Panay ang pagpatak ng luha sa mga mata ni Katherine. Nakatanaw ang mga mata niya sa malayo pero wala siyang nakikitang kahit na ano kundi kadiliman. Wala na siyang paningin. Naglaho iyon matapos ang aksidente na naganap sa kanilang dalawa ng kanyang nobyo.
Araw-araw na ginawa ng Diyos ay nagigising siya sa kadiliman. Na kahit pa imulat niya ang kanyang mga mata ay wala siyang ni katiting na liwanag na nakikita. Tanging ang apat na sulok ng kanyang kuwarto ang naging saksi sa kanyang pagdurusa.
Halos isang buwan na matapos ang aksidenteng iyon ngunit sariwa pa rin sa kanya ang sakit. Naalis na ang bubog na sumira sa kanyang mga mata ngunit ang mga peklat sa kanyang mukha ay nababakas pa rin. Hindi pa rin naibabalik pa ang kanyang paningin. At kung maibabalik pa ba? Iyon ay walang kasagutan.
Isa iyong bangungot para sa kanya. Tila gumunaw ang kanyang mundo dahil sa nangyari. Wala nang natitirang pag-asa sa kanya. Wala na siyang ganang mabuhay pa. Nais na lamang niyang mamatay na lamang tutal parang ganoon na rin naman ang kanyang kalagayan. Wala na siyang silbi.
Ang tanging lalaking nagbigay sa kanya ng pag-asa ay naroon sa hospital at hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa nagkakamalay. Naghihirap ng labis ang kanyang kalooban. Parang pinipiga ang kanyang puso sa araw-araw na maiisip niya ang alaala ng kanyang nobyo. Parang ganito rin noon ang nangyari sa kanya noong unang beses na maaksidente si Robb at mawala ito. Ngunit mas malala ngayon sapagkat hindi lang ang nobyo niya ang inagaw sa kanya ng tadhana kundi maging ang kanyang paningin. Kasabay ng nagyari sa kanyang nobyo at pagkawala ng kanyang paningin ay pagkawala rin ng kanyang mga pangarap.
Ikakasal na dapat sila ngunit nasira ang lahat ng planong iyon nang dahil sa aksidenteng iyon. Maging ang mga pangarap niyang kasama ito ay naglaho na lamang na parang bula. Ang nobyo niya ang naging inspirasyon niya sa kanyang mga pangarap. Ito ang dahilan kung bakit naging malinaw sa kanya ang pangarap na maging isang manunulat. Ngayong wala na ito, wala nang dahilan pa para ituloy niya ang mga iyon.
Paano ako magsisimula ulit? Paano akong mabubuhay sa ganitong kalagayan? Paano na ako nito kung wala ka na, Robb?
Paulit-ulit ang mga tanong na iyan na gumugulo sa kanyang isip. Mga katanungang walang kasagutan. Tanging hagulgol lang ang kanyang tugon sa bawat katanungan.
Mahihinang katok ang gumambala sa kanyang malalim na pag-iisip. Nilingon niya ang pinanggalingan ng tunog at kahit hindi pa niya nakikita iyon ay alam niyang ang kanyang inay lamang iyon na walang sawang nag-aalaga sa walang silbing tulad niya.
"Pasok po kayo," aniya.
Narinig niya ang maliliit na hakbang palapit sa kinaroroonan niya. Naramdaman niya ang paghawak nito sa kanyang kamay. Tumayo naman siya mula sa pagkakaupo sa gilid ng kama. Inalalayan siya nito na makarating patungo sa may bintana kung saan madalas siyang tumayo at tumanaw sa malayo. Tumanaw sa kawalan.
"Anak, alam kong mahirap para sa'yo ang nangyari pero kailangan mong lumaban," anito sa kanya.
"Paano ako lalaban, inay? Ni hindi ko kayo kayang tulungan. Isa na akong inutil. Pampabigat lamang ako sa inyo," naiiyak na namang sabi niya. Isa pa iyon sa nagpapabigat sa kanyang kalooban.
"Hindi totoo iyan, anak. Marami ka pang puwedeng gawin sa buhay mo. Bulag ka lang pero buhay ka pa."
"Sana nga namatay na lang ako. Sana hindi na lang ako binuhay ng Diyos," aniya saka napahagulgol. Niyakap naman siya ng kanyang ina. Narinig niya ang mahinang hikbi nito.
"May dahilan ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat ng mga bagay. Magtiwala lang tayo sa Kanya."
Hindi siya sumagot at nagpatuloy lang sa pag-iyak. Iyon lang ang tanging kaya niyang gawin sa mga sandaling ito. May punto naman ang kanyang ina, at isa ito sa nagbibigay ng dahilan para sa kanya para magpatuloy sa buhay.
"May bisita ka nga pala, anak," anito matapos kumalas sa pagkakayakap sa kanya.
"Sino po?" nagtatakang tanong niya. Kabibisita lamang sa kanya ni Kelly, ang kanyang matalik na kaibigan at kababata kaya hindi niya inaasahang babalik ulit ito para bisitahin siya.
"Sandali at tatawagin ko." Narinig niya ang paghakbang nito palayo sa kanya at ang pagsara ng pinto, hudyat na nakaalis na ito. Ilang minuto ang lumipas bago muling nagbukas ang pinto.
Sa tingin niya ay dalawang tao ang nagmamay-ari ng mga yabag na iyon palapit sa kanya.
"Anak, nandito si Cedric. Maiwan ko muna kayo.” Narinig niya ang yabag nito na papalayo. Ramdam naman niya ang presensiya ng lalaking nakatayo hindi kalayuan sa kanya.
“Anong kailangan mo?” malamig na tanong niya rito. Wala siyang ganang kausapin ang kahit na sino maliban sa kanyang ina.
“Kate…” sambit nito. May lungkot sa boses nito.
Bigla na namang tumalon ang kanyang puso sa pagbanggit nito sa kanyang palayaw. Boses ng kanyang nobyo ang malinaw niyang naririnig. Ganoon siya tawagin ng kanyang nobyo.
“R-Robb…” sambit niya.
“Ako nga ito. Ako ang totoong Robb.”
Nagsalubong ang kanyang kilay. Wala na siyang paningin pero alam niya ang boses nito at ang paraan kung paano siya tawagin nito. Ngunit imposibleng iyon ang kanyang nobyo dahil nasa hospital pa rin ito at hindi pa rin nagigising mula sa pagkaka-comatose. Alam niyang ibang tao ang lalaking narito ngayon.
“Cedric, tigilan mo na ang pagpipilit mo na ikaw si Robb. Hindi ka nakakatulong. Pinapahirapan mo lang ang kalooban ko,” sambit niya sabay hagulgol.
“Pero ako talaga ito. Paniwalaan mo ako pati na rin ang sigaw ng puso mo. Alalahanin mo ang mga alaala natin noong high school pa tayo.”
Sunod-sunod siyang umiling. Hindi niya matanggap ang sinasabi nito. Hindi niya maunawaan kung bakit ipinipilit pa rin nito ang bagay na iyon gayong naghihirap ang kalooban niya sa sinapit ng kanyang nobyo.
“Tumigil ka na! Umalis ka na!” pagtataboy niya rito. Histeral na ang kanyang pagsigaw. Parang mababaliw siya sa pag-iisip sa kanyang nobyo pero heto ang isang lalaking gustong dumagdag pa sa kanyang pag-iisip.