Chapter 1

1739 Words
Pawis na pawis na si Karen ngunit hindi pa rin siya tumitigil sa paglalakad sa kahabaan ng Edsa. Nagbabaka-sakali siyang makahanap ng trabaho nang araw na iyon. ‘Ang hirap maging mahirap,’ bulong niya sa kaniyang sarili. Hindi naman sa nagre-reklamo siya ngunit ito ang katotohanan. Pero sa kabila ng lahat, nagpapa-salamat pa rin siya, dahil salat man sila sa kayamanan, binigyan naman siya ng simple, mapagmahal, at masayahing pamilya. Panganay siya sa tatlong magkakapatid. Sampung taon na ang nakalilipas nang iwan sila ng kanilang ina, at hindi na muling nagpakita pa. Ang tanging natatandaan niya lang ay umalis ito dahil sawa na raw ito sa buhay nilang isang kahig, isang tuka. Sampung taon lang siya noon, kitang-kita niya kung paano nahirapan ang kanilang ama sa pagpapalaki sa kanilang magkakapatid. Tanging ang kanilang ama lamang ang nagtaguyod sa kanilang tatlo. Namasukan ito bilang driver ng isang mayamang pamilya. Masuwerte naman at mababait naman ang mga ito. Tinulungan siya ng mga itong makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo, sa kursong Business Administration. Kaya malaki ang pasasalamat niya sa pamilyang tumulong sa kanila. Bilang sukli sa kabutihan ng mga ito, ay talaga namang pinagbuti niya ang kaniyang pag-aaral. Hindi niya tinapunan nang pansin, ni isa sa mga nagtangkang manligaw sa kaniya. At ngayon nga’y graduate na siya! Kailangan niyang makahanap agad ng trabaho, dahil gusto na niyang tumigil ang kanilang ama sa pagta-trabaho. Matanda na ito, at alam niyang may iniindang karamdaman ito. Palagi lang nitong sinasabing ayos lang ito kahit hindi naman talaga. Minsan nga nakita niyang inaatake ito ng hika, at nahihirapang huminga. Kaya naman eto siya ngayon, naghahanap nang mapapasukang trabaho. Pumasok siya sa isang gusali nang mapansing nangangailangan sila ng isang office assistant. Nakalagay roon ang mga requirements. Kumpleto naman siya nang hinihinging requirements ng establishment na iyon, maliban sa isa— ‘with experience’. Gayon pa ma’y susubukan pa rin niyang makapasok doon. ‘Bahala na baka makalusot, eh ‘di swerte!’ bulong niya sa kaniyang sarili. “Good morning po, nakita ko po kasing nakapaskil sa labas na naghahanap kayo ng office assistant. Available pa po ba ‘yong position?” agad niyang tanong sa receptionist ng gusaling iyon. Nginitian siya nito at saka iniabot sa kaniya ang application form. “Miss paki-fill out na lang nito tapos, bumalik ka rito at bibigyan kita ng numero para sa interview,” paliwanag naman nito sa kaniya. Natuwa naman siya sa sinabi ng babae sa kaniya. Agad-agad niyang tinapos ang application form na iniabot nito, at saka ibinalik iyon sa babae. Saglit na ni-review ng babae ang application form niya, saka magiliw na binigyan siya ng numero nito. “Ito ang number mo. Pumunta ka sa third floor. Paglabas mo ng elevator, pangatlong kuwarto sa kanan mo. Nakalagay roon for interview, doon ka papasok,” mabait na paliwanag ng babae sa kaniya. Nagpasalamat siya rito at dali-daling tinungo ang elevator na sinabi ng babae. ‘Kung suswertehin ka nga naman!’ napapangiti pa niyang kausap sa sarili. Nang makarating sa sinabing silid ng babae sa baba, ay nakita niyang may dalawang tao pa sa pila. Matiyaga siyang naghintay, at taimtim na nanalangin. Gustong-gusto na talaga niyang makahanap agad ng trabaho. Kaya pursigido siyang ipasa ang interview na iyon.  ‘Lord, mabait naman po ako ‘di ba? Please po sana naman po ibalato mo na po sa akin itong trabahong ito,’ taimtim niyang dalangin. Lumipas ang ilang sandali, at tinawag na ang kaniyang numero. “Number seven?” pukaw ng isang medyo may edad ng babae.  Agad siyang tumayo, dahilan para mahulog ang folder na kaniyang dala. Sumabog ang laman niyon sa sahig, na agad-agad naman niyang dinampot. ‘Patay kang Karen ka. First impression last inday!’ kausap niyang muli sa kaniyang sarili.  Nang mapulot ang mga gamit, ay nagmadali na siyang lumapit sa babae. Nginitian naman siya nito at niluwagan ang pagkakabukas ng pintuan ng tingin niya’y opisina ng mag-i-interview sa kaniya. Iniikot niya ang paningin sa kabuuan ng opisinang iyon.  Malinis at maayos ang opisina at napakasimple ng interior niyon. Sa isang sulok ng opisina ay may mini sala na hindi agad mapapansin pagpasok dahil nasasulok ito. Halata ring lalake ang nagmamay-ari ng kuwartong iyon dahil na rin sa limited na gamit sa ibabaw ng table nito. Katulad ng isang normal na opisina, kulay puti ang kulay ng dinding nito, na may nakasabit na iilang paintings roon. Ang mesa kung nasaan siya ngayon ay kulay brown at may nakapatong lang na isang paper tray, na sa tingin niya ay para sa mga dokumentong kailangang papirmahan rito. Bukod roon, wala na siyang makita pang ibang gamit sa ibabaw ng mesa maliban sa desktop. “Maupo ka hija. Hintayin mo lang si Sir sandali,” nakangiting wika ng ginang sa kaniya bago siya iwan nito sa opisina. “Salamat po,” magalang na sambit pa niya sa babae bago ito tuluyang makalabas ng opisina. Hindi naman siya mapakali, at kinakabahan, dahil first time niyang mai-interview. First job po eh. Ilang sandali pa at may pumasok na medyo may edad ng matandang lalake sa opisina. Tumayo siya mula sa pagkakaupo, nang senyasan siya nitong maupong muli. “Good morning!” nakangiting bati pa nito sa kaniya. ‘Napakabait naman nang approach ni Sir,’ bulong pa niya sa kaniyang sarili. “Good morning Sir!” Ganting bati niya rito, at talaga namang ibinigay niya ang best of all the best niyang ngiti. “So, can I have your resume, please?” tanong nito sa kaniya. Atubili naman niyang iniabot ang resume rito. Pinasadahan iyon nang tingin ng matanda, saka ibinalik ang tingin sa kaniya. Mabait ang aura ng mukha nito, at hindi nakakatakot. Kumpara sa mga napapanood niya sa ilang mga palabas sa TV at pelikula. “So, Ms. Castillo, you are a fresh graduate. Ang kailangan namin sa position na ina-applyan mo ay may experience.” Pinagsalikop pa nito ang mga kamay sa ibabaw ng mesa nito, saka siya matamang tinignan ng matanda. Napalunok naman si Karen at lakas loob na sumagot. Agad niyang pinagana ang kaniyang utak sa pagsagot sa matanda. Umupo siya ng maayos at confident itong nginitian. “Sir, I may be a fresh graduate, but I can prove to you that I can take the responsibilities of this job. With my credentials, and on the job trainings, I think those are more than enough to prove that I can do the job of an office assistant,” mahinahon at full of confident niyang sagot sa ginoo.  ‘Please sir, tanggapin mo na po ako, kailangang-kailangan ko talaga ng trabahong ito. Promise hindi kayo magsisisi.’ Itinuloy niya ang pagpapaliwanag sa kaniyang isip. Muli namang tinignan ng matanda ang kaniyang resume. Napatango-tango naman ito at ngumiti sa kaniya. Tinawag na nito ang kaninang babaeng nagpapasok sa kaniya sa opisinang iyon, at iniabot ang resume niya rito. “Mrs. Santos, please take charge of her,” anito sa matandang babae saka bumaling sa kaniya. “Okay hija, you will be under probation for one month. Then after that, Mrs. Santos here will evaluate you. Only then can we decide if you will pass and be eligible to be hired as our employee,” nakangiting sambit ng ginoo sa kaniya.  Sa sobrang kaligayahan niya ay napatayo siya, at kusang kinamayan ang matanda. Wala nang keme pang ipinakita niya ang kasiyahan dito. Natatawa namang tinapik-tapik ng matanda ang kaniyang kamay. “Talaga po Sir? Thank you po Sir! Thank you po talaga!” Kulang na lang maglulundag pa siya sa tuwa dahil sa sinabing iyon ng ginoo sa kaniya. “Hija, remember under probation ka pa. Kaya ‘wag ka munang magpasalamat,” naaaliw namang sambit nito sa kaniya. “Naku sir, ina-advance ko na po ‘yung thank you ko sa inyo. Dahil papatunayan ko po sa inyo na hinding-hindi kayo magsisisi sa pag-hire niyo sa akin dito.” Hindi niya talaga maitago ang kaniyang labis na katuwaan sa harapan ng mga ito. Tumawa naman ang matanda at magiliw siyang pinagmasdan nito. Napakabait ng kapalaran sa kaniya ngayong araw na ito. “I’m looking forward on that hija,” turan pa nito sa kaniya bago bumaling sa matandang babae na nakatayo ngayon sa kaniyang likuran.  “Mrs. Santos please brief her on what her job will be.” Iyon lang at muli siyang nagpasalamat dito, bago sumunod kay Mrs. Santos. Inilibot muna siya ni Mrs. Santos sa palapag na iyon, kung saan nakita niyang may mga cubicle na nagsisilbing table ng mga empleyadong nandoon. Isa-isa siyang ipinakilala sa mga taong naroon. Mababait naman ang mga ito at tiyak niyang matatagal na rin ang mga ito roon. Nang matapos siyang ilibot nito, dinala na siya sa magiging puwesto niya na malapit sa mesa ng ginang. “Hija, since under probation ka pa, dito ka sa malapit sa akin mauupo, para madali kitang matuturuan kung sakaling may mga katanungan ka sa trabaho mo. Ito ang magiging access code mo sa computer.” At iniabot na sa kaniya ang isang maliit na papel, kung saan nakasulat ang access code niya. “Ma’am, kailan po ako mag-uumpisa?” excited na tanong niya rito. Nagniningning pa ang kaniyang mga mata nang tanungin niya ang ginang. Natawa naman ang matanda, at aliw na aliw na pinagmasdan siya nito. “Nakakatuwa ka talagang bata ka. Alam mo bang ngayon ko lang narinig na tumawa si Mr. Samonte? Anyway, bukas mag-report ka rito sa akin ng alas otso ng umaga. Bawal ma-late ha?” Paalala pa nito sa kaniya. “Naku ma’am gusto niyo po ala sais pa lang nandito na ako eh,” ngiting-ngiting sagot naman niya rito. Natawa naman ang ginang sa kaniyang sinabi saka nagpatuloy sa kanilang orientation. Ilang sandali pa siyang in-orient nito bago sinabihang makakauwi na raw siya. Muli siyang nagpasalamat dito, bago masayang umalis ng opisina. Magaan ang pakiramdam ni Karen na lumakad palabas ng gusaling iyon. Saglit pa siyang huminto sa labas ng building at tumingala.  ‘Thank you po Lord! The best ka po talaga!’ Iyon lang at pumara na siya ng jeep pauwi sa kanila. Walang pagsidlan nang kagalakan sa kaniyang puso. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang may trabaho na siya. Worth it ang kaniyang paglalakad sa kahabaan ng Edsa ngayong araw. Tiyak na matutuwa ang kaniyang pamilya sa magandang balitang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD