Si Rafael Ace Dimalanta ang tipo ng tao na diretso at walang paligoy-ligoy.
Kaya naman sa muli nilang pagkikita ni Vandorpe, naging mabilis ang lahat para sa kanilang dalawa. Nagkakuhaan ng contacts, Palagian na silang nagsasabay sa pagsakay sa bus papasok sa kanya-kanyang trabaho at habang magkasama sila, doon ay nailahad na nila ang kwento ng bawat isa para malaman at makilala ang isa’t-isa.
Mas nakilala ni Vandorpe si Rafael at hindi niya maikakaila na sobrang saya niya kapag kasama niya ito. Walang dull moments dahil palabiro ang lalaki.
Ulilang lubos na si Rafael. Baby pa lamang ito nang iwan ito ng mga magulang at nadala sa bahay ampunan kung saan doon ito lumaki at nagkaisip, nahubog ang sarili sa hamon ng buhay. Nagsumikap para mai-ahon ang buhay sa kahirapan at ngayon, stable na ang lagay.
Ayon kay Rafael, nasabi rito na aksidente ang ikinasawi ng mga magulang niya. Bagong panganak ang kanyang ina sa kanya nang masangkot sa isang bus accident ang sinasakyan ng mga ito kasama ang ama niya at siya. Himala na nabuhay pa siya pero sa kasamaang palad, nawala ng sobrang aga ang kanyang mga magulang na hindi man lamang siya binigyan ng kapatid para maging karamay sa lahat ng hirap na dinanas niya.
Hindi naman niya masisisi ang mga magulang. Hindi naman siguro ginusto ng mga ito ang maagang mawala sa piling niya. Nagpapasalamat pa nga siya dahil bukod sa nabuhay siya, naging inspirasyon nito ang mga nangyari para magsumikap na maabot ang mga gusto nitong makamit sa buhay. Naging matibay sa lahat ng pagsubok na kinaharap at ngayon, hindi basta-basta matitibag.
Mas lalong humanga si Vandorpe sa kwentong buhay nito. Hindi niya maikakaila na ang lalaking gaya ni Rafael ang isang halimbawa na hindi hadlang ang mga problema at pagsubok para hindi makamit ang gustong makuha sa buhay.
Palagi rin silang nagkikita tuwing uwian. Ngayon ay magkahawak-kamay silang naglalakad nang dahan-dahan sa mall at hindi pinapansin ang mga taong napapatingin sa kanila na may makahulugang tingin.
Aminado si Vandorpe na masaya siyang kasama si Rafael ngayon ngunit hindi niya maikakaila na may bumabagabag sa kanya kaya naman habang naglalakad, lumilipad din ang kanyang isipan.
Napatingin naman si Rafael kay Vandorpe. Napansin ni Rafael ang pagkakatulala ni Vandorpe. Tipid itong napangiti.
Bumalik sa mundo si Vandorpe nang maramdaman niyang bumitaw sa pagkakahawak sa kamay niya si Rafael. Napatingin siya dito at nakita niyang nakahinto ito kaya naman napahinto rin siya sa paglalakad.
Bahagyang nagulat na lamang si Vandorpe nang biglang yumuko si Rafael kaya otomatikong na napa-bend paatras ang itaas na bahagi ng kanyang katawan. Ngayon ay magkalapit ang kanilang mga mukha na kulang na lang ay magdikit ang mga labi nila.
“May problema ka ba?” pagtatanong ni Rafael habang titig na titig ang mga mata kay Vandorpe.
Mabagal na napailing-iling si Vandorpe bilang sagot.
“Sigurado ka?” tanong pa muli ni Rafael. Gusto niyang makasigurado kung okay ba talaga ang kasama niya.
Napatango-tango lamang muli si Vandorpe.
“Bakit tulala ka?” tanong na naman ni Rafael. “Ano bang iniisip mo?”
“Ahh... ehh...” walang maapuhap na sasabihin si Vandorpe. Hindi kasi niya alam kung paano sasabihin dito ang bumabagabag sa kanya.
Tipid na napangiti si Rafael. Umayos ito sa pagtayo kaya naman napaayos na rin sa pagkakatayo si Vandorpe.
“Kung sakaling may problema ka ay sabihin mo sa akin para hindi ako nag-aalala masyado.”
Napabuntong-hininga naman ng malalim si Vandorpe. Hindi nila alintana na nasa gitna pa talaga sila ng mall nag-uusap.
“Ang totoo... hindi naman siya problema,” saad ni Vandorpe. Mabuti na sigurong sabihin na niya kay Rafael para gumaan na rin ang pakiramdam niya.
Nangunot ang noo at nagsalubong ang makapal na kilay ni Rafael. Ang mga mata nitong chinito na parang bagong gising ay nakatitig kay Vandorpe. Napatunayan ng huli na hindi pala talaga laging bagong gising si Rafael kaya ganu’n ang mga mata nito, natural na talaga sa mga mata nito ang magmukhang bagong gising.
“Hindi problema?” nagtatakang tanong ni Rafael.
Muling napabuntong-hininga si Vandorpe.
“Uhm... ikaw ba... hindi ka ba nabibilisan?”
Mas lalong bumakas ang pagtataka kay Rafael sa naging tanong ni Vandorpe.
“Nabibilisan saan?” nagtatakang tanong nito.
“Sa mga nangyayari sa atin... I mean... ilang araw pa lang tayo simula nang magkita at magkakilala pero ngayon... tayo na,” nahihiyang sabi ni Vandorpe.
Walang ligawang nangyari basta nagkaaminan saka nag-agree na lamang siya sa kagustuhan ni Rafael na maging sila na kaagad.
“Ang totoo kasi, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala... ang bilis at parang panaginip lamang ang lahat.”
Napangiti si Rafael. Kinurot niya sa pisngi si Vandorpe na ikinadaing naman ng huli.
“Ouch naman! Bakit mo naman ako kinurot?” naiinis na tanong ni Vandorpe sabay himas sa kanang pisngi na kinurot ni Rafael.
“Ang cute mo kasi,” napapangiting wika ni Rafael na nagpaiwas naman sa tingin ni Vandorpe sa kanya. Nakaramdam kasi ang huli ng hiya sa sinabi nito. “Kinurot kita kasi para malaman mong hindi ka nananaginip.”
Muling tumingin si Vandorpe kay Rafael.
“Masyado ka bang nabibilisan?” pagtatanong ni Rafael. Hindi naman sumagot si Vandorpe, nanatili lamang itong nakatingin sa una. “Gusto mo ba na ligawan kita?” tanong pa nito.
“Hindi naman sa ganun-”
“Ano bang mas gusto mo? Matagal na ligawan o matagal na relasyon?” tanong kaagad ni Rafael.
“Siyempre... ‘yung matagal na relasyon,” mahinang sambit ni Vandorpe pero sapat na para marinig iyon ni Rafael. Napangiti ito.
“Ako rin... ‘yun ang gusto ko,” saad ni Rafael. Napatitig si Vandorpe sa una. “Kaya ngayong may pagkakataon, gusto ko maging akin ka kaagad at maging iyo ako. We have the time in the world. Liligawan kita at kikilalanin pa natin ng lubusan ang isa’t-isa. Lahat ng gusto mo ay gagawin ko. Lahat ng pwede nating gawin, gagawin nating dalawa habang tayo,” sabi pa nito.
Marahang napatango-tango si Vandorpe.
“Wala naman ‘yan sa tagal o bilis. Wala rin ‘yan sa tagal nang panunuyo. As long na alam natin ang nararamdaman para sa isa’t-isa at nag-eenjoy tayo, iyon na ‘yon. Pwede ng maging tayo. Isa pa ay kilala mo na ang isa kong ugali, hindi ako paligoy-ligoy at ayoko ng marami pang pasakalye,” saad pa ni Rafael. Napangiti ito.
Ngumiti nang maliit si Vandorpe.
“Gusto kita,” diretsong pag-amin ni Rafael habang nakatitig sa mga mata ni Vandorpe. Hinaplos pa nito ang pisngi ng huli na kinurot niya. “At alam kong gusto mo rin ako. Gusto mo pa bang patagalin ang lahat bago maging tayo?” tanong pa nito.
Marahang napailing-iling si Vandorpe.
Napangiti nang matamis si Rafael.
“‘Yun naman pala, e. Hayaan mo at liligawan pa rin kita kahit na tayo na.”
“Hindi mo naman kailangan gawin iyon-”
“Pero gusto ko dahil alam kong mapapasaya kita kapag ginawa ko iyon,” mabilis na wika ni Rafael saka ngumiti.
Tipid naman na napangiti si Vandorpe.
“Hindi naman kasi sa dahil gusto kong ligawan mo ako kaya nasabi kong nabibilisan ako sa mga nangyayari sa atin. Ang iniisip ko lang kasi... baka mamaya, sa bilis na naging tayo... mabilis din na mawala ang tayo,” may halong pag-aalala na sabi nito.
Hinawakan ni Rafael ang magkabilang balikat ni Vandorpe. Nilapit pa nito ang mukha sa huli at tumitig.
“Natatakot ka bang mawala ang tayo?”
Napatitig na rin si Vandorpe kay Rafael. Dahan-dahan itong napatango. Totoong nakakaramdam siya ng takot.
“Huwag kang matakot dahil hinding-hindi ko hahayaan na mawala ang tayo. Mabilis man ang mga naganap sa pagitan nating dalawa pero masasabi kong seryoso ako at sa tingin ko naman ay ganu’n ka rin. Ikaw ang kauna-unahan ko sa lahat. Sa pag-ibig at sa karelasyon at hindi ko papayagang mauwi lang sa wala ang una kong pag-ibig,” seryosong sabi ni Rafael. “Hindi ako ‘yung tipo ng tao na basura ang tingin sa pakikipagrelasyon,” dugtong pa niya.
Mabagal na tumango-tango si Vandorpe.
“Gusto mo bang magtagal tayo?” tanong ni Rafael.
“Oo naman-”
“Ako rin gusto ko,” sabi kaagad ni Rafael saka ngumiti. “Gusto nating dalawa na magtagal kaya magtatagal tayo. ‘Yun ang isipin mo,” sabi pa nito. “Dahil kapag inisip mong hindi, kahit na gusto ko pa ay hindi mangyayari. Ang tagal ng isang samahan ay nakadepende rin sa taong magkasama.”
Napatango-tango muli si Vandorpe. Kunsabagay tama si Rafael.
“Kaya ikaw, huwag na kung ano-anong iniisip. Just enjoy and go with the flow,” payo ni Rafael. Inakbayan nito si Vandorpe. “Gusto kita at masaya akong kasama ka at sana ganu’n ka din sa akin para hindi ka na nag-iisip ng kung ano,” seryosong dugtong pa niya.
Napatango-tango nang mabagal si Vandorpe.
“Sorry,” sincere na sabi nito. Pinisil naman ni Rafael ang kaliwang balikat ni Vandorpe.
“Don’t be. Normal lang ‘yan lalo na at ikaw ‘yung tipo ng taong kalmado at hindi sanay sa mabilis at kaagad na pagsunggab,” saad ni Rafael saka ngumiti.
Napangiti naman si Vandorpe.
“So, saan muna ba tayo pupunta? Maglalaro sa arcade o kakain?” tanong ni Rafael.
“Kain muna tayo,” sagot ni Vandorpe.
Natawa si Rafael. Ang sarap pakinggan sa pandinig ni Vandorpe nang pagtawa nito.
“Ginutom ka sa pag-uusap natin,” nangingiting sabi ni Rafael. “Ako din ginutom kaya halika na,” pag-aaya na nito.
Muling naglakad ang dalawa papunta sa kainan, nakaakbay pa rin si Rafael kay Vandorpe na napapangiti na lamang.
Just go with the flow and enjoy.
---
Magkatapat na nakaupo ngayon sila Vandorpe at Rafael sa isang pang-apatang mesa na nasa bandang dulo ng fast-food na pinasukan nila. Nakapatong sa mesa ang mga pagkaing inorder nila kanila at kasalukuyang nilalantakan ang mga ito.
Nagkakatinginan sila saka ngingiti. Hindi maikakaila sa kanilang mga mukha ang saya na nararamdaman ngayong magkasama sila.
“Kumain ka nang kumain dahil mamaya, wala tayong sawang maglalaro sa arcade,” nangingiting wika ni Rafael.
“Isip-bata ka talaga,” natatawang sabi ni Vandorpe.
Hindi lang naman ngayon ang unang beses na maglalaro sila sa arcade, nu’ng nakaraan din ay naglaro sila dahil nag-aya si Rafael.
“Minsan lang naman. Saka ang sarap kayang maging bata kasi pakiramdam ko, walang problema at puro saya lang,” saad ni Rafael saka ngumiti.
Dahan-dahang napatango-tango si Vandorpe. Kumain ito ng fries.
“Oo nga pala, may itatanong ako sayo.”
Kumunot ang noo at nagkasalubong ang makapal na kilay ni Vandorpe.
“Ano iyon?” nagtatakang tanong nito.
“Mmmm... nu’ng unang beses na makita mo ako sa loob ng bus, anong first impression mo sa akin?” tanong ni Rafael na ikinagulat ni Vandorpe.
“Bakit mo naman naitanong?” balik-tanong ni Vandorpe.
Napakibit-balikat si Rafael.
“Wala lang. Gusto ko lamang malaman,” sabi niya saka ngumiti.
Napaisip si Vandorpe. Tumingin pa ito sa ibang direksyon.
“First impression ko sayo... mmm... suplado,” sabi ni Vandorpe saka muling tiningnan si Rafael.
“Suplado ako?” nagtatakang tanong ni Rafael.
Marahang tumango-tango si Vandorpe.
“Natatandaan mo ba iyong unang beses na magkasabay tayo sa bus? Tinapakan mo ang sapatos ko na dahilan para masaktan ako pero sa halip na mag-sorry ka, umiwas ka lang nang tingin at hindi ka na nagsalita,” lahad nito. Napangiti siya. “Sa totoo lang, nainis ako sa inasta mong ‘yun pero mabuti na lang at napigilan ko pa ang sarili ko.”
Napatango-tango nang mabagal si Rafael.
“About that... I’m sorry,” sabi nito. Tipid na napangiti. “Ang totoo kasi niyan... hindi ko alam kung paano ka titingnan at kakausapin,” karugtong pa nitong sambit saka napakamot sa ulo.
Nagtaka naman si Vandorpe.
“Bakit hindi mo alam?” nagtatakang tanong nito.
Napakibit-balikat si Rafael.
“Ewan ko ba. Nu’ng panahong iyon na unang beses kitang makita. ‘Yun ang unang beses na nakaramdam ako ng kakaibang kaba at hiya. Gusto kong magsalita para humingi nang dispensa pero hindi ko nagawa. Diretso akong tao pero pakiramdam ko nun, tumiklop ako pagdating sayo. Hindi man halata pero ‘yun ang totoo,” pag-amin nito.
Mas lalong nagtaka si Vandorpe.
“Alam ko naman sa sarili ko na iba ang pagkataong meron ako. Aaminin ko na humahanga rin ako pagdating sa kagwapuhan ng ibang lalaki pero... iba ‘yung sayo, e. Pakiramdam ko, hindi lamang simpleng paghanga ang naramdaman ko nun kundi matinding koneksyon,” paglalahad ni Rafael.
Nakatingin lamang si Vandorpe kay Rafael habang kumakain ng fries.
“Sayo ko unang beses maramdaman ‘yung pakiramdam ng kakaibang kaba sa dibdib. ‘Yung hiya na nalaman kong meron pala ako sa katawan. Ikaw ang kauna-unahang tao na nagparanas sa akin ng mga kakaibang pakiramdam,” wika ni Rafael. “At nu’ng mga panahong iyon ay hindi ko alam kung bakit,” sabi pa nito. Nagbuga siya ng hangin.
“Hanggang sa ma-realize ko sa sarili ko na ang simpleng pagsakay ko sa bus papasok ay naging espesyal na para sa akin dahil alam kong makakasabay kita at makikita kitang ulit. Lagi akong excited sa tuwing papasok ako sa umaga kasi alam kong nasa loob ka ulit ng bus, nakasakay at makikita ka na naman. ‘Yun ang unang beses na nasabi ko sa sarili kong espesyal pala talaga ang sumakay sa bus at bumiyahe,” mahabang lahad pa ni Rafael saka ngumiti.
Napapangiti naman si Vandorpe. Aminado siyang may kilig na nararamdaman. Naaalala din niya ‘yung mga naramdaman niya noon nu’ng unang beses niyang makita at makasama ang nobyo at kaparehas iyon ng mga nararamdaman ni Rafael.
“Akala ko pagkakataon lamang ang siyang nag-uugnay sa ating dalawa pero nu’ng naulit nang naulit ang pagkakasabay natin ay doon ko napagtanto na... hala! Mukhang iba na ito, a. Hanggang sa ma-realize ko sa sarili ko na habang lumilipas ang araw na lagi kitang nakikita, may nag-iiba sa akin, may nag-iiba sa pakiramdam ko. Sobrang na-miss kita nu’ng mga panahong hindi na ako nakakasakay sa bus kasabay mo kasi pinadala muna ako ng kumpanyang pinapasukan ko sa ibang branch at sa ibang lugar iyon. Nasabi ko sa sarili ko na sa oras na magbalik ako at makasakay muli ako ng bus kasama ka, kukunin ko na ang pagkakataon na iyon para makilala ka at nangyari na nga at ngayon, akin ka na,” pagtatapos ni Rafael. Ngumiti ito.
Mas lalo namang napangiti si Vandorpe.
“Ibig sabihin pala, sa una pa lang ay interesado ka na sa akin,” hindi napigilang sabihin niya.
Wala namang kagatol-gatol na tumango-tango si Rafael.
“Sabihin na nating oo hanggang sa lumalim,” pagsang-ayon ni Rafael. “Ang totoo, akala ko nga walang patutunguhan itong nararamdaman ko para sayo kasi ito ‘yung tipo na hindi tipikal, walang kasiguraduhan kaya aaminin ko na pinigilan ko rin ang sarili ko dahil baka masaktan lang ako sa huli dahil dito pero wala, e, ang puso, kapag tumibok ay wala ka nang magagawa kundi sundin ito,” sabi pa nito. Natawa naman si Vandorpe sa huling linyahan ni Rafael dahil sa pagkakatanda niya, linya iyon ng kanta.
Pero totoo naman, kapag puso na ang siyang nakaramdaman, kahit anong pigil ay wala na iyong magagawa, parang tubig sa ilog, raragasa at raragasa pa rin ito.
“Isa pa, unang beses ko itong maramdaman kaya hindi ko rin masabi sa sarili ko kung napigilan ko nga ba talaga kasi wala naman akong alam kung paano magpigil o magkontrol ng damdamin,” sabi ni Rafael saka tipid na ngumiti.
Marahang napatango-tango si Vandorpe.
“Sa loob ng twenty-five years na nandito ako sa mundo, ikaw lang ang kaisa-isang tao na sumakop sa puso ko. Nagparamdam sa akin ng mga kakaiba at hindi maipaliwanag kaya masasabi kong napaka-espesyal mo para sa akin,” wika pa ni Rafael.
Hindi napigilan na mapangiti ni Vandorpe.
“Lahat rin naman ng una ko, ikaw ang dahilan.”
Napangiti naman si Rafael. Natuwa siya sa sinabi ni Vandorpe.
“Kaya dapat hindi na natin pakawalan ang isa’t-isa.”
Napatango-tango si Vandorpe. Sang-ayon siya sa sinabi ni Rafael.
“Ikaw? Anong first impression mo sa akin?” tanong naman ni Vandorpe.
Napangisi si Rafael. Ang hot talaga nito kapag nakangisi.
“Taong may gusto sa akin,” pabirong sabi nito.
“Hala! Ganu’n ba ako kahalata?” nahihiyang tanong ni Vandorpe.
“Hindi naman... nu’ng una. Pero nu’ng mga sumunod... oo,” nangingiting sabi ni Rafael.
Napaiwas naman nang tingin si Vandorpe. Nakaramdam siya lalo nang hiya.
Hinawakan naman ni Rafael ang kanang kamay ni Vandorpe at bahagyang pinisil dahilan para muling mapatingin sa una ang huli.
“Sa totoo lang, lihim akong kinikilig nun,” nangingiting wika ni Rafael.
Napangiti naman si Vandorpe.
“Saka okay nga iyon na nahalata ko kasi at least nagkaroon ako ng pag-asa na pwedeng pareho pala ang nararamdaman natin sa tuwing sasakay tayo sa bus,” sabi ni Rafael.
Napatango-tango si Vandorpe. Kunsabagay... edi sana walang sila ngayon.
Nagpatuloy sa kwentuhan ang dalawa habang kumakain.
Matapos nilang kumain ay nagpahinga muna sila sandali bago lumabas at pumunta sa arcade. Sa lugar na iyon, wala silang sawa na naglaro ng kung ano-ano. Tawanan, harutan, kwentuhan. Walang pakiealam sa mga taong nakakakita sa kanila at tinitimbang kung anong meron sa kanilang dalawa. Ang mahalaga sa kanila, masaya silang magkasama.
---
Nililibot nang tingin ni Rafael ang kabuuan ng bahay ni Vandorpe, nandito na sila ngayon sa loob kung saan inihatid ng una ang huli pagkatapos nilang mamasyal ng walang sawa sa mall.
“Ang lungkot mo siguro dito. Dalawang palapag ang bahay mo, kumpleto pa sa gamit pero ikaw lang mag-isa,” wika ni Rafael. Tama ito. Two-storey house ang bahay ni Vandorpe na nabili nito mula sa ipon niya. Mura lang naman ang pagkakabili niya dahil nag-migrate na papuntang ibang bansa ang may-ari dagdagan pa na medyo luma na ito nu’ng nabili niya. Ipinaayos at pinaganda lamang niya.
Napatingin si Vandorpe sa kasintahan.
“Hindi naman. Sanayan lang,” sabi nito. “Oo nga pala at ikukuha lang kita ng makakain at maiinom-”
“Tubig na lang,” putol ni Rafael sa iba pang sasabihin ni Vandorpe para hindi na din ito masyadong mag-abala pa.
“Okay,” saad na lamang ni Vandorpe saka ngumiti. Nagpunta na ito ng kusina.
Napangiti si Rafael nang dumako ang tingin niya sa isang mahabang mesa na nasa sala. Nakapatong kasi doon ang mga picture frame na naglalaman ng mga litrato. Lumapit siya doon. Karamihan ay mga litrato ni Vandorpe. May nakita pa siyang isang picture frame kung saan sa palagay niya, isa itong family picture. Bata pa si Vandorpe sa litrato na kasama ang mga magulang nito.
“Ito na ang tubig mo,” alok ni Vandorpe na hindi namalayan ni Rafael na nakalapit na sa kanya. Napatingin siya saka ngumiti, kinuha ang baso saka uminom.
“Sila ba ang mga magulang mo?” tanong ni Rafael habang nakatingin na muli ito sa litrato. Napatingin din doon si Vandorpe, ngumiti saka tumango.
“Mana ka pala ng kagwapuhan sa tatay mo,” pagpuri ni Rafael. Malaki kasi ang pagkakahawig ni Vandorpe sa ama nito. “Mata lang ang nakuha mo sa nanay mo.”
Marahang napatango-tango si Vandorpe. Sabi nga sa kanya noon.
“Parehas na tayong ulilang lubos.”
Napatango-tango naman si Rafael sa sinabi ni Vandorpe.
“Mga malas siguro tayo sa mga magulang natin kasi ang aga nilang nawala.”
Mahinang natawa si Vandorpe sa sinabi ni Rafael.
“Hindi naman. Siguro oras na talaga nila. Alam naman natin ang buhay, hindi natin malalaman kung hanggang kailan at itatagal,” wika ni Vandorpe.
Muling napatango-tango si Rafael.
“Oo nga pala, pwede ka nang umuwi at baka gabihin ka pa lalo sa daan,” wika ni Vandorpe na ikinatingin sa kanya ni Rafael. “Salamat sa paghatid.”
“Grabe siya, o! Pinapauwi na ako,” biro ni Rafael at ngumuso pa.
Natawa naman si Vandorpe.
“Baka kasi mas lalo kang late na makauwi-”
“Edi dito ako matutulog,” sabi kaagad ni Rafael na ikinalaki ng mga mata ni Vandorpe. Napailing-iling pa ito ng mariin.
“Bakit naman hindi pwede?” tanong ni Rafael. Pamaya-maya ay napangiti ito ng nakakaloko. “Siguro may iniisip kang iba na pwedeng mangyari kaya mas mainam nang pauwiin ako.”
“Hindi kaya!” mariing pagtanggi ni Vandorpe. Tumingin pa siya sa ibang direksyon. “Ayoko lang na ako ang sisihin mo kapag gabing-gabi ka na nakauwi.”
“Okay sabi mo, e,” nangingiting sambit ni Rafael habang matamang nakatingin sa medyo namumulang si Vandorpe. “Ganito na lang, patutulugin na muna kita bago ako umuwi,” sabi pa nito na muling ikinatingin sa kanya ni Vandorpe.
“Ha? Hindi mo naman kailangang gawin iyon-”
“Pero gusto kong gawin,” mabilis na wika ni Rafael. “Kaya maghilamos at mag-toothbrush ka na. Magbihis ka na rin para mapatulog na kita.”
“Pero-”
“Pagbigyan mo na ako,” pamimilit pa ni Rafael.
Wala na lamang nagawa si Vandorpe kundi ang mapatango at sumunod sa kagustuhan ni Rafael.
---
Nasa kwarto na ngayon ang dalawa. Nililibot ni Rafael nang tingin ang kabuuan ng kwarto ni Vandorpe na nasa ikalawang palapag ng bahay nito. Hindi naman ganu’n kalaki ang bahay kaya hindi rin malaki ang kwarto nito. Sapat lang para sa dalawa hanggang tatlong tao.
Halatang lalaki ang may-ari ng kwarto dahil na rin sa kulay ng dingding na magkahalong puti at gray at ayos ng mga gamit, ang iba nga ay magulo pa.
Napatingin si Rafael kay Vandorpe, napangiti ito nang makita ang ayos ng huli. Sando at boxer short ang suot. Humubog ang maganda nitong katawan at nakita na rin niya sa wakas ang hita at binti nitong makinis.
Nakaramdam naman nang hiya si Vandorpe. Napatakip pa nga ito sa gitna ng boxer niya dahil baka makita nito ang bukol niya. Natawa naman si Rafael.
“Huwag ka ngang mahiya sa akin dahil soon din naman ay makikita ko ang mga ‘yan,” nakakalokong sabi ni Rafael na lalong ikinahiya ni Vandorpe. Namula pa nga ang magkabilang pisngi nito. “Saka ang sexy mo kaya... nakakagigil,” nanggigigil na sabi pa nito na lalong ikinapula ni Vandorpe sa hiya.
“Tumigil ka nga!” nahihiyang singhal ni Vandorpe kay Rafael.
Tumawa naman si Rafael.
“Ang cute mo pala kapag nagba-blush.”
“Hindi, a!” pagtanggi ni Vandorpe sabay hawak sa magkabilang pisngi nito. “Mainit lang kaya ako namumula,” sabi pa nito saka umiwas nang tingin.
“Okay sabi mo, e,” nangingiting saad ni Rafael. Hindi naman kasi mainit, nagdadahilan lang talaga si Vandorpe. “Sige na at mahiga ka na.”
“Umuwi ka na kasi. Matutulog rin naman ako-”
“Kapag nasiguro ko nang tulog ka, doon ako uuwi,” sabi kaagad ni Rafael.
Napabuga na lamang ng hininga si Vandorpe. Wala na siyang magagawa sa kakulitan ni Rafael.
Pumunta sa kama si Vandorpe saka sumampa doon nang higa. Ibinalot ang kumot sa katawan.
“Ito na, nakahiga na ako at matutulog kaya umuwi ka na,” wika ni Vandorpe.
Nakatingin lamang sa kanya si Rafael. Napapangiti.
Pamaya-maya ay pinatay ni Rafael ang main switch ng kwarto para maalis ang liwanag na nanggagaling sa maliwanag na ilaw at ang lampshades na nakapatong sa mesa na nasa gilid ng kama ang siya niyang sinindihan.
Nakasunod naman ang tingin sa kanya ni Vandorpe.
Hanggang sa magulat na lamang si Vandorpe dahil lumapit sa kama si Rafael, inililis ng konti ang kumot, tinanggal ang suot na sapatos saka ito nahiga sa tabi niya.
“Uy! Anong ginagawa mo?” kinakabahang tanong ni Vandorpe.
“Sabi ko patutulugin kita, ‘di ba?” tanong ni Rafael at ibinalot din sa sarili ang kumot.
“Pero-”
“Sige na at pagbigyan mo na ako,” putol ni Rafael sa sasabihin ng kasintahan.
Napabuntong-hininga na lamang si Vandorpe. Hayaan na nga lang niya.
Uusog na sana si Vandorpe ng kaunti palayo kay Rafael pero bigla siya nitong hinila at niyakap dahilan para mabunggo pa ang ulo niya sa maumbok na dibdib ng kasintahan. Rinig na rinig niya ang malakas na t***k ng puso nito na sa totoo lang, ang sarap pakinggan sa tenga.
“R-Rafael-”
“Tulog na,” malamyos na sambit ni Rafael. Ibinalot nito ang braso sa bewang ni Vandorpe. Ang isang kamay naman ay nagsimulang mag-tap sa kanang balikat ng huli.
Huminga nang malalim si Vandorpe. Umayos na lamang siya nang higa at isinandal ang ulo sa bandang dibdib ni Rafael.
Nakatitig naman sa kisame si Rafael habang pinapatulog si Vandorpe.
“Sa susunod, gabi-gabi na tayong magtatabi sa kama. Sisiguraduhin ko ‘yan,” mahinang wika ni Rafael na tila nangangarap ng gising.
Napangiti naman si Vandorpe sa narinig. Sumiksik tuloy siya kay Rafael at niyakap ito. Siya rin naman, gusto niya iyon. Ang sarap kaya sa pakiramdam ng yakap nito.
Napatingin si Rafael kay Vandorpe. Napangiti ito.
“Matulog ka nang mahimbing,” mahinang sabi ni Rafael.
Napapikit naman ng mga mata si Vandorpe. Dinadama ang presensya ni Rafael.
Ilang minuto sila sa ganu’ng ayos, magkayakap sa iisang kama at sa ilalim ng kumot. Mga minutong napakasaya dahil hanggang sa pagsapit ng gabi, magkasama sila.
Hanggang sa napansin ni Rafael na nakapikit at tuluyan nang nakatulog si Vandorpe. Napangiti siya at tinitigan ang mukha nito. Ang mukha na naglalarawan sa taong laman ng puso niya ngayon.
Hindi napigilan ni Rafael na halikan si Vandorpe, sa noo, sa ilong, sa magkabilang pisngi... at ang panghuli... sa malambot na labi nito.
“I love you,” hindi napigilang ibulalas ni Rafael. ‘Yun na kasi ang nararamdaman niya. “I love you so much,” mahinang wika pa niya.
Hindi mapagsidlan ang sayang nararamdaman ni Rafael nang sabihin niya ang mga katagang iyon.
Matapos ng ilang minutong pagtitig pa kay Vandorpe ay dahan-dahan na gumalaw si Rafael. Marahan na inalis niya ang pagkakayakap rito at inalis rin ang pagkakayakap sa kanya. Inayos niya ito sa pagkakahiga sa kama.
Matapos ay dahan-dahan siyang umalis sa ilalim ng kumot at sa kama. Tumayo nang maayos sa gilid at muling tiningnan si Vandorpe. Napangiti siya.
Inayos ni Rafael ang damit na nagusot at isinuot muli ang sapatos pagkatapos, muling hinalikan nito sa labi si Vandorpe saka nagpasya nang dahan-dahang lumabas ng kwarto at umalis.
Nang marinig ni Vandorpe ang pagsara ng pinto ng kanyang kwarto ay doon dumilat ang mga mata niya. Hindi pa siya totoong tulog. Napangiti siya dahil naramdaman niya ang bawat pagdampi ng labi nito sa kanya at higit sa lahat... ang sinabi nito.
“I love you too,” malamyos na wika ni Vandorpe. Kinikilig siya. Muling ipinikit ang mga mata. Sa isip-isip niya, magiging mahimbing sigurado ang kanyang tulog ngayon.