Inaantok na tiningnan ko ang mga kaklase kong nandito sa field. Nakakalat sila at kung ano-ano ang mga ginagawa. Iyong iba nga ay akala mo ay ngayon lang nakaranas ng kalayaan. Akala mo ay mga ibong ngayon lang pinakawalan mula sa hawla.
Mabuti na lang talaga at kahit may kainitan ang panahon ay malamig naman ang dampi ng hangin.
Napaismid ako nang maalala ang dahilan kung bakit nandito kami ngayon sa field at nakakalat.
Recreational activities.
At hindi ko talaga gusto ang pagpapalit namin ng uniporme para sa activity na ito. Naka-shirt and tracking field na uniporme kami bukod pa sa ka-partner na jacket. Itim at berde ang kulay ng P.E uniform namin na mas lalong nagpaantok sa akin.
Napatingin ako sa maberdeng field pagkatapos ay sa uniporme namin. Para kaming makikipag-isa sa kalikasan!
Muli akong humikab at pasalampak na naupo sa damuhan. Kung alam ko lang na maglalaro lang pala kami rito, natulog na lang sana ako sa cafeteria. O kaya ay tumakas kami para kumain ng kwek-kwek sa labas.
"Maglalaro raw tayo rito ng dodge ball," sabi ni Letti habang binubunot ang mga damong nasa harapan n’ya.
"Bakit daw?" Dinig kong tanong naman ni JC, isa naming kaklase at kabarkada.
"May meeting ang mga professor, para iyon sa mga magiging representative ng bawat year level para sa bubuo ng Student Council," sagot naman ni Letti.
Tinanggal ko sa dalawa ang atensyon ko at tiningnan ang ilang matatalino naming kaklase na binibigyan ng instructions ni Mr. Lacuza. Tumutok ang mga mata ko sa pinakaguwapong nerd na tila may sakahan ng lumot.
"Nakatingin ka na naman sa long time crush mo." Kinurot pa ako ni Sab sa braso.
Lumabi lang ako. "Iniisip ko lang kung gaano magiging boring ang sunod na dalawang oras ng buhay natin sa pangunguna ni Ricardo. Baka mamaya, hindi lang dodge ball ang gawin natin. Iba pa naman ang toyo n'yang si Richie Ric."
"Knowing Ric..." Tumabi sa amin si Sab. "Baka ipapa-measure n'ya muna ang buong field at pagagawain tayo ng perfect plan using numbers sa pag-iwas at pagsalo ng bola!"
Nag-apir pa kami habang naghahalakhakan.
Natahimik lang kami nang pumalakpak na ang pinakaguwapong nerd na kilala ko para kunin ang atensyon namin. Nakita ko pa ang pagtapik ni Mr. Lacuza sa balikat n'ya bago tumalikod paalis ng field.
"Alright, everyone..." Richie Ric started his mantra. "We're playing dodge ball and the losers will face punishments later or tomorrow after school."
Nginitian ko s'ya nang matamis nang magawi sa amin ang paningin n'ya. And as usual, kinunutan n'ya lang ako ng noo at nagpatuloy sa matatalinghaga n'yang instructions.
"Ang unang dalawampu na matatamaan ng bola ay out. Of course, iyon ang rule ng larong ito. And sila rin ang makatatanggap ng punishment," he continued.
Isa sa mga kaklase namin ang nagtaas ng kamay. "Puwede bang malaman ang mga consequences?"
"Cleaning of our campus, pagtatanim ng puno, gulay and flowering plants. Pagre-recycle ng mga basura..."
Napapalakpak kami sa narinig. Those punishments sound fun! Mas magandang gawin iyon dahil parang outdoor activity!
"And studying with one of us." Ric ended his glory speech with a smirk.
I heard our classmates "Ayy". They definitely hate the idea. Kahit naman ako ay napasimangot. Sino ba namang mag-e-enjoy kung mag-aaral na naman? Tunay na parusa iyon para sa mga katulad kong tamad mag-aral.
"So, let's play?" One of Ric's co-nerd held the ball. Ini-spin pa n'ya iyon sa hintuturo n'ya na akala mo ay napakagaling n'ya. At dahil wala naman kaming magagawa, sumunod na lang kami sa kanila.
Pinapasok nila kami sa isang malaking bilog na magsisilbing space namin para sa laro. Nahahati iyon sa dalawang bahagi.
Nasa thirty-five na estudyante lang kami at tig-seventeen ang dalawang grupo.
Tulad nang inaasahan, hindi maglalaro si Richie Ric. S'ya ang nasa gilid sa gitnang parte at magsisilbing umpire.
