Habang pinapanood ni Summer ang balitang pagpapalaya sa papa ni Lawrence ay hindi niya maiwasang mapaiyak. Natupad na rin ng lalaki ang pangarap nito. "Tama ang desisyon kong hayaan muna siya. Anak, maayos na ang papa at lolo mo," aniya habang kalong ang mag-dadalawang buwan na anak. Maliit ang anak niya sa normal na sanggol dahil nasa tiyan pa lamang ito ay mahina na ang anak. Madali rin itong magkasakit kaya todo alaga siya rito. Hiyang-hiya na siya kay Winter dahil halos ito na ang bumubuhay sa kanilang mag-ina. Hindi niya alam kung papaano maibibigay sa anak ang marangyang buhay kung ngayon pa lamang ay gipit na sila. Umingit ang anak kaya mabilis niya itong isinayaw. Muli siyang napangiti kasabay ng pagpatak ng luha habang nakatanaw sa mukha ng anak.