Chapter Two

3375 Words
ILANG araw na ang nakakalipas matapos ang insidenteng iyon sa school nila. Ilang araw din absent sa klase si Razz dahil sa pilay na natamo niya. Matapos siyang dalhin sa doctor, pinayuhan siya nitong ipahinga ang paa niya upang hindi lalong mamaga. Ngayon nga, back to school na siya. At excited na rin siyang bumalik. Gusto na kasi ulit niyang makita ang mga kaibigan niya, bukod doon, ang muling masilayan ang guwapong mukha ng lalaking tinatangi ng batang puso niya. "Oy Razz, buti nakapasok ka na. Kumusta na ang paa mo?" tanong ng isa sa kaklase niya. "Okay na, Salamat." Sagot naman niya. "Uy Razz, ganda ng eksena n'yo ni Marvin doon sa labas noong nakaraang linggo." Anang isa pang kaklase niya. "Tumigil nga kayo, nagmagandang loob lang sa akin 'yung tao." Saway niya dito. "'Di ba crush mo 'yon?" tanong ng isa pang kaklase niya. "Hindi ah!" mabilis niyang tanggi. "Huuu! Hindi daw? Bakit ka nagba-blush diyan?" tukso pa ng isang kabarkada ni Marvin. "Mainit kaya ako namumula." Pagdadahilan niya. Pero ang totoo, talagang namumula na ang mukha niya. Mabuti na lang at totoong namumula siya kapag init na init siya. Natural na sa kanya iyon, dahil maputi siya. "Nandito na pala si Marvin eh!" Agad na kumabog ng malakas ang puso niya. At mas lalong bumibilis ang pintig niyon habang papalapit ito sa kanya. "Razz, kumusta nang paa mo?" tanong agad ni Marvin paglapit nito sa kanya. "Ah? Uhm... O-okay na." kandautal niyang sagot. "Good. Ilang araw ka rin absent. Mabuti nakapasok ka na. Boring dito sa klase kapag wala ka." Sabi pa nito. "Ano? Bakit naman? Para mo naman sinabing ako lang ang maingay dito." Natawa ito. "Basta," usal lang nito. Mayamaya ay pumasok na ang Filipino Teacher nila. Ito rin ang nagsisilbing head ng Drama Club ng school nila, kung saan siya kabilang. "Magandang Umaga sa inyong lahat," bati nito. "Magandang Umaga po, Ginang Miriam Miranda." Ganting-bati naman ng buong klase nila. "Bago tayo magsimula sa lesson natin sa araw na ito. Gusto ko munang ipaalam sa inyo na sa susunod na buwan, ay magkakaroon ng stage play ang school natin para sa darating na Foundation Day. At kailangan ko ng gaganap na prinsipe. Mayroon ba dito na may gusto?" paliwanag nito. Walang ni isa man sa mga classmates niya ang tumaas ng kamay. Nilibot ng teacher nila ang mata sa buong klase. Ngumiti ito agad ng makita siya. "Miss Magalpok, mabuti at nakapasok ka na." anito. "Opo Ma'am." "Dahil narito ka na rin lang, dito ko na rin ia-anunsiyo. Ikaw ang napiling gaganap na prinsesa para sa stage play na nabanggit ko." Walang prenong wika nito. Nanlaki ang mata niya, kasabay ng pag-ahon muli ng hiya sa katawan niya. Kahit na miyembro siya ng Drama Club. Hindi pa kailanman siya gumaganap na bida sa play. Palagi siyang supporting lang. Kaya hindi niya maintindihan kung bakit siya ang pinili ni Mrs. Miranda. "Ma'am! Bakit po ako?" protesta niya. "Ayoko po!" "Pasensiya ka na hija, hindi ko na puwedeng baguhin ang casting. Nagkulang lang talaga tayo sa miyembro kaya humahanap ako ng gaganap sa prinisipe. Isa pa, maganda ka naman. Bagay kang maging prinsesa." Paliwanag ng Guro nila. "Ma'am si Marvin na lang po!" biglang sigaw ng isang kaklase nila. "Oo nga po Ma'am, si Marvin na lang!" sang-ayon pa ng isa. "Ayoko nga!" mabilis na tanggi nito. "Bagay po sila Ma'am!" sabi pa ng isa. "Ayoko sabi eh!" Habang nakikipagtalo ito sa mga kaklase nila. Siya naman ay gustong gusto ng maging invisible sa kinauupuan niya. Huwag naman sanang si Marvin ang kunin ng teacher niya. Dahil kapag nagkaganoon, malamang, hindi siya makapag-concentrate. "Sige, si Marvin na lang." pagpayag ng teacher nila. "Hindi puwede!" halos sabay na sigaw nilang dalawa ni Marvin. Diyos ko po! Bakit siya? Ayoko po! Hiyaw niya sa isip niya. Hindi niya alam kung bakit sa dinami-dami ng estudyante sa school nila. Si Marvin pa. Sa lalaki pang may malaking epekto sa buhay niya. Oh no! HINDI mawala ang malakas na kaba sa dibdib ni Razz ng mga sandaling iyon. Iyon ang ikalawang linggo at final rehearsal nila para sa stage play na magaganap mamayang gabi. At kahit na kabisado na niya ang bawat linya, sa tuwing darating ang eksena na kailangan halikan siya nito. Umaatake pa rin ang malakas na kabog sa puso niya. At napapaisip siya. Ano kayang nararamdaman ni Marvin sa mga oras na iyon. Kung bakit ba naman kasi, ang dami naman fairytale diyan na puwede i-portray. Ang Snow White and the Seven Dwarfs pa ang napili ng teacher nila. Napag-alaman kasi nila na pawang mga Elementary students ang audience nila. Mga bata ang audience, kaya bakit may kissing scene? Kahit pa sabihin sa gilid ng labi lang niya iyon. Hindi pa rin siya komportable, hindi kaya puwedeng sa pisngi na lang? "Miss Magalpok!" pukaw sa kanya ng teacher nila na si Mrs. Miranda. Napakurap siya. "Po?" tanong niya. "Kanina ka pa tulala riyan, ayos ka lang ba?" "Ah...Opo. Uhm, pasensiya na po. Kinakabahan lang kasi ako." Pagdadahilan niya. Well, totoo naman na kinakabahan siya. Hindi nga lang sa buong play, kung hindi sa nag-iisang eksenang iyon. "I understand. Pero hindi ka dapat magpadaig sa kaba. Galingan mo mamaya, tandaan mo. May additional grades kayo diyan." Paalala ni Mrs. Miranda. "Ang mabuti pa, mag-break na muna tayo. Pagkatapos, one final practice." Anunsiyo nito. Nakahinga ng maluwag si Razz. Agad siyang pumunta sa backstage. "Grabe! Ang galing mo!" puri sa kanya ni Dina. Hindi ito kasama sa cast ng play, pero naka-assign ito sa costumes nila. Gaya niya ay third year high school ito, pero ibang section. "Salamat," "Ang pogi pa ng Prinsipe mo. Bagay kaya kayo. Nakakakilig!" sabi pa nito. "Hoy, huwag kang maingay diyan. Baka mamaya may makarinig sa'yo." Saway niya dito. "Sus! Ano naman masama sa sinabi ko? Aha! Siguro crush mo siya no?" Panghuhuli pa nito sa kanya. Mabilis niyang naramdaman ang pag-iinit ng magkabilang pisngi niya. Agad siyang umiwas ng tingin. "Uy! Nagba-blush siya. Crush mo nga siya!" tukso pa nito. "Hindi ah!" mabilis niyang tanggi. "Aminin mo na kasi, crush mo si Marvin." "Wala akong gusto sa kanya." Aniya. "Alam mo, Razz. Wala yatang babae dito sa campus na walang may gusto sa kanya at sa mga pinsan niya." sabi pa ni Dina. "Wala nga," giit pa niya. "Ikaw naman, hindi ko naman ipagsasabi eh." "Halika na nga, kumain na lang tayo. Gutom lang 'yan." Pag-iiba pa niya sa usapan. Paalis pa lang sila ng biglang dumating si Marvin. Agad na umawit ang puso niya sa saya ng ngumiti ito agad sa kanya. "Razz," "Bakit?" "May nakalimutan akong isoli sa'yo." Anito. "Ano 'yon?" tanong niya. Nanlaki ang mata niya ng ilabas nito mula sa bag nito ang pulang diary niya. Doon nakasulat ang lahat mga bagay na hindi niya masabi sa kahit na sino, at tanging siya lang ang nakakaalam. Kasama na doon ang tungkol sa lihim niyang paghanga kay Marvin. "Paano napunta sa'yo 'to?" tanong agad niya, sabay agaw ng diary niya mula sa kamay nito. "Binigay lang din 'yan sa akin. Napulot ni Kevin noong mapilayan ka. Nakakalimutan ko lang isoli, kanina ko lang naalala. Pasensiya na." paliwanag nito. "Binasa mo ba 'to?" tanong niya. "Hindi," sagot nito. Sabay ngisi. Agad siyang kinabahan. Base sa pagkakangisi nito, gusto niyang magduda. Kapag nalaman niyang binasa ni Marvin ang diary niya. Lagot talaga ito sa kanya. "So, paano? Una na ako. See you later." Paalam nito. Hindi siya sumagot. Agad na ininspeksiyon niya ang bawat pahina. Lalo na ang huling beses na nakapagsulat siya doon. Nandoon pa rin naman ang lahat ng sinulat niya. Dalangin lang niya na sana'y totoong hindi iyon binasa ni Marvin. Dahil kung hindi, baka lumubog siya sa kahihiyan. "NAPAKA-gandang binibini." Wika ng Prinsipe. "Walang maihahalintulad sa kahit na sino ang kanyang kagandahan. Sayang nga lamang at wala na siya. Nilason siya gamit ang mansanas ng walang puso niyang madrasta." Anang isa sa mga duwende. Pinakatitigan ng guwapong prinsipe ang magandang Prinsesa na nakahiga sa kabaong na gawa sa salamin at dyamante. Mukha lang itong natutulog. At agad siyang nabighani sa kagandahan ng Prinsesa. Itim na itim ang mahaba at tuwid nitong buhok. Maputi ang kulay ng balat nito, at natural na mapula ang mga labi nito. Walang Prinsipe ang hindi mabibighani sa kagandahan nito. Kaya hindi niya napigilan ang sarili at nilapit niya ang mukha sa mukha nito. Mas lalo itong gumanda sa malapitan. Bahagya niyang hinaplos ang pisngi nito. "Gumising ka, aking Prinsesa. At hayaan mong buhayin ka ng tunay na pag-ibig na dala ng aking puso." Bulong niya dito. Kasunod niyon ay ang paglapat ng labi niya sa labi nito. Mayamaya ay dahan-dahan bumukas ang mga mata nito. Ngumiti siya dito. "Tunay nga na kay ganda mo, aking Prinsesa." Wika ng Prinsipe. "Aking Prinsipe," Wika naman ng Prinsesa, pagkatapos ay nagyakap sila ng mahigpit. NAPUNO ng palakpakan ang buong paligid, kasabay ng pagsarado ng malaking kurtina ng entablado. Mabilis na lumayo si Razz mula kay Marvin. Hanggang ngayon ay wala pa rin tigil ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Hindi niya inaasahan na hahalikan siya ni Marvin sa mismong labi niya. Ang usapan lang ay sa gilid ng labi. Kung hindi nga lang siya papagalitan ng teacher niya, baka naitulak niya ito kanina sabay sampal. Pero nagpigil siya. Hindi kasi niya inaasahan na sa ganoon klase ng tagpo niya mararanasan ang first kiss niya. At mas lalong hindi niya inaasahan na si Marvin pa ang magbibigay sa kanya niyon. "Bakit mo ako hinalikan sa labi?" nanlalaki ang matang tanong niya. "Eh kasi..." Hindi na nito naituloy ang sasabihin ng kinailangan na nilang humilera sa harap ng stage. Para sa final bow sa audience. Bago muling bumukas ang kurtina, pumila na ang lahat ng cast sa play. Sabay-sabay silang nag-bow, pagkatapos, agad na umalis ang mga supporting cast at tanging sila na lang ni Marvin ang naiwan. Ganoon na lang ang lalong pagdagundong ng puso niya ng kuhanin nito ang kamay niya at hinawakan nito iyon ng mahigpit. Pakiramdam ni Razz ay naglaho lahat ng tao sa buong paligid. Tanging sila na lamang ang natira. Iyon na nga yata ang pinakamasayang araw sa buhay niya. Kung maaari nga lang na hindi na matapos iyon. Sa huling pagkakataon ay sinarado na ang kurtina ng entablado. Mabilis siyang bumitaw mula sa pagkakahawak ng kamay nilang dalawa. "Congratulations, ang galing mo!" Puri sa kanya ni Marvin. "Thank you, ikaw rin naman." sagot niya. "Very well done, Marvin at Razz." Ani Mrs. Miranda. "Thank you po, Ma'am." Sagot nilang dalawa. Pagdating nila sa backstage ay agad na inulan silang dalawa ng pagbati. "Grabe! Bagay na bagay kayong dalawa!" anang ibang kasama nila. Hindi siya kumibo. Nagulat siya ng si Marvin ang magsalita, umakbay pa ito sa kanya. "Talaga? Bagay kami?" "Oo!" sagot pa ng iba. "Teka, nakita namin 'yon ah! Hinalikan mo talaga si Razz sa lips! Hindi naman kasama 'yon sa script ah!" puna ni Dina kay Marvin. Agad na nag-init ang magkabilang pisngi niya. Sinubukan niyang lumayo mula sa pagkaka-akbay nito, pero mas lalo lang siya nitong hinahapit palapit dito. "Nadala ako eh!" tila walang anuman sagot nito. "Ang sabihin mo, nanamantala ka!" pambabara niya dito, sabay alis ng braso nito sa balikat niya. "Ako? Hindi naman ah!" tanggi nito. "Huwag ka ngang magpaka-inosente diyan. Ang nasa script, dito lang sa gilid. Pero bakit sa lips mo talaga ako hinalikan?" kunwa'y galit niyang wika dito. Pero ang totoo, walang anuman sa kanya iyon. Dahil bilang isang babae na nangangarap na mapansin ng crush nila. Siya na yata ang pinaka-masuwerte, siguradong ma-iinggit sa kanya ang ibang mga babaeng may crush din kay Marvin, dahil siya. Nahalikan na nito. Wagi ang beauty niya! "Hindi ba okay sa'yo na halikan kita sa lips? Akala ko ayos lang sa'yo, nabasa ko kasi sa diary mo na crush mo ako. Kaya hindi na kita pinahirapan." Walang prenong wika ni Marvin, sabay tawa. Pakiramdam ni Razz ay nagkulay suka ang mukha niya. Kasabay niyon ay ang pagtawa ng mga karamihan na naroon. Gusto niyang lumubog mula sa kinatatayuan niya. Unti-unting nagmuo ang luha sa mga mata niya. "Grabe! Crush mo siya? At pinabasa mo pa talaga sa kanya ang diary mo, girl? Iyan na ba ang bagong strategy ng mga babaeng humahabol sa crush." Komento pa ng isang estudyanteng babae. "Teka, gagayahin kita Razz!" "Ang tapang naman na magtapat ng feelings sa lalaki!" "Oy Razz, sabihin mo nga sa akin. Anong sikreto mo? Gusto ko rin magtapat sa crush ko!" Tuluyan na siyang napaluha. Tinitigan niya si Marvin, agad na nawala ang ngiti nito sa labi ng makitang umiiyak na siya. Nagsinungaling ito sa kanya. Pinahiya siya nito. Ginawa siya nitong tanga sa harap ng schoolmate nila. "Tinanong kita, sinabi mong hindi mo nabasa ang diary ko!" sigaw niya dito. "Razz, I..." "Sinadya mong magsinungaling para pahiyain ako dito!" umiiyak na sigaw niya. Natahimik ang lahat ng nagtatawanan na mga kasama nila. "Hindi totoo 'yan," tanggi ni Marvin. "Oo, hinangaan kita. Inakala ko kasi na bukod sa guwapo ka. Mabait ka. Pero nagkamali ako! Masama pala ang ugali mo!" "Razz," "Sinadya mo akong halikan sa harapan ng maraming tao, para mapahiya ako. Para mapangalandakan mo sa kanila na may gusto ako sa'yo!" Umiiyak na sabi niya. "I'm sorry," hinging-paumanhin nito. "Tandaan mo ang araw na ito. Ako na ang magiging mortal mong kaaway." Deklara niya. Mabilis siyang naglakad palabas ng auditorium. Inakala niya na iyon ang pinakamagandang araw na nangyari sa buhay niya. Iyon pala ay magiging isang bangungot iyon. "Please, let me explain." Habol pa nito sa kanya, sabay hagip nito sa isang braso niya. Agad siyang pumiksi. "Sa susunod na lumapit ka sa akin. Sisiguraduhin kong ikaw naman ang mapapahiya. Para malaman mo kung paano mag-mukhang tanga sa harapan ng ibang tao. Para malaman kung ano ang pakiramdam ng tinatawanan. Kaya kung ako sa'yo, layuan mo ako." Banta pa niya dito, sabay pahid ng luha sa pisngi niya. Isang malaking pagkakamali na hinangaan niya ang isang Marvin Ison. Ang mahalin ito. Kaya simula sa araw na iyon ay pinangako ni Razz sa sarili na kakalimutan na niya kung ano man klaseng damdamin ang inukol niya dito. Mahirap man, kakayanin niya. NAPASIMANGOT si Razz nang maalala ang bangungot na iyon sa high school life niya. Matapos kasi ang pamamahiyang iyon ni Marvin sa kanya. Kumalat iyon sa school nila. Pinagtatawanan siya kahit saan siya pumunta. May mga nag-akala pa na easy-to-get siyang babae. Ayon na rin kay Marvin, nang minsan nitong sinubukan magpaliwanag. Nagbibiro lang daw ito. Isang biro na hatid sa kanya ay kahihiyan at pasakit. "Grabe naman, mukha ngang hindi maganda ang nangyari sa inyo sa nakaraan. Kaya ganyan na lang ang pagkakasimangot mo." Komento ni Josie. "Burado na siya sa nakaraan ko," sabi pa niya. Muli ay napasulyap siya sa Kid's Corner, na kasalukuyang dinudumog pa rin ng mga bata. Sa kabila ng inis niya sa may-ari ng tindahan na iyon, hindi niya maitatanggi sa sarili ang gaan ng loob niya ng makita ang mga ngiti sa labi ng mga bata. Magiliw siya sa mga bata. Anghel ang turing niya sa mga ito. Kaya din siguro, magaan ang loob ng mga bata sa kanya. Doon sa Tanangco, halos lahat ng mga kabataan doon ay pasyente niya. Maging ang mga matatanda. Kaya imbes na matakot sa dentista ang mga bata. Hindi sa kanya. Mas nagiging excited pa ang mga ito kapag nakikita siya. "Hala ka, papalapit si Marvin dito oh." Untag sa kanya ni Josie. Napakunot-noo siya. Ano naman kaya ang kailangan nito? tanong niya sa sarili. "May pasyente ka ba?" tanong niya pagbukas nito ng pinto ng clinic niya. "Bakit? Bubunutan na ba kita ng gilagid?" pagtataray pa niya dito. "Ikaw lang ang wala doon, halika doon ka muna sa store." Sa halip ay sabi nito. "Ayoko," halos pabulong na wika niya. Sabay irap. Nagulat pa siya ng bigla nitong kunin ang kamay niya at sapilitan siyang hilahin nito palabas ng clinic niya. "Hoy! Ano ba? Bitiwan mo nga ako! Pupunta naman ako ah! Hindi mo ako kailangan kaladkarin!" pagpupumiglas pa niya. Ngunit, tila naging bingi ito. Hindi siya nito pinansin. "Marvin!" tungayaw pa niya. Laking pasalamat niya ng huminto ito. Para lang mapaatras siya ng lumingon ito sa kanya ng nakangiti. Hindi niya maintindihan ang sarili. Sa isang iglap ay may umahon sa kanyang isang pamilyar na damdamin. Mabilis niyang pinalis iyon. Agad niyang binaling sa iba ang paningin niya. "A-ano bang... nginingiti-ngiti mo diyan?" kandautal pa niyang tanong dito. "I missed that," anito. "Ha?" "That. You, mentioning my name. Ang tagal ko ng hindi naririnig na tinawag mo ako sa pangalan ko. Palaging "tse" at "hoy" ang tawag mo sa akin." Paliwanag pa nito. May kung anong humaplos sa puso niya. Bakit ba kung magsalita ito ay para bang malaking bagay para dito ang hindi niya pagbanggit ng pangalan nito? "Ang arte mo," pagsusuplada niya dito. Nahigit pa niya ang hininga ng marahan nitong ipihit ang ulo niya para magtama ang paningin nila gamit ang isang kamay nito. May kung anong emosyon siyang nabasa sa mga mata nito. Hindi nga lang niya maipaliwanag kung ano iyon. Pero, parang gusto niyang kabahan. "Thank you," halos pabulong na wika nito.Sinubukan niyang barahin ito o tarayan ito bilang sagot. Ngunit parang nagkaroon ng bara sa lalamunan niya. Parang walang boses na lumabas doon. Ano bang nangyayari sa kanya? Ganito na ba ang resulta kapag nagre-reminisce ng masamang nakaraan? Para siyang napa-praning. "Tse!" sabi na lang niya, sabay bawi ng kamay niyang matagal ding hawak nito. Lumukso ang puso niya ng muli itong ngumiti. Pero agad din nawala doon ang atensiyon niya nang mapansin niyang kapwa nakatunganga at nakakunot ang noo ng mga kaibigan niya, maging ang mga pinsan ni Marvin. "Nakanang!" malakas ang boses na sabi ni Jester. "Oh yeah! Sabi na nga ba't nagkaka-ibigan kayo eh!" dagdag pa ni Karl. "Hindi ah!" mabilis na tanggi niya. "Weh! Kaya pala nakakasilaw ang pagningning ng mata n'yong dalawa!" tudyo pa ni Mark. "Tumahimik na nga kayo!" saway pa ni Marvin sa mga pinsan. "Twin Bro! Kung siya ang magiging hipag ko. Boto ako! Gusto mo, ipakasal ko na kayo ngayon?" sabad pa ng kakambal ni Marvin na si Marisse. "Kevin, marunong ka bang magligaw ng kuting?" baling ni Marvin sa kaibigan at halos pinsan na rin nito. "Walanghiya!" singhal ni Marisse sa kakambal. "Kayong dalawa? Kailan ba talaga magiging kayo?" singit naman ni Jefti. "Hindi kailan man!" mabilis niyang sagot. "In denial," komento pa ni Wayne, pagkatapos ay pumalatak pa ito. "Ganyan nagsimula sina Lolo Badong at Lola Dadang, palaging nag-aaway. Pero wag ka, iyon pala may gusto sa isa't isa." Si Daryl. "Jhanine, patahimikin mo nga itong syota mo!" aniya sa kaibigan. "Alam ko na, iposas ko na lang kaya kayo ng isang araw. Siguro naman kapag pinakawalan ko kayo, kayong dalawa na." suhestiyon ni Miguel. "Sarah, ilayo mo si PO3 Despuig sa akin. Baka ako ang bumaril dito." sagot naman niya. "Teka nga!" asik niya sa mga ito. "Tigilan n'yo ako! Wala akong gusto dito sa Pinsan n'yong hambog na ito! At hinding-hindi ako magkakagusto sa kanya! Kaya tumigil na kayo sa kakatukso sa amin!" tungayaw niya. Nagkibit-balikat lamang ang mga ito, na tila ba balewala lang ang sinabi niya. "Defensive," pasimpleng tudyo ni Wesley. Naikuyom niya ang dalawang palad. Pagkatapos ay binalingan niya si Marvin. "Hoy ikaw, bakit ganyan kalakas mang-asar ang mga pinsan mo?" tanong niya dito. Sasagot pa lang ito ng dumaan sa gilid nila ang abuelo't abuela nito. Nagulat pa siya ng halos sabay na kilitiin sila nito sa tagiliran, sabay tukso sa kanila. "Uy!" anang dalawang matanda. Napailing si Razz. Bakit pa nga ba niya itatanong? Obvious naman kung kanino nagmana ang mga ito. "Pasensiya ka na sa mga iyan," hinging-paumanhin ni Marvin. "Okay lang, kahit naman madalas na praning ang mga pinsan mo. Kaibigan ko pa rin naman sila." Aniya. "Tara, may mga pagkain sa loob. Kain ka muna." Yaya nito sa kanya. "Sige, salamat." Aniya dito, saka kimi siyang ngumiti. Dumiretso na siya ng lakad sa loob ng Kid's Corner. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit ganoon na naman kabilis ang t***k ng puso niya. Ngunit kung ano man iyon, agad niyang pipigilan ang sarili kung kinakailangan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD