Masisira na yata ang pisngi ko sa lawak ng pagkakangiti ko.
Nasa kamay ko ang candidacy form na katatapos ko lang fill-up-an. Ingat na ingat ako na huwag magkaroon ng lukot ang form para sa malinis at maayos na pagkandidato sa eleksyon.
Hindi pa man na-a-aprubahan ang kandidatura ko ay nakakaramdam na ako ng sobrang excitement. Pakiramdam ko ay nagkaroon ng bagong thrill ang buhay ko at may panibago at kapana-panabik na adventure akong pupuntahan.
Ganoon ang eksaktong nararamdaman ko ngayon. Hindi ko na nga iniisip kung ano ang posibleng maging resulta ng ginawa ko ngayon. O kaya ay kung anong gimik ang gagawin ko sa kampanya ko sa oras na i-approve ang candidacy ko.
Bahala na si Batman at ang Avengers!
Grabe ang pagpipigil kong makagawa ng ingay kahit pa nagdiriwang na ako sa loob ko. Gusto ko mang humalakhak ay tahimik lang akong naglalakad. Kasabay ko kasi si Richie Ric kaya gusto kong maging mahinhin kahit ngayon lang.
Bukod sa baka mabugnot na naman s’ya at magbago ang isip ay baka sermunan na naman n’ya ako. Kapag nasa paligid pa naman n’ya ako ay feeling pari s’ya lagi.
Tinatahak namin ang direksyon ng office ni Mr. Damayo para ibigay ang form na hawak ko, s'ya kasi ang propesor na namamahala sa Student Council. At dahil isang mabuti at may busilak na puso ang guwapo naming Student Council President, sasamahan n'ya ako roon para opisyal na ipakilala as one of the running candidates.
Dapat ay kasabay ko sina Maria Clara at 'yong isa pang nerd na nakilala kong si Poly, nauna lang talaga silang samahan kanina ni Ric dahil siyempre pa ay nag-busy-busyhan ako para masolo ko ang lalaki ngayon.
At viola! Matagumpay talaga ang ginawa ko dahil wala s’yang choice ngayon kundi bumalik sa opisina ni Mr. Damayo para ako naman ang samahan.
Mas lumawak ang pagkakangiti ko nang makita ang suporta ng mga schoolmates naming nasa magkabilang gilid ng hallway. Para kaming naglalakad sa red carpet at may mga butler na nakahilera sa magkabilang gilid na handang yumukod para magbigay-galang.
Kumakaway pa sila at i-tsini-cheer ang pangalan ko. Kumalat talaga ang pagtakbo ko kahit hindi ko alam kung anong ginagawa ng isang Representative.
Baka turuan ko lang sila ng tamang pagdadahilan para mag-cutting o kung anong magandang isuot kapag hinahabol ka ng propesor. O kung paano matulog nang hindi nahuhuli sa gitna ng discussion.
"Ay pucha!" Natakpan ko kaagad ang bibig ko para hindi na ako makapagmura pa. Dahil sa sobrang gulat ko sa biglang pagharang sa daraanan ko ng isang matangkad at tisoy na lalaki na naka-uniporme pa ng basketball team ng eskwelahan namin.
"Hi! Gabriella, right?" Preskong inilahad ng lalaki ang kamay n'ya sa harapan ko. "Gusto kong sabihin sa 'yong iboboto ka ng lahat ng bumubuo sa basketball team ng school natin."
Kung sa ibang pagkakataon, baka namura ko na s'ya pero dahil dapat ay behave ako ngayon...
"Kaawaan ka sana ni Lord," sabi ko at mabilis na kinamayan ang lalaking mukhang may baong windmill dahil sa sobrang hangin sa katawan.
Agad ko ring tinalikuran ang lalaki para habulin si Ric na nangungunot na naman ang noo. Hindi ko na pinansin pa ang paghihiyawan ng mga basketball player na kasama ni Tisoy na malay ko kung sino.
Kinakabahan talaga ako. Parang ang lakas ng kandidatura ko, baka manalo pa ako! Wala pa naman ‘yon sa plano ko!
Hays.
Tinakbo ko ang distansya namin ni Ric para makasabay sa kanya.
Hindi ganoon kalayo ang opisina ni Mr. Damayo kaya kaagad namin iyong narating.
Nadatnan namin doon si Sir na abalang-abala sa mga sandamakmak na papel na nasa lamesa n'ya. Siguro ay isa iyon sa dahilan kung bakit nauubos na ang buhok n’ya.
"Good Afternoon, Sir," Ric greeted the professor.
Nakibati rin ako kahit na labag sa loob ko. "Magandang hapon, Sir!"
Mr. Damayo looked at us. "Oh, Mr. Ocampo, Miss Castro." Pinalapit n'ya kami sa may table n'ya. “Lumapit kayo rito.”
Iniabot ni Ric kay Mr. Damayo ang form ng candidacy ko. Hindi ako sigurado pero parang mas na-stress s'ya nang makita ang form ko. Labag na labag talaga sa loob n'ya ang pagpayag sa kandidatura ko.
Grabe, hindi pa man nagsisimula ay may kinikilingan na si Sir!
Mabilis na kinuha ko mula sa bulsa ko ang secret weapon ko at inilagay sa table ni Sir. Isa iyong pineapple juice in can.
"Para hindi na kayo ma-stress at iwas high blood na rin, Sir," sabi ko. Kahit alam ko namang isa ako sa pinanggagalingan ng stress n'ya.
Hindi tuloy alam ni Mr. Damayo kung ngingiti s'ya, magpapasalamat o ipagtatabuyan ako palabas ng opisina n'ya. Sa huli ay napabuntong-hininga na lang s'ya at muling naupo.
"Nabasa na rin ba n'ya ang booklet na sinabi ko, Mr. Ocampo?" tanong pa ng propesor kay Ric.
"Naipaliwanag ko na rin sa kanya, Sir," Ric answered. Magalang na magalang talaga s’yang makipag-usap at mukhang sa akin lang s’ya rude.
Tumango-tango ang matanda. Hinarap n'ya ako. "Miss Castro, bukas ang opisina ko kung magkakaroon ka ng pagbabago ng isip at—"
"Naku, Sir! Sobrang desidido po ako na paglingkuran ang mga minamahal kong kaeskwela!" maagap na putol ko sa sasabihin n'ya. “Kaya sana ay maging patas kayo sa pag-a-approve ng candidacy ko.”
Tumabingi ang ngiti ni Mr. Damayo. Mukhang nakorner ang itsura n’ya.
"Huwag kayong mag-alala, Sir. Hinding-hindi kayo magsisisi sa pagpayag sa kandidatura ko. Magiging huwaran akong estudyante para sa lahat!" dagdag ko pa.
Mr. Damayo heaved a sigh.
Pinagpawisan pa s'ya nang kaunti bago tila labag na labag sa loob na pinirmahan ang form ko. “Hintayin mo na lang ang result para malaman mo kung approve na ang pagtakbo mo.”
Masayang sumaludo ako. “Sobrang salamat, Sir!”
Nagbilin pa s'ya ng ilang bagay sa akin kaya mas naunang lumabas ng silid si Ric. May limang minuto rin yata akong kunwaring nakinig sa mga salita ni Mr. Damayo bago n'ya ako hinayaang makaalis.
Kaagad na lumabas ako ng opisina ni Mr. Damayo para hanapin ang lalaki. Napasimangot na nga lang ako nang makitang hindi ako hinintay ni Richie Ric.
Hindi ko na pinansin pa ang ilang tumatawag at pilit na sumusubok na makipag-usap sa akin. Mas binilisan ko pa ang paglalakad ko para kahit paano ay maabutan ko man lang kahit ang anino ni Ricardo pero ni dulo ng buhok n'yang may pomada ay hindi ko nakita.
Pinagpatuloy ko na lang ang paglalakad pabalik sa building namin.
And from afar, I spotted him. Kunot na kunot ang noo n'ya at tila nag-aalinlangan ang mga paa n'ya na hindi alam kung saang direksyon tutungo.
Agad na kinawayan ko s'ya na nakita naman n'ya. Tatakbuhin ko sana ang distansya namin nang may dalawang babaeng humarang sa daraanan ko.
Akala ko pa ay nagkamali lang sila kaya umiba ako ng daan pero humarang pa rin sila.
"Yes?" Nakangiti pa ako sa dalawang babaeng tila miyembro ng Mean Girls Club ng eskwelahan namin.
"Gabriella Castro, right?" the tall and morena woman asked me.
"Uh-oh." I smiled.
"Aera. Aera Rozales." Pagpapakilala naman ng babaeng may puting-puting balat.
Tumango-tango ako. "Ano naman ang kailangan n'yo sa akin?"
"Hindi mo ako nakikilala?" Aera asked, her eyes are glaring with fire.
Saglit akong nag-isip bago umiling. "Hindi e, dapat ba na kilala kita?"
Kitang-kita ko kung paano nawalan ng poise ang babaeng nagpakilalang Aera. Parang napaka-big deal sa kanya na hindi ako aware sa existence n’ya.
The girl beside her stepped forward. "Girlfriend s'ya ni Blue Moreno at naghiwalay sila dahil sa 'yo!"
Literal na nagpalitan sa pagtaas ang mga kilay ko. Bahagya pa akong nag-isip kung sino ba ang mga babaeng nasa harap ko at maging ang Blue’ng tinutukoy nila.
"Oh!" Napapitik pa ako sa ere nang maalala ang tsismis nina Sab sa akin. "Natatandaan na kita, ikaw pala 'yon?"
Hindi yata nagustuhan ni Aera ang reaksyon ko kaya mas tumalim ang mga mata n'ya. Namaywang pa s’ya at sinuyod ang kabuuan ko. Hindi naman ako nagpasindak, sinalubong ko ang mga mata n’yang kulang na lang ay maging dilaw dahil sa suot na contact lens.
"See? At alam mo talaga ang nangyari sa amin ni Blue!" pang-aakusa n'ya habang masama ang pagkakatingin sa akin.
Itinaas ko ang kanang kamay ko. "Sandali lang, nai-tsismis sa akin ang bagay na iyan. Hindi ko alam na ako pala ang dahilan ng paghihiwalay n'yo ng jowa mong hindi ko naman kilala. Pasensya na kung ganoon ang nangyari sa inyo."
Mas lalong nagngitngit sa inis ang babae. "Hoy! Nilandi mo si Blue, aminin mo na!"
"Aba!" Namaywang ako. "Bakit parang kasalanan ko pa na ang ganda-ganda ko? Saka hindi ko kilala ang boyfriend mo, ni hindi ko nga alam na nag-e-exist 'yon sa mundo e!"
"Malandi! Sinungaling!" pasigaw na paratang sa akin ng babaeng ipinaglihi sa sobrang melanin.
May ilang estudyante na ang nagtitinginan sa amin pero walang nangahas na makialam. Alam din naman kasi ng karamihan na ma-attitude rin ako.
"Hindi ko nga nilandi ang boyfriend mo. Ni wala nga akong kilalang Blue o Red o kahit anong pangkulay pa 'yan!" Kahit paano ay may simpatya sa boses ko para sa babae.
Naiintindihan ko ang pinagdadaanan n'ya. Broken-hearted s'ya kaya may kakitidan ang isip n'ya ngayon at sarado iyon sa lahat ng bagay. Huwag nga lang s’yang lalampas sa linya at baka ingudngod ko s’ya sa putik.
"Sinungaling!" Tumaas ang kamay ni Aera.
Mabilis na nahawakan ko ang kamay n'yang sasampal sana sa akin. Mahigpit na hinawakan ko ang palapulsuhan n'ya bago iyon iwinaksi.
"Kapag sinabi kong hindi ko nilandi ang boyfriend mo, hindi ko nilandi. At kung pagbubuhatan mo ako ng kamay, baka maubusan ako ng simpatya sa pinagdadaanan mo," mahinahon ngunit madiing sabi ko.
Matalim ang mga matang sinugod ako ng babae. Agad na nahawakan n'ya ang buhok ko na kakukulot ko pa lang.
"Letse ka, limang oras kong kinulot ang buhok ko!" Hinawakan ko rin ang bagong rebond n'yang buhok at tila kampanang hinila. Salitan talaga ang paghila ko sa magkabilang dulo ng buhok n’ya!
Pilit s'yang inaawat ng kasama n'ya pero tila linta s'yang nakakapit sa buhok ko.
Akala ko ay tuluyan na n'ya akong masasabunutan pero agad na umangat ang mga kamay n'yang nasa ulo ko.
"Miss, are you even aware that violence is strictly prohibited here? Nasa eskwelahan tayo, where are your manners?"
Napatingala pa ako kay Ricardo. Nasa may gawing likuran ko s'ya at hawak-hawak n'ya ang dalawang kamay ni Aera sa ere.
Nakilala yata ng bruha si Richie Ric dahil kaagad na nabalot ng takot ang mukha n'ya.
Ngiting-ngiting binalingan ko si Aera at hinila ang buhok n'ya. Akala ba n’ya na hindi ako gaganti? Aba, lintik lang ang walang ganti!
"Aray! Let go!" The witch shouted in pain.
"Ang tigas kasi ng ulo mo, ha! Sinabi na ngang hindi ko kilala ang jowa mo, ayaw mong maniwala!" Muli kong hinigpitan ang pagkakahawak sa buhok n'ya.
Mangiyak-ngiyak na ang babae pero wala naman s'yang magawa dahil hawak-hawak pa rin ni Ric ang dalawa n'yang kamay.
"Let go," mahinang utos ni Ric sa akin.
Hinila ko pa muna ang buhok ni Aera bago iyon binitiwan. Saka naman binitiwan ni Ric ang mga kamay ng babae.
Isang matalim na tingin ang ibinigay sa akin ng bruha bago madramang tumakbo paalis.
"Thank you!" Matamis ang ngiting nilingon ko ang nakasimangot na lalaki.
"Look at what you've done," simula n'ya. "Mapapaaway ka dahil sa boyfriend ng ibang babae!"
Ikiniling ko ang ulo ko. "Hindi ko kilala ang dalawang iyon. At mas lalong hindi ko kasalanan kung na-inlove sa kagandahan ko ang boyfriend n'ya. Hindi ko hawak ang kung anong mararamdaman sa akin ng kahit sino. At lalong hindi ko kasalanan na ang ganda-ganda ko."
"Iyan!" He's frustrated. "Masyado ka kasing friendly, akala mo lagi ay isa kang palengke na puwedeng-puwedeng puntahan ng lahat dahil lagi kang nakabukas! Kaya lahat ng mga lalaki ay gustong-gustong pumunta sa 'yo!"
Napangiwi ako sa panenermon n'ya. Ang judgemental talaga ng society.
"Sana man lang ay marunong kang tumanggi sa lahat. Hindi iyong lahat yata ng lalaki rito sa campus ay naging boyfriend mo na!" Stress na stress ang itsura n’ya at bahagya pa s’yang hiningal matapos sabihin ang mga iyon.
Mukhang ito rin yata ang unang beses na nagtaas s’ya ng boses at madaming salita ang lumabas sa bibig n’ya.
Inayos ko ang buhok ko at hinayaan s'yang manermon. Pinili ko na lang na hindi pakinggan ang mga sinasabi n’ya tungkol sa kahalagahan ng isang ulirang Pilipina. Tumigil rin naman s'ya pagkaraan nang may tatlong minuto.
Tuluyan na nga s’yang hiningal dahil sa haba ng mga sinabi na ni kahit isa ay wala akong naintindihan.
"Okay ka na ba?" tanong ko. “Tapos ka na ba sa misa mo, Father?”
He just looked at me with disbelief.
Ikiniling ko ang ulo ko. "Saka hindi lahat ng lalaki rito sa campus ay naging jowa ko na. Hindi pa nga kita nagiging boyfriend, hindi ba?" dagdag ko pa na nakapagpatulala sa kanya.
Napailing ako nang kaunti.
"Saka, saan ka ba nakakita ng palengkeng hindi nagpapapasok ng mga tao? Malulugi iyon kapag nagkataon!" sabi ko pa bago s'ya tinapik sa pisngi at tinalikuran.
Dinig ko pa ang inis ng pagpapadyak n'ya ng paa.
❤