Kabanata 7 - Gagantihan

1661 Words
Sinabog ng malakas na hangin ang buhok ko nang makababa sa kabayo. Hinawi ko ito at namamanghang nilingon ang marami pang bulubundukin na natatanaw mula sa kinatatayuan namin. Ilang beses na akong nakapunta rito pero hindi ko pa rin maiwasang mamangha sa ganda ng tanawin. Berdeng-berde at buhay na buhay ang mga lupa. Nilingon ko ang kabayong si Honey at hinaplos ang makintab nitong balahibo. ‘Di maitatangging si Honey ang pinakamaganda sa lahat ng mga kabayong pag-aari ng mga Salvatierro. Kaya nga hindi ipinagbibili dahil paborito rin ni Senyor Anastacio, ang asawa ni Senyora Isabela. “Nag-enjoy ka ba, Honey?” pagkausap ko rito nang bigla akong mapatingin sa gawi nina Ford. Napansin ko na nakatingin siya kay Honey. Gusto niya yata talaga ito at siguro kung wala lang si Parker ay ito ang gagamitin niya ngayon. Too bad for him, meron nang nagmamay-ari kay Honey... “Woah! Ganda! Tara, picture tayo!” sabi ni Regina at lumapit sa amin dala ang kaniyang cellphone. Ngumiti ako at lumapit din sa kaniya. Nakita ko ang kaniyang cellphone na kulay rose gold ang likod at may tatak na apple. Sabi niya ay ngayon pa lang siya nakapunta rito sa gawing ‘to. Siguro nga naimbitahan na siya ni Ford sa lakad na ito noon pang nakaraan. Si Parker na ang humawak sa camera dahil siya ang pinakamatangkad sa aming tatlo nina Regina. Naiangat na ni Parker ang cellphone pero hindi pa rin lumalapit si Ford na abala pa rin sa kabayo. Napalingon siya sa amin nang malakas siyang tawagin ni Regina. “Ford! Picture...” ani Reg. Hinintay namin siya na lumapit at dahil wala nang pwesto sa gilid ni Parker ay sa gilid ko na siya nagtungo, sa kabilang bahagi ng camera frame kung kaya’t napagigitnaan nila kami ni Regina. “Ang ganda-ganda pala rito! Kung alam ko lang na ganito kaganda rito sa itaas, sana noong nakaraan pa ako sumama sa ‘yo, Ford,” dinig kong sabi ni Regina kay Ford habang tinitingnan namin ang mga nakuhang litrato. Hinila niya ako patungo sa mas mataas na bahagi ng hills. Parehas kaming namamangha sa tanawin na tuloy-tuloy niyang kinukuhaan sa kaniyang cellphone. “Halika, Deborah, mag-picture pa tayo. Picturan mo ako nang marami at ipo-post ko. Tapos ita-tag kita! Ano bang username mo?” Pinahawak niya sa ‘kin ang kaniyang cellphone. Namangha ako sa ganda nito at sa malinaw na quality ng camera. “Username? Ah... wala pa akong gano’n, eh...” “Huh?” gulat na reaksyon niya. “Wala talaga?” Nahiya ako nang kaunti. Wala naman talaga akong cellphone kung hindi lang ako binigyan nina Parker nitong nakaraan. At text lang ang alam ko roon. Hindi pa ako marunong sa mga social media at wala rin akong mga account. “Ganoon ba? Gawa na lang tayo mamaya!” nakangiting sabi ni Regina at nagsimula na kaming kumuha ng mga litrato. Pagtapos naming sulitin ang tanawin sa taas ng hills ay nagtungo na rin kami sa rancho kung saan kami tuturuan nina Parker na sumakay sa kabayo. Malawak ang farm na sakop ng mga Salvatierro. Kahit nga malayo na ang nararating namin ay nasa teritoryo pa rin nila kami. Babalik lamang kami nang kaunti at tatahakin ang daan pakanluran tapos mararating na namin ang rancho kung nasaan ang mas maraming mga kabayo na ipinagbibili at iba’t ibang farm animals. “Balita ko pupunta ang gobernor sa inyo sa susunod na Linggo, ah?” tanong ni Regina habang naglalakad kami patungo sa mahabang horse fence na pumapaikot sa malaking parte ng lupa. Tumango si Parker. “Yeah, baka isama iyong anak niya...” “Oh, kung ganoon, magkakaroon ng salu-salo sa mansion n’yo?” Tumango lang ulit si Parker, tila ba normal na lamang sa kaniyang pandinig na may darating na mahalagang bisita at magkakaroon ng malaking salu-salo. Lumapit si Regina kay Ford at sinabayan sa lakad. Medyo nawala sila sa paningin ko dahil nauuna kami ni Regina kanina sa paglalakad. “Iimbitahan mo ba ako?” pabiro niyang tanong. Hindi ko agad narinig ang sagot ni Ford pero base sa reaksyon ni Regina na natutuwa ay tumango siguro si Ford sa sinabi niya. “Senyorito Ford,” bati ng mga tauhang nagtatrabaho sa rancho nang makalapit kami. Malawak ang kanilang mga ngiti nang matanaw ang dalawa. Si Mang Fredo na siyang nangunguna sa kanilang rancho ay sinalubong ang dalawa. Malaki ang kulay pulang barn house. Malawak ito sa loob at pinag-iimbakan din ng mga dayami. “Mang Fredo,” bati ni Parker. “Senyorito Parker, kumusta po ang kabayong ipinahanda ninyo?” tanong ni Mang Fredo. Ngumiti lang si Parker at hindi na sumagot. Hindi kasi siya ang gumamit niyon kundi si Ford kahit na ipinahanda iyon para sa kaniya dahil nga inangkin na ni Ford si Honey noong hindi pa siya umuuwi. Hindi ko alam kung anong sinabi ni Parker kay Ford para ipaubaya nito pabalik si Honey. “Ako ang gumamit, Mang Fred. Maayos naman ho,” sabi ni Ford kay Mang Fredo at may mga sinabi tungkol sa horse riding na hindi ko alam. Bakas ang galak kay Mang Fred na nagustuhan ito ni Ford. “Mabuti kung ganoon, Senyorito.” Pagtapos ay tumingin sa amin si Mang Fred. Ngumiti ako at bumati. Ganoon din si Regina. Nakilala ko na rin si Mang Fred dahil tinutulungan ko siya paminsan-minsan sa paglilinis ng mga kuwadra ng kabayo sa mansion. “Oh, Deborah—este Senyorita Deborah, ikaw ba’y mag-aaral na ring mangabayo? Pinayagan ka na ng Senyora?” tanong ni Mang Fred at nangingiti sa aming apat na magkakasama. Nagkatinginan kami ni Ford sa hindi malamang dahilan. Napatikhim ako. Pinayagan ba ako ng Senyora? Hindi ko rin alam. Biglaan nga lang ang pagyaya nila sa akin dito... “Pinayagan, Mang Fred,” sagot na lang ni Ford nang makitang hindi ko alam kung anong sasabihin! Gustong-gusto ko pa namang gawin ngayong araw. Sayang kung ‘di maitutuloy... Tumango na lamang si Mang Fred. “Oh, pakihanda ng dalawang kabayo para sa dalawang kasama nina Senyorito Ford at Senyorito Parker,” pag-uutos ni Mang Fred sa mga tauhan. Nagpahinga muna kami at naghanda. Nagpakuha sina Parker ng dagdag na safety gears. Habang isinusuot naming muli ang gloves namin ni Regina ay nahulog ang akin. Napatingin ako sa gloves na ngayon ay nahulog sa putikan. Pinulot ko iyon at inangat kaya lang naliligo na ito sa putik! “Oh!” Si Reg na lumapit sa ‘kin para mag-usisa. “Nahulog?” Tumango ako. “Oo, eh. Hindi ko nahawakan,” saad ko. Lumapit sa amin si Parker. Kinuha niya ang maruming gloves sa kamay ko. “Magpakuha ka na rin ng bagong gloves kay Mang Fred. Marami pa roon.” “Ako na lang,” saad ko dahil nahihiya akong mag-utos sa mga tauhan lalo pa’t oras ng kanilang trabaho. Hindi na nagsalita si Parker kaya tumuloy na ako sa pagtungo sa isang sink sa likod ng barn. Naghugas ako ng mga kamay at saka naghanap ng gloves sa loob. May nakita akong gloves sa itaas ng isang cabinet kaya lang ay mataas iyon. Napatingin ako sa isang may kababaang ladder sa gilid kung kaya’t kinuha ko iyon at tinapat malapit sa mataas na cabinet. “Ang taas naman ng kinalalagyan nito,” bulong ko at hinanda ang ladder. Gumawa pa ito ng ingay. Medyo mabigat pero kinaya ko namang ilagay. Nagpagpag ako ng mga kamay at saka dahan-dahang inakyat ang ladder. Sa paligid ay mayroong dayami. Sa isip ko ay hindi naman sobrang taas ng hagdan kaya malaki ang tiwala kong hindi ako mahuhulog. “Ah,” usal ko habang inaabot ang gloves. Bakit ang layo naman nito?! Naabot ko rin naman ang gloves at nang makuha ko ito ay agad akong napa-straight ng tayo sa hagdan. Ang sakit sa braso, ha! Kasabay niyon ay ang pagdating ng isang tao sa loob. “Anong ginagawa mo?” pagsasalita ng dumating. Sa gulat ay namali ako sa paghakbang sa ladder at dumulas ang paa ko. Napatili ako hanggang sa maramdaman ko ang mga dayami sa aking likod na siyang pinagbagsakan ko! Napaubo-ubo ako sa nagsiliparang tuyong damo na napunta sa mukha ko. Sa kabutihang palad ay hindi naman sumamang tumumba ang hagdan! Napadilat ako sa mga mata at diretsong napatingin sa gawi ng nagsalita. Walang iba kundi si Ford Craigan! Nakatayo sa hamba ng kamalig at nakatingin sa ‘kin. “What kind of stupidity is that, Deborah?” tanong niya at salubong ang kilay na tiningnan ako, may dalang safety gear sa kaniyang kamay. Masama ang kaniyang tingin na akala mo ay siya ang nalulunod sa dayami ngayon! “P-Pwede ba? T-Tulungan mo kaya muna ako,” pamaldita kong turan para mabawasan ang nararamdaman kong kahihiyan! Napatingin ako sa mga tuyong damo na pinalilibutan ako bago umubong muli at inalis ang ilan na napunta pa sa bibig ko. Nakakainis! Lumapit siya sa ‘kin at paupo akong hinarap. May amusement sa kaniyang mga mata nang tiningnan ako. “Tulungan mo naman ako, oh?” Sinubukan kong tumayo ngunit napatigil lang din ako. “A-Aray,” naiiyak kong usal. Pakiramdam ko na-injured na ang balakang ko! Inalis ni Ford ang tuyong damo na napunta sa bibig ko. Sinamaan ko siya ng tingin. Hindi niya man lang ako matulungang tumayo! “Kasalanan mo kung bakit nandiyan ka. Paano ba iyan? Kami na lang muna ang aalis?” tanong niya at nginisian ako. “Enjoy your stay here, Deborah.” Nanlaki ang mga mata ko at pinanood siyang tumayo nang hindi ako tinutulungan. “W-What?! Ford! Tulungan mo ako!” Nagtama ang paningin namin ngunit kinindatan niya lang ako. Hindi ako makapaniwala nang lumabas siya sa kamalig at iniwan ako! Nagngitngit ang mga ngipin ko sa galit. Pakiramdam ko ay nabuhay lahat ng kasamaang tinatago ko. Ah... ganoon? Hah. Maghintay ka lang, Ford Craigan... dahil gagantihan talaga kita! Simula sa araw na ‘to, itatak mo ‘yan!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD