Lumabas na rin ako sa kwarto ni Parker hawak ang itim na box na ibinigay niya sa ‘kin. Kabababa ko pa lang ay sinalubong na ako ni Manang Yadra.
“Tawag ka ni Senyorito Elis, Deborah,” tukoy nito kay Parker. Napabuntonghininga naman ako.
Gusto kong makausap si Parker ulit dahil siyempre, medyo matagal din silang wala rito at malapit naman kami kahit papaano. Kaya lang naroon ang Ford na ‘yon! And for some reason... kinakabahan ako kapag nandiyan siya.
Tumango na lamang ako kay Manang Yadra at para maibsan ang kaba ay binuhat ko ang pusa namin at dinamay sa pagharap kay Ford.
Ilang araw din kaming hindi nagpapansinan! Mga maid na nga ang nahihirapan tuwing umagahan dahil para kaming hangin sa isa’t isa kapag kumakain kaya madalas nagdadahilan na lang ako na hindi ako nagugutom tuwing umaga.
“Grabe, Sugar, ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Ba’t kaya gano’n?” pabulong na tanong ko kay Sugar, ang kulay mocha na pusang alaga rito sa hacienda.
Nag-meow lang si Sugar kaya naman hindi ko na siya kinausap. Lumabas na lang ako sa entrada ng mansion habang buhat-buhat siya para magtungo sa kuwadra ng mga kabayo.
Hindi pa man ako nakakalapit, naagaw ko na ang tingin ni Ford. Kaya bago pa ako mapansin ni Parker ay nakasamaan ko na siya ng tingin.
He chuckled a bit. He looks amazed. Parang matutuwa pa siya kahit mairapan! Nasiraan na yata.
“Tawag mo ako, Parker?” tanong ko.
Lumingon si Parker bago tumango sabay tingin muli sa kabayong si Honey.
“Gusto mong turuan ulit kita?” tanong niya sa ‘kin.
Parang pumalakpak ang mga tenga ko sa narinig. Pangarap ko talaga na matutong sumakay ng kabayo nang mag-isa. At least makakapunta ako sa kanilang mga lupain kahit ako lang!
“Ngayon na?” tanong ko.
“Mamayang hapon? Darating ang bisita ni Ford,” sabi ni Parker.
Agad nawala ang ngiti ko. Hindi ko nakontrol ang sarili ko kaya ayun na naman ang ngisi ni Ford. Tumikhim siya.
“Bakit nabura ang ngiti mo, hmm, little auntie?”
Nagpantig ang tenga ko sa narinig. Muntik ko nang mabitawan si Sugar para kalmutin siya. Ano ang tinawag niya sa ‘kin?
“Anong sabi mo?” tanong ko kay Ford.
Tumawa rin si Parker. Namula ang mukha ko sa pagpipigil na patulan si Ford. Little auntie pala, ha? Makakaganti rin ako sa ‘yo isang araw. Tandaan mo ‘yan. At pag nangyari ‘yon, matutulog ka nang nakadilat ‘yang isa mong mata.
“Is it okay with your guest kung isasama natin si Deborah?” kaswal na tanong ni Parker.
Tumango naman si Ford saka ako binalingan. “Itanong mo muna kay Deborah kung ayos lang sa kaniyang kasama natin iyong bisita ko...”
Kaswal lang siyang nagpapaligo sa kabayo habang sinasabi ‘yon. Umihip ang malakas na hangin na sumasabog sa buhok ko. Hindi ba siya nilalamig?
Kinunutan ko siya ng noo. Tumango na lang ako bago pa magsalita si Parker. “Kayo ang bahala... wala namang problema.”
Manghang nag-angat ng tingin si Ford. Akala niya siguro ay mag-iinarte ako.
“Alright. Mamayang hapon, then. Ipahahanda ko kay Mang Fredo ang isang kabayo,” ani Parker. Naiwan naman kami ni Ford noong tinawag ito ni Manang Yadra.
“You look like you’re going to explode. Kulang na lang ipalapa mo ako riyan,” ani Ford habang nakatingin kay Sugar.
Nakatayo pa rin ako roon hanggang sa nagpapatuyo na siya sa kabayo. Hindi ko namalayang pinapanood ko na kung paano niya iyon gawain kaya medyo lumuwag ang hawak ko kay Sugar dahilan para makatalon ang pusa.
Hahabulin ko pa sana ulit ito para makargang muli kung hindi lang ito agad nagtungo sa paanan ni Ford.
“Sugar!” tawag ko sa pusa at pilit pinalalapit sa akin pero mukhang nakapili na ito ng bagong haharutin. “Halika rito!”
Ngunit sa halip na sumunod, mas lalo pa itong nagsumiksik sa paanan ni Ford at dinidikit ang kaniyang balahibo rito. Tumigil si Sugar sa tapat ni Ford. She raised her paws while meowing.
Parang ang kabayong ito na si Honey! Parehong taksil.
Kinuha ni Ford si Sugar at binuhat sa kaniyang mga braso. Tuwang-tuwa naman ang pusa.
He looks too hard to be carrying Sugar!
“Akin na siya.”
Hindi ako tiningnan ni Ford sa sinabi ko. Sa halip ay pinaamo niya ang pusa para piliin siya nang paulit-ulit. Iyan siguro ang taktika niya sa mga...
Gusto kong pagsabihan si Sugar na hindi dapat siya mahulog sa trap ng Salvatierro na ‘yan.
“Ako na ang pinipili niyang amo ngayon,” may pang-aasar na sabi ni Ford.
Hindi ba siya makuntento na kinuha niya na nga si Honey, gusto niya pa pati itong si Sugar, sa kaniya na lang din?
“Fine, Sugar. Diyan ka na... magsama kayo ni Honey,” saad ko at nilingon ko pa si Ford na naiiling na natatawa habang paalis ako.
Napalunok ako at napaiwas ng tingin nang matanaw ang kaniyang mukha, ang kaniyang kabuuan, habang buhat-buhat niya si Sugar. The cat looks comfortable with his presence... at bakit ganoon?
Ang amo ng pakikitungo niya sa mga hayop? Parang mas hayop pa ang trato niya sa ‘kin.
“Come back, Deborah. Hinahanap ka ng anak mo...” tawag niya pa rin habang humahalakhak na hindi ko na nilingon.
“Huwag kang basta-bastang gagalaw. Susunod ang kabayo base sa galaw mo sa ibabaw nito,” ani Parker habang tinuturo niya kung paano ang tamang gawin kung mag-isa lang sa ibabaw ng kabayo.
Madalas kasi ay isinasakay niya lamang ako. Hindi ako marunong at bukod pa roon ay sinabihan ako ng Senyora na huwag munang madaliin ang matuto sa kabayo dahil baka raw maaksidente ako.
“Saka ka na mag-aral ng pangangabayo, Sweet, kapag narito na ang apo kong si Ford. Gamay niya ang horse riding...”
Iyon ang sabi niya sa ‘kin pero ngayon, si Parker lang din naman ang nagtuturo sa ‘kin.
Tumango-tango ako sa mga sinabi ni Parker. Habang inaayos ko ang gloves sa aking kamay ay hindi ko maiwasang mapatingin kina Ford at sa kaniyang bisita na walang iba kundi ang babaeng kasama niya nang minsan niyang gawing club house ang mansion.
Kararating lang nito habang inihahanda namin ang mga kabayo paalis. Kausap ni Ford na panay ang pakita sa ngiti niya. Mukha namang mabait ang babae... at maganda.
“Deborah?” tanong ni Parker.
“Huh?” Napalingon ako sa kaniya at napatango kahit wala roon ang isip ko.
Bakas ang pagtataka kay Parker. Nakita ko kung paano siyang lumingon sa gawi nila Ford at ng kararating lang na babae. Napalunok ako at binalik ang atensyon sa kabayo.
Nang subukan kong tumingin ulit sa gawi nila Ford na naabutan kong pahalik sa pisngi ng babae ay natabunan agad iyon ni Parker. Mula sa kaniyang balikat ay napatingin ako sa mukha niya.
Nililipad ng mabining hangin ang buhok ni Parker ganoon din ang malinis niyang puting t-shirt. Nakaangat ang kaniyang kamay sa ibabaw ng kabayo habang nakatingin sa ‘kin.
“Uhm, paano ba ako aakyat dito?” tanong ko para ibalik ang atensyon niya sa kaninang pinapaliwanag.
Parker continued explaining. Habang ginagawa niya ‘yon ay hindi ko maiwasang mapasulyap-sulyap sa babaeng bagong dating. Ang ganda niya...
Saktong tapos na sila sa kanilang pag-uusap at lumakad na patungo sa amin.
Malawak ang ngiti ng babae habang papalapit. Kumaway siya sa ‘min habang nililipad ang kaniyang mahabang buhok.
“Hi!”
Napangiti ako at nakaramdam ng kaunting excitement. Mukha siyang mabait at palangiti.
“H-Hello!” bati ko.
Malawak ang ngiti ng babae at puno ng energy na lumapit para makipagbeso. “Ikaw si Deborah, hindi ba? Ako nga pala si Regina!”
“Hi, Regina... nice to meet you p-po...” hindi siguradong sambit ko.
Tumawa ang magandang babae. “Huwag na ang ‘po’. Hindi naman ako ganoon katanda. I’m just twenty. At oo nga pala, I’m in the same school as Parker,” pakilala niya.
Ngumiti ako. Naalala ko nang minsan siyang pumunta rito sa mansion. Tumulong siya sa pagbibigay ng mga inumin sa iba.
“Sorry about last time,” nahihiya niyang sambit na hindi ko inasahan.
Napaawang ang labi ko at sasabihin pa sanang wala na iyon ay inakbayan niya na ako. Hinarap niya si Ford kaya pati ako ay napaharap din dito.
“Pwede ba na kami ang magkasama ni Deborah sa isang kabayo?” paalam niya rito.
Dahil masinag ang araw ay nanliliit ang mga mata ko kay Ford. Tumingin siya sa ‘kin bago nag-iwas at hinila ang tali ng kabayo.
“Hindi pwede.”
Ngumuso si Regina sa tugon ni Ford. Inayos niya ang kaniyang buhok at nakangiti akong hinarap. “Sabay naman nilang patatakbuhin ang mga kabayo kaya magkasabay pa rin tayo. At saka itali mo itong buhok mo, ha? Para hindi ka mahirapan.”
Tumango ako. Lumapit na si Regina kay Ford na tinulungan siya sa pagsusuot ng gloves.
Lumapit na lang din ako kay Parker. Sinunod ko ang sinabi ni Regina na magtali ng buhok para hindi makasagabal kapag nasa ibabaw na kami ng kabayo lalo na at malakas ang hangin.
In a not so distant voice, narinig ko pa ang sinabi niya kay Ford habang sumasakay sa kabayo.
“Gusto mo lang akong yumakap sa ‘yo...” Sinabayan nito iyon ng mahinang tawa. Ford only smirked as a response.
Umakyat na si Parker sa ibabaw ng kabayo. Inilahad niya ang kaniyang kamay sa ‘kin na tinanggap ko naman. Hindi iyon ang unang pagkakataon na sasakay ako sa kabayo at kakapit sa kaniyang likod kaya alam ko na ang gagawin.
Papunta kami ngayon sa hills. Sa mga bulubundukin ng San Luciera.
Nagsimula si Parker na patakbuhin ang kabayo. Mabagal lang sa una pero habang tumatagal ay binibilisan niya na rin, isinasabay sa pagpapatakbo ni Ford sa kabayong dala nito.
Sa unang pagtakbo ng kabayo ay napakapit ako agad kay Parker sa takot na mahulog. Nanuot sa aking pang-amoy ang kaniyang bango.
“Kumapit ka pa, Deborah,” ani Parker.
Napalunok ako at tumango na lamang.
“Debs!” tawag ni Regina habang nakasakay sa likod ni Ford at nakakapit dito. Nakangiti siyang kumaway sa ‘kin na ginawa ko naman pabalik dahilan para sawayin ako saglit ni Parker na baka raw mahulog ako.
Mabilis na dumaan ang kanilang kabayo sa gilid namin. Dinig kong napasinghal si Parker sa pagkairita nang maunahan ni Ford.
Mabilis lang kaming nakarating sa hills. Paminsan-minsan ay bumabagal kami lalo na sa damuhan kaya nagkaroon kami ng pagkakataon na magkwentuhan.
Tinigil ni Parker ang kabayo at hinagod ng mga daliri ang nagulong buhok.
Napangiti ako habang tinatanaw ang paligid at ang mataas naming kinaroroonan kung saan natatanaw ang malaking bahagi ng lupain ng San Luciera. Napakaganda!
Nalipat ang tingin ko kina Ford nang bumaba siya. Dahil sa ginawa ay lumabas ang kaniyang muscles sa braso lalo na sa suot niyang itim na sleeveless shirt. Deep cut sa magkabilang gilid kung kaya’t kita ang maputi niyang... abs?
Inalalayan ni Ford si Regina sa pagbaba nito sa kabayo. Hindi rinig ang kanilang pag-uusap dahil sa lakas ng hangin.
Bumaba na rin si Parker at tiningala ako na nasa ibabaw ng kabayo. Pagtapos ay inangat niya ang kaniyang kamay para tulungan ako.
Matagal akong napatingin sa kaniyang kamay na nakalahad at sa kaniyang mukha. Napalunok ako. May kabog sa dibdib ko na hindi dapat...
At habang nakatingin sa kaniya, napaisip ako sa isang paalala na lagi kong pilit sinisiksik sa aking isipan.
“Let’s go?” mabagal niyang tanong habang inaabot ang kamay.
“Hmm, s-sige.”
Tumango ako ngunit hindi agad kumilos. Nakaramdam ako ng kaba habang nakatingin siya sa ‘kin. Matagal ding wala si Parker dito sa San Luciera pero ngayong bumalik na siya, na-realize ko na... narito pa rin pala.
Habang nakatingin si Parker sa ‘kin sa sandaling ‘yon, napagtanto ko na nandito pa rin ang pagkakagusto ko sa kaniya kahit alam kong imposibleng mangyari sa ilalim ng araw na magustuhan niya ako pabalik.
Nandito ako pero pakiramdam ko’y magkalayo pa rin ang mundo naming dalawa. And it is not appropriate to still like him now... now that Senyora Isabela adopted me...
Pero anong magagawa natin? Napipigilan nga ba ang damdamin kung kanino nito nais matuon?