ABALA SI ISABELLA sa pagtatanim ng palay nang biglang may sumundot sa tagiliran niya. Naiinis niyang binalingan iyon at nakita niya ang kaibigan niyang si Jodi na may malaking ngiti sa mga labi.
"Bakit ka ba palaging nanggugulat, ha? Paano kaya kung may sakit ako sa puso, baka inatake na ako rito!" naiinis niyang saad saka ipinagpatuloy ang paglalagay ng palay sa putik.
Tumabi si Jodi sa kaniya at nagtanim din. "Pasensya naman! Palagi ka kasing parang wala sa sarili, e. Ano bang iniisip mo, ha? Iyong lalaki ba nitong nakaraang araw na taga-Maynila?" Muli na naman nitong sinundot ang tagiliran niya.
Hinarap niya ito. "Ano? Ako, palaging wala sa sarili? Nagkakamali ka yata, Jodi. Baka ikaw iyong wala sