"Wala ka namang ibang ginagawa kundi alagaan si Ian. Nagtatrabaho ka ba? May pera ka bang ambag sa gastusin natin?"
Iyak ako nang iyak. Hindi ko na matiis ang panduduro ni Greg sa tuwing mag-aaway kami.
"Wala nga! Pero huwag mong maliitin ang ginagawa ko sa bahay. Inaasikaso ko pati pamilya mo. Konting pagmamalasakit lang ang hinihingi ko sa `yo pero paano mo sinuklian? Sa pakikipaglandian sa katrabaho mo!"
"Ayoko na, Ivy. Hindi na titino yang utak mo. Umalis ka na. At huwag na huwag mong dadalhin ang anak ko. Wala kang kakayahang buhayin siya."
Bumalik lahat ng away namin ni Greg dahil sa eskandalo ng isang costumer na nahuling may kasamang ibang babae. Dalawang taon na ang nakakaraan nang mangyari iyon. Lahat ginawa ko para sa akin mapunta si Ian. Buti nalang at may tumulong sa akin na tanod sa karapatan ko bilang ina. Napakabata pa ni Ian para maintindihan ang nangyari noon.
May mga pagkakataong nagtatanong siya kung bakit hindi na namin nakakasama ang tatay niya sa bahay. Hindi ko pa lubusang naipapaliwanag sa kanya pero alam niyang hindi na uuwi ang tatay niya sa amin kahit kailan.
Masakit ang nangyari pero mas nasasaktan ako para sa anak ko. Wala siyang ama. Kawawa ang tingin sa kanya ng marami. May nagsabi na rin sa akin na kaya raw lumalaking tikom ang bibig ng anak ko ay dahil wala siyang ama. Wala raw siyang nakikitang father figure na gagayahin niya. Masakit na marinig ang lahat ng iyon pero nilulunok ko nalang.
Walang tigil ang pawis ko sa pagtulo at nakakaramdam na naman ako ng init. Napagod ako sa sobrang dami ng tao.
"Umuwi ka na. Kaya na namin maglinis at magsara rito." Sumulpot si Chef C sa likuran ko. Hindi ko alam kung kanina pa siya nandoon.
"Masyadong marami ang lilinisin n`yo. Kaya ko pa naman." Sa bigla kong paglingon sa kanya ay para akong nakakita ng kislap sa mata.
"Kaya na namin. Huwag ka ng makulit."
Dumating si Kuya Eddie dala ang mga gamit ko. "Heto na, Chef. Yan na lahat ng gamit niya."
Inalis ko ang apron ko at inabot ang mga gamit ko. Tinanggap ko na ang offer nila na umuwi nang maaga kahit pa nakakahiya na hindi na ako makakatulong sa paglilinis. Kapag si Chef C ang nagsabi talagang mapipilitan akong sumunod.
"Ivy, huwag ka papabola sa Eugene na `yon. Wala akong tiwala sa mukha n`on."
Ngumiti nalang ako. Hindi rin naman siya makikinig kahit na ipagtanggol ko si Eugene. Tumango ako saka na umalis.
Halos ala-una ng madaling araw na rin pala. Hindi ko na napansin ang oras. Kaya naman pala pagod na pagod ako. Dinatnan kong bukas pa ang ilaw sa condo unit ni Eugene.
"Welcome home." Pagbati niya sa akin pagbukas ng pinto.
"Gising pa ba si Ian?"
"Tulog na siya. Nakakain na siya nang madami kanina at napainom ko na rin ng gamot."
Sandali kong sinilip si Ian na mahimbing na ang tulog. Napansin kong nakatupi na ang mga damit na pinagpalitan namin. Ngayon ko palang sana aayusin ang mga iyon.
"Coffee?"
Dala-dala na ni Eugene ang kape kaya kinuha ko na.
"Nilabhan mo ba mga damit namin?"
Ngumiti siya matapos uminom ng kape. "Oo. I hope you don't mind. Para agad ka ng makapagpahinga pagkatapos ng trabaho mo."
"S-salamat."
Hindi ko inaasahan na maging sa ganoon bagay ay tutulungan niya ako. Sobra-sobra na ang kabaitan niya sa amin. Ayokong isipin niyang sumasandal nalang ako sa kanya. Kailangan ko ng makagawa ng paraan para makauwi na kami ni Ian.
"Umaayos na ang kondisyon ni Ian. Sa tingin ko--"
"Bumalik ako sa trabaho kanina para tapusin yung isang project. Pagdating ko, isang katrabaho ko lang ang dinatnan ko. Wala naman pala kaming tatapusin na trabaho. Gusto niya lang daw akong makasama."
Hindi ko alam kung hindi ba niya ako narinig o sinadya niyang huwag matuloy ang sinasabi ko.
"Mukhang masipag ka sa trabaho mo. Hindi na ako magtataka kung bakit ang daming nagpapakita ng motibo sa `yo."
Isang katangian ng lalaki ang kadalasang hinahanap ng mga babae ay ang pagiging responsable sa trabaho. Ganoon si Eugene. Kahit pa nga ang bahay niya ay punong-puno ng drawings ng mga bahay. Minsan na niyang naikwento sa akin noon sa restaurant na isa siyang arkitekto. Sayang lang at mukhang wala siyang balak lumagay sa tahimik.
"Alam mo, kung sigurong kaya mong maging loyal sa isang babae. Magiging masaya kayong dalawa."
Hindi siya sumagot kaya tumingala ako para tignan siya. Baka na offend ko siya. Hindi ko mabasa ang mukha niya. Magsasalita sana ako para magpaliwanag nang hinawakan niya ang kamay ko.
"Magiging handa lang ako kapag handa ka na."
Kung nasa restaurant lang kami siguradong nalusutan ko na ang sitwasyon namin. Pero iba pala kapag kaming dalawa lang.
"H-handa na ako," sabi ko. Nanlaki ang mga mata niya pero bago pa siya mag-isip nang kung anu-ano ay itinuloy ko ang sasahihin ko. "Handa na akong maligo para makapagpahinga na." Saka ko binawi ang kamay ko.
Nalungkot si Eugene pero ilang saglit lang ay ngumiti siya ulit. Inubos niya ang kape niya at hindi na nagsalita.
"Huwag kang mag-aalala. Malapit na rin kaming umalis dahil bumubuti na kalagayan ni Ian. Makakasama mo na `yong katrabaho mo." Ngumisi ako nagbabakasaling ma-gets niya ang gusto kong sabihin.
Hindi niya ako masisisi kung bakit ganoon ang tingin ko sa kanya. Sa dami ba naman ng babaeng dinala niya sa restaurant, natural lang naman siguro na isipin kong mahilig siyang maglaro ng apoy.
"I'm just trying to make your life easier. I noticed you push yourself too much."
"Kailangan kasi." Mukhang hindi naman siya na-offend pero may ibang sinasabi ang mga mata niya.
"Hindi mo ba naisip na dalhin siya sa ampunan." Nagulat ako sa narinig. Galit agad ang bumalot sa dibdib ko. Huminga ako nang ilang ulit at nag-isip. Malaki ang utang na loob ko sa kanya. Kahit pa mukhang ang paratang niya sa tanong ay hindi ko kayang buhayin ang anak ko.
"H-hindi. Kahit pa alam kong mas nahihirapan siya sa sitwasyon namin. Kaya nga ako nagsisikap. Basta magkasama kami, makakaya ko lahat."
Napalitan ang galit ng lungkot. Hindi ko napigilang lumuha. Agad kong pinunasan iyon bago pa bumuhos.
"Sorry. Hindi ko intensyong masaktan ka."
"Alam ko. Sobrang sakit lang kasi na hindi ko maibigay yung sayang nararamdaman niya kapag kasama niya ang tatay niya."
Pareho kaming natahimik. I looked at him at mukhang malalim ang iniisip niya. Wala na akong dapat sabihin. Masyado na akong maraming nasabi sa kanya. Sinadya kong bumuntunghininga nang malakas saka ako tumayo at nag-unat.
"Maliligo na ko. Salamat sa kape."
Kailangan ko lang iligo itong bigat ng pakiramdam ko. Dumeretso ako banyo na kung saan nakahanda na ang bath tub. Mainit-init ang tubig na akma para sa nanakit kong kasukasuhan. Nitong mga nakaraang araw totoong mas madali para sa akin ang lahat. Malaking tulong si Eugene para sa amin pero hindi ko puwedeng hayaan nalang na umasa kami sa kanya.
Noong una inakala kong hanggang pagiging playboy lang si Eugene. Playboy na ginagamit ang looks at successful proffession para makakuha ng mga babae but he is more than that. Handa siyang tumulong kahit pa sariling privacy na niya ang magugulo. Magaling pa siyang magpaamo ng bata.
Mukhang pati ako napapaamo na niya.
Umiling ako nang maraming beses. Hindi puwede. Ayokong mandamay ng iba sa problema ko. Pero iba na itong t***k ng dibdib ko.
Puwede bang magmahal kahit may pilat na itong puso ko?
Tumayo ako mula sa pagkakababad at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay umikot ang paningin ko. Kahit pa basa ang katawan ko ay alam kong unti-unit nang namamawis ang ulo ko. Mainit na naman ang singaw ng katawan ko.
Napaupo akong muli sa bath tub dahilan upang tumapon ang tubig sa sahig. My pulse was beating faster and faster. Pinakalma ko ang sarili ko at sinubukang muling tumayo pero bigo ako. Mabibigat na paghinga nalang ang nagagawa ko. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa katawan ko.
"Ivy, okay lang ba? May narinig kasi akong kalabog."
Upon hearing his voice, my mind and body settled. Alam ko sa kaloob-looban ko na sasagipin niya ako.
"Ivy. Papasok na ko `pag hindi ka pa sumagot."
Dahil hirap akong huminga ay nahirapan din akong magsalita. Pero kahit hirap ay pinilit kong lakasan ang boses ko.
"T-tulong!"
Nakarinig ako ng kalansing ng mga susi kaya alam kong makakapasok si Eugene at masasaklolohan ako. Pagbukas niya sa pinto ay siya namang unti-unting pagdilim ang paningin ko.