Harper
Assassin name: Raven
Disposition: Veteran
Nagising ako na hindi dinidilat ang aking mga mata pero amoy na amoy ko ang mabangong bulaklak na dinisplay ko kagabi sa aking kwarto. Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata at ang una kong nakita ay ang malinis at puting kisame ng aking kwarto. Nasaan na nga pala ako ngayon? Oo nga at nandito pala ako sa dorm ng punong tanggapan ng OA sa Italy. Simula nang makilala ko si Zhea ay may ibinigay siya sa aking maliit na tarheta kung saan ay nakalagay dito ang pangalan ng kanilang organisasyon. Hinanap ko ang nagngangalang Ms. Thorn at sinabi sa kanya ang aking pakay at kung ano ang kabutihang ginawa sa akin ni Zhea. Simula noong araw na iyon ay para akong ibon na nakawala sa kanyang sariling hawla.
Ayoko na sana pang sumali pa sa anumang organisasyon dahil nakamit ko na ang tinatamasa kong kalayaan. Ngunit ang isang bagay na nagtulak sa akin upang sumali sa grupong ito ay ang mahanap ang aking mga magulang. Naniniwala ako na hindi pa sila patay at alam ko na kung nasaan man sila ay baka hinahanap din nila ako. Kaya naman habang nandito ako ay pagbubutihan ko ang aking trabaho.
Bumangon ako sa aking pagkakahiga pagkatapos ay dumiretso sa banyo upang magsipilyo. Habang tinitignan ko ang aking sarili sa salamin ay nakaramdam ako ng awa sa aking sarili pero nakikita ko rin ang isang babae na nangangailangan ng pagmamahal ng isang pamilya. Pagkatapos kong magsipilyo ay agad akong dumiretso sa ilalim ng dusta at nagsimulang maligo nang maalala ko na may gaganapin nga pa lang inagurasyon sa araw na ito. Ngayon nga pala ang araw na magiging opisyal na akong empleyado ng organisasyon. Pagkatapos kong maligo ay agad akong nagpalit sa isang simpleng red dress dahil semi-formal daw ang kailangang suotin. Tinignan ko ang aking sarili sa malaking salamin na nakadikit sa pader at naglagay ng kunting make-up. Nang maayos na ang aking porma ay lumabas na ako ng aking silid at dumiretso sa maluwang na bulwagan ng OA kung saan gaganapin ang inagurasyon.
“Welcome to the Great Hall of Order of Assassins,” bati sa akin ng isang host sa mismong pinto ng bulwagan.
“Thanks.”
Pagdating ko roon ay namangha ako sa sobrang luwang nito. Pakiramdam ko ay nasa palasyo ako. May lima itong palapag na kung saan ay may mga gwardiyang nagbabantay at ang mga ilaw ay yellow orange na mas lalong nagpaganda sa paligid. Ang buong lugar ay napapalamutian ng mga mamahaling mga kagamitan tulad na lamang ng gold chandelier sa gitna ng hall. Ang sahig ay sobrang kinang na pwede ka nang magsalamin dahil sa sobrang linis. Ang mga pader ay gawa sa marmol at may mga malalaking paintings na naka-hang. Ang hula ko ay maaaring ito ang mga naunang Dominus dahil nakita ko na nakasabit ang painting ng Dominus ngayon. Sa pinakadulo at gitnang bahagi ng bulwagan ay may isang maluwang at malaking entablado. Nakita ko rin na sobrang dami ng mga tao at mukhang galing pa sa iba’t ibang parte ng mundo. Inilibot ko ang aking paningin pero wala akong kilala ni isa sa mga ito. Medyo na-conscious ako bigla kaya nanatili na lang ako sa sulok ng bulwagan habang hinihintay na magsimula ang inagurasyon namin.
Maririnig ang mga nagkwekwentuhan at ang mga nagtatawanang mga tao sa paligid habang tahimik akong nakatayo sa sulok ng mag-isa. Sanay naman na akong mag-isa sa buhay ko simula pagkabata dahil namulat ako agad sa mga kasamaan ng mundo. Naaalala ko pa noon na halos palipat-lipat ako ng bahay para lang makakain ako ng tatlong beses sa isang araw. May mga pagkakataon pa noon na halos matulog na ako sa tabi ng kalsada dahil walang gustong magpatulog sa akin kahit isang gabi lang.
Nang lumalaki na ako at umabot na ako sa labing-limang taong gulang ay may kumuha sa aking mga kalalakihan. Akala ko noon ay ligtas na ako sa gutom at paghihirap dahil sinuotan nila ako ng mga magagarbong damit, pinakain ng mga masasarap na pagkain, pinaayos sa mga mamahaling salon at pinag-aral sa mga matataas na eskwelahan. Pero hindi ko alam na iyon na pala ang simula ng paghihirap sa buhay ko.
Nang naging labing-walong taong gulang ako ay ibinenta ako sa isang kriminal na nagngangalang Knoxx Valmeros. Akala ko ay iba siya sa mga lalaking kumupkop sa akin pero mas malala pa pala siya rito. Pinilit niya akong mag-aral na maging assassin at patayin ang mga taong gusto niyang patayin. Hanggang sa makilala ko si Zhea Sanchez, ang taong nagligtas sa akin mula sa demonyo kong boss. Masaya ako na tinanggap ko ang tulong ni Zhea dahil ngayon ay malaya na ako.
Habang nakatayo ako ay may nag-alok sa akin na waiter ng isang baso ng wine. Alanganin ko pang tinanggap ito pero kinuha ko na lang at nagpasalamat na lang sa kanya. Linasahan ko ito at nasarapan ako sa lasa kaya naman agad ko itong tinungga sa isang inuman lang. Nang maubos ko ito ay muntik kong mabitiwan ang aking hawak na baso nang may lalaking tumabi at kumausap sa akin.
“Oh, I’m sorry. I didn’t mean to startle you.” Tahimik akong napamaang sa lalaking katabi ko ngayon.
Ngayon lang ako nakakita ng ganito kagwapong lalaki. He has curly short blonde hair, blue eyes, cleft chin, thick eyebrows, and a medium refined nose. In short, he’s so perfect. Hindi ko maalis ang aking tingin sa kanya sa angkin niyang kagwapuhan.
“I guess you are new here.” Nanatili akong nakatitig sa kanya. “English? No. Maybe Italian then?” Nagtataka naman ako sa tinatanong niya. “Posso chiederti come ti chiami?” (May I ask what’s your name?)
“What?” tanong ko bigla dahil hindi ko naintindihan ang sinabi niya.
Natawa siya at para akong mahihimatay nang marinig ko ang kanyang tawa.
“English then,” sabi niya. Sabay kaming napatingin sa harapan nang marinig namin na magsisimula na ang inagurasyon. “See you around,” paalam niya at saka naglakad papunta sa entablado.
Nalungkot naman ako bigla pero naiinis din ako sa aking sarili. Mukha akong tangang nakatitig sa kanya at iyon na sana ang pagkakataon ko para makausap ang isang gwapong lalaki ay pinalampas ko pa ito. Hays.
Nagsimula na ang inagurasyon at nakita kong umakyat na ang Dominus sa entablado. She greeted all of us with a smile and welcomed us for becoming a part of this organization. Nagbigay lang siya ng kunting paalala at tinanong kung sigurado na raw ba kami sa aming desisyon na sumali sa OA. Huminga ako ng malalim at hinihiling na sana matapos na ito.
“Before we start the license giving, I would like to introduce you to my two Manus Dextras, Allan and Vincent.” Nagpalakpakan ang mga tao at iyong ibang kababaihan ay nagtitilian nang may dalawang lalaki na tumabi sa Dominus.
“Oh my god,” mahinang sambit ko. Nakita ko na iyong lalaking kumakausap sa akin kanina ay isa sa mga Manus Dextra ng Dominus.
Hindi ko bukod akalain na isa siya sa mga superior ko at nagmukha akong tanga kanina sa kanyang harapan. Looking him from afar he looks like the kind of guy who really can have it all. Kahit malayo siya ay kitang-kita ko ang gwapo niyang mukha na tinitilian ng mga kababaihan.
Maya-maya ay nagsimula na silang mamigay ng mga lisensya. Isa-isa na silang umakyat sa entablado at kapansin-pansin na may mga nagpapa-cute at kinikilig tuwing nakikipagkamay sa dalawang Manus Dextra.
“Harper Cassidy,” tawag sa aking pangalan. Mabilis akong naglakad at agad na tinanggap ang aking lisensya kay Dominus.
“Congratulations, Harper. You are in the Veteran group,” sabi ng Dominus at agad naman akong nagpasalamat sa kanya.
Sunod na nakipag-hand shake ako sa gwapong lalaki at binawi ko agad ang aking kamay nang makaramdam ako ng kakaibang elektrisidad galing sa kanyang mga palad.
“Congratulations, Ms. Cassidy.” Nginitian ko lang siya at dali-dali akong bumaba ng entablado.
Nang nakuha na ng lahat ang kani-kanilang license ay sinabi sa amin na opisyal na nga kaming mga assassins ng OA. Pinagpili na rin kami kung gusto na muna naming magbakasyon bago kami tumanggap ng mga misyon at isabak sa field. Maaari rin na manatili na lang kami rito at mag-umpisa nang tumanggap ng mga trabaho. Naisip ko naman na wala na akong pupuntahan pa dahil wala naman akong mga kaibigan at pamilya na pwede kong puntahan. Kaya naman nakapagdesisyon ako na manatili na rito at magsimula nang tumanggap ng mga misyon. Maaari kasing sa mga misyon na aking mga matanggap ay makita at mahanap ko na ang aking mga magulang.