Chapter 7

2158 Words
Kinabukasan dahil walang pasok, tanghali nang bumangon si Trixie. Lumabas siya ng kanyang silid at diretsong nagtungo sa kusina. Inabutan niya roon ang kuya Tony niyang nagkakape. Mukhang kagigising lang din nito base sa gulo-gulong buhok nito. “Bunso, good morning!” bati nito sa kaniya. “Good morning kuya. Sila mama?” tanong niya rito habang nagtitimpla ng tsokolate. Matapos magtimpla ay naupo na rin siya sa katapat na upuan ng kaniyang kuya, at kumuha ng tinapay. “Nasa palengke si mama, si papa naman nasa talyer na kasama si kuya Tisoy, at si Tyrone. Late ka na yata gumising ngayon?” Nakakunot noo pa itong tinignan siya. Tinapunan naman niya ito ng tingin saka ngumisi dito bago sumagot, “Prom night kagabi kuya, napuyat ako kaya siyempre ngayon lang ako nagising. Ikaw? Anong oras pasok mo? Mukhang kagigising mo lang din ah,” aniya rito. Nag-umpisa na rin siyang kumain ng tinapay at uminom ng tsokolate. Habang ang kuya naman niya ay nagpatuloy na rin sa pagnguya ng tinapay na kinakain nito. Napataas pa ang kilay niya nang makitang biglang nag-iba ang mood nito. “Puyat din ako kagabi kaka-abang sa babaeng makulit na iyon,” nakabusangot na sabi nito. Nagulat pa siya sa sinabi ng kaniyang kuya. Hindi niya alam na may nililigawan ang kuya niya. Matanda ito ng apat na taon sa kaniya, at graduating na rin ito ngayong taon kasabay niya. “Uyyy, may nililigawan ka na ‘no? Sino iyan? Bakit hindi mo dinadala rito sa bahay, para naman makilala namin?” mapanuksong tanong niya sa kaniyang kuya. “Sira, nililigawan pa nga lang ‘di ba? So bakit ko dadalhin dito? Saka na kapag kami na,” ngingiti-ngiti pang sabi nito sa kaniya. Kinikilig-kilig pa niyang inasar ang kaniyang kuya, “Uyyy, si kuya pumapag-ibig. Binata na siya!” pang-gagatong niya ng asar dito. Tumawa lang ito sa kaniya, at bahagya pang namula ang mga pisngi. “Kumain ka na nga diyan. ‘Wag kang magulo,” nakangising saad nito sa kaniya, saka parang nag-imagine na ito. ‘Parang mongoloids lang si kuya. Ang pangit niya pala ma-in love!’ bulong pa niya sa kaniyang sarili. “Nakakatawa ka kuya. Nililigawan mo pa lang, pero parang nanalo ka na sa lotto diyan. Baka naman kayo na?” bumungisngis pa siya sa pagkakasabi niyon. “Hindi pa nga! ‘Wag kang makulit!” Sabay bato sa kaniya ng maliit na piraso ng tinapay na binilot nito. Tinawanan na lang niya ang kaniyang kuya at nagpatuloy na sila sa pagkain. Masaya naman siyang may pinagkakaintiresang babae na pala ang suplado niyang kuya. Kung sino man ito, binabati na niya ito ngayon pa lang. Dahil nabihag nito ang pihikang puso ng kuya Tony niya. Nagpatuloy na nga sila sa pagkain habang ngingiti-ngiti siya sa kuya niya. Matapos nilang kumain ay nagbalik siyang muli sa kaniyang silid upang ipagpatuloy ang pagtulog. Wala naman siyang gagawin kaya ayun borlogs lang maghapon. Nang magising siya kinahapunan, agad siyang naligo at nagbihis ng maong shorts, at plain pink t-shirt. Hinayaan lang niyang nakalugay ang itim na itim, mahaba, makintab, at tuwid na tuwid niyang buhok. Nagtungo siya sa bahay nila Jackie upang yayaing maglakwatsa ito. Madalas kasi niyang yayain ang kaibigang maglakad, o tumambay sa park malapit sa kanila tuwing hapon. Hindi na mainit kaya magandang magpunta roon ng ganoong oras. “Tita, si Jackie po?” tanong niya sa ina ni Jackie, nang makita ito sa labas ng bahay ng mga ito. Nilingon naman siya ng ginang bago sumagot. “Nasa kwarto niya hija. Pumasok ka na lang, at baka nakapasak na naman ang earphone noon sa kaniyang tainga. Baka paos ka na’y hindi pa rin lumalabas iyon,” nakangiting sabi ng ginang. “Sige po tita, Salamat po!” nakangiting sagot niya rito, saka siya nagtuloy sa kwarto ng kaibigan.  Tama nga ang ina nito, nakapasak na naman ang earphone nito sa tainga nito. Nanonood na naman ito ng K-drama. Kinalabit pa niya ito ngunit hindi man lang siya pinansin ng kaibigan. Kaya hinatak niya ang headset nito saka naupo sa tabi ni Jackie. “Huy, bruha, magkakapalit na kayo ng mukha niyang mga Koreanong iyan, ‘pag ‘di mo pa tinantanan ang panonood sa kanila,” sita pa niya rito. Hinatak naman pabalik ni Jackie ang earphone na hawak niya. “Ano ba Trixie, matatapos na ‘to wait lang. Diyan ka lang ha?” pagre-reklamo pa nito sa kaniya. Muli nitong isinuot ang earphone sa tainga nito, at ibinalik ang atensiyon sa laptop nito. Hinayaan na niya ito dahil ito lang din naman ang bisyo ng kaibigan. Tahimik na lang siyang naupo sa tabi nito, habang nakikisilip sa pinapanood nito. Hindi man niya naririnig ang sinasabi ng mga karakter, manaka-naka rin siyang nakikitawa sa mga ikinikilos ng mga iyon. Ilang sandali pa at natapos din ito sa pakikipag-bonding sa kaniyang mga Oppa. Tumayo na ito ng may ngiti sa mga labi saka nagsuklay ng buhok. Itinali nito iyon saka naglagay ng pulbo. Nang makontento ay hinarap na siya nito ng may ngiti sa mga labi. “Tara na,” yaya pa nito sa kaniya nang matapos itong mag-ayos. “Le’go!” sabi naman niya saka nagpatiuna nang maglakad palabas ng kwarto ng kaibigan. “Ma, diyan lang po kami sa park ha?” paalam pa ng kaibigan sa mama nito, nang madaanan nila ito sa bakuran ng mga ito. Tinanguan lang naman sila ng ginang bilang tugon sa kanila. Naglalakad na sila patungong park nang mahagip ng tingin niya si Charlie, na may kasamang babae. Ito iyong Maggy, ‘yong date ni Charlie kagabi. Para naman siyang kinurot sa kaniyang puso nang makita ang dalawang nagtatawanan. Iniiwas na lang niya ang kaniyang paningin sa mga ito. Magkukunwari na sana siyang walang nakita nang magsalita si Jackie. “Uyyy, si Charlie ‘yon di ba?” sabi naman ni Jackie. Hinila niya ang kaibigan, at binilisan ang paglalakad para makaalis na sila roon. “Ayos ka lang bru?” tanong nito sa kaniya nang makarating sila sa park, at makaupo sa magkaharapang swing. “Girlfriend niya kaya talaga ang babaeng ‘yon? Maganda ‘yong babae in fairness ha,” nakabusangot niyang saad kay Jackie. Tila wala sa sarili rin siyang tumingin sa kawalan. Napabuntong hininga naman si Jackie sa sinabi niya. “Ayun kaya naman pala. Hayaan mo na, malay mo naman girl friend lang niya ‘yon. As in babaeng kaibigan ganoon,” pang-aalo naman ng kaibigan niya sa kaniya. “Ganoon magharutan, girl friend lang? Nakita mo ba sila kung paano sila magtawanan kanina?” lalong nalukot ang mukha niya sa isiping iyon. “Arte mo bru, malay mo naman talaga ‘di ba?” nakangiti pang sabi ni Jackie sa kaniya. Napabuntong hininga na lang siya sa sinabi ng kaibigan. Maya-maya pa’y nagyaya naman ito, “Uyyy, bru kain tayong fish ball, squid ball, kikiam, at lahat ng may balls na tinda ni manong!” Natawa naman siya sa sinabi ni Jackie, sa ‘lahat ng may balls na tinda ni manong’. “Gaga ka talaga! Napakahinhin mong tignan ang ‘di nila alam ang bastos ng bibig mo!” sabi pa niya rito. Naglakad na sila palapit kay manong na magpi-fish ball. “Bakit alin ang bastos sa sinabi ko? Ikaw lang ang nag-iisip ng masama sa sinabi ko. Ikaw Trixie ha, makamundo iyang utak mo!” nakangisi pa nitong wika sa kaniya. Hinampas naman niya ito saka sila nagtawanan. Nang makalapit kay manong magpi-fish ball agad silang kumuha ng tig-tatlong stick, at nag-umpisang tumusok ng paninda ni manong. Nang maisawsaw sa sauce ay agad silang nagbayad. Bumili rin sila ng palamig panulak sa kakainin nila. Saka sila bumalik sa kaninang pwesto nila at nilantakan ang kanilang mga pinamiling balls ni manong magpi-fish ball! Nang makita ni Charlie sina Trixie at Jackie, nagpasiya itong yayain si Maggy upang sundan ang mga ito. Hindi niya alam kung bakit, pero parang may nagsasabi sa kaniyang sundan niya ito. “Bessy, saan ba talaga kasi tayo pupunta?” tanong ni Maggy habang sumasabay sa paglalakad kay Charlie. “Basta, sumunod ka na lang,” sagot naman niya rito habang hila-hila niya si Maggy. “Ayyy, wow! Sana dahan-dahan sa paghila sa akin ‘no? Baka mamaya kalas na ang braso ko, bago pa man tayo makarating sa kung saan man tayo pupunta,” reklamo pa nito sa kaniya. Binagalan naman niya ang paglalakad, ngunit hindi pa rin niya tinatanggal ang tingin kina Trixie. Baka kasi mamaya bigla na lang mawala sa paningin niya ang mga ito. “Ayan nawala!” sabi pa niya nang biglang hindi na niya makita ang mga ito. “Sino ba kasi iyon?” tanong naman ni Maggy na ngayon ay palinga-linga na rin. Hindi niya sinagot ang kaibigan at nagpatuloy lang sa paglalakad hanggang sa matanaw niyang muli ang magkaibigan. Napangiti siya saka muling hinila si Maggy. Huminto sila sa swing kung nasaan sina Trixie. Tila nagulat pa niya ang mga ito sa biglang pagsulpot nila roon ni Maggy. Sarap na sarap na sila Trixie sa kinakain nila, ng may huminto sa tabi ng swing na kinauupuan nila. Muntik pa siyang mabilaukan, nang makita kung sino ang mga iyon. “Hi, pwedeng pa-join?” tanong ng babaeng kasama ni Charlie. Hindi siya agad nakaimik, kaya naman nagulat na lang siya nang pumayag si Jackie. “Sure, may space pa naman eh,” narinig niyang sagot ng kaibigan sa mga ito. Pa-simpleng minulagatan niya ang kaibigan, saka pilit na ngumiti sa dalawa. Agad namang umupo ang babae sa tabi ni Jackie, at si Charlie naman ay sa tabi niya. Ang lakas nang kabog ng kaniyang dibdid. Lalo’t magkatabi sila ngayon ng lalakeng pinapantasya niya. Tumikhim muna siya bago magsalita, “Gusto niyo?” kunwa’y alok niya sa mga ito. Nilingon siya ni Charlie, at saka magalang na tumanggi sa alok niya, “Bibili na lang ako mukhang kulang mo pa iyan eh,” nakangiting sabi pa nito sa kaniya. Napanganga naman siya nang ngitian siya ng binata. Agad itong bumaling kay Maggy upang tanungin, “Maggy, anong gusto mo? Ako na lang ang bibili. Ayyy sorry, girls si Maggy nga pala kinakapatid ko. Maggy si Trixie at Jackie nga pala.” Napakamot pa ito sa ulo, nang maalalang hindi pa nga pala sila naipapakilala sa isa’t isa. “Girl itikom ang bibig baka tumulo laway mo. Turn off iyon!” narinig niyang bulong ni Jackie sa kaniya. Bahagya pa itong dumukwang sa harapan niya, upang hindi marinig ng dalawang bagong dating ang ibinulong nito. Agad naman niyang sinunod ang kaibigan. Umayos siya nang upo saka ngumiti. Saglit na nagpaalam ito kaya naiwan silang tatlo. Tinitigan niya si Maggy at mukha naman itong mabait. Saglit silang nagka-kwentuhan, at natuwa naman siya nang malamang magkaibigan lang talaga sila Maggy, at Charlie. Hindi raw kasi sila talo nito, at isa pa hindi naman din niya type ang lalake. “Nakakatuwa at hindi pala kayo ni Charlie. Hindi na magluluksa iyong isa diyan,” nakangising sabi ni Jackie. Sinipa naman niya ang kaibigan dahil sobrang daldal nito. Napasinghap ito sa sakit ng kaniyang pagkakasipa rito. Pinandilatan pa niya ito ng mga mata pagkatapos. “Naku, ‘wag kang maniniwala diyan kay Jackie. Luka-luka talaga kasi iyang babaeng iyan eh,” sabi na lang niya kay Magy, sabay subo ng squid ball sa kaniyang bibig. “Okay lang naman kung aminin mong may gusto ka kay Charlie, hindi ko naman sasabihin sa kaniya eh,” humagikgik pa ito. “Uyyy, grabe ka ‘wag gano’n. Nakakahiya!” sabi naman niya, sabay-sabay pa silang humalakhak. Dahilan para hindi nila mamalayang nakalapit na pala sa kanila si Charlie. “Mukhang nagkakatuwaan kayong tatlo ah. Sana hindi ako iyong pulutan niyo.” Si Charlie iyon na tumabi na sa kanya. Iniabot pa nito ang pagkaing para kay Maggy at ang palamig. “Hindi ka namin pinulutan, ginawa ka naming dessert!” bumungisngis pa si Maggy bago sumubo ng fish ball. Nahawa naman sila ng tawa ni Jackie, kaya ang ending, tatlo na sila ngayong humahagikhik. “Ganoon? Grabe kayo ha,” napapailing na lang nitong sabi sa kanila. Dahil magkatabi sila, nagkakabangaan ang kanilang mga braso. Gustong-gusto naman niya siyempre, kaya super dikit pa siya kay Charlie. Pasimple naman siyang tinutukso ng dalawang dalagang nasa harapan niya. Ilang saglit pa silang nagka-kwentuhan, at nang malapit ng magdilim ay nagyaya na siyang umuwi. Naghiwa-hiwalay na sila nang makarating sa tapat ng bahay nila. Masaya lang siya ngayon dahil wala naman pala siyang dapat ika-selos kay Maggy. ‘May chance na tayo self! Eeeiii!!!’ kinikilig pa niyang sambit sa kaniyang sarili, bago pumasok sa kanilang bahay. Basta simula ngayon, gagawin niya ang lahat, mapalapit lang sa binata. Lalo na ngayong alam niyang wala naman pa lang namamagitan kina Charlie at Maggy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD