FIVE YEARS AGO…
IYON ang unang araw ni Lawrence sa malaking unibersidad na iyon sa Maynila. Nasa unang taon siya sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Business. Ang totoo hindi niya inasahang papasa siya sa kilalang unibersidad na iyon. Pero nagawa niya. Labag sa kalooban ng mga magulang niya ang mag-Maynila siya dahil kung tutuusin ay mayroon ring malaki at kilalang eskwelahan ang bayan ng Don Arcadio kung saan nagsipagtapos ang dalawang nakatatanda niyang kapatid na sina Fritz at Sean. Siya ang pangatlo sa kanilang magkakapatid. Lima sila at puro mga lalaki. Ang sinundan niya ay si Stephen at ang bunso naman ay si Yhuan.
Sa kabila ng pagtutol ng mga magulang nilang sina Amado at Roma sa pagpupumilit niyang mag-Maynila, sa kalaunan ay naipaunawa din naman niya sa mga ito na gusto niyang subukan ang mamuhay ng mag-isa. Gusto niyang maging independent kagaya ng kuya niyang si Fritz na ngayon ay isa ng matagumpay na engineer. Bukod kasi sa bunso nilang si Yhuan, masasabi niyang siya ang isa pang laging nakadikit sa nanay nila dahil sa pagiging sakitin niya noong maliit pa siya. Pero ngayon ganap na nga siyang magaling, gusto niyang tumayo sa sarili niyang mga paa. Para nang sa gayon ay kayanin rin niya ang magtayo ng sariling negosyo ng mag-isa balang araw.
Walking distance lang ang layo ng tinutuluyan niyang apartment mula sa unibersidad. Ang nanay kasi niya mismo ang pumili at nagtingin niyon ayon narin sa tagubilin ng kanyang ama. Sa parteng iyon naiintindihan niya ang mga ito, dahil sino ba namang magulang ang hindi gugustuhing ibigay ang pinakamaganda sa kanilang anak lalo kung kaya namang ibigay? Mayroong isang maliit na sala, kwarto, kusina at banyo ang apartment bagay na gustong-gusto naman niya dahil wala siyang kaprobleproblema kung tutuusin, ang tanging kailangan lang niyang gawin ay mag-aral at magtapos. At iyon ang talagang goal niya sa buhay.
Hindi naman naging mahirap para sa binata ang paghahanap ng classroom. Sa loob gaya nang nakagawian na niya, sa unahan siya naupo. Kita naman sa suot niyang glasses ang ebidensya at dahilan kung bakit. Maliban nalang kung alphabetically arranged sila dahil Lerios ang apelyido niya.
Ilang sandali narin siyang nakaupo doon nang tabihan siya ng isa ring lalaking nang lingunin niya ang mabait na ngumiti at tumango agad sa kanya. “Tristan” anitong inilahad pa ang kamay sa harapan niya.
Tinanggap niya iyon saka gumanti ng ngiti. “Lawrence Joseph Lerios” sagot naman niya.
Tumawa ng mahina ang lalaki. “Binuo mo pa talaga, anyway glad to meet you pare” anito sa mabait na tinig.Tumango lang siya saka hinarap ang gurong kapapasok lang.
ONE WEEK LATER
“SALAMAT” sa quadrangle tinanggap ni Lawrence ang flyer na iniabot sa kanya ng isang estudyante. Kalalabas lang niya noon ng canteen at patungo siya ng library. May isang oras pa siyang bakante at si Tristan ay nagsabi sa kanyang may sasamahan pang matalik na kaibigan sa pagkain nito ng lunch kaya nauna na siyang kumain. Binasa niya ang papel para lang mapangiti nang mapagalaman kung tungkol saan ang nakasaad doon.
Patalastas para sa lahat ng may angking talino sa pagsulat ng tula at maikling kwento. Natawa siya ng mahina. Hilig niya ang magsulat ng tula at short stories. Sa katunayan marami narin siyang published poems sa school journal ng high school na pinagtapusan niya.
