1: Balon
Misaki
Kumakanta ako habang naglalampaso sa loob ng bahay. Pakiramdam ko ay isa akong prinsesa na kinakawawa habang umaasa na may darating na prinsepe isang araw. At sasagipin ako at mamumuhay kami nang masaya.
"Aba, naman na bata ka! Mesake, haruyjusko! Ako na diyan, at baka masita pa ako nila Madam at Ser kapag nalaman nila na inaalila ka rine!" sabi ni Manang Solidad na biglang sumulpot mula sa likuran ko. Manang Sol for short, ang Yaya namin.
"Hay naku, Manang! Simpleng paglalampaso lang naman po ire!" sagot ko, at saka iniligpit ang mop at ang balde.
"Pero, ako nga ang mapapagalitan niyan! Hay, naku ka na bata ka! Bakit ba kasi napakasipag mo?" sabi ni Manang sa akin na nakapamaywang pa.
"Ginagaya ko po kasi ang mga prinsesa na kinakawawa, Manang," sabi ko na nakanguso sa kaniya.
"Ginagaya o naghahanda para sa pag-aasawa?" sabi ni Miyuki na sumingit sa usapan namin ni Manang. Siya ang magaling kong half Sister. Malapit kami sa isa't isa, at sadyang mahilig lang kaming mag-asaran na dalawa. Ahead lang siya sa akin ng dalawang buwan pagkatapos niyang ipanganak, ay ako naman. Ang Nanay ko raw ay nawawala at ang Nanay niya naman ang kasama ng aming Ama.
Dalawa lang kaming naririto na magkapatid, kasama si Manang Sol at ang dalawa pa naming maid na sina Sely at Selia pati na rin ang dalawang Guwardiya na sina Kuya Philip at Mang Pedring na asawa ni Manang Sol. Nasa business trip palagi ang aming mga Magulang kaya kami lang ang nandito.
"Palibhasa wala kang love life," sabi ko.
"At sino naman ang nagsabi sa iyo na may love life ka, ha?" sabi niya na nagtatanong.
"Sa libro, sa mga palabas, hehe! hindi man sila nag-e-exist pero hindi naman sila magsasawang iparamdam sa iyo ang tunay na pagmamahal." Yakap-yakap ko ang aking sarili na sinabi iyon, habang nag-i-imagine.
"Psh! Ilang beses ko na ba na sinabi sa iyo na hindi lahat ng love story sa mga nababasa at nakikita mo ay kaparehong-kapareho na mangyayari sa iyo," sabi niya nang seryoso, ngunit makahulugan niya itong binitiwan. Pero hindi ko siya pinansin at saka nakangusong nagligpit na lamang.
"Hay, naku! Mga batang ito, oh! Baka mapunta pa kayo sa away niyan. Hala, sige. Maiwan ko na muna kayo at ako ay maglilinis pa ng balon," sabi ni Manang na pumagitna na sa aming dalawa. Napatigil naman ako at akmang aalis na si Manang Sol nang hawakan ko ang kaniyang kaliwang braso para pigilan siya. Tiningnan niya naman ako nang may pagtatanong sa kaniyang mga mata.
"Ahm, Manang? May ipapalaba ho sana ako sa inyo, mga labahan ko ho na nasa kuwarto." Ngumiti ako nang pagkatamis-tamis sa kaniya nang sabihin ko iyon.
"Ay, gano'n ba? Eh, 'di sige maiwan ko na kayo diyan!" paalam niya sa amin at saka tumalikod na.
'Ayan, ganiyan nga Manang, hehe! May balak ako, eh. Bakit ba?' sabi ko sa sarili ko.
"May binabalak ka na naman ba Misaki?"
"Ano na naman ba na balak, Miyuki?" sabi ko na nagtatanong sa kaniya. Hindi ko siya napansin na nandiyan pa pala siya sa tabi.
"Iyang mga ngiti mo, para kang isang witch sa mga fairy tale na napapanuod mo. Kapag ngumiti palaging may binabalak," sabi niya, at saka tumalikod.
"Hoy! Palibhasa mas maganda ako sa 'yo at cute ka lang, bleh!" sabi ko sa kaniya pero hindi na niya ako pinansin pa. Sa amin kasing dalawa ay ako ang pinaka-maganda at sexy. Samantalang siya naman ay medyo chubby kaya siya ay cute. Nagpunta na ako sa likod ng bakuran para puntahan ang balon at simulan itong linisin.
Tumapat ako sa balon at laking tuwa ko nang may makita akong tubig dito. Ang hindi lang talaga malinis ay ang paligid nito. Pero, malinis naman ang loob ng balon. May mga dahon na nakakalat sa paligid dahil sa tabing puno nito. Mayroon din itong up and down na bahay malapit dito. Dito nakatira ang mga maids at guards. Hindi rin ito dikit sa bahay namin, siguro mga dalawampu pa ang hakbang bago makapunta rito dahil garden ang pagitan nito.
'Magsisimula na ako sa kalokohan ko, bwahahaha!'
Sumilip ako sa balon at pinagmasdan ang napakaganda kong mukha, habang nakahawak ang dalawa kong kamay sa magkabilaang gilid nito. May mga ibon na nag-aawitan at kung minsan pa ay dumadapo sa gilid ng balon.
Kumakanta ako ng kung anu-ano habang kinikilig na parang timang. Iniisip ko kung kailan ba ako makakatagpo ng isang prinsepe na ituturing akong prinsesa.
Nang magsawa ako sa kabaliwan ko ay umayos na ako ng tayo at nabigla ako nang maramdaman kong may nakamasid sa akin. Agad-agad ko naman itong nilingon at hindi nga ako nagkakamali, dahil nakita ko ang isang pigura ng isang lalaki.
In one word, napaka-perfect ng itsura niya para sa akin o sadyang nagwagwapuhan lang ako sa kaniya? Naka-black pants siya at white T-shirt na damit at masama ang tingin sa akin.
'Jusko! sa isip ko ay nakangiti ang lalaki kapag nakakakita ng magandang babae at natutuwa itong panoorin. Samantalang ayon sa pagmumukha nito ay na-imbyerna ko yata siya. Pero, wala akong paki dahil ako pa rin ang prinsesa na naninirahan dito.
Tumakbo ako papasok sa bahay nila Manang, at saka nagtago sa gilid ng pinto. Sumilip ako sa lalaki kanina at laking gulat ko nang wala na ito.
'Eh! Nasaan na iyon? Multo ba 'yon o isang anghel?' tanong ko sa aking sarili habang hinahanap-hanap ang lalaki.
Dahan-dahan akong lumabas at nagulat ako nang may biglang humatak sa akin mula sa gilid at tinakpan ang aking bibig saka iniipit sa kaniyang mga bisig. Nakaupo kami parehas sa gilid ng mga halaman na matatayog sa bahay nila Manang.
"Arghhh!" paimpit kong pagsigaw habang gano'n pa rin ang aming puwesto.
"Hindi kita sasaktan kung mananahimik ka lang," pabulong at may diin na sabi niya sa akin.
Pagkatapos ay may narinig akong mga sunud-sunod na mga yabag na nagtatakbuhan sa hindi kalayuan.
Patulak niya akong binitiwan at saka nagpagpag at tumayo.
"Napaka-gentle mo, ano? Ano ka ba magnanakaw?" naiinis na bulyaw ko sa kaniya. Pero, tiningnan niya lang ako mula ulo hanggang paa at saka tumalikod.
'Aba, aba!'
"Hoy! Hindi mo ba alam kung sino ang may-ari nitong bakuran na pinasukan mo? Ha?" sabi ko na hindi nakapagtimpi dahil sa inasal niya.
"Hindi."
"Aba! Eh, kung gano'n---"
"Hindi ako interesado," pagputol niya sa sasabihin ko, at tuluy-tuloy na naglakad. Hinabol ko naman siya, at saka nagsalita.
"Kung hindi, magpapakilala ako! Ako lang naman ang naggagandahang prinsesa na naninirahan sa bahay na 'to, naiintindihan mo?" pagkasabi ko n'on ay napahinto siya sa kaniyang paglalakad, kaya napahinto rin ako saka nag-crossed arms.
'Ano ka ngayon? Pahiya ka, ano!'
Lumingon muna siya sa akin bago magsalita.
"Akala ko katulong," walang ganang sagot niya, pagkatapos ay mabilis siyang naglakad papalayo. Hindi ko na alam kung saan ito dumaan at saan ito nanggaling. Basta na lamang ito naglaho na para bula dahil sa bilis nitong kumilos.
"Aba! Ang kapal ng mukha!" naiinis na sabi ko na lamang habang pumapadyak-padyak sa lupa.
"Mesake? Saan ka ba na bata ka nagsusuot-suot, ha? At sino ang kausap mo diyan? Ano'ng ginagawa mo riyan? Ay, nakung bata ka, oh!" dinig kong pagsigaw ni Manang Sol habang unti-unting naglalakad papalapit sa akin. Nakasimangot lang ako dahil hindi talaga ako maka-move on sa lalaking kordapyo na iyon.
"Manang Sol, mukha ho ba akong katulong?"
"Aba, eh, bakit mo naman naitanong? At saka tignan mo nga naman kasi ang suot mo, hija! Nakapalda ka ng mahaba at ang dungis mo pa. Ganiyan ba ang prinsesa, mukhang muchacha."
"Manang naman, eh! napaka-prangka niyo naman ho, eh, sa masipag nga lang ho kasi ako saka maganda pa rin naman ho ako kahit anong suot ko, 'di ba, ho?" pangungulit ko pa sa kaniya.
"Hay naku kang bata ka, hala, siya sige at ako ay maglilinis pa dahil paniguradong may ginawa ka na namang kalokohan dine," sabi niya saka nagdampot na ng walis tingting at nagsimula nang walisin ang mga kalat sa paligid.
"Si Manang naman, eh!" nakasimangot kong tugon sa kaniya kaya tumigil siya sa ginagawa at tumitig sa akin.
"Sino nga pala ang kausap mo?"
"Ha? Ah, eh, wala po iyon Manang! Alam mo naman ako, mahilig mag self talk, hehe," sabi ko na nagsisinungaling sa kaniya. Baka kasi atakihin ito sa puso at magsumbong sa mga magulang namin kapag nalaman niyang may trespassing kanina. Ayaw ko naman na silang mag-alala. Nakakapagtaka lang dahil mahigpit naman ang security sa lugar namin pero may mga gano'ng tao pa rin ang pakalat-kalat.
"Hay, naku, Mesake! Mga kalokohan mong bata ka, septok-septok ka riyan," sabi niya saka nagpatuloy sa pagwawalis.
"Manang Sol naman it's Misaki not Mesake, at saka self talk Manang! Hindi ho septok."
"Hay siya, siya! Magbihis ka na at mukha ka ng mangkukulam."
"Manang!"
"Hahaha! Charot lang kamahalan, sige na," sabi niya sa akin na tinaboy na ako.
Nakasimangot akong umalis saka pumasok sa loob ng bahay. 'Grabe sino ba ang hambog na 'yon at ang lakas ng loob pumasok sa pag-aari namin? Tss!'
"Tumawag nga pala sila Dad at Mom hinahanap ka, lagot ka," sabi ni Miyuki pagkapasok ko pa lamang ng bahay.
"Tse! Ano naman daw ba ang sinabi? Na nasa ibang lugar na sila nagpunta? Gano'n lang naman lagi ang tinatanong nila at saka kung kumusta na ba tayo," nakangusong sabi ko. Wala ako sa mood dahil sa gunggong na tilapiang lalaking iyon kanina.
"Oh, eh, bakit ganiyan ang mukha mo? Eh, hindi ba excited ka laging kausapin sila? Hays, bahala ka nga, marami pa akong gagawin tatawag na lang daw sila ulit mamayang gabi," sabi niya bago ako nilayasan.
Nagpunta naman na ako sa kuwarto ko at naligo na at saka nagbihis nang maayos na damit. Nagsuot ako ng denim short at white sando pang-itaas.
Nakakapagod gumawa ng kalokohan, kaya nagpunta naman ako sa isang maliit kong bookshelf at namili ako ng isang libro na puwede at magandang basahin.
Nagsimula akong magbasa-basa hanggang sa matapos ko ito.
Makalipas ang ilang oras nang pagbabasa . . . "and they happily live ever after," pagbabasa ko sa wakas, at saka isinara ang libro at nahiga na sa kama ko.
'Kailan kaya ako makakatagpo ng prince charming? 23 years young na ako huhu! Sa tagal kong naghahangad ng fairy tale love story, eh, ngayon ko lang naitanong sa sarili ko kung kailan kami magtatagpo, huhu!' Sa pag-iisip ko ay biglang pumasok sa akin ang lalaking hangin kanina.
'Aba! Sino naman kayang kordapyong nilalang na iyon? At ang lakas ng loob na laitin ang kagandahan ko, huhu!' Tumayo ako saka lumapit sa salamin at tumapat dito. Tinignan ko ang kabuuan ko sa salamin.
"Maganda naman ako, ah? Eh, bakit kung mag-react ang hinayupak na iyon, eh, akala mo kinulang ako sa buwan. Psh!" pagkausap ko sa sarili ko habang pinagmamasdan ang aking sarili sa harap ng salamin.
Napatigil ako sandali nang may kumatok sa pintuan kaya sinagot ko ito.
"Pasok," sabi ko habang nakatingin pa rin sa salamin. Pumasok naman si Miyuki at saka nagsalita.
"Tumawag ulit sila, gusto ka raw makausap," maikling sabi niya, pagkatapos ay umalis na.
Nag-ayos pa muna ako bago lumabas at tumingin pa muna ako sa aking orasan na nakasabit dito sa dingding ng kuwarto ko. 7:00 pm? Ang haba naman yata ng oras ko sa pagbabasa. Pumunta na ako sa puwesto ng telepono at hinintay si Miyuki na ibigay ito sa akin.
"Dad, ibibigay ko na po kay Misaki," pagkausap niya sa kabilang linya bago in-abot sa akin ang telepono.
"Konbanwa Otousan and Okaasan!" masayang bati ko at hinintay silang sumagot.
Otousan kapag Dad at Okaasan naman kapag Mom. Minsan lang din namin silang tawagin ng gano'n.
"Genki desuka, Misaki?" tanong ni Mom sa akin sa kabilang linya.
"I'm okay, because I already talked to the both of you," sabi ko sa kanila sa masiglang tono.
"You are so sweet! Unlike your Oneesan, hmmn!" sabi ni Mom at narinig ko pa sila ni Dad na napabungisngis. Tinutukoy nila si Miyuki na kasalukuyang naka crossed-arms at nakanguso na nakikinig.
"Yeah, I know and I am more pretty than her, right?" pang-aasar ko pa sa kapatid ko.
"Haha! Yes, but she is more silent than you. Haha! Sorry, honey, we love the two of you so much," sabi ni Mom kaya napanguso ako at nakita ko sa gilid ng mga mata ko na dumila pa sa akin si Miyuki. Hmp!
"It's okay, Mom, so nasaan po kayo now?"
"Nasa Los Angeles kami, Misaki," sabi sa kabilang linya at si Dad ang sumagot.
"Kailan ho kayo uuwi?"
"We don't have an exact date, but we promise, we will go back there as soon as we get a better date and time," pagpapalakas loob ni Dad sa akin at sa amin ni Miyuki.
Ang Dad namin ni Miyuki, ay purong hapones, kaya naman haponesa kaming dalawa pero half lang. Ang Nanay ko raw ay purong filipina pero hindi na nila alam kung nasaan ito. Si Mom naman ay purong filipina rin. Arrange marriaged sila Mom and Dad dahil sa business. Pero nakikita ko naman na mahal na mahal nila ni Mom ang isa't isa, at basta hindi ko na alam ang buong istorya nila. Ewan ko ba kung sino ang tunay na asawa ni Dad sa dalawa naming Nanay, basta ang alam ko lang ay nagmamahalan sila, kaya simula noong ipinanganak ako sa mundong ito ay si Mommy Melisa na ang itinuring kong Ina. Hindi naman siya nagkulang sa akin. Hindi ko na naitanong pa ang tungkol sa Nanay ko dahil para sa akin ay sapat na sila. Sinabi lang nila ito sa akin noong nag-debut ako.
Nag-usap at kumusta-an pa kaming magpamilya bago magpaalam sa isa't isa dahil marami pa silang gagawin. Nag-dinner na rin kami ni Miyuki, saka nag-prepare na para matulog. May pasok pa kami kinabukasan. Fourth year college na kami pareho. Accountancy ang kurso ko at Education naman ang sa kaniya.