Natawa siya doon ng mahina. “Ikaw, pakiramdaman mo. Sa tingin mo ba kaya kitang gawan ng masama?”
Matagal na tiningala siya ni Anya. Habang siya hindi mapigilan ang sariling lihim itong hangaan. Maganda, talagang napakaganda. Kung ibang babae lang ito marahil, baka hindi na niya naawat ang sarili niyang halikan ito. Pero iba si Anya, at gaya ng sinabi niya sa dalaga, hindi niya ito kayang gawan ng masama o kahit pagsamantalahan man lang ang kainosentehan at kahinaan nito.
Umiling ito. “Okay” anito sabay kiling ng ulo.
“Believe me, kung minsan mas mabuti pang magtiwala sa isang estranghero kaysa matagal ng kaibigan na hindi mo naman talagang kilala” siya man ay nabigla sa sinabi niyang iyon pero huli na dahil hindi na niya iyon mababawi.
“Alam ko, besides magaan ang pakiramdam ko sa’yo. Feeling ko nga matagal na kitang kilala” humaplos sa puso niya ang sinabing iyon ng dalaga.
“Maiba tayo, bakit dalawang araw ng absent si Tristan?” naitanong niya.
Sinulyapan muna siya ni Anya bago nagsalita. “M-May sakit kasi si Tristan” anito sa mahinang tinig.
“Sakit?” alam niyang hindi lang simpleng karamdaman ang ibig nitong sabihin.
Tumango si Anya saka pumasok nang igiya niya papasok sa gate ng inuupahan niyang apartment. Pinatuloy niya ito sa loob saka pinaupo. Habang siya ay agad na dumiretso sa kusina. “Ang linis naman pala ng bahay mo” puri pa nito pagkuwan.
“Salamat” aniyang inilapag sa center table ang malamig na pitsel ng orange juice, dalawang baso, sliced bread at sandwich spread. “oh magmeryenda ka muna” aniyang inabot sa dalaga ang tinapay na pinalamanan niya.
“Thank you” anito sa kanya. “minsan ipagluluto kita ng sinigang, masarap akong magluto nun eh” ani Anya.
“Yeah? Paborito ko iyon? Bukas kaya pwede?” hindi niya maikakailang sa kabila ng bibihira nilang pag-uusap ni Anya ay parang matagal na nga niya itong kilala.
Tumango ang dalaga. “Oo ba! Kailangan samantalahin natin habang wala si Tristan!” pagkasabi niyon ay mabining tawa ang pinakawalan nito.
“Ano na nga ulit iyong sinasabi mong sakit ni Tristan?” naitanong niya habang nagsasalin ng juice sa baso.
Kapansin-pansin ang lungkot na rumehistro sa mukha ni Anya dahil sa tanong na iyon. “May heart failure si Tristan eh, ipinanganak siyang may butas ang puso. May mga time talaga na ganito, iyong pag sinumpong siya ng sakit niya hindi siya nakakapasok ng ilang araw” anitong matapos uminom ay ibinalik sa center table ang baso.
“A-Ano?”
Tumango si Anya. “Kaya lahat ng gusto niya sinusunod ko, kasi ayokong magdamdam siya sa’kin. Bestfriend ko siya at ayoko siyang mawala” naramdaman niya ang paghihirap sa tinig ng dalaga.
“Iyon ba ang dahilan kaya sinabi mo sa akin na wala kang crush? Kasi ayaw ni Tristan?” paglilinaw niya.
“P-Parang ganoon na nga. Kasi maloko siya sa babae, baka daw sakin bumalik ang karma niya” sagot ni Anya.
Hindi man sang-ayon sa narinig ay mas pinili nalang ni Lawrence ang manahimik. Hindi niya maitatangging attracted siya kay Anya, at kung sakali pala. Baka si Tristan mismo ang mag-utos sa dalaga na layuan siya nito. Ayaw niyang isipin iyon, kahit paano naman siguro ay kaibigan ang tingin ni Tristan sa kanya kahit nitong mga nakalipas na araw ay obvious na umiiwas ito sa kanya.