LAYINA
Nagising ako sa isang silid na hindi sa akin pamilyar. Hindi ganito ang mga itsura ng kuwarto sa mundo namin. Doon ay pawang mga kahoy at semento lamang ngunit ang silid na ito ay may mga kulay. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng kuwarto. Kulay asul na katulad ng sa kalangitan ang kulay ng dingding habang ang kisame naman ay kulay lupa. May mga gamit sa aking paligid na hindi ko maturan ang mga katawagan, iyong parihabang bagay na animo'y mababasagin at may bombilya dito sa aking gilid.
Nasaan nga ba ako? Ano ba ang huli kong natatandaan?
Ang anino.
Tama. Ang anino. Asan na ang anino? Sa pagkakaalala ko ay nailigaw ako nito.
Daglian akong nalungkot sa aking naalala. Gustong-gusto kong maabutan ang anino ngunit hindi ko nagawa.
Yes. I'll be there. I'll just eat my meal, okay? In a few minutes.
Ano daw? Ano iyon? Boses ng lalaki? Paano magkakaroon ng lalaki? Ngunit may kaboses ang nagsasalita. Iyong narinig ko sa aking kuwarto ay kaparehas na kaparehas sa boses na narinig ko kani-kanina lang.
Sa aking kuryosidad ay bumangon ako sa pagkakahiga. Hindi nakalampas sa akin ang napakalambot na higaan na ito. Wari'y gawa sa pinakamagandang tela ang mga sapin na kay sarap idampi sa balat. Mukhang mahalimuyak ang mga unan kaya iyon ay aking inamoy.
Singhot. Singhot. Singhot.
Kakaiba ang amoy. Ang amoy na ito ay walang katumbas na amoy sa mundo namin. Higit itong mabango kaysa sa pinakamabangong pabango sa amin.
Lumapat ang aking mga paa sa hindi ko maturang bagay. Masyadong madulas ito sa paa kaya naman dahan-dahan lamang ako sa paglalakad. Pinihit ko ang sihadura at nabuksan ang pinto.
Pagkabukas ay tumambad sa akin ang likod ng isang matangkad na lalaki. May hawak siyang kung ano na nakalapit sa kaniyang tainga. Ang lalaki ay mayroong medyo kahabaan na buhok na kulay lupa, iyon lang. Hindi ko malaman kung ano ang tawag sa suot niya. Oo nga at siya ay nakapantalon ngunit iyong pang-itaas? Hindi ko mawari. Para naman iyong damit ngunit walang manggas. May ganoon bang damit para sa mga lalaki?
Sa lakas ng aking pandama ay naramdaman kong pipihit patalikod ang lalaki kaya umupo ako. Salamat at may malaking harang sa aking harapan at hindi niya ako makikita.
Okay, Honey. I'll go now. I love you.
Nanlaki ang mga mata ko. May kausap ang lalaki? Ngunit kanina ay mag-isa lamang siya. May nakikita ba siyang hindi ko nakikita? Malakas ang pandama ko kaya alam ko kung may iba pa kaming kasama. Pero wala akong naramdaman. Possible bang nawala na ang abilidad ko na iyon?
Nakarinig ako ng tunog ng pagsara ng pinto kaya lumabas na ako sa aking pinagtataguan. Wala na nga ng lalaki.
Bakit tila naging malungkot ako?
Wala naman ako ditong puwedeng gawin. Hindi sa akin ang bahay at hindi ko alam kung paano gamitin ang mga bagay dito.
Pumunta ako sa kalapit na upuan at sumalampak nang upo. Asan ba talaga ako? Ano ba ang lugar na ito? Isang sikretong lugar sa aming mundo? O baka naman ibang dimensyon?
Kring. Kring. Kring.
May naririnig akong bagay na tumutunog. Gamit ang matalas na pandinig ko ay nalaman ko kung saan nanggagaling ang tunog. Sa silid na kinaroroonan ko kanina.
Pagkapasok ko sa silid ay pinatalas ko ang aking pandinig. Palakas nang palakas ang tunog at sa tingin ko ay nanggagaling iyon doon sa parihabang bagay na mukhang babasagin. Nilapitan ko ang bagay at pinakatitigan. Ngayon ko lang napansin na kulay itim pala ito. Ito ay umiilaw at may mga letra na lumalabas mula dito.
"Re... re...re... " sambit ko habang pinipilit basahin ang nakasulat. "An... ans...wer?" pagsubok ko ulit na magbasa.
Anong klaseng salita iyon? Parang ngayon lang ako nakarinig ng ganoong salita. Kakaiba talaga ang lalaking iyon. Kanina salita nang salita ng kung ano-ano, hindi ko naman maintindihan. Ang sabi niya, 'honey', 'breakfast', at ano... ano pa nga ba iyon?
Pinakatitigan ko lamang ang parihabang bagay na iyon hanggang sa ito ay tumigil sa pagtunog. Hindi ko naman alam kung paano ito gamitin, baka masira ko pa.
Lumabas nalang ulit ako sa silid para maglibot-libot. Lumakad ako sa isang pasilyo sa kaliwang banda. Ngayon pa lang ako makakapunta dito. May mga pinta sa mga gilid ko katulad ng sa palasyo.
Nawili ako sa pagtitingin-tingin at nakarating ako sa pintuan ng isang panibagong silid. Idinikit ko ang aking tainga sa pintuan upang dinggin kung may tao sa loob.
Nang masigurong wala ay pumasok ako. May pagkakaparehas ang silid na ito sa silid na kinaroroonan ko kanina, parehas ng kulay ng dingding at kisame. Ngunit tumuon ang paningin ko sa isang litrato. Litratong katangi-tangi para sa akin.
"Ito... ito iyong lalaki sa i***********l na silid," bulong ko habang lumalapit sa litrato.
Inilapit ko ang aking mukha sa litrato at hinawakan ito. "Kawangis na kawangis niya." Ngumiti ako. "Makikita ko kaya siya dito? Ito ba ang mundo niya?"
Niyakap ko ang litrato at hinayaang malunod ang sarili sa pag-iisip tungkol sa kaniya. Pansamantala ay nalimutan ko ang tungkol sa lalaking kasama ko kanina dito sa bahay.
Hey, wake up. It's dinner and you have to eat.
Para akong may naririnig na bumubulong sa akin at kay sarap niyon sa pandinig. Malamim ang boses ngunit hindi nakakainis. Niyakap ko ang aking sarili at mas ipinikit ang mga mata.
Please, wake up. I need you to wake up.
May mga kamay na yumugyog sa balikat ko kaya nagsalita na ako. "Nanay, mamaya na ako gigising."
May humagikhik.
"Nanay, naman. Pinagtatawanan mo pa ako. Inaantok pa po ako."
You'll wake up or I'll take that picture away?
Ayon na naman ang boses na masarap pakinggan. Ano ba talaga? Namamaligno ba ako?
Humigpit ang paghawak sa aking balikat at nagmulat na ako. Sumalubong sa akin ang nakapagwapong mukha.
Kumurap ako ng dalawang beses dahil baka sakaling namamalikmata lamang ako.
Oo nga pala at wala na ako sa mundo namin. Iyon ay kung wala na nga talaga ako. Napasarap yata ang tulog ko sa kwartong ito habang yakap ang litrato.
"Thank, God. You're awake."
Nakatitig lamang ako dito dahil may hawig ito sa lalaking nakita ko sa i***********l na silid. Para silang pinagbiyak na bunga.
Inakay ako ng lalaki patayo at lumakad na kami.
Sa hapag-kainan ay hindi ko alam kung ano ang aking kakainin. Napakaraming karne ang nakaluto – adobo, menudo, caldereta. Lahat ay paborito ko.
"You can eat. Eat all you want."
Hindi ko alam kung ano ang sinasabi ng lalaki kaya kumuha na lamang ako ng pagkain. Halos umapaw ang mga pagkain sa aking pinggan.
Walang nagsalita sa aming dalawa habang kumakain.
"Why are you hugging my Dad's photo?" tanong ng lalaki habang papaupo sa napakagarang silya na halos tatlong katulad ko ang kasya. Nandito kami ngayon sa sala matapos kumain ng gabihan.
"A-a-ano?"
"I said, why are you hugging my Dad's photo?" ulit nito.
"Hindi kita maintindihan," nahihiya kong sagot.
Mukhang nainis ang lalaki at hinilot ang kaniyang sintido. Akala ko pa naman ay mabait ito dahil pinakain ako kanina. Iyon pala ay hindi.
"Bakit mo yakap ang litrato na iyan?" sabay turo niya sa litratong yakap ko.
"Wala lang," pagsisinungaling ko. Baka kilala niya ang taong ito tapos sabihin pa na niyayakap ko ang larawan niya.
"Really?" May naglalarong ngiti sa mukha nito.
"A-a-ano... ulit?"
"Ang sabi ko, talaga ba?"
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi puwede. Bawal kong sabihin. Pinalaki akong hindi sinungaling pero kailangan kong gawin ngayon.
"Oo naman," pagsisinungaling ko. "Sa amin kasi, hindi ako nakakatulog nang walang kayakap. Nakita ko itong litrato kaya ayon, niyakap ko."
Tumango-tango ang lalaki. Kung kanina ay nakangiti, ngayon ay biglang sumeryoso ang itsura nito. "Do you know him?"
Nanlaki ang mga mata ko. Ano daw? Nakakainis naman ang lalaking ito. Hindi ko siya maintindihan. Hindi na lamang ako nagsalita, baka iniinis niya lang ako kaya tanong nang tanong. Ganiyan si Akibab kapag iniinis ako, hindi ako tinitigilan hanggang sumuko ako.
"Bakit ka ngumingiti?" may diing tanong ng lalaki na nagpabalik sa akin sa pag-uusap namin.
"Bawal na bang ngumiti?" inosente kong tanong.
"WALA NAMANG KANGITI-NGITI SA PINAG-UUSAPAN NATIN 'DIBA?"
Tila lalong nainis ang lalaki dahil lumakas ang boses nito. Nakonsesiya tuloy ako. Masyado siguro akong nakakairita. "Patawad, Ginoo."
Suminghap ang lalaki. Siguro ay hindi niya inaasahang hihingi ako ng kapatawaran. Sumandal siya sa upuan at nagwika, "Isa kang lobo, 'diba?"
"Oo," may pagmamalaki kong sagot.
"If that's the case. I know you can help me," sabi niya at tinitigan ako sa mata, "to find my father."
Hindi ko siya naiintindihan ngunit ang mga mata niyang nakatitig sa akin ay nagpapakita ng pagmamahal. Para bang ako'y nilulunod nito sa puso. Maaari kayang tungkol sa pag-ibig ang sinasabi ng lalaki?
"Hindi mo nga pala naiintindihan," pagak itong tumawa. "May sasabihin ako sayo," wika ng lalaki at inilapit nang bahagya ang mukha sa akin. "Tulungan mo ako."
"Tutulungan kita, Ginoo," pagsasalita ko, "ngunit may kapalit."
Hindi ko pa rin makakalimutan kung bakit ako nandito. Iyon ay dahil sa anino at gusto kong malaman kung nasaan na ang anino. Kung bakit bakit dito ako dinala sa pamamahay ng lalaking ito.
Ngumit ang lalaki. "Handa akong tulungan ka."
"Kapag natulungan na kita, saka ako hihingi ng tulong sa iyo."
Tumayo ang lalaki sa pagkakaupo. "May kailangan akong ipakita sa iyo."
Sumunod ako sa lalaki at tinahak namin ang daan sa kanang pasilyo. Walang masyadong pagkakaiba sa kaliwang pasilyo dahil marami rin ditong mga pinta. Iyon nga lang, masyadong maliit ang daanan dito.
"Awwwww," mahinang daing ko.
Sa pagtitingin-tingin ko sa mga pinta ay nabunggo ako. Pinaglihi yata ako sa kamalasan. Kanina ay nabunggo rin ako kay Prinsipe Escon.
May humawak sa baba ko at itinaas ito. Ang lalaki pala, akala ko kung sino. "Huwag ka kaseng tingin nang tingin kung saan-saan," mahinahon nitong sabi habang pinagmamasdan ang baba ko. "Sa unahan lang, sa akin."
Wari ko'y namula ang aking pisngi. Kung sa lalaking nasa silid ay may kiliti sa aking tiyan, dito sa lalaking ito ay nagwawala na. Parang mayroong mga malilit na lobo na naglilikot sa loob ko. Talon sila nang talon at parang naghahabulan pa.
"Huwag kang matulala," sabi nito na natatawa. "Pasok na," sabay muwestra nito sa pintong nakabukas.
Nakakahiya naman. Ano bang nangyayari sa akin? Ano ba, Layina?
"Narito ang mga libro na nakatulong sa akin," panimula ng lalaki. May mga patong-patong na libro sa aking harapan. Ang iba ay napakakapal pa.
Nanatili lamang akong tahimik. Inaantay na dugtungan ang kaniyang sinabi.
"Isa akong werewolf hunter," sabi nito, "nanghuhuli ako ng mga lobo."
Naalarma ako sa sinabi ng lalaki at napatayo sa upuan. "Ngunit hindi kami hayop!" saad ko na medyo tumaas ang boses.
Hindi ako makakapayag na hinuhuli ang mga katulad kong lobo. May sarili kaming kaharian at hindi kami palaboy. May mga batas kaming sinusunod at Haring tinitingala.
"You're taking it the wrong way," sabi nito sabay turo sa akin. "Ikaw pa lang ang kauna-unahang lobo na nakita ko. Kung gusto kitang saktan, dapat ay kanina pa."
Kalaunan ay kumalma ako at nakinig sa eksplenasyon ng lalaki.
"I'm a werewolf hunter. Hindi dahil gusto ko kayong hulihin at pahirapan kundi para mahanap ko ang aking Dad," sabi nito. "Pitong taong gulang ako nang huli kong makita si Dad. Namimiss ko na siya. Kayo lang mga lobo ang makakatulong sa akin."
"Ano ang maitutulong ko?" tanong ko sa kaniya kahit may paghihinala pa rin sa akin para sa kaligtasan ko.
"Gusto kong makapasok sa mundo ninyo," seryoso niyang sagot.
Mukhang seryoso talaga ang usapan naming ito. "Ngunit hindi ko rin alam kung paano bumalik sa aming mundo," pagsagot ko. "Ni hindi ko alam ang lugar na ito."
Hinilot niya ang kaniyang sintindo. "So, it really worked?" bulong nito. "Gagawa tayo ng paraan. Kailangan kong magtagumpay dito, Layina."
"Bakit alam mo ang pangalan ko?" naguguluhan kong tanong. Hindi pa ako nagpapakilala sa kaniya kaya bakit kilala niya ako? "Alam mo ba kung paano ako napunta rito? Saan mo ba ako nakita?"
"Nakita kita sa daan. I'm sorry kasi nabunggo kita," sagot nito. "Kilala kita kase napapanaginipan kita."
"Tapos?" Pinakiramdaman ko ang aking sarili. Ngayon ay naaalala ko na, kaboses niya iyong narinig ko kagabi sa aking silid. Iyong tumatawag sa pangalan ko. Possible kayang siya rin iyong napansin kong nakamasid sa akin kanina sa kakahuyan papunta sa palasyo?
"Nalaman ko ang pangalan mo. Kaya nang nakita kita sa daan, tinulungan kita," pagpapatuloy niya. "Kilala mo rin ba ako?"
Pinakatitigan ko siya at kinilatis ang mukha. "Hindi talaga kita kilala. Ngayon lang kita nasilayan, Ginoo."
Tumango-tango ang lalaki. "Naniniwala ako. May itatanong lang ako." Tumayo siya at may kinuha sa kabilang lamesa. "Nakikita mo ang litratong ito?"
"Oo," sagot ko sabay tango.
Ang nilalang na nasa litrato ay siya ring nasa litratong yakap ko. Ang pinagkaiba lamang ay ang posisyon ng lalaki. Kung sa litratong yakap ko ay nakangiti lamang ang lalaki, sa litratong pinapakita naman sa akin ngayon ay nakatayo ito ay may hawak na kopita.
Lumakad palapit sa akin ang lalaki at itinatapat sa mukha ko ang litrato. Ngumiti siya at iniabot ito sa akin. "Take it. The man in the frames is my father. Siya ang tatay ko."
Nanuyo ang lalamunan ko matapos niyang magsalita.
Ang lalaking nasa i***********l na silid ay kaniyang AMA?