"CONGRATS 'insan!" pagbati ng mga pinsan ni Marvin sa kanya, pagkatapos ay kinamayan pa siya ng mga ito isa-isa. Iyon ang opening day ng bago niyang Candy Store doon mismo sa Tanangco, sa tabi ng Rio's Finest. Ang candy shop niya ay pinangalanan niyang Kid's Corner. At dahil opening, siyempre, may ribbon cutting sa pangunguna ng pinsan niyang si Daryl at ang Ama nito na si Senator Benjamin Rivera. At sa pagbubukas ng candy shop niyang iyon, ang unang-una nang masaya ay ang mga kabataan sa lugar nila. Kita sa mga mata nito ang excitement na makakatikim ng paborito nilang candy. At dahil unang araw ng store niya, nagpamudmod sila ng mga free sample products sa mga bata.
"Nakanang! Mukhang successful ang opening ng bagong store mo ah?" komento ng pinsan niyang si Jester.
"Salamat," masayang sagot niya.
"Pero, matanong nga kita pinsan. Ang dami naman diyan sa puwede mong pasukin negosyo. Bakit candy store pa? Madami ka ng branches sa halos lahat ng mall sa buong metro manila. Sana iba naman." suhestiyon ni Wayne.
"Alam n'yo naman na noon pa man, malapit na ako sa mga bata eh." Sagot niya.
"Kambal, bakit hindi ka na lang kasi mag-asawa?" suhestiyon pa ng kakambal niyang si Marisse.
Kunot-noong bumaling siya dito. "Tumigil ka nga." Saway niya dito.
Tumawa lamang si Marisse. "Joke lang, 'to naman!" sabi pa nito, saka nag-peace sign pa sa kanya.
"Tama naman si Marisse, mag-asawa ka na kasi. Kaysa nanghihiram ka ng anak ng may anak, gumawa ka na lang ng sarili mo." Sang-ayon pa ni Jefti.
"Sige, mauna kang mag-asawa tapos susunod ako." Natatawang hamon niya dito.
"Sabi ko sa'yo, masarap ang buhay binata eh." Sabay bawi ng naunang sabi nito.
Napailing silang magpi-pinsan, hindi lingid sa kaalaman nila ang takot nito pumasok sa isang seryosong relasyon. Kapag nai-inlove na ang mga nagiging ka-relasyon nito, agad na hinihiwalayan ni Jefti. Isang babae lang ang nakatagal dito, ang bestfriend nitong si Sam.
"Ewan ko sa'yo!" aniya dito. "Ayoko pang mag-asawa!"
"Pinsan, may napansin lang ako." Sabad ni Glenn sa usapan. "May iba naman na pwedeng puwestuhan itong candy store mo. Bakit dito pa sa tapat ng dental clinic ni Razz?"
Kunot-noong nilingon niya ang pinsan niya. "Wala! Bakit? Sa gusto ko dito eh!" sagot pa niya.
"Weh! Siguro para lagi mo siyang nakikita no?" panunudyo pa ni Karl.
"Tumigil nga kayo ng kakatukso sa akin sa babaeng 'yon! Wala akong gusto sa kanya!" mariing tanggi niya.
"Huuu! Charotero ka!" tudyo pa ni Sam sa kanya.
"Eh 'di huwag kayong maniwala!" sabi pa niya.
"Hep! Ako'y makiki-tsismis lang ano? Bakit ba galit na galit sa'yo si Razz?" pang-uusisa pa ni Wesley.
"Hindi ko alam. Basta bigla na lang nagalit 'yan dati sa akin hanggang ngayon." sagot niya.
Mayamaya ay nabaling ang atensiyon nila sa naglalambingan na sina Lolo Badong at Lola Dadang. May hawak ang Lolo niyang lollipop at inabot iyon sa kabiyak nito.
"Dadang, Sweetheart. Isang matamis na lollipop para sa'yo. Kasing-tamis ng pag-ibig ko." Sabi pa nito.
"Aruuu! Ayan ka na naman, Badong! Hindi ka na nahiya sa mga apo at mga bisita dito! Ayoko ng candy at baka sumakit ipin ko!" masungit na tanggi ni Lola Dadang.
"Paanong sasakit ang ngipin mo, eh pustiso nang lahat 'yan! Baka gilagid ang ibig mong sabihin!" sabi pa ni Lolo.
"Heh! Tumigil ka nga!" asik ni Lola sa asawa, pagkatapos ay binalingan nito ang kasambahay nito na si Inday. "Inday, tayo ng umuwi na. At gusto kong mahiga. Sumasakit na naman itong balakang ko."
"Dadang, ako ng sasama sa'yo at tatabihan na kita!" habol pa ng matandang lalaki sa asawa.
Binalingan ni Daryl ang Mommy nito. "Ma, hindi kaya masundan pa kayo nila Tita? Si Lolo oh, hindi pa rin mamatay pagnanasa kay Lola." Sabi pa nito.
Natawa ang Mommy nito, maging sila. "Hay naku, mahal lang talaga ni Papa si Mama." Sagot ng Tita Dana niya.
Ilang sandali pa, nagsidatingan ang iba pang mga taga-Tanangco, dala ang mga anak nito.
"Mommy! I want worms!" masiglang wika ng anim na taong gulang na batang babae. Hila nito ang Mommy nito papasok sa Candy Store n'ya.
"Anak, hindi naman kinakain ang bulate!" anang Mommy nito.
"I want worms, Mommy!" sabi ulit ng bata.
"Marvin, congratulations sa new store mo!" bati sa kanya ng Mommy ng bata.
"Thanks Chacha! Feel free to look around. Nandoon ang gusto ni Chinchin." Sagot niya.
"Sige, doon muna ako. At hindi ako tatantanan ng batang ito!" paalam ni Chacha.
"Hi Chinchin!" bati niya sa bata.
"Hi Tito Marvin!" sagot nito.
"What do you want?" tanong niya.
"I want worms."
"Ah, 'yung Gummi Squiggles?"
"Yes!"
"Okay, I'll give you squiggles for free. But promise me, to drink water after you eat then, brush your teeth. Para hindi sumakit ang ngipin mo. Okay?"
"Okay po!" masiglang sagot ng bata.
Excited na tumakbo ang bata patungo sa tinuturo nitong candy. Napailing si Marvin habang pinagmamasdan ang mga batang naroon sa loob ng store niya. Kitang-kita niya ang saya at tuwa sa mga mukha ng mga ito. Ang makitang masaya ang mga bata ay isa sa mga bagay na hindi kayang higitan ng kahit gaano kalaking halaga.
Hindi nga niya alam kung saan niya nakuha ang pagiging mahilig sa bata. Basta lumaki siyang taglay ang kagaanan ng loob para sa mga munting anghel na ito. Kaya nang magkaroon siya ng pagkakataon, isang candy store ang agad na naisip niyang itayong negosyo.
"Siguro, magiging mabuti at mapag-alagang Ama ka kapag nagka-anak ka." Seryosong wika ng pinsan niyang si Gogoy.
"Salamat, 'insan. Sana nga." Sagot niya dito.
"Pero hindi mangyayari 'yon, kung hanggang ngayon ay wala ka pa rin girlfriend." Anito.
"My heart goes out with the kids. They're angels to me. Pero ayokong basta na lang pumili ng babaeng magiging Ina ng mga magiging anak ko. Ang gusto ko, iyong babaeng mahal ako at mamahalin ko rin. And I'm looking forward to meet her someday." Seryoso din sagot niya.
Napalingon siya sa labas ng tindahan niya ng biglang bumukas ang pinto ng clinic ni Razz. Agad na kumunot ang noo nito ng magkatinginan sila. Sabay irap sa kanya. Natawa na lang siya, saka napailing. Hindi talaga niya alam kung anong ginawa niya dito dati at bakit abot langit ang galit nito sa kanya. Sayang, crush pa naman niya ito noong highschool sila.
"Razz!" tawag niya dito.
"Tse!" pagsusuplada pa nito. Pagkatapos ay pumasok ito sa loob ng tindahan niya.
"Nice! Pagkatapos mo akong irapan, papasok ka dito sa tindahan ko." Sabi niya.
"Nandito mga kaibigan ko, kaya papasok ako dito." sagot nito.
"Bakit ka ba galit na galit sa akin? Siguro, may crush ka talaga sa akin, no?" pang-aasar pa niya lalo dito.
"Kapal mo!" singhal nito, sabay layas.
Natawa siya. Napapailing na pinagmasdan niya ito habang nagma-martsa palabas ng store niya. Aminin man niya o hindi. Napapasaya siya ng babaeng iyon. Kahit na alam niyang, halos isumpa siya nito.
"ANG kapal talaga! Nakakainis!" gigil na gigil na wika ni Razz pagpasok niya ng clinic niya.
Kunot-noong napalingon sa kanya ang assistant niyang si Josie. "Sino na naman ang kaaway mo diyan?" tanong nito.
"Eh 'di sino pa nga ba? Ang mayabang na Marvin Ison na 'yan!" nakasimangot na sagot niya.
"Ah," usal nito.
"Anong ah? Iyon lang ba magiging sagot mo? Hindi mo man lang ba ako tatanungin kung bakit ako nagagalit?" sunod-sunod niyang tanong dito.
"Hay naku, Agapita! Hindi ko na kailangan tanungin kung bakit, eh lahat na lang yata ng kilos ni Marvin guwapo kinaiinisan mo." Sagot nito. "Bakit ka ba kasi galit na galit sa kanya? Ano bang ginawa n'ya sa'yo at halos isumpa mo."
Humalukipkip siya pagkatapos ay pasalampak na umupo sa sofa na nagsisilbing receiving area ng dental clinic niya.
"Basta," halos pabulong niyang sagot. Ginala na lang niya ang paningin sa kabuuan ng clinic niya. Ilang taon na nga ba siyang naroon? Anim na taon na yata ang nakakalipas simula ng itayo niya ang Dental Clinic niyang iyon. Naalala pa niya, bago siya magtayo ng sariling clinic, nag-practice muna siya sa isang pribadong Ospital at nagtrabaho doon ng tatlong taon. Nang makaipon siya, tinayo niya ang Dental Clinic na iyon sa lugar nila sa Tanangco, kasama na rin ang tulong pinansyal ng mga magulang niya na nasa America. Isang bagay na labis niyang ipinagpapasalamat. Razz came from a family of Dentists. Ang sabi ng Daddy niya, na dentist din, simula pa daw sa Lolo ng Lolo niya ay Dentista na. At mukhang nakuha niya ang passion sa pagkalkal ng ngipin ng ibang tao. Dahil nang tumuntong siya ng kolehiyo, Dentistry na rin ang kinuha niyang kurso. At masasabi niyang successful siya sa larangan na iyon at masaya naman siya.
Bumuntong-hininga si Josie. "Alam mo, Doc. Kaibigan mo ako bukod sa pagiging assistant mo. Hindi maganda ang nagtatanim ng galit sa puso. Deal with him. Mukha naman mabait si Mamang Pogi. Sayang! Bagay pa naman kayo." Payo pa sa kanya nito.
"Unang-una, sabi ko sa'yo na huwag mo akong tatawagin sa tunay kong pangalan. Okay na sa akin ang 'Razz'." Aniya.
Natawa si Josie. Alam kasi nitong ayaw na ayaw niyang binabanggit ang tunay na pangalan niya. Hindi naman sa kinahihiya niya ang pangalan niya. Kaya lang, hindi lang talaga niya type ang tunog niyon. Napabuntong-hininga siya. Kung bakit ba naman kasi, ang dami naman mapagpipilian diyan. Ang combination ng pangalan ng dalawang Lola niya sa magkabilang side ang naisip ng magulang niya.
"Agapita Corazon Magalpok. Maganda naman ah!" sabi pa ni Josie, sabay hagalpak ng tawa.
"Tse! Akala ko pa naman mabait ka!" kunwa'y nagtatampong wika niya.
"Joke lang, ito naman."
"Hindi siya dapat nagtayo ng candy store dito. Baka mamaya puro iyan na lang ang kainin ng mga bata. Tsk!" komento niya habang nakatanaw sa tindahan ni Marvin na ngayon ay pinagkakaguluhan ng mga residente ng Tanangco.
"At iyong mga babaeng 'yon! Hindi ako naniniwalang mahilig sa candy ang mga 'yan. Sigurado, kunwari lang ang mga 'yan na bibili ng candy. Pagkatapos nagpapacute lang sila sa mga Carwash Boys. Hmp! As if naman papansinin sila lalo ni Marvin!" dagdag niya.Bahagya siyang nagulat ng biglang sumulpot sa harapan niya si Josie na salubong ang kilay, gaya niya ay nakahalukipkip din ito.
"Grabe! Hindi kita ma-gets. May gusto ka kay Marvin ano?" panghuhuli nito.
"Of course not!" mabilis niyang sagot.
"Huuu! Echuserang kokak!"
"Tigilan mo ako, Josie!" saway niya dito.
"Siguro, kunwari lang na galit ka sa kanya. Pero ang totoo, may gusto ka kay Marvin, ano?" Panghuhula nito.
"Wala! Okay? W-A-L-A. Wala!" giit pa niya.
"Sige nga, kung talagang wala. Sabihin mo na lang sa akin, kung bakit ka galit na galit sa kanya." Natahimik si Razz. Sa isang iglap ay bumalik sa kanyang isipan ang nakaraan. Nasa third year high school siya ng mga panahon na iyon.
Twelve years ago
"Hi Marvin," bati ng ilang kaklase niya sa isa sa pinakasikat na estudyanteng lalaki sa school nila. Halos lahat yata ng kababaihan sa campus nila ay crush ito. Bakit nga ba hindi? Bukod kasi sa guwapo ito, mabait pa ito at pala-kaibigan sa lahat. Masayahin pa ito. Malimit niya itong makitang makipag-tawanan sa barkada nito at sa mga pinsan nito. Dahilan upang mapabilang siya sa mga babaeng may matinding paghanga dito, sa edad na labinlimang taon gulang. Ang lamang lang niya sa mga ito, kaklase at kapitbahay niya ito.
"Hi Razz," bati ni Marvin sa kanya ng magkasalubong sila sa hallway.
Kakaibang saya ang naramdaman ni Razz. She felt like floating in air and soaring high. Sino ba naman kasing babae ang hindi sasaya kapag binati siya ng crush niya? Napangiti siya. Iyong taon na rin iyon nagsimula ang kakaibang paghangang nararamdaman para kay Marvin. Bukod kasi sa kapitbahay niya ito sa Tanangco, at schoolmate niya ito. Wala na silang koneksiyon nito. Ang mga pinsan nito ang ka-close niya, at hindi ito. Kailan nga ba iyon nagsimula? Napabuntong-hininga siya. Anim na buwan na yata ang nakakalipas. Pauwi na siya ng bahay na iyon ng biglang may isang grupo ng mga ka-eskuwela niya ang nagtakbuhan. Naitulak siya ng mga ito at nawalan ng balanse, dahilan upang madapa siya at lalong sumakit ang pilay niya. Nag-practice kasi sila nang araw na iyon para sa Cheering Competition sa darating na foundation Day ng school nila. At dahil siya ang nasa itaas ng pyramid, hindi agad siya nasalo ng mga kasama niya ng ihagis siya ng mga ito sa ere. Kaya sumama ang bagsak niya, kaya hayun at napilayan siya. Agad siyang dinala sa clinic. Nilapatan ng first aid iyon at nilagyan ng bandage ang paa niya. Bahagyang bumuti ang pakiramdam niya matapos iyon, pero mukhang mababalewala ang first aid na iyon dahil sa mga haragan niyang schoolmate. Ang masama pa nito, dahil sa pagtatakbuhan ng mga ito, isa sa mga ito ang hindi sinasadyang natapakan ang may injury niyang paa. Napahiyaw siya sa sakit.
"Aray ko naman!" sigaw niya sa mga ito.
"Ay sorry," sabi lang ng isa sa mga nagtatakbuhan, pagkatapos ay iniwan na siya doon.
"Mga tinamaan kayo ng magaling, hindi n'yo man lang ako tinulungan tumayo!" nanggigigil na singhal niya sa mga ito kahit malayo na ito. Maluha-luhang sinubukan niyang tumayo. Pero hindi niya kaya, lalong kumirot iyon. Malamang, mukhang tuluyan ng mamaga ang paa niya. Ang mga librong hawak niya ay naglaglagag at sumabog sa daan. Hindi niya namalayan na tumilapon sa bandang ilalim ng sasakyan ang Diary niya.
"Razz! Okay ka lang ba?" tanong ni Marvin.
