayaw ko na ring makatikim sa kanya.
Patapos na akong maglinis nang maalala ko na exam pala namin ngayon at panigurado ay nag-text na si Emarie sa akin.
Agad akong pumanhik sa kwarto ko at binuksan ang mga messages sa cellphone ko at iisa lamang ang sender no'n at iyon ay walang iba kung hindi si Emarie.
'Sis nasaan ka na ba? Late ka na alam mo naman na may exam tayo diba?'
'Sis nasan ka na?'
'Sumagot ka naman.'
'Parating na prof natin.'
Pagkabasa ng pagkabasa ko ng huling mensahe niya ay nawala na ako ng pag-asa na makapagtapos talaga. Isang mainit na luha ang kumawala sa aking mga mata dahilan upang punasan ko ito gamit ang likod ng aking kamay sabay singhot sa sipon na siya na namang namumuo ngayon sa aking ilong.
Sorry Emarie ngayon ko lang nabasa ang text mo. Papasok na sana ako kung hindi lang ako pinigilan ni Mama. Pinapatigil na niya ako sa pag-aaral Em. Ayaw ko man na tumigil pero wala akong magagawa Em.
Napaluha ako habang nagta-type ng text message para kay Emarie ngunit agad ko ring pinunasan dahil ayokong maging mapula ang kaing mga mata mamaya at makita pa ito ni mama. Tandang-tanda ko rin ang sinabi sa kain ni papa noon na huwag akong panghinaan ng loob kkahit na wala na siya sa aking tabi at sa kahit na anong mangyari lagi ko raw tatandaan na ang lahat ng nangyayari at mangyayari sa akin ay may mga rason. Ngunit 'di ko pa rin mapigilang di mapaisip kung anong mga rason iyon dahil tila durog na durog na ako ngayon at 'di ko alam kung kakayanin ko pa.
Napatingin ako sa orasan at muntik na akong matapilok sa paglalakad dahil ibabalik ko na sana ang cellphone ko sa aking drawer nang malaman kong malapit ng mag alas onse at hindi pa ako nakakapag-ayos ng aking sarili. Hindi ko rin mawari kung bakit walang tao sa bahay at kanina pa kasi ako naglilinis ng mapayapa dahil walang nag-uutos sa akin na kumuha ng tubig, iabot ang remote, at mag-igib ng tubig sa poso.
Agad akong naligo at nagsuot ng disenting damit, wala naman talaga akong maraming damit pero meron akong isang magandang bestida na nakakahon at may pangalan ko at iyon ay regalo sa akin ni papa na siyang tinatago-tago ko at pati kahom ay hindi ko niyuyupi dahil sulat kamay iyon ni papa.
Napagdesisyonan ko na iyon na lamang ang susuotin ko kung sino man ang darating na bisita.