Katherine Marie Loyola.
Pinasadahan ng kanyang daliri ang papel na nakapaskil sa bulletin board. Isa-isa niyang tinitingnan ang bawat pangalang nakapaskil roon. Ngayon lang kasi malalaman ang resulta ng entrance exam dito sa Emerald Stone University pagkatapos ng dalawang linggo.
Kusang tumigil ang kanyang daliri sa pangalan kung saan malinaw na nakasulat ang kanyang pangalan. Tinitigan niya itong mabuti. Unti-unting tumaas ang kanyang mga balahibo at nanlaki ang kanyang mga mata. Kusa ring bumuka ang kanyang bibig at natutop niya iyon ng kanyang mga palad.
"N-nakapasa ako?" halos pabulong niyang tanong sa kanyang sarili. Parang hangin lang iyong lumabas sa kanyang bibig.
Hindi siya makapaniwala kaya’t muli niya itong tiningnan. Ikinurap-kurap pa niya ang kanyang mga mata at bahagyang pinisil ang pisngi. Sinisiguro niyang totoo at hindi siya nananaginip lamang. Nais niyang kumpirmahin kung tama ang kanyang nakikita. Inisa-isa pa niya sa kanyang isip ang bawat letra ng kanyang pangalan.
“Oh Diyos ko! Totoo nga!” tuwang-tuwang bulalas niya nang makumpirma ang nakasulat roon. Malinaw na malinaw na nakasulat roon ang kanyang pangalan. Tila nagniningning iyon sa kanyang paningin. Lumapad ang kanyang pagkakangiti. Pakiramdam niya ay nakalutang siya sa ulap dahil sa sobrang saya.
"Nakapasa ka, Katherine!" masayang sabi naman ni Kelly na kanyang kaibigan at kababata. Nakatingin rin ito sa bulletin board. Malapad rin ang pagkakangiti at nagningning ang mga mata.
“Oo,” sambit niya sabay tango.
“Ako kaya?” tanong pa nito. Tinulungan naman niyang hanapin ang pangalan nito. Inisa-isa nilang muli ang mga pangalang nakapaskil. Kasabay niyang kumuha ng entrance exam roon si Kelly kaya hinahanap din nito ang pangalan sa mga nakapasa.
"Ako rin. Tingnan mo! Nandito ang pangalan ko! Kelly Rose Robles!" Tumatalon-talon pa ito habang tinuturo ng daliri ang nakapaskil na pangalan sabay tili. Nakita naman niya ang itinuturo nito.
"Salamat sa Diyos! Parehas tayong nakapasa!" tuwang-tuwang sabi niya.
"Oo. Tiyak na matutuwa nito ang mga magulang ko. Pati na rin si Tiya Martha," sambit nito na ang tinutukoy ay ang kanyang ina.
"Oo. Tiyak kong matutuwa nito si Inay."
Mahigpit ang paaralang iyon at piling-pili lang ang nakakapasok. Kaya nga kahit highschool pa lamang ay may entrance exam na. Kaya naman, hindi pa rin siya makapaniwala na hindi siya nabigo na makapasok sa paaralang mataas ang estado pagdating sa pagtuturo. Pangarap ng kanyang mga magulang na makapasok siya sa school na iyon. Natupad din niya sa wakas ang pangarap ng mga ito para sa kanya.
“Yiiieeeh!” sabay nilang tili kasabay ang pagtalon na magkahawak ang mga kamay.
“Weird,” sambit ng isang babaeng nasa tabi lamang niya. Nakataas ang kaliwang kilay nito habang nakatingin na tila nangungutya sa kanilang dalawa. May kasama itong dalawa pang babae na sa tingin niya ay kaedad lamang nila ni Kelly. Nakatingin din ang mga ito sa kanila at tila nawi-weirdohan din sa kanilang dalawa.
“Weird na ba ngayon ang maging masaya?” Sa isip-isip niya pero hindi na niya isinatinig.
Tumigil sila sa pagtalon at tiningnan lang ang mga ito. Yumuko siya at nakaramdam ng pagkapahiya. Samantalang si Kelly ay tumaas din ang kilay at nakipagtitigan pa sa babaeng nagsalita.
“Aba! Ang yabang naman ng babaeng ito,” pabulong na sabi pa ni Kelly. Nakanguso pa ito at nagngangalit ang ngipin.
“Tara na at baka mapaaway pa tayo.” Hinila niya si Kelly palayo roon. Kinakabahan siya para kay Kelly. Alam niyang masyadong matapang ito at papatulan talaga nito ang mga babaeng iyon. Ayaw niyang gumawa ng eksena ang kaibigan lalo na at hindi pa sila nakakapag-enroll. Baka mapatalsik sila nang wala sa oras. Baka pangarap na ay maging bato pa.
“Bakit mo ako pinigilan?” inis na sabi ni Kelly. Halatang gigil pa ito sa mga babae.
“Ano ka ba? Kabago-bago mo palang dito, basag-ulo na agad ang hanap mo?” saway ko sa kanya.
“E kasi naman, mukhang mayayabang e,” sabi pa nito.
“Kalma ka lang. Punta na lang tayo sa admin at mag-enroll,” aya na lang niya rito para mailayo ito sa mga babae.
“Sige na nga,” sabi nito saka bumuntong hininga.
Naglakad na sila patungo sa administration para mag-enroll.
“Ang haba ng pila,” reklamo ni Kelly na nakasimangot na.
Medyo mahaba nga ang pila ng mga estudyante na nakapila roon. Halos nasa pinakadulo na sila pero patuloy pa rin ang paghaba ng pila.
“Tiyaga ka lang. Mabilis lang naman ang pila e,” sabi pa niya.
Hindi na lang umimik si Kelly at matiyagang naghintay na makarating sa unahan. Nauna itong mag-enroll sa kanya. Kumuha naman siya ng form at nag-fill up roon. Iaabot na sana niya ang kanyang form nang may biglang sumingit sa unahan ng pila.
“Hello Ma’am, heto na po ang form ko,” sabi ng matangkad na lalaki na sumingit sa kanyang unahan. Kinuha naman agad iyon ng staff ng administration kaya naiwan ang form niya.
Tiningnan niya ang lalaki. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. Hindi niya nagustuhan ang inasal nito. Ikinainis niya ang ginawa nito.
Kinalabit niya ang balikat nito kaya lumingon ito sa kanya.
“Hoy Kuya, nauna ako sa’yo sa pila,” medyo mahinahong sabi niya. Pinipigilan niya ang sariling tarayan ito.
“I’m sorry pero kanina pa ako dito. Bumalik lang ako kasi may nakalimutan ako,” sagot naman sa kanya ng lalaki.
“Umalis ka naman pala. So, dapat sana noong bumalik ka sa dulo ka na nagpunta. May pila kasi. Baka hindi mo nakikita,” sarkastiko niyang sabi saka itinuro ang mahabang pila. Hindi na niya napigilan ang sariling magtaray dahil sa pagsagot nito sa kanya na hindi niya nagustuhan. May gana pa kasi itong mangatwiran kahit na maling-mali ito para sa kanya.
“I know but I came here first. Pumila rin ako kanina pero pinabalik lang ako ni Ma’am dahil nga nakalimutan ko ito.” Itinaas nito ang Form 137 na kanyang hawak saka ibinigay sa staff.
“Mister Jones, here is your receipt,” sabi naman ng staff kaya tinalikuran siya nito at hinarap iyon.
“Salamat po, Ma’am,” masayang sambit pa ng lalaki saka ngiting-ngiting bumaling sa kanya. Para bang nang-aasar pa ang ngiti nito pati na rin ang pagsenyas nito na nakuha na nito ang resibo. Parang sinasabi nito, nauna pa rin ito at wala na siyang magagawa.
Nginusuan niya ang lalaki at inirapan. Tatawa-tawa lang itong umalis. Pinagbigyan na lang niya ito at nagtimpi kahit na nainis siya sa inakto nito. Iniabot na lamang niya ang form na hawak sa sa staff ng administration at itinuloy ang pag-e-enroll.
“Scholar ka, Miss Loyola?” tanong pa ng staff habang tinitingnan ang kanyang form.
“Yes, Ma’am,” tugon naman niya. “Nakapasa po ako sa full scholarship.”
May tiningnan itong listahan ng mga scholar pagkatapos ay tumango-tango ito. Tinatakan nito ang form niya at may in-encode ito sa computer. Hinintay naman niyang maibigay sa kanya ang resibo na katunayan na naka-enroll na siya sa school na iyon. Napawi ang inis na naramdaman niya nang makita ang pangalan sa hawak niyang papel. Napalitan iyon ng malapad na ngiti.
“Salamat po, Ma’am,” sambit niya saka tinalikuran na ito. Humakbang siya ng kaunti bago niyakap ang papel. “Now, it’s official. Isa na akong estudiyante ng paaralang ito.
“Okay na?” tanong ni Kelly paglapit nito sa kanya. Tumango naman siya.
"Ilang araw na lang at mag-uumpisa na ang pasukan. Goodluck sa atin," sabi pa niya kay Kelly.
"Oo. Goodluck talaga. Excited na ako sa pasukan," sabi pa nitong tila kinikilig habang hawak ang katunayan ng kanilang enrollment sa prestihiyosong paaralang ito.
“First year ka rin ba?” Sabay silang napatingin ni Kelly sa lalaking nagsalita. Nagsalubong naman ang kilay niya nang makita ang lalaki kanina sa pilahan na nanguna sa kanya sa pag-e-enroll.
“Ikaw na naman?” inis na sabi niya.
“Magkakilala kayo?” nagtatakang tanong naman ni Kelly.
“Hindi!” mariing sambit niya. “Kaya lang, siya lang naman iyong lalaki na sumingit kanina sa pila. Tandang-tanda ko ang mukha niya.”
“I’m sorry,” nakangiting sambit naman ng lalaki.
“Sorry-hin mo ang mukha mo,” nakasimangot namang sambit niya sabay irap.
“Mataray ba talaga iyang kaibigan mo?” tanong pa ng lalaki kay Kelly.
“Hindi. Sa’yo lang nagtaray iyan e,” sagot naman ni Kelly. Pinanlakihan niya ito ng mata.
“Paano akong hindi magtataray sa lalaking iyan? Hindi marunong pumila.”
“I already explained. Hindi ba’t sinabi ko na, I came first in a row. Talagang may nakalimutan lang ako.”
“Oo na. Hindi mo na kailangang ulitin ang explanation mo.” Umikot ang eyeball niya sa pagkairita. “Tara na nga, Kelly. Feeling close ang isang tao diyan.”
“Ano ka ba naman, Katherine? Nag-apology na nga iyong tao ‘di ba?”
“Oo nga naman, Miss. Ako nga pala si…” Aktong mag-aabot ito ng kamay pero bigla itong sinupalpal ni Katherine.
“We are not interested. Goodbye.” Tinalikuran niya ito at nagmartsa palayo. Naiwang napakamot ng ulo ang lalaki.
“Hoy, bakit mo naman ginanoon iyong tao? Guwapo pa naman,” sabi naman ni Kelly nang mahabol siya nito sa paglalakad nang mabilis.
“Wala akong pakialam kung guwapo siya. Nayayabangan ako sa kanya.”
“Hindi naman mukhang mayabang e. Mabait kaya.”
“Porke guwapo, mabait na para sa’yo? Looks can be deceiving. Kaya mag-ingat-ingat ka sa mga guwapo.”
“Anong problema mo sa mga guwapo? Wala ka pa bang nagiging crush?”
“Crush? Wala pa sa isip ko ang mga ganyang bagay. Pag-aaral ang focus ko.”
“Hoy Katherine, dalaga na tayo. Wala na tayo sa elementary days. Natural lang na magkaroon ng crush kapag high school ano? At iyong isang iyon, ka-crush-crush siya.”
“E ‘di ikaw na lang magka-crush sa kanya tutal ikaw ang nakaisip.” Inirapan niya ito at nagtuloy-tuloy sa paglalakad palabas ng campus.
“Puwede naman. Papasa siya sa akin bilang my twentieth crush,” sabi nito sabay hagikhik.
“Pang-twenty? Wow ha? Ang dami mong crush.”
“Of course! Crush is paghanga madaling nawawala pero madalas lumalala.”
Natawa naman siya sa sinabi nito. “Puro ka talaga kalokohan, Kelly.”
“Hindi kalokohan iyon. Huwag ka! Baka kapag nagka-crush ka, lumala. Baka maging first love mo iyong unang taong magiging crush mo.” Tumaas-baba pa ang kilay nito.
“Imposible iyang sinasabi mo.”
Malabo pa sa kanal na magkaroon siya ng crush. Mula’t sapul ay wala na siyang inisip kundi ang pag-aaral. Gusto niyang makatapos ng pag-aaral para magkaroon ng magandang trabaho at maiahon ang kanyang mga magulang sa hirap. Wala siyang panahon sa mga crush. Kahit nga ang ilang nagpapalipad-hangin sa kanya noong elementary days niya ay hindi niya pinapansin. Para sa kanya, nang-aasar lang ang mga iyon kaya hindi dapat patulan.
“Huwag kang magsalita ng tapos at baka iyong lalaking kinaiinisan mo ang maging first love mo.”
“Kelly naman!”
Tinawanan lang siya ni Kelly sa naging reaksiyon niya. Pero ang totoo, bigla siyang na-curious sa lalaking iyon. Hindi mawala sa isip niya ang itsura nito. Ang tangkad nitong tinitingala pa niya at ang mga mata nitong kulay kayumanggi na para bang kumikinang kapag nasisikatan ng araw. Ngayon lang nagkaroon ng lalaki na tumagal sa isip niya ng ilang segundo. Nagtataka siya kung bakit mabilis na naukupa nito ang kanyang isip. Marahil ay dahil sa inis na naramdaman niya dito kanina.
Umiling-iling siya para burahin sa isip ang lalaking hindi rin naman niya alam ang pangalan at wala rin siyang interes na alamin pa iyon. Wala nga ba? Pero bakit nagtatanong ang kanyang isip kung sino ang lalaking iyon?