Humihimig na lumabas ako mula sa sasakyan ko. Magandang-maganda ang mood ko kahit na ganoon ang nangyari kagabi.
Hindi ang pambabalewala ni Ricardo sa ganda ko ang makakasira sa mood ko. Isa pa, nasa akin naman ang jacket n'ya at amoy na amoy ko ang panlalaking amoy n'ya. Ang bango! Amoy fresh na fresh na mukhang hindi tatandang mag-isa!
Natawa pa ako sa naisip. Hindi rin mawala ang ngiti ko habang papasok sa main gate ng eskwelahan.
"Whoa!" Sabay-sabay na hiyawan ng mga barkada kong lalaki nang makita ako.
Nakipag-high five ako sa kanila na ikinatuwa naman nila. Some of them are a bit drunk at ang ilan pa nga ay pasimpleng naninigarilyo. Pasalamat talaga sila at maaga pa lang, tamad pang maglibot ang mga guard kung hindi ay magiging suki sila ng guidance nang ganito kaaga.
"So, mukhang hindi lang sa videoke kayo nagpunta kagabi," simula ko at pinasadahan sila ng tingin. Napailing pa ako nang makitang namumungay pa nga ang mga mata nila tanda na kulang o baka nga ay wala pa silang tulog.
"Dumiretso kami sa bagong bukas na pub diyan sa may kabilang street. Sayang nga at hindi ka nakasunod. Ang ganda pa naman ng ambiance ng lugar na iyon," sagot ni Conrad at kinuha ang ilang aklat na dala ko maging ang laptop ko.
"Natagalan kasi kami sa group study na 'yon, e," may panghihinayang na sabi ko. “Hindi rin naman ako makatakas, alam n’yo namang may pagka-matang-lawin si Richie Ric.”
Sayang lang talaga, sana ay nakasunod ako. Sana ay medyo lasing din ako ngayon katulad nila. Sayang!
Maya-maya pa ay dumating na rin si Letti kasunod si Sab. Hinihingal pa ang dalawa na mukhang naghabulan na naman. Mas lalong umingay ang grupo namin sa pagdating ng dalawa kong lokaret na kaibigan.
"Gab!" Lumingkis kaagad si Letti sa kanang braso ko samantalang nangungunot ang noong tiningnan naman ni Sab ang likuran ko. Pinihit pa nga n’ya ako para makita nang maayos ang kung anong tinitingnan sa likod ko.
"R. A. Ocampo..." Binasa ni Sabina ang pangalang nakasulat sa likod ng jacket na suot ko. "Oh my God! Kay Richie Ric ito, hindi ba?"
"What?" Bumitaw kaagad sa akin si Letti at tiningnan din ang likod ko.
Nang tingnan ko ang dalawang bruha ay hindi maipinta ang mga mukha nila. Para silang nakakita ng isang multo at hindi nila iyon mapaniwalaan. Tawang-tawa tuloy ako sa itsura nilang dalawa.
"Na-obssess ka na ba sa crush mo at pati jacket n'ya ay ninakaw mo?" Letti asked in disbelief.
Tinampal ko ang braso n'ya. "Gaga, ipinahiram n'ya sa akin ito kagabi."
"At bakit naman n'ya ipahihiram sa 'yo ang jacket n'ya na may initials pa n'ya?" Namaywang pa sa akin si Sabina. Nasa mga mata n’ya ang hindi paniniwala sa mga sinabi ko.
"Malay ko. Ask him. Baka tinablan na s'ya ng charm ko," sabi ko at humalakhak.
"Hindi ba at single ka naman, Gab?" Alfonso asked. "So, si Ric na ba talaga ang gusto mong maging boyfriend ngayon?"
"Oo nga! Ngayon ka lang nawalan ng boyfriend nang matagal!" segunda naman ni Sebastian na sinang-ayunan ng iba pa kaya mas nagkagulo ang grupo namin.
"Bakit kasi hindi na lang ako, Gab?" Madramang humawak pa sa dibdib n'ya si Seb. "Kahit seven days’ trial lang."
Nagkatawanan lalo ang mga kaibigan ko dahil sa siraulong si Sebastian.
Natatawang sinipa ko nang mahina sa tuhod ang loko. "Hindi kita type, Sebi. Kung si Ric ka pa, baka pa."
Puro kantyawan ang nangyari and as usual, ako na naman ang nasa gitna ng mga iyon.
Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit may mga taong nanghuhusga kapag mas madami kang kaibigang lalaki. Akala nila ay hindi puwede ang pagiging magkaibigan ng isang lalaki at babae. Hindi ko nga alam kung bakit hanggang ngayon ay buhay pa ang lumang paniniwalang iyon.
Mas madaling pakisamahan ang mga lalaki kaya madali ko rin silang nagiging kaibigan. Nasasakyan ko ang mga trip nila sa buhay kaya kasundo ko sila. Hindi rin sila maaarte kaya mas pabor sa akin na sila ang lagi kong kasama.
Suwerte ko na rin at naging kaibigan ko rin sina Letti at Sab.
"Halina nga kayo. Tama na 'yan." Conrad sounded jealous. Alam kong hindi n'ya gusto ang mga naririnig n'ya pero hindi n'ya maisatinig iyon dahil wala na s'yang karapatan.
Maingay pa rin kami habang tinutunton namin ang hallway na papunta sa unang subject namin.
"Oy, bakit may dala kang laptop?" tanong ni Sab at tinuro pa ang itim na bag na naglalaman ng laptop ko.
"Para sa presentation natin mamaya," sabi ko na tinganguan lang n'ya.
Kahit naman nagcu-cutting kami at puro kalokohan ang inaasikaso ay nag-aaral pa rin naman kami kahit papaano. Hindi nga lang ganoon kadalas pero hindi kami bumabagsak. Hindi lang talaga ako sigurado kay Conrad at sa iba n’yang kaibigan na hindi kasama sa barkada namin. Madalas ay sina Sebastian at Alfonso ang kasama naming tatlong babae sa tuwing nati-tripan naming mag-aral at kami-kami rin ang magkakasamang gumagawa ng projects and presentation namin.
Tamang pag-aaral lang. Hindi man kami pumapasok na laging may baong assignment o madalas man kaming nananaginip nang gising kapag may discussion, hindi naman namin hinahayaang maging kulelat kami pagdating sa projects, presentation and exams.
Balanse lang, kalokohan plus pag-aaral. Hindi nga lang halata.
Mabilis na narating namin ang silid-aralan namin na hindi pa ganoon kadami ang estudyanteng nasa loob.
"Oo nga pala," simula ni Letti pagkaupo na pagkaupo namin. Pinanggitnaan nila akong dalawa. "Kilala mo ba si Aera?"
Nangunot ang noo ko. "Aera? Sino naman ‘yon?"
"Ay, oo nga!" Sab added. "Si Aera Rozales, iyong lumaban ng Ms. Campus noong nakaraang taon."
Inilapag ni Conrad ang mga gamit kong dala n'ya kaya sandaling natigil ang pag-uusap namin ng dalawa kong kaibigan. Nagpasalamat muna ako sa lalaki bago itinuon ang atensyon sa dalawa.
"Sino naman 'yon?" tanong ko.
"Sabi na, hindi mo kilala e," Sab stated. "Pero may kilala ka bang Blue Moreno?"
Umiling lang ako. "Sino ba 'yang mga pokemon na 'yan? Hindi ko yata kilala ‘yang mga binabanggit n’yo."
Natawa muna ang dalawa bago sumagot.
"Mag-jowa kasi ang dalawang iyon at usap-usapan ay nakipaghiwalay itong si boy kay ate mong girl dahil sa 'yo," paliwanag ni Letti na muntik ko nang ikasamid.
"Ako?" Itinuro ko pa ang sarili ko. "Aba, hindi ko nga sila kilala, malay ko ba sa kanila at sa relasyon nila."
"Iyon na nga ang tea rito, Gab," Sab added. "Nakipag-break itong si Blue guy kay girl dahil nakita ka n’ya sa isang party noong nakaraang linggo."
Tumango ako. Um-attend nga ako sa isang party one week bago ang pasukan. Inimbita ako ng isa naming schoolmate at ako lang ang nakapunta roon dahil parehong nag-out of the country sina Letti at Sab.
Sobrang laki ng eskwelahan namin at sobrang dami rin ng mga estudyante rito na hindi ko na kayang kilalanin ang lahat kahit pa sabihing isa akong social butterfly. Iyon din ang dahilan kung bakit wala akong ideya sa mga taong binanggit nina Letti.
Pumunta ako roon para maki-party at wala akong natatandaan na may mga ganoong pangalan ng tao akong nakadaupang-palad. Malay ko ba, wala naman akong pakialam sa mga nasa paligid ko.
"So, ayon nga," pagpapatuloy ni Sab. "Accidentally, nakita ka nitong si guy doon sa party na iyon. Na-love at first sight sa 'yo ang gago kaya agad na hiniwalayan 'yong jowa n'ya dahil nalamang schoolmate ka n’ya. Kaya itong si girl, galit na galit sa 'yo."
Umirap lang ako. "Bakit parang kasalanan ko pang ganito ako kaganda? Hindi ko na kasalanan kung anuman ang nangyari sa kanila, problema na nilang dalawa iyon. Bahala sila diyan sa mga buhay nila."
"Worried lang kami," concern na saad ni Letti. "May usap-usapan kasing gusto kang sugudin ni girl. Nasa kabilang building lang ang department ng Dentistry at baka mamaya ay mag-eskandalo iyon dito."
"Hayaan n'yo na lang," sabi ko na lang. Napatigil pa ako sa ginagawang pagkalikot sa laptop ko nang isang matangkad na lalaki ang tumayo sa tapat ko.
"Ric!" I smiled sweetly. "Good Morning, Baby!"
Hindi n'ya ako pinansin bagkus ay inilahad ang kamay n'ya.
"Hmm? May kailangan ka ba sa akin. Na-miss mo ako?" tanong ko. Sigurado na talaga akong sa kapal ng mukha ako ipinaglihi ng nanay ko.
"Jacket ko."
"Naku, pasensya na. Puwedeng saka ko na lang ibalik? May tagos kasi ako," pagdadahilan ko. Sobrang bilis kong nakaisip ng alibi!
Nakita kong natigilan s'ya. For the first time ay hindi n'ya alam kung ano ang ire-react.
"Puwede mong gamitin ang jacket ko, Gab." Si Conrad na nasa likuran namin ang biglang sumingit.
"Naku, h'wag na Con." Pinandilatan ko pa ang lalaki at kinuha ang jacket na iniaalok n’ya. Ibinigay ko iyon sa natigilang si Letti. "May tagos din kasi si Letti, s'ya na lang ang pahiramin mo."
Letti's shock was evident on her face.
"May tagos ako? Meron ako?" Letti looked at us. Takang-taka pa talaga s’ya. Ang slow!
"Hoy bruha, meron ka. Kaya pala ang moody mo ngayon," salo ni Sab na mabuti na lang ay mabilis pumick-up.
"Ay, oo nga!" Letti scratched her head.
Ric sighed. Maya-maya pa ay tinalikuran na n'ya kami at bumalik na sa upuang nasa unahan. Puno ng tagumpay na napahagikhik ako bago nakipag-high five sa dalawa kong kaibigan.
Pataas ang sahig ng silid. At ang mahahabang desk na nasa unahan ay ang pinakamababa, kami naman ay nasa gitna, mas mataas pa rin kaysa sa napiling upuan ng mga nerd kaya kitang-kita ko mula rito ang pamumula ng mga tainga ni Richie Ric.
Makaraan pa ang ilang sandali ay pumasok ang isang propesor at nagsimula ng kanyang mantra.
"Wala ka namang period e, bakit ayaw mo pang ibalik 'yang jacket kay Ric?" pabulong na tanong ni Sab. "Kanya naman 'yan."
"Oo nga. Huwag mong sabihing more than crush na talaga 'yang meron ka para roon sa lalaking iyon?" Parang bubuyog na bumubulong din si Letti sa kabilang gilid.
"May utang sa akin 'yang guwapong nerd na 'yan kagabi. Babawian ko lang." I winked at them.
Natatawang nakipag-apir pa ulit sa akin ang dalawa bago kunwaring nakinig sa sinasabi ng propesor na nasa unahan.
Tungkol sa pagtakbo ng mga representative per year level ang sinasabi ni Mr. Damayo kaya kahit paano ay nakinig na rin ako.
"So, dahil sa nangyaring botohan last school year, lahat ng slot for Student's Council officers are all occupied. At alam naman nating lahat that Mr. Ocampo is the Student Council's President." Mr. Damayo pointed Ric. "Lahat maliban sa mga Representative. Ngayon, may mga gusto bang tumakbo rito sa department n'yo to represent your year level?"
Mabilis na nagtaas ng mga kamay ang dalawang miyembro ng Noble Clan. Isa sa kanila ay si Maria Clara at ang isa ay hindi ko alam ang pangalan.
Agad na may ideyang nag-pop-up sa isip ko.
"So, silang dalawa..." Mr. Damayo paused when he saw me raising my hand. "Yes, Miss Castro? May katanungan ka ba?"
"Tatakbo rin po ako as a representative," sabi ko at tumayo nang maayos.
Mula sa peripheral version ko ay kitang-kita ko ang nagpa-panic na mukha ng dalawa kong kaibigan. Pilit pa ngang hinihila ni Sab ang kamay ko para maupo pero hindi ko s'ya pinansin.
Dahil sa gitnang bahagi kami nakaupo ay kitang-kita ko ang pagtahimik ng buong silid. Lahat sila ay nakatuon na sa akin ang atensyon, maging ang lalaking tuod na si Ric.
Nakakagulat naman kasi talaga ang ginagawa ko. Imagine, Gabriella Castro, running for Student Council Fourth Year's Representative? Kahit ako ay kinikilabutan!
"Ehem," Mr. Damayo scratched his forehead. "Baka naman ay nabibigla ka lang, Miss Castro?" Hindi ko s'ya masisisi kung akala n'ya ay nanti-trip lang ako.
"Desidido ako, Sir," maagap na sabi ko.
Napakamot muli sa ulo ang nakakalbong propesor, tingin ko nga ay mas na-stress pa ang iilan n'yang buhok.
"Hindi biro ang posisyong gusto mong takbuhan, Miss Castro," Mr. Damayo said, dinahan-dahan pa n'ya talagang sabihin iyon na tila ba ay isang bata ang kausap n’ya kaya kailangan n’yang ipaunawa sa akin ang bawat salita.
"Sir, huwag n’yo naman sanang masamain ang kagustuhan kong tumakbo," simula ko at inilapat pa sa may puso ang dalawang kamay. "Hindi na ba puwedeng tumakbo sa mataas na posisyon ang katulad kong sakit sa ulo na estudyante? Hindi ba at magandang oportunidad ito upang magkaroon ng boses sa Council ang mga estudyanteng nawawala sa kanilang landas?"
"Whoa! Tama! Tama!" sigawan ng mga kaklase kong lalaki.
"Kalayaan sa pagtakbo sa nais na posisyon!" Alfonso shouted. Siraulo talaga.
They cheered on me kaya mas lumakas ang loob ko. Itinaas ko ang kamay ko kaya nagsitahimik ang mga siraulo kong kaklase.
"Gusto kong maranasang maglingkod sa mga kapwa ko estudyante, Sir," madamdaming sabi ko. "Ipagkakait n'yo po ba sa akin ang tsansang magbago at maging responsable dahil lamang naging pasaway na estudyante ako ng ating sintang paaralan?" Matamis pa yata kaysa sa pulot ang boses ko.
"Gabriella! Gabriella! Gabriella!"
Gusto kong matawa sa naririnig sa background. Kulang na lang talaga ay magpunit sila ng mga sedula nila.
Mr. Damayo heaved a sigh. "Kung ganoon ay hingin natin ang opinyon ng ating Student Council President." He turned to Ric. "What do you think, Mr. Ocampo?"
Sinulyapan muna ako ni Ric bago tumayo. "Sang-ayon ako sa candidacy n'ya, Sir," sabi n'ya na hindi ko talaga inaasahan.
Kahit ang mga tila nagra-rally kong mga kaklase ay natahimik. Lahat sila ay hindi inaasahan ang sinabi ni Ric. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ang disgusto sa akin ng lalaki.
Akala ko pa nga ay hahainan n’ya ako ng isanlibo at isang rason para sabihing hindi ako fit para maging isang kandidato.
Ric turned to me. "Mas mabuti kung mararanasan n'yang maging responsable kahit sa ganitong paraan, Sir. Magkakaroon s'ya ng ideya na hindi lahat ng bagay ay parang laro-laro lang. Mas magiging kapaki-pakinabang s'yang estudyante sa buong proseso ng pagkandidato n'ya. At kung anuman ang maging resulta ay nasisiguro kong magiging kakaibang karanasan iyon para sa kanya."
Pasimpleng inirapan ko ang speech n'ya. Nagpalakpakan naman ang mga fans ko.
"Okay, okay!" Mr. Damayo asked the whole class to tone down. "Ipasa n'yo sa akin mamaya ang candidacy form n'yo na ibibigay sa inyo ni Ric. Kayong tatlo, basahin n'yong mabuti ang booklet na kasama ng form." Turo pa n'ya sa aming tatlo nina Maria Clara.
Naghiyawan ang lahat nang makaalis na si Mr. Damayo.
"Hoy, gaga ka talaga. Anong nakain mo at tatakbo kang Representative?" agad na tanong ni Sab.
“May nakain ka bang kakaiba, Gab?” dagdag na tanong naman ni Letti.
"President ng Student Council si Ric, hindi ko s'ya mabu-buwisit kung lagi s'yang nasa office ng SC." Nakangiti pa ako matapos sagutin ang tanong nila.
Letti laughed real hard.
"At paano kung manalo ka, ha?" Sab asked again. "Anong gagawin mo?"
I tilted my head. Hindi ko iyon naisip ah!
"Oo nga, alam mo namang malaki ang fanbase mo rito sa school natin," dagdag ni Letti. “Kapag nalaman ng lahi ni Adan ang kandidatura mo, hindi pa approve iyon ay sigurado na ang panalo mo!”
“Tama si Letti, kapag nangyari iyon, anong gagawin mo?” muling tanong ni Sab.
"Ibig sabihin…” Nakangiting tiningnan ko sila. “Extension ng pambu-buwisit ko kay Richie Ric!" masiglang dagdag ko na ikinatawa nila nang malakas.
❤