“Britzstone" Tawag ni Ate Joyce, lumapit ako sa kanya subalit kanya na naman ako kinagalitan.
Ginulo niya ang buhok ko habang nakatawa at sinabi niya. “Ang dumi mo naman" Sabi pa niya.
“Ate, natural lang naman sa batang tulad ko ang maging marumi. Syempre naglalaro ako, Parang hindi ka naman dumaan sa edad ko na ganito." Biro kong sinabi kay Ate Joyce.
“Puro ka kalokohan, halika na nga ng mapunasan na kita."
“Ate Joyce, malaki na ako." Sagot ko sa sinabi niya.
Pupunasan, parang bata talaga at baby ang turing niya sa akin. Pero wala akong nagawa ng kanya akong hilahin papuntang banyo at duon ay mabilis na pinagkukukuskos ang marumi kong likod at buo kong katawan.
“Nagpagulong-gulong ka na naman duon sa may talahiban. Ano ba yan, ang daming dumi." Bubulong-bulong niya na sinabi habang panay ang kanyang hagod ng panghilod sa aking likod at mga bahagi ng aking katawan.
“Ate, kaya ko naman maligo mag-isa. Hindi mo na kaylangan na ako ay paliguan. Mamaya may makakita pa, ano ang isipin sa ating dalawa." Tumatawa kong sinabi sa aking mapagmahal na Ate Joyce.
“Huwag ka ng magreklamo, ikaw nga hindi mo magawang paliguan ng mabuti ang katawan mo. Kita mo nga, andaming dumi, banel mo dikit-dikit. Kadiri!" Maarte pang sinabi ni Ate Joyce habang kuskos ng kuskos sa balat ko.
“Ikaw talaga Ate Joyce, kadalagang tao mo kung makakilos ka para kang matanda at may anak na madalas pinagagalitan." Muli ay biro ko sa kanya matapos niya akong hiluran at sermunan.
Naghahanda naman siya ng aming hapunan. Kararating lang ni Ate Joyce mula sa kanyang pinapasukan na trabaho, habang siya'y pumapasok sa kanyang eskwelahan. “Ate Joyce, hindi ka ba napapagod sa pag-aaral, tapos pumapasok ka pa sa trabaho at pagdating mo naman ng bahay, ako naman ang iyong inaasikaso? Hindi ba nakakapagod sa araw-araw na ganon ang takbo ng buhay mo?" Tanong ko na sabi sa kanya habang kumakanta-kanta pa siya, sinasabayan naman niya ng pagkanta ang pagbaligtad ng itlog.
“Bakit ako mapapagod? nandiyan ka naman, pang-alis ng pagod ko." Si Ate Joyce naman ang siyang nagbiro.
“Hindi mo ba alam, sa buong maghapon ko, hindi ako nakararamdam ng pagod dahil sa pag-uwi ko naman pinasasakit mo ang ulo ko!" Muli na naman biro ni Ate Joyce. “Pero, Joke lang yon. Ikaw ata ang pumapawi sa lahat ng pagod ni Ate sa lahat ng pinagdadaanan ko sa buong maghapon." Sabi pa niya at niyakap niya ako at hinalikan.
“Ate Joyce, laway mo." Tumatawa na sinabi ko sa kanya. Tapos sinabi ni Ate Joyce na mag-aral lang akong mabuti ng makabawi sa lahat ng kanyang pagod at sakripisyo para maitaguyod niya lang ang aking pag-aaral at pang-araw-araw naming pamumuhay.
“Ate Joyce!” Tawag ko sa kanya ng maalala ko ang pangako niya.
“Bakit?" nang lumingon si Ate Joyce.
“Kelan pala tayo magpi-picnic duon sa Riverside?" Tanong at excited ko na binanggit ulit sa kanya.
Pangako niya iyon na magpi-picnic kami ruon, sabi niya. “Sa susunod na lingo nalang."
Yes! Tumatalon-talon pa ako sa tuwa sa sinagot ni Ate Joyce. Sa susunod na linggo magpi-picnic kaming dalawa. “Kaya mag-aral kang mabuti." Pahabol na sinabi at bilin ni Ate Joyce at niyakap muli ako.
“Ou naman, Ate Joyce. Nag-aaral ata akong mabuti para sa kinabukasan nating dalawa. Saka para naman pagdumating ang araw na yon, matulungan naman kita ng hindi lang ikaw ang puro trabaho ng trabaho sa ating dalawa." Sinabi ko kay Ate Joyce na may pagmamayabang at kasiguraduhan na gagawin ko yon at tutuparin ko.
“Kaya naman, Ate Joyce, mag-asawa ka nalang kaya ng mayamang lalake ng hindi ka na magtatrabaho at puro sa bahay ka nalang?" tumatawa ko pang sinabi kay Ate Joyce ng biniro ko siya.
“Napaka-bata mo pa, kung ano-ano na ang iyong alam. Anong mag-asawa ng mayaman ang pinagsasabi mo? Buti sana kung may lalakeng mayaman, gwapo at maraming pera ang papatol sa Ate mong mahirap." Balik na biro ni Ate sa sinabi ko.
“Bakit, hindi naman masama. Anong malay natin, isang araw makatagpo ka ng gwapo, mayaman at maraming perang lalake. Buhay reyna ka na non Ate! Tapos ako kukunin mo nalang at isasama sa napakalaki niyong bahay.” Malakas na pagkakasabi ko at iniimagine ko pa.
“Oh siya, magpahinga ka na muna at pagmatapos ako rito, kakain na tayong dalawa. At kung mangyari man iyang sinasabi mo. Ako na siguro ang maswerte na babae at ikaw ang maswerte na kapatid ko. Parehas na tayo aalis sa maliit at makitid na bahay na 'toh." Sinabi ni Ate Joyce at saka nagpatuloy sa pagluluto.
Nang matapos nga siyang magluto ay kumain na rin kami.
“Grabe, kahit puro itlog ang ulam nating dalawa, pakiramdam ko iba't-ibang putahe ang nilalaman ng tiyan ko. Salamat, Ate Joyce nabusog na naman ako." Nginitian ako ni Ate habang tinutulungan ko siyang magligpit ng aming pinagkainan.
“Ipagdadasal ko talaga Ate Joyce, kay Papa God. Sana isang araw, makatagpo ka ng lalakeng tulad ng madalas na pinapangarap mo. Gwapo, mayaman at maraming pera. Pero syempre kulang yon, pinakamahalaga Ate Joyce, yung lalakeng mamahalin ka, pagsisilbihan ka at higit sa lahat lagi siyang nasa tabi mo upang suportahan ka sa lahat ng mga bagay na gusto mo." Ngumiti ako kay Ate, habang nakikita ko siyang umiiyak na naman mula sa lahat ng sinabi ko.
“An-drama talaga ng pinakamamahal kong Ate." Sabi ko ulit, naiyak na rin habang niyakap ko siya sa kanyang likuran.
“Ikaw kaya yung sobrang drama. Para tuloy isang araw, iiwanan mo rin ako, tulad ng mga magulang nating dalawa." Tuluyan na ngang umiyak si Ate Joyce.
“Ate, kaylanman hindi kita iiwanan. Pangako yan, lagi lang ako naririto sa likuran mo, susuportahan ka sa lahat ng gusto mo. Biro lang naman iyon. Hindi naman importante sa akin ang makapag-asawa ka ng mayaman. Magsisikap akong mabuti ng sa gayon, maibalik ko sayo lahat ng paghihirap at suporta na binibigay mo sa'kin mula pa nuon ng iwanan tayo nila Mama at Papa.” Ayaw tumigil ng luha ko habang sinasabi ko iyon kay ate Joyce.
“Ako na ata ang pinakamaswerteng bata na mayroong maganda, mabait, maalalaga at higit sa lahat mapagmahal na Ate. Wala na ata akong mahihiling pa kay God at lagi ako magpapasalamat sa kanya na biniyayaan niya ako ng isang tulad mo, Ate Joyce." Hinihigit-higit ko pa ang liquid na tumutulo mula sa aking ilong.
“Ate, tama na nga drama, tutulo na yung uhog ko, maging sayo." tawang-tawa ko na biniro si Ate Joyce.
Inabot ko ang tissue at saka ibinigay sa kanya. “Magpunas ka muna Ate ng iyong uhog." Biniro ko pa muli si Ate, habang kanyang inabot ang ibinibigay kong tissue.
“Britzstone, walang iwanan." Sabi ni Ate Joyce. “Malulungkot si Ate at baka hindi kayanin kung isang araw, iwanan mo rin ako."
“Ate naman, sino bang may sabi sayo na iiwanan kita. Tumigil na tayo sa drama, baka mamaya magkatotoo na." Malalakas ang tawa ko ng sabihin ko iyon.
Sumimangot si Ate Joyce at mukhang hindi niya nagustuhan ang biro ko. Matapos ang gabi na yon, bumilang ako ng mga araw na lumilipas hanggang sumapit ang araw na ipinangako ni Ate Joyce. Isang napakasayang picnic ang aming ginawa.
Nang hiram si Ate Joyce ng camera upang mayroon raw kaming remembrance. Ang saya-saya ko. “Ate, ang sasarap naman ng mga pagkain na dinala mo?" Manghang naitanong ko ng makita ko isa-isang inilabas sa basket ang mga dalang pagkain ni Ate Joyce.
“Syempre, especial na araw ito. Alangan naman na pritong itlog at tuyo ang dadalhin natin rito, baka mapagtawanan pa tayo ng makakakita nuon." Pabulong na sinabi ni Ate ng wala raw makarinig na iba.
“Tama ka, Ate. Halika na kumain na tayong dalawa." Sinabi ko at inabutan na siya ng paper plates na kanyang dala.
“Sobrang sarap, Ate." Masayang bulalas ko habang panay ang kuha ko sa mga pagkain niyang dala.
May dala pa siyang soft drinks at crackers, maging mga kutkutin. “Ate, sana maulit ito." Sinabi ko pa muli.
Nginitian ako ni Ate Joyce at sinabi. “Mag-aral kang mabuti." Palagi naman iyon ang kanyang sinasabi. Pero palagi ko naman itinatatak sa isip ko.
“Kung tapos ka na, magpictures na tayo." Sabi pa ni Ate Joyce ng matapos na pala siyang kumain at panay lang ang kuha nalang ng pictures sa'kin habang kumakain.
Tawa ako ng tawa habang si Ate Joyce panay ang pindot sa camera. Selfie ng selfie kasama ako habang tinatapos ko ang aking kinakain.
“Ate ako naman kukuha sayo diyan sa harap ng river." Tumayo naman siya, saka ko siya kinukuhanan ng litraro.
“One, two, Ate Joyce, smile ka naman." Sigaw ko sabay click pagkasabi ko ng tatlo.
Panay ang kanya post, kahit anong angulo, sige lang ako ng pindot. Panay rin ang kanyang smile, ang ganda talaga ni Ate Joyce. Sumigaw muli ako. “Ate, ibang position naman." Nang matapos ako naman ang kanyang kinunan.
“Britzstone, ikaw naman ang ngumiti." Sigaw ni Ate Joyce. “Ang gwapo talaga ng kapatid ko." Sinabi pa niya ng may pambobola.
“Binobola mo lang ako, Ate Joyce." Sigaw kong tinugon sa mga pambobola niya.
Nang matapos nagpahinga muna kami. “Ate, ang saya ko. Salamat, sobrang pinasaya mo ako ngayon Ate Joyce." Sinabi ko sa kanya habang pinahiga niya ako sa magkabila niyang hita.
“Para sayo, gagawin ni Ate lahat. Maging masaya ka lang, magiging masaya na rin ako." Sinasabi niya habang hinahawi ang mahahaba na buhok na tumatakip sa mukha ko.
“Ate, kukunan ulit kita ng pictures, dali tumayo ka." Pang-aaya ko sa kanya. Pilit ko siyang itinatayo saka pinapwesto sa harapan muli ng river ng biglang dumulas si Ate Joyce.
“Tulong" sumisigaw ako, walang kahit isang makarinig ng dahil sa malayo kami sa ilang mga taong naroroon sa river.
Hindi ko alam ang aking gagawin, wala na akong maisip kungdi ang tumalon sa river at sagipin si Ate Joyce, pilit ko siyang iniaangat sa pangpang ng river, hanggang....
“Ano na?" tanong ni Ate Wilma.
“Hanggang duon nalang, wala na akong maalala pa." Sagot ko sa kanya.
Hanggang duon nalang dahil wala na akong ibang maalala pa na sumunod na nangyari, maliban ruon sa alaalang madalas kong ikwento.