Kakasikat pa lamang ng araw habang binabaybay namin ang daan sa pagitan ng damuhan at ng mahabang ilog patungo sa bayan. Linggo at patungo kami sa simbahan nina Juliana at Belle.
Naging kagawian namin na magpunta sa bayan para magsimba kapag Linggo at para mamasyal na rin.
Hindi mainit ang sinag ng araw. Sumisilip sa bawat siwang ng malalagong dahon ng puno habang naglalakad kami sa tabing ilog.
“Sayang, mamayang hapon pa darating si Senyorito Parker. Sana kasama natin siya ngayong magpunta sa bayan,” nakangusong sabi ni Juliana at sinukbit ang kamay niya sa braso ko.
“Hindi rin naman siguro iyon makakasama dahil malamang pagod sa byahe!” komento ni Belle at umiling. “Kung ako sa ‘yo, ‘te, tigilan mo na ‘yang si Senyorito Parker. Mas posible pa yatang pumuti ang uwak kaysa tingnan ka niyon, eh.”
Nginusuan lamang siya ni Juliana, hindi sang-ayon sa sinabi. “Malay mo naman, ‘di ba? Marami kaya akong nababasa na ganoon! Nai-inlove ang amo sa katulong niya! Malay mo gano’n din sa ‘min ni Senyorito Parker! Nako, baka ma-inlove rin sa ‘kin ‘yon balang araw!” confident niyang sabi.
Pinagigitnaan nila ako habang nagpapalitan ng mga salita. Tuwing Linggo talaga at ganitong magkakasama kami na nasa labas ng mansion, hindi mawawala ang pagtatalo nila tungkol sa mga Salvatierro lalo na roon sa magpinsan.
“Ang tanong, maganda ka ba?” nakataas ang kilay na tanong ni Belle.
“Aba!” Bayolenteng napalayo sa akin si Juliana at muntik na akong matumba sa pagkaka-out of balance. “Oo! Patunay lang ‘yong pagtingin sa akin ni Senyorito Ford! Palibhasa ikaw, kahit isa sa mga Salvatierro ‘di ka tinitingnan kaya ganiyan ka kung makapagsalita!”
Nanlaki ang mga mata ni Belle at tinawid ang pwesto para hablutin sana ang buhok ni Juliana. “Aba, halika ritong babae ka!”
Agad nagtago si Juliana sa likod ko habang tumitili at ginagawa akong depensa mula kay Belle.
“Teka nga! Teka nga!” suway ko at pinatigil sila. Bumitaw rin si Juliana sa pagkakahawak sa mga balikat ko mula sa likod at bineletan si Belle na sinasabing ‘di pa sila tapos. “Magsisimba tayo ngayon, nakalimutan n’yo na ba? Saka huwag n’yo na ngang pagtalunan pa sila lalo na ‘yong pangit na Ford na ‘yon!”
Linggong-linggo pero pangalan niya na naman ang naririnig at sinasabi ko.
Pero nangangako ako na huli na ito. Ihihingi ko ng tawad ang mga hindi magandang nagawa at nasabi ko kay Ford. Nagkasala ako sa isip, salita, at gawa, at aminado ako roon.
So now, after this, susubukan ko nang makitungo nang maayos kay Ford. Tama sina Manang Yadra. Wala rin naman akong pagpipilian dahil ako ang dapat na mag-adjust dahil ako naman ang bago rito.
“Anong pangit? Bulag ka yata, Deborah. Siya ang pinakagwapong nilalang na nakita ko! Akala ko nga si Parker na ang pinakagwapo sa magpipinsan pero mukhang mas ma-appeal si Senyorito Ford.” Humagikgik si Belle na agad namang sinuportahan ni Juliana.
Umangat ang aking mga kilay at nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa bago napabuntonghininga na lang.
Hinawakan ko ang kamay nilang dalawa at nanguna sa paglalakad upang kaladkarin sila. Baka sakaling magising sila sa katotohanang masama ang ugali ng Ford Salvatierro na ‘yon. Tsk!
Isang oras din ang tinagal namin sa loob ng simbahan. Nakaramdam ako ng pagkaantok pero pilit kong nilalabanan. Si Juliana naman ay panay ang pagkahulog ng ulo.
Seryoso akong nakatingin sa harapan habang patuloy ang reader sa pagbabasa ng bible verse.
“Sister Eliza,” malawak ang ngiting bati ko nang makalapit dito.
Ngumiti si Sister Eliza. Umaliwalas ang kaniyang mukha nang makita ako. “Deborah...”
Ipinakilala ko sa kanila sina Belle at Juliana. Hindi rin kami nagtagal dahil baka abutan kami ng hapon.
“Babalik po ako sa susunod na linggo, at kung kailan po magkalibreng oras para dumalaw sa mga bata.”
“Oo naman, Deborah. Mag-iingat kayo. Sana magkita pa tayo ulit sa susunod na Linggo. Patungo na kami ng Cavite at doon mamamalagi hanggang sa sunod na bakasyon,” saad ni Sister Eliza.
Nalungkot ako sa sinabi niya. Sila na kasi ang nakalakihan ko sa lugar na ‘to pero unti-unti rin silang umaalis. Siguro nga ganoon talaga ang buhay. Maraming nagbabago kapag dumaraan ang panahon.
“Halika, Deborah, huwag ka nang malungkot. Mabuti pa bumili tayo ng mga damit,” panghahatak sa akin nina Belle at Juliana para pagaanin ang loob ko.
“Tingnan mo, bagay sa ‘yo ‘to!”
Pinakita ni Belle ang isang puting dress na may kahabaan. Spaghetti strap at maganda ang pagkakatabas ng korte nito.
“Hindi ako nagsusuot ng ganiyan, Belle,” sambit ko.
Pinalatakan niya naman ako at tiningnan ang suot kong t-shirt. “Dapat matuto ka nang mag-ayos at hanapin ang style mo. Ang ganda-ganda mo kaya! Sayang ‘yang ganda mo kung ‘di ka marunong mag-ayos, ‘no!”
Dinampot ni Juliana ang ilan pang mga dress. Sinaway ko sila na hindi na kailangan dahil may mga damit pa naman ako pero hindi naman nila ako pinakinggan.
“Ang ganda, oh!” saad ni Juliana habang hawak ang isang kulay lila ng spaghetti strap floral dress.
Pumili na rin kami ng para sa kanilang dalawa. Ayaw pa nga sana ng mga ito kung hindi ko lang pinilit at sinabing sariling pera ko ang gagamitin namin.
Nagkukwentuhan kami habang papasok sa loob ng gate. Sa tabi ng gate ay ang malalagong tanim ng bugambilya.
Napahinto kami sa paglalakad nang matanaw ang isang puting pick-up. May mga maletang ibinababa ang ilang trabahador at ang isa ay kasalukuyang kausap si Parker na mukhang kararating lang sa byahe.
Nagtama ang paningin namin nang lumingon siya kasabay ng pagngiti. “Deborah...”
Parang huminto ang mundo ko, este ang paglalakad ko dahil tumigil ang dalawa para magsenyasan sa kaba dahil naabutan sila ng pag-uwi ni Parker. Dapat ay nagtatrabaho sila sa loob.
“Parker, i-ikaw pala. Napaaga ang uwi mo?”
Ngumiti siya at kapag ganoon ay lumalabas ang biloy sa kaniyang pisngi. Sinara niya ang hawak na clipboard at tumingin sa mamahaling relo.
“Tanghali na, ah? Nananghalian ka na?” tanong niya habang lumalapit sa amin. Kulang na lang ay pigain nina Juliana at Bellle ang magkabilang braso ko dahil papalapit ang pangalawang apo ng mga Salvatierro.
Tumango ako. “Pasensya na kung tinanghali kami. Sinama ko sina Juliana at Belle para makabili na rin ng gustong hapunan ni...” Napatigil sa pagsasalita nang maalala kung sino ang babanggitin ko bago mapait na napatikhim. “Ni Senyorito Ford.”
Nagpaalam na sina Juliana at dinala na ang mga pinamili namin sa loob. Naiwan naman ako sa labas habang nagpapaalam ang mga naghatid sa mga gamit ni Parker dito.
Nakatanaw kami sa pick-up habang umaalis ito at nagba-backing. Pagkatapos ay kinausap ako ni Parker at inakbayan.
Siya lang pala ang umuwi. Nauna na siguro sa mga pinsan at kina Senyora.
“Kumusta ang hacienda? Hindi ka ba nahirapan?” tanong ni Parker habang papasok kami sa loob ng entrada ngunit wala akong maisip kundi ang kamay niyang nasa balikat ko.
Pinaghawak ko ang dalawang kamay dahil wala itong mapaglagyan. Ngumiti na lang ako sa kaba. “Ayos lang naman. Saka nandiyan naman si Manang Yadra... kaya walang nangyaring... kakaiba sa mansion.”
Except sa ginawang club house ni Ford kapag gusto niyang magsaya. Pero siyempre, hindi ko na iyon babanggitin. Baka katayin pa ako nang buhay ni Ford!
“Tara, may pasalubong ako sa ‘yo,” ani Parker at hinila ako sa loob pero habang naglalakad kami papasok sa entrada ay natanaw ko si Ford sa labas ng silungan ng mga kabayo.
Hindi ko alam kung kinakausap niya ba ang kabayo o ano. Hinahaplos niya ito habang ang tingin ay nasa amin, walang emosyon ang mga mata at hindi ko mawari kung anong iniisip. Ang kabayo naman ay maligayang winawagwag lamang ang kaniyang buntot.
Hindi ko nasabayan ang lakad ni Parker dahil sa pagtingin ko kay Ford kaya naman napatigil din siya at nilingon ang tinitingnan ko.
Hindi na ako umangal at nagpatianod na lamang. Nawala sa paningin ko si Ford nang makapasok kami ni Parker sa loob.
“Manang, pakiakyat na lang ang mga gamit ko sa kwarto,” ani Parker at giniya ako patungo sa taas.
Ngumiti na lang ako. Siguro may regalo...
Ano kayang itsura ng Spain? Siguro mas maganda ang mansion nila roon kumpara sa narito sa San Luciera.
Nilibot ko ang paningin sa buong kwarto ni Parker bago ako napatingin sa kaniya na may kinuha.
“I bought you a necklace.” Inilabas ni Parker ang isang maliit na kahon na kulay itim. Napaawang ang labi ko at nanlaki ang mga mata nang makitang ginto ang kulay ng kwintas na ibinibigay niya.
“A-Ang mahal yata niyan? B-Baka magalit si Senyora,” hindi sang-ayong sabi ko. Maganda ang kwintas pero hindi naman ako mahilig sa gano’n. Baka isangla ko lang ‘yan.
“Nah, don’t mind that. Isuot mo na lang. And I bought that with my own money.” Bago pa ako makapalag ay isinuot niya na ‘yon sa leeg ko. “Sa birthday mo pa dapat ‘yan pero gusto ko nang makita mo. I’ll just give you another one for your birthday.”
Napangiti ako sa pagkamangha. Maganda ang kwintas, pero mas naisip ko na naalala niya ang birthday ko.
“Hindi na kailangan. Sobra na nga ‘to! Salamat dito, P-Parker,” may galak kong sabi.
“Hindi mo talaga ako tatawaging kuya?” medyo pabiro niyang tanong.
Unti-unting nabura ang ngiti ko sa kaniyang sinabi. Natawa naman si Parker at ginulo ang buhok ko bago tumayo na. “I’m kidding, Deborah.”
Nagtungo siya sa bintana ng kaniyang kwarto. Napatigil lang nang mapasilip sa labas kaya naman napatingin ako sa kaniya.
Nakatingin siya sa labas ng bintana bago dahan-dahang nangunot ang noo. “Kinuha ni Ford ang kabayo?”
Napalunok ako sa sinabi ni Parker at dahan-dahang napatayo sa upuan. Ito na nga ba ang sinasabi ko! Paano kung sabihin na Parker na kung bakit ko kasi hinayaan na angkinin ni Ford ang kabayo gayong alam ko naman na siya ang gumagamit niyon?
Nakisilip ako sa malaking bintana. Natanaw ko si Ford na nasa gawing kabalyerisa at tapos na sa pagpapaligo sa kabayo na siyang ginagawa niya kanina. Basa na ang kaniyang puting t-shirt at ang maong na pantalon mula sa pagpapaligo sa kabayo.
Inalis ni Ford ang kaniyang puting t-shirt at ginulo ang buhok para alisin ang mga butil ng tubig dito. Napakurap ako. Hindi ko naialis ang tingin sa kaniya. Kung hindi lang nagsalita si Parker ay baka hindi pa ako mapapaiwas.
Nagulat ako nang mapatingin ako kay Parker at nakatingin na siya sa ‘kin, mukhang nahuli kung paano ko tingnan ang pinsan niya.
“May iba pa namang kabayo. Bakit iyong si Honey pa?” tanong ni Parker at naiiling na tinanaw si Ford. Narinig ko ang mga yabag niya palabas ng kwarto para bumaba at puntahan ito.
Ilang sandali pa lamang ay natanaw ko na silang dalawa sa kabalyerisa. Napalingon si Ford kay Parker na tinawag siya. Likas na ang masungit nitong mga mata at mukha na akala mo ay walang ibang gagawin kundi ang pikunin ka.
May sinabi si Parker at nag-usap sila, pero wala akong ideya kung ano dahil hindi ko sila naririnig mula rito sa bintana ng kwarto ni Ford.
Tumingin sila sa gawi ko. Nakaramdam ako ng pagkailang lalo na nang kumunot ang noo ni Ford sa sinabi ni Parker. Ano kaya ang pinag-uusapan nila?
Mukhang hindi magkasundo ang dalawa. Mukhang hindi sila close sa isa’t isa.
Lumapit na si Parker sa isa sa mga kuwadra ngunit nanatiling nakatingin sa akin si Ford. Ngumisi siya nang magtama ang paningin namin at nanunudyong inangat ang mga kilay para bumati.
Nag-iwas ako ng tingin at hinawi ang kurtina pasara para hindi ko na makita ang nakakasira ng araw niyang pagmumukha.