PROLOGUE

1208 Words
Mainit ang panahon at walang senyales na kahit paano ay mababawasan ang init ng temperatura para sa araw na ito. Maalinsangan din ang pakiramdam na hatid ng hangin. Hindi pa nakatulong ang ingay ng mga estudyanteng nakakalat sa paligid. Halos lahat ay abalang-abala para sa araw na ito. Isa ako sa maraming estudyanteng hanggang ngayon ay na-o-overwhelm pa rin sa katotohanang papasukin ko na ang buhay ng isang kolehiyala. Unang araw ng enrollment at isa na ako sa maraming estudyanteng nakikipila sa kursong pinili. Bahagya kong sinilip ang unahan ng pila, sa haba ng pila ay halos hindi ko na matanaw kung pang-ilan na ba ako. Pakiramdam ko pa nga ay tila pagong ang pag-usad ng pila. Tourism ang kursong napili ko. Bukod sa gusto kong makapunta sa iba’t-ibang lugar ay wala na akong ibang dahilan kung bakit ang kursong ito ang gusto kong kuhanin. Kasali ako sa kalahati ng populasyon ng mga kabataang hindi pa alam ang gustong gawin sa buhay at hindi rin alam kung anong direksyon ang tatahakin. Ngunit katulad nang sinabi ni Tita Malou, ang tiyahin kong nagpalaki at nagpapa-aral sa akin, normal lang daw sa edad ko ang makaramdam nang katulad ng nararamdaman ko. Masyado pa raw akong bata para malaman kung ano talaga ang gusto ko sa buhay. Sa mura kong edad ay natural lang na hanapin ko muna ang gusto ko habang nag-e-enjoy. Kaya nagpapasalamat ako kay Tita Malou, hindi n’ya ako peni-pressure at hinahayaan din n’ya akong gumawa ng sarili kong desisyon. Mas mabuti raw iyon dahil kung sakaling magkamali ako sa mga gagawin kong desisyon ay magagawa ko rin iyong harapin nang maayos. Muli akong napabuntong-hininga. Ilang beses ko na ring pinunasan ang tungki ng ilong ko dahil kanina pa iyon namamawis. Mas lalong bumusangot ang mukha ko nang makitang paubos na ang laman ng bote ng tubig na dala ko. Hindi naman ako puwedeng pumunta sa cafeteria para bumili. Bukod sa hindi ko alam kung nasaan ang cafeteria rito sa unibersidad ng San Sebastian ay wala naman akong kakilalang maaaring mag-reserba sa puwesto ko rito sa pila. Baka mapunta pa ako sa dulo ng pila kapag umalis ako. “Ang ganda mo naman.” Kunot-noong tiningnan ko ang babaeng kasunod ko sa pila. Medyo kulot ang may kahabaan n’yang buhok at nakasuot din s’ya ng salamin. “Thank you,” pasasalamat ko. “I love your hair.” Namula ang pisngi n’ya. “Pasensya na kung kanina pa kita tinitingnan, nagagandahan lang talaga ako sa ‘yo. Isa pa ay kanina ka pa pinag-uusapan ng mga lalaking iyon. Gusto yata nilang makipagkilala sa ‘yo…” Itinuro pa n’ya ang grupo ng mga lalaking estudyante na kaagad na nag-iwas ng tingin nang tingnan ko. “Hayaan mo sila,” sabi ko na lang. “Ako nga pala si Letti.” Inilahad n’ya ang kamay. “Letticia Montalban.” Tinanggap ko naman ang kamay n’ya. “Gabriella Castro, but you can call me Gab.” Natural yata ang pagiging madaldal at palakaibigan ni Letti kaya agad ko s’yang nakasundo. Marami s’yang kwento kaya mas nalibang ako. May baon din s’yang tubig at pagkain na buong-puso n’yang ibinigay sa akin ang iba. “Ikaw na, Gab…” Humarap ako sa registrar at nagulat pa ako nang makitang ako na ang nauuna sa pila. Sa sobrang aliw ko sa pakikipag-usap kay Letti ay hindi ko na napansin ang pag-usad ng pila. Bago ko pa nga lang maibigay sa registrar ang requirements ko ay kaagad na s’yang umiling sa akin. Nagtatakang tiningnan ko ang babaeng registrar. “Bakit po?” “Pasensya na hija ngunit puno na ang kursong ito. Humanap na lang kayo ng kursong puwede n’yong lipatan,” sabi ng registrar at inulit pa n’ya iyon sa mas malakas na boses para mas marinig ng iba pang nakapila. Rinig ko ang nagrereklamo at disappointed na mga boses ng mga estudyanteng kasama namin sa pila. Wala nga lang silang magawa kaya umalis na rin sila para maghanap ng kursong maaari nilang lipatan. “Paano na kaya ito?” Letti asked. “Wala pa naman akong ibang course na puwedeng pagpilian. Dito ako pumila dahil ito ang may pinakamahabang pila.” Kahit ako ay hindi naiwasang hindi lumabi. “Subukan nating maghanap ng iba para hindi naman masayang ang oras natin. Isa pa ay sayang naman ang pagpunta natin dito.” Sinimulan kong scan-in ang paligid namin sa pag-asang may kahit isang kursong kukuha ng atensyon ko. Kaagad kong nilampsan ang pila ng engineering dahil ayoko sa mga numero. Baka makasuhan lang ako kapag naging engineer ako. Hindi ko rin pinansin ang Mass Communication na malapit lang sa amin dahil kung haharap man ako sa camera ay mag-aartista na lang ako. “May nahanap ka na ba?” Humawak sa braso ko si Letti. “Okay ako sa kahit anong kurso. Hindi ko pa rin naman alam ang gusto ko sa buhay ko.” Nangunot ang noo ko nang tumigil sa isang pila ang mga mata ko. Wala pa yatang labinlima ang nakapila roon at hindi rin pamilyar sa akin ang kursong iyon. Isang matangkad na lalaki nga lang ang kumuha sa atensyon ko kaya umahon ang kuryusidad sa puso ko. Ito ang kauna-unahang pagkakataong may lalaking kumuha ng atensyon ko. Nakasuot s’ya ng plain white polo na naka-tuck-in din sa pantalon n’yang tuwid na tuwid. May kunot sa noo n’ya habang nakatingin sa unahan ng pila. “Letti, pamilyar ka ba sa Marketing Management?” tukoy ko pa sa kursong pinipilahan ng lalaki. “Marketing ano?” Nasa mukha ni Letti ang pagtataka. “Ano ‘yon?” Kinalabit ko s’ya at itinuro ang lalaking kunot na kunot pa rin ang noo. “Oy, pogi!” bulalas ng babae na ikinatawa ko. “Doon na lang tayo?” tanong ko. Hindi na ako nagdalawang-salita pa dahil kaagad na akong hinila ni Letti papunta sa direksyon ng pila ng Marketing Management. Nagpaunahan pa kami kaya natabig namin ang lalaking hindi na nawala ng kunot sa noo. “Oh, I’m sorry,’ paghingi ko ng paumanhin at nginitian s’ya nang ubod ng tamis.  Ngunit sa kauna-unahan ding pagkakataon ay nakatagpo ako ng lalaking hindi man lang tinablan ng matamis kong ngiti. Mas nangunot ang noo n’ya bago walang anumang humarap sa registrar. “Ay, ang supalado naman!” sambit ni Letti. ”Naku, suplado talaga iyang si Ric. Huwag na kayong magtaka at hindi talaga ‘yan namamansin.” Pareho pa kaming napatingin ni Letti sa babaeng nagsalita. “Hi!” bati sa amin ng babaeng may mamula-mulang pisngi. ‘Pasensya na kung sumabat ako sa usapan n’yo.” Naglahad ng kamay si Letti. “I’m Letticia, she’s Gabriella.” Tinuro pa ako ni Letti. “Ako nga pala si Sabina, puwedeng Sab na lang ang itawag n’yo sa akin,” pagpapakilala ni Sabina at nakipagkamay sa amin. “Kilala mo ba iyon?” Itinuro ko ang lalaking nan-deadma sa akin. Tumango si Sabina. “He’s Ric Aldrin Ocampo at kaklase ko s’ya since elementary. Matalino, gwapo, perpekto pero ubod nang suplado…” Marami pang sinabing impormasyon si Sabina tungkol sa lalaki pero hindi ko na pinakinggan iyon. Ang tanging nanatili sa isipan ko ay ang buong pangalan ng lalaki. Ric Aldrin Ocampo ❤
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD