***
Maganda ang sikat ng araw sa buong unibersidad na napaliligiran ng nagtatayugang puno. Maririnig din ang mga huni ng ibon na walang sawa sa pagpapalit-lipat sa mga sanga. Sa pagkakaalala ni Mia, hindi naman mapuno noon dito sa university nila. Alam niya 'yon dahil mula elementary ay rito na siya nag-aral, ganoon din ang Kuya Timothy niya na lumipat lang ng maisipan nitong pumasok sa Police Academy.
Parang nakapamayapa ng lahat habang naglalakad siya patungo sa kanilang building department. Sinong makakaisip na noong nakaraang araw lang, isang kahindik-hindik na video ang kumalat sa unibersidad. At sa pagkakatanda niya, nangyari na rin 'yon noong nasa highschool siya. Mukhang mas malala lang 'yong video ngayon.
Kahit under investigation pa rin ang website ng Geeks club, maging ang U-tube account nila, malaki ang pagpapasalamat nilang hindi nadamay roon ang website ng Killer Society. Ang kaso, nagdesisyon naman si Francis na mag-lie low at huwag munang tumanggap ng kahit na anong request.
Medyo ‘scaredy cat’ din kasi ang isang ‘yon, eh. Mukha lang asong nangangagat, pero ang totoo ay pusa ito na ni hindi marunong mangalmot.
Kung gaano kabilis kumalat ang video ng apat na babaeng nagpapapak ng mga putol na daliri, ganoon din 'yon kabilis na nawala. Nagkaroon kasi ng memorandum na kung sino man ang makikitaan na mayroong naka-save niyon, automatic mapapaalis sa university.
At ang mismong club nila ang naging in-charge sa pag-trace at pag-track ng kung saan-saan nakarating ang links ng video na 'anonymously' ay na-upload sa official social media accounts nila.
Medyo nag-aalala lang si Mia kay Arriane dahil ilang araw na itong hindi pumapasok. Alam nilang dahil ‘yon sa video kung saan nakuhaan ang kapatid nito na isang taon ng nawawala. In a way, malaki ang maitutulong ng video na iyon sa pag-iimbestiga mga pulis.
Isang malaking palaisipan nga lang talaga ang nasabing video. Paano ba maaatim ng isa tao na kumain ng parte ng katawan ng iba na parang wala lamang. Na tila ba wala sila sa tamang pag-iisip at katinuan?
At ano kaya ang trip ng kung sino mang hacker na nagpadala mismo ng video sa mismong website ng Geeks Club?
Kahit nakakabahala, kailangan munang isantabi ni Mia ang alalahanin na ‘yon. Tamang-tama na rin na mag-lie low sila dahil malapit na ang exams.
Idagdag pa ang sandamakmak na projects at presentations na trip na trip ng mga professor pagsabayin-sabayin, na tila ba paghihiganti sa naging pagpapahirap sa kanila noong nag-aaral pa sila.
Lalo na ‘yong mga minor subjects na feeling major, kaya madalas na lang ding malito ang mga estudyante kung ano ba talaga ang kanilang kurso.
Saglit siyang natigilan nang tumunog ang phone niya. Message notif 'yon mula sa family GC nila na 'Wild Sanchez'. Napangiwi siya nang makitang image iyon ng panti-trip ng kanilang magulang nitong nakaraan.
"At talagang tinotoo nila ang captions, ha?"
Ganoon ang mga iyon magparusa. Bukod sa sermon, may kasama pang pagbabanta na ipadadala sa buong clan at sa mga kaibigan nila ang mga ganoong klaseng larawan. Iba pa kapag may naisipan na kakaibang 'prank' ang ama na balak nitong ipangalandakan sa social media. Mild lang naman ang mga iyon, pero kahit papaano ay nakakabawas pa rin ng morale.
Nagawa na nitong maghagis ng fake na tarantula na halos ikabaliw niya, sa pag-aakalang totoo iyon. Minsan na rin siyang nagising sa emergency alarm, at dahil inakala niyang may sunog, dali-dali siyang tumakbo palabas ng room niya, para lang makita ang ama na kinukuhanan na siya ng picture. At sa picture na 'yon, mayroon siyang drawing na pirate mustache at pirate eye patch.
At ilan pa lang 'yan sa mga nagawa nito sa kaniya. Pero, nangyayari lang 'yon bilang 'parusa'.
Sa paglalakad ni Mia patungo sa building ng sunod niyang klase, natigilan naman siya at saglit na pinagmasdan ang isa sa pinakamatayog na puno ng Horizon University, ang Crateva Religiosa o Salingbobog.
Ang puno na ito ay isa rin sa mga tinaguriang Cherry Blossoms ng bansa, kaya nga maraming estudyante ang mahilig mag-selfie sa lugar na ito. May kakaiba ring paniniwala tungkol sa puno narinig lamang niya sa mga dating senior nila.
Ayon sa usap-usapan, kapag may tao kang nakasalubong sa tapat ng punong ‘yon, at ang taong ‘yon ay hindi mo pa nakikilala o nakikita sa buong buhay mo, posibleng iyon ang makatuluyan mo. Kaya siguro kapag buwan ng Pebrero ay maraming estudyanteng nakikitang nakatambay roon. Baka naghihintay ng makakasalubong.
Pero, dahil siguro buwan pa lang ng Hulyo kaya wala naman masyadong narito. May pailan-ilan lang sigurong dumaraan para mag-selfie.
Nagpatuloy na siya sa paglalakad nang may mapansin sa 'di kalayuan, si Kuya Eric-- ang kababata niya at schoolmate mula noong highschool.
"Bumalik na siya?" isip-isip niya.
Nakaupo ito sa isang bench na naliliman ng malaking puno ng Salibobog.
Kaagad siyang lumapit, pero hindi siya napansin nito kahit nasa harap na siya. Mukhang abala ito sa pagtingin sa suot nitong sapatos.
"Hi! Kuya Eric!" bati niya sa masiglang tinig kasabay ng pagkaway.
Unti-unti itong tumingala at tinitigan siya. Mukhang pilit siyang kinikilala, pero base sa blankong ekspresyon ng lalaki, hindi siya naaalala nito.
Nabahala rin siya sa ayos ni Kuya Eric. Ibang-iba na ang itsura nito. Nangayayat ang pisngi, lumamlam ang mata at tila nangingitim pa ‘yon dahil sa puyat. Gusot-gusot din ang suot nitong asul na polo.
"Kuya Eric?" pag-uulit niya. "Okay ka lang ba? Si Mia ito, remember? Number one fan mo."
Noong highschool kasi, active ito sa lahat ng klase ng sports, kaya crush na crush niya ito. Girl crush naman niya ang girlfriend nitong si Ate Gwen, at actually fan na fan siya ng loveteam ng mga ito na nagsimula pa noong elementary. Childhood sweethearts kasi ang mga ito.
"Oh, Mia?" sagot nitong wala sa focus ang mata. "Pasensya ka na. Ilang araw na kasi akong walang tulog. Kumusta ka na ba?" wika nito saka umiling-iling na parang tila nais nitong malinawan ang utak o ano.
"Ayos lang naman ako, pero hindi ko alam na bumalik ka na sa university? ‘Di ba? Isang sem ka ulit na nawala? Sabi nila nasa US ka raw?" tanong niya na nalipat ang tingin sa manipis na mantsa sa suot nito.
Hindi na niya iyon gaanong inintindi.
"Oo, bumalik na ulit ako. Pero parang dapat, hindi na," sagot nitong muling tumingin sa suot nitong sapatos. Muli ring nawalan ng focus ng mata nito habang nakatingin sa ibaba.
"Bakit, Kuya? May problema ba?" tanong niyang bahagyang nag-aalala. "Mukhang hindi ka talaga okay, gusto mo bang samahan kita sa clinic?"
Ngumiti lang ang lalaki sa kanya. "Kulang lang talaga ako sa tulog. Hindi ka na dapat mag-alala," tugon nito at saka tumayo. "Mauuna na ako, kailangan ko nang pumunta sa class ko," paalam nito kaya walang ibang magawa si Mia kundi ang sundan ito ng tingin.
Sa pagkakaalam niya, ay pahinto-hinto si Kuya Eric sa pag-aaral, ‘yon ang balitang naririnig niya. At hindi niya alam kung bakit. Imposible namang dahil sa financial. Mayaman naman kasi ang pamilya nito. At kahit pa patay na ang mga magulang nito, suportado ito ng nakatatandang kapatid na babae na mayroong matatag na negosyo sa ibang bansa.
Ano nga kayang nangyari kay Kuya Eric?