Masubukan nga. Ang isip niya habang nagpatuloy siya sa paglalakad ng nakayuko dahil sa ginagawa niyang pagbabasa sa flyer.
“Hey!” ang malakas na sigaw ng babaeng kasalubong niya.
Mabilis na nataranta doon si Lawrence saka tinilungan ang babae sa pagpulot nito sa tumilapong dala-dalahan. “I-I’m sorry Miss, hindi kita nakita pasensya na” aniya sabay abot ng libro dito.
Noon galit na nagtaas ng ulo ang babae, naniningkit ang mga mata siyang pinakatitigan saka nagsalita sa mataray na tinig. “Paano mo akong makikita eh busy ka diyan sa binabasa mo!” galit nitong sabi.
Si Lawrence nang mga sandaling iyon ay parang nananaginip at hindi nakapagsalitang pinakatitigan lang ang kaharap. Napakaganda nito, at sa totoo lang ito na ang pinakamagandang babaeng nakita niya.
Mapupula at makipot na labi, bilugang mga mata na itim na itim ang kulay, mahahabang pilik, tila iginuhit na mga kilay, matangos na ilong, alon-alon ang buhok nitong nag-aagaw sa itim at brown ang kulay na may habang lampas-balikat. Mestisahin ang kutis nitong nangingintab na tila porselana, at may taas ang babae sa na tingin niya’y nasa five feet and seven inches.
“You look beautiful” ang paanas niyang turan habang nanatiling nakatitig sa mukha ng babae na nakita niyang mabilis na nagkulay mansanas.
MABILIS na nag-init ang mukha ni Anya sa narinig. Hindi niya maintindihan kung bakit agad siyang naapektuhan sa simpleng sinabing iyon ng lalaki samantalang dati narin naman niyang naririnig iyon sa iba pa niyang mga manliligaw.
“S-Sige, pero sa susunod mag-iingat kana” lihim rin niyang ikinagulat panginginig ng kanyang tinig.
Yumuko ang lalaki kaya hindi niya napigilan ang mapangiti. Sa totoo lang kailangan niyang amining maginoo ito at mukhang hindi naman talaga sinadya ang banggain siya. “Now you look more beautiful. Alam mo bang kayang buhayin ng ngiti mo kahit ang nalalantang talulot ng rosas?”
Lalong nag-init ang magkabila niyang pisngi sa narinig. “Very poetic, anyway salamat. I have to go” aniyang minabuting iwan na ang kausap pero natigilan siya nang muli itong magsalita.
“Anong pangalan mo Miss?” anito.
Walang kakaiba sa tanong na iyon kung tutuusin. Pero hindi maintindihan ni Anya kung bakit lalong naghurumentado sa kaba ang dibdib niya sabay lingon sa binata. Sa totoo lang kulang ang salitang gwapong kung ilalarawan niya ang mukha ng kaharap. Napakatangos ng ilong nito, at kahit natatakpan ng makapal na lens ng glasses na suot nito ay kitang-kita parin ang kakaibang lamlam at ganda ng mga mata nitong may mahahabang pilik at binagayan ng makakapal na kilay.
Ang mga labi nito, tila ba nangangako ng langit dahil sa pula at kipot ng mga iyon. Halatang napaka-init at napakasarap nitong humalik. Ang buhok ng binata na may kahabaan na umabot sa ibaba ng batok nito at bahagyang kulot sa ilalim. Kulay brown iyon at nagkaroon ng napakagandang kontra sa mestisuhing kulay ng lalaki. Matangkad at may matipunong pangangatawan. Iyon nga marahil ang dahilan kung bakit siya nawawala sa sarili at kinakabahan.
“W-What?” ang kunot-noo niyang tanong pagkatapos.
Sa pagngiti nito ay agad na nag-flash sa kaniya ang perpektong set ng ngipin nito. “G-Gusto kong malalam kung ano ang pangalan mo, okay lang ba?” anito sa isang maginoong tinig.
Parang wala sa sariling napalunok si Anya saka pinilit magsalita. “Antonette Ysabelle Lectura, you can call me Anya” pigil hininga niyang sagot.
Ang ngiti ng kaharap ay tila ba nagmistulang nakaplaster na sa mukha nito nang humakbang ito palapit sa kanya. Natigilan siya doon saka napaatras. Narinig pa niya ang mahinang tawang naglandas sa lalamunan nito nang marahil napuna ang kanyang ginawa. Sa halip na mainis ay lalo siyang kinabahan, at ganoon parin ang pakiramdam niya nang ilahad nito ang sariling kamay sa kanyang harapan.
“Lawrence” anito.
Nagdikit ang mga kilay niya. “Lawrence?”
Tumango ang ito. “Lawrence Joseph Lerios, tawagin mo akong Lawrence kung gusto mo, kasi iyon naman ang palayaw ko.”
Sa kabila ng kabang nararamdaman, walang pagdadalawang-isip niyang tinanggap ang kamay ng binata saka nakangiting nagsalita. “Thank you Lawrence” aniya pa.
“Anya! Kanina ka pa namin hinihintay!” noon lang niya binawi ang sariling kamay mula sa mahigpit na pagkakahawak ng binata.
“Joy, sorry” aniyang nagmamadaling kinawayan si Lawrence na nakangiti lang na tumango.
Nagtaas ng isang kilay ang kaibigan niya saka nanunuksong nagsalita. “Sino iyon? In fairness gwapo ah! At mukhang wala pa yatang planong bitiwan ang kamay mo!”
Nakangiti niyang inirapan si Joy bagaman binalot ng kakaibang kilig ang puso niya sa sinabi nito. “Shhh! Huwag kang maingay okay? Alam mo naman iyong dalawa, baka asarin ako” ang tinutukoy niya ay sina Tristan na kanyang kababata at si Carol na gaya ni Joy ay sa unibersidad na iyon at nang pasukan din ng June niya nakilala.
Umikot ang mga mata ni Joy. “Bakit sa tingin mo hindi kita aasarin ha?”
Siniko niya ang kaibigan nang matanawan si Tristan na nagtaas ng kamay at kumaway sa kanila. “Obvious naman na may gusto siya sayo, bakit parang hindi ka nililigawan?” si Joy ulit na ang tinutukoy ay ang kababata at matalik na kaibigan niyang si Tristan.
“Magkasama na kaming lumaki ni Tristan, kaya parang malabong mangyari iyang sinasabi mo. At isa pa, kapatid ang tingin ko sa kanya” nasa tinig niya ang pinalidad kaya hindi na nagsalita pa ang kasama.
Solong anak si Anya. Housewife ang ina niya at Mechanical Engineer naman sa Middle East ang kanyang ama. Matalik na magkaibigan ang Mama niyang si Loida at ang ina ni Tristan na si Maica. Ang ama nitong si Nelson ay accountant sa bangko. Iyon ang dahilan kaya mula pagkabata ay naging malapit na sila sa isa’t-isa. Magkasing-edad lang sila ni Tristan pero kuya ang tingin niya rito. Siguro ay dahil sa pareho silang sabik sa kapatid kaya ganoon.
Kilalang-kilala niya ang binata, maging sa pagiging maloko nito sa babae. At higit sa lahat, ang tungkol sa sakit nito. Heart Failure. Iyon ang dahilan kung bakit kahit minsan ay hindi pa nagseryoso sa pakikipagrelasyon nito ang kaibigan niya, dahil bawal dito ang labis na matuwa at masaktan. Ang anumang emosyon na sobra ay bawal kaya lagi na’y maingat siya. At natutuwa siyang makitang sa kabila ng karamdaman nito ay nagagawa parin ni Tristan ang mamuhay ng normal at masigla.
Sa ngayon ay nasa waiting list na si Tristan para sa donor ng heart transplant. Hindi kagaya ng iba, wala naman kasing kamag-anak sa ibang bansa ang kaibigan niya kaya wala itong ibang choice kundi ang maghintay.