Natulala siya. Hindi niya alam kung saan napunta ang dila niya. Nalunok na yata niya. Parang bulang nawala sa isip niya ang masakit na isang paa niya. Sino ba naman kasing babae ang hindi magugulat.Sa dinami-dami ng mga estudyanteng naroon, hindi niya akalain na ang isa sa Most Popular Boy sa buong campus pa ang lalapit sa kanya at tutulungan siya. Nang makita nito ang sugat niya sa binti, nakapagtataka na bumuha ang pag-aalala sa mukha nito. Nang alalayan siya nitong tumayo ay naramdaman ang pagsigid ng kirot sa isang paa niya. Sa gulat niya ay pinangko siya nito, mabilis na nakuha nila ang atensiyon ng mga estudyanteng naroon.
"Te-teka, anong ginagawa mo? Ibaba mo na lang ako." Naiilang na wika niya.
Tumingin ito sa kanya. Dahilan upang magkasalubong ang mga mata nila. Agad na kumabog ang dibdib niya. His smoky black eyes are like reaching through the deepest core of her soul. Pakiramdam ni Razz ay nanikip ang dibdib niya sa mga sandaling iyon, kasabay ng tila pagtigil sa pag-inog ng mundo at pagkulay rosas ng paligid. In love na nga talaga yata siya dito.
"I insist. Your foot is swelling. Baka mas lalong mamaga iyan kapag pinilit mo ang sarili mong maglakad." Paliwanag pa nito.
"Pero,"
"Huwag ka ng mag-protesta, ako ng nagsasabi sa'yo. Hindi mo kakayahin maglakad."
"Nakakahiya naman eh,"
"It's okay. Besides, magaan ka lang naman." sabi pa nito.
Bahagya siyang namula sa sinabi nito. Medyo payat kasi siya.
"Medyo malayo pa ang bahay namin dito, baka mapagod ka."
"Siyempre, hindi naman tayo maglalakad simula dito hanggang sa inyo."
Nagulat pa siya ng dalhin siya nito sa parking area ng school nila at huminto sila sa tapat ng isang magarang kotse. Siya pa ang pinagbukas nito ng pinto ng kotse.
"Marvin, sobra na 'to. Magta-trycicle na lang ako pauwi sa bahay. Nakakahiya naman. Pinagtitinginan na tayo ng mga schoolmate natin." Komento niya.
Sa pagtataka pa niya ay tiningnan pa nito ang mga estudyanteng nakamasid sa kanila. Ngumisi ito.
"Bagay ba kami?" tanong pa nito sa schoolmates nila.
"Hoy! Ano ka ba?" saway niya dito.
"Uy!!!" tukso ng mga kapwa estudyante nila.
"Ibaba mo na lang ako!" nagpupumiglas na sabi niya.
"Teka, huwag kang magulo! Mahuhulog ka!" saway nito sa kanya.
"Ibaba mo na lang kasi ako!"
"Razz ano ba? Mabibitawan na kita eh!"
Sa kakapiglas niya, nabitawan na nga siya nito. Ngunit pati ito ay nawalan ng balanse. Napapikit siya at napatili. Hinintay niyang saluhin ng semento ang pwet niya, ngunit ang malakas na aray ang narinig niya. Kasabay ng pagsalo ng kung ano sa kanya.
"Ayieee!" tukso ulit ng mga estudyante.
"Naks! Marvin! Iyan na ba ang diskarteng malupit na sinasabi mo?"
Nang dumilat siya, agad na nanlaki ang mga mata niya. Si Marvin ang sumalo sa kanya. Napaupo ito sa semento habang siya ay bumagsak pala sa kandungan nito. Nang tingnan niya ito ay nakangiwi ito. Nang magtama ang paningin nila ay agad na umarangkada ang kaba sa dibdib niya. Pareho silang natigilan nito. Napakurap lang sila pareho ng may tumapik sa balikat ni Marvin.
"Aray ko! Pambihira!" reklamo nito.
"Eh sino ba kasi may sabing saluhin mo ako? Ikaw kasi eh." Paninisi pa niya.
"Magpasalamat ka na lang kaya, kung hindi kita nasalo baka hindi lang sugat at pilay sa binti at paa ang inabot mo." Sagot pa nito.
"Eh kahit na!"
Hindi alam ni Razz kung paano pa niya itatago ang mukha niya. Base sa nararamdaman niyang pag-iinit sa magkabilang pisngi niya. Alam niyang mas mapula pa sa makopa ang pisngi niya. At dahil sa walang tigil na panunukso ng mga ka-eskuwela niya, agad siyang tumayo. Mabilis na sumigid ang kirot sa paa niya. Nakalimutan niya, may pilay nga pala siya.
"Aray!" hiyaw niya. Muli na naman siyang napaupo at bumagsak muli sa kandungan nito.
"Aray naman! dahan-dahan! Mali ako, mabigat ka pala!" reklamo pa ni Marvin sa kanya.
"Sorry naman! Masakit kaya!" asik niya dito. Binalingan niya ang mga pinsan nitong nakamasid at walang tigil sa kakatawa. Umulan na naman ng tuksuhan sa paligid.
"Tulungan n'yo kaya kami, kesa tumawa kayo diyan." Pagtataray niya sa mga ito.
Agad naman sumunod ito sa sinabi niya, iyon nga lang. Hindi inalis ng mga ito ang ngisi nito.
"Uuwi na lang ako mag-isa," aniya kay Marvin.
"Huwag na, uuwi na rin ako. Isasabay na lang kita." Sabi pa nito. Wala na siyang nagawa ng igaya siya ng mga pinsan ni Marvin papunta sa kotse nito.
Habang nasa loob ng sasakyan ay wala silang kibuan dalawa. Tahimik man siya, ang puso naman niya ay hindi matahimik. Malakas and mabilis ang pintig niyon. Hindi kasi mawala sa isip niya ang nangyaring pagkakalapit ng mukha nilang dalawa. Idagdag pa ang insidente kanina sa parking area sa school nila. Nagulat pa siya ng itigil na nito ang kotse sa mismong tapat ng bahay nila.
"Paano mo nalaman ang bahay namin?" tanong pa niya.
Ngumiti lang ito. Isang bagay na hindi na yata niya pagsasawaan dito. Para kasing isang napaka-guwapong anghel ang ngumingiti sa kanya.
"Maliit lang ang Tanangco para hindi ko malaman ang bahay n'yo." Sagot nito.
Napangiti siya, pagkatapos ay tumungo siya. "Ah, ganon ba? Nga pala, maraming salamat." Aniya.
"Walang anuman," sagot nito.
"Sige," pagpaalam niya. Pababa na siya ng kotse nito ng magmadali itong bumaba at umikot sa side niya. Inalalayan siya nito sa pagbaba.
"Mommy!" tawag niya sa Ina.
"Naku Anak, anong nangyari sa'yo?" nag-aalalang tanong ng Mama niya ng makitang akay siya ni Marvin.
Pinaliwanag niya dito ang nangyari sa school pati na ang pagtulong ni Marvin sa kanya. Siyempre, hindi na niya kinuwento ang nangyaring tuksuhan. Baka kasi pagalitan pa siya nito. Mayamaya ay binalingan nito si Marvin.
"Teka hijo, hindi ba't ikaw 'yong isa sa apo ni Ka Badong?" tanong ng Mommy niya, na ang tinutukoy ay ang Lolo ng una.
"Opo," magalang na sagot ni Marvin.
"Naku eh, maraming salamat sa'yo sa pagtulong mo kay Agapita."
"Mommy! Razz po!" pagtatama niya.
Nakita niyang bahagyang natawa si Marvin, pero agad nitong pinigilan iyon.
"Ay siya, Razz kung Razz." Anang Mommy niya.
"Sige po, magpapaalam na po ako." Sabi ni Marvin.
"Sige, Salamat ulit." Sabi pa niya dito.
"Walang anuman, magpagaling ka agad." Anito, sabay baling sa kanya.
"Okay. Thank you!" sagot niya.
Tumango ito. Muli itong sumulyap sa kanya bago ito tuluyang lumabas ng bahay nila.
Nakangiting tumango din siya dito bilang sagot. Ang Mama na niya ang naghatid dito. Hindi niya ininda ang sakit sa paa niya. Dahil mas lamang ang nararamdaman niyang saya sa puso niya. Hindi niya kasi akalain na mangyayari ang magkalapit sila ni Marvin. Para kasi sa kanya. Mahirap itong abutin. Miyembro ito ng pamilya Mondejar. Isa sa mga may sinabing angkan sa buong Barangay nila. Samantalang siya, isang normal na mamamayan lang. Sino nga ba ang mag-aakala na mahuhulog ang puso niya sa isang kagaya ni Marvin?