Kinuha n'ya ang bola sa kapwa nerd n'ya at pinapuwesto kami sa espasyong para sa grupo namin.
"Alam n'yo naman ang rules ng dodge ball, hindi ba?" he asked.
Every player on two teams will try to throw balls and hit opponents, while avoiding being hit themselves. Of course alam namin iyon, depende na lang kung sasamahan n'ya ng kakaibang trip n'ya. Baka mamaya ay ipakuha n’ya muna sa amin ang area ng kinalalagyan namin.
Naku! Huwag naman sana!
Ayoko pa naman sa mga numero!
Pakiramdam ko ay binibilangan nila ang bawat kasiyahan ko sa buhay!
"Isang bola lang ang gagamitin natin and don't forget the 5 D's of Dodgeball: Dodge, Duck, Dip, Dive and Dodge," Ric reminded us.
Ang kasama ko sa team ay ilang nerd at ilan sa barkada namin maging si Letti. Si Sab naman ay nasa kabila kasama ang karamihan sa mga nerd. Hindi ko talaga akalaing mahahati ang klase namin sa mga nerd at sa aming mga suki ng guidance.
Nag-toss ng coin si Ric. And the ball goes to our team.
Mahigpit na hinawakan ni Rustom ang bola at walang babalang ibinato iyon sa isa naming babaeng kaklase sa kabilang team. Na-shock iyon at agad na tinamaan sa balikat. Muntik pa ngang umiyak ang babae dahil sa s’ya ang kauna-unahang na-eliminate.
Magsasaya pa sana kami kundi lang dalawa agad sa amin ang natamaan ng bumalik na bola.
"Ako! Ako!" Mabilis na kinuha ko ang bola at tiningnan ang kabilang team.
Masusing tiningnan ko ang mga kalaban namin para humanap ng target.
Napataas ang kilay ko nang makitang nasa may gilid ang babaeng laging nakadikit kay Richie Ric.
Si Maria Clara.
Hindi ko na tanda ang pangalan n'ya kaya iyon na talaga ang itatawag ko sa kanya. Bagay na bagay ang pangalang iyon sa kilos at pananamit n’ya, huwag lang talaga s’yang titingin sa akin dahil sobrang sama n’yang makatingin!
I saw her gulped. Nginitian ko s'ya nang sobrang tamis. Wala naman akong isyu sa kanya kahit para s’yang glue kung makadikit kay Richie Ric, gusto ko lang talaga s’yang asarin.
Akala mo ha!
Bumuwelo ako at malakas na ibinato sa direkson n’ya ang bola.
At ang lumang bersyon ni Maria Clara ay biglang tumili nang pagkalakas-lakas.
Na-amaze pa ako nang bigla na lang n'yang hawakan ang pobreng kaklase namin na malapit sa kanya at ipinangharang sa bolang tatama sana sa kanya.
Tinamaan sa likod ang kakampi n'ya na sa gulat ay nasipa pa ang kawawang bola.
Hindi ko nga lang inaasahan ang pag-bounce ng makasalanang bolang iyon.
Dahil sa mukha ni Richie Ric iyon lumanding. Muntik pang mawalan ng balanse ang lalaki dahil sa lakas ng impact ng bola.
Natahimik ang lahat, ako lang yata ang natawa sa nangyari pero agad din akong sumeryoso nang tingnan n'ya ako nang matalim.
Hindi nagsalita ang lalaki, ibinigay n'ya lang ulit sa isa naming kaklase ang bola at pumito para magpatuloy ang laro.
And the game goes on.
Dahil sa excitement ay feel na feel ko ang pag-iwas at pagbato sa bola.
Unti-unting nababawasan ang miyembro ng bawat pangkat. Isang miyembro na lang ang kailangang ma-out at safe na ang lahat sa punishment na naghihintay.
Noong una ay gusto ko sanang magpatama sa bola para manonood na lang ako o kakain sa cafeteria pero dahil sa huling punishment ay nagbago na ang isip ko. Ang boring ng buhay kung mag-aaral ako kasama ng isa sa miyembro ng Noble Clan. Baka mamaya ay isumpa ako at magkasala pa sa langit ang kung sinumang makakasama ko.
Sa pagbato sa akin ng bola ng isa sa mga nerd ay bigla na lang akong nawalan ng balanse. Tumama sa akin ang bola, sa balakang ko kaya agad na bumagsak ako sa damuhan.
Mabilis na dinaluhan ako ng mga kasama ko sa team.
"Okay ka lang?" Rico asked me. Inalalayan pa nila ako para makatayo.
"Okay lang ako." Nginitian ko pa sila kahit na masakit ang puwitan ko dahil iyon ang sumalo sa bigat ko.
Mas napasimangot pa ako nang magawi kay Ric ang paningin ko. At ang gago, kung hindi ko lang alam na isa s’yang pambansang tuod, iisipin ko talagang nakita ko s'yang ngumiti kahit na kaunti. Para s'yang natuwa sa pagkakabagsak ko.
"Sandali, Ric." Si Damon ng kabilang team. "Aalalayan lang namin si Gab, mukhang napasama ang bagsak n'ya."
Hindi s'ya pinansin ng lalaki kaya inalalayan nila ako hanggang sa makaupo ako sa damuhan sa may di-kalayuan sa kanila. Mahirap na, baka matamaan ulit ako ng bola.
Nagpatuloy ang laro, alanganin na ang kalaban naming team at naghahabol na sila kaya medyo mainit na ang bawat isa. Nagbabantaan na rin ang mga lalaki at nagtatarayan na ang mga babae.
Pakiramdam ko tuloy ay nasa Olympic sila kaya sobra silang competitive.
Ang dalawa ko namang kaibigan na nananatili pa rin sa laro ay tuwang-tuwa sa mga pinagagagawa nila.
Nakaramdam tuloy ako ng inggit, masaya sana ang laro.
"Hay..." Nagdesisyon akong mahiga na lang sa damuhan. Humilata ako at pinaglaruan ang mga d**o gamit ang mga braso at binti ko. Ikinawag-kawag ko pa ang mga iyon.
Naaliw ako sa pagtitig sa asul na asul na langit kaya hindi ko na tiningnan pa ang pagkakagulo ng naglalabang team.
Mainit ngunit hindi nakakapaso sa balat ang init na ibinibigay ng araw.
Maganda rin ang asul na kalangitan kaya mas lalong nakakaantok.
"Whoa!" Mabilis na sinundan ng mga mata ko ang humagis na bola at lumampas sa akin. Bumagsak iyon may dalawang metro mula sa kinahihigaan ko.
Hindi ako tumayo para kunin ang bola. Nanatili akong nakahiga at nilingon lang ang mga kaklase kong nagtatalo-talo kung sino ang kukuha ng bola.
Kinawayan pa ako ng iba pero hindi nila ako inutusang kunin ang bola kaya nanatili na lang akong nakatingala sa langit. Nakakatamad din naman kasing tumayo.
Nag-e-enjoy pa akong magmuni-muni kaya laking gulat ko nang may isang pares ng paang humakbang sa akin.
"Ay pucha!" Agad ang naging pag-upo ko nang ma-realize na tila wala lang na dinaanan ako ni Ric.
Walang anuman s'yang naglakad patungo sa bola at kinuha iyon.
"Hoy, Richie Ric!" I called him. "Ang lapad-lapad ng puwede mong daanan, ako pa talaga ang hinakbangan mo!"
Nakapamaywang na tiningnan ko s’ya.
Nilingon n'ya lang ako. "Akala ko ay parte ka ng field."
Muli pa talaga s'yang dumaan malapit sa akin. Dumiretso s'ya sa mga kaklase naming naglalaro at ibinigay sa isa sa mga 'yon ang bola.
"Gab!" Sab approached me. Mukhang na-eliminate na rin s'ya sa laro. Pasalampak s’yang naupo sa tabi ko.
"Hindi pa nga kayo close ni Ric, nag-aaway na agad kayo."
Lumabi lang ako at masamang tiningnan ang lalaking naka-focus ang atensyon sa mga naglalaro. Bahagyang nakataas ang sulok ng labi n'ya na mukhang isang demonyong lubos na natutuwa.
"Parang gusto ko s'yang buwisitin nang buwisitin," I said before crossing my arms.
Sab chuckled. "Ang sabi namin ni Letti, jowain mo ‘yang si Ric dahil baka kayo talaga. Hindi ‘yang bubuwisitin mo."
Lumabi ako. “Hindi kami talo. Baka ako pa ang maging sanhi ng kamatayan n’ya kapag nagkataon.”
Humagikhik ang kaibigan ko. “Dahil ba sa kunsumisyon sa ‘yo? O dahil sa ingay at kakulitan mo o lahat ng nabanggit?”
Gusto kong tuktukan si Sab dahil sa mga sinabi n’ya. Mas lalo naman s’yang natawa sa naging reaksyon ko.
Nangingiting humarap ako sa kaibigan ko. "May naisip akong isang napakagandang ideya!"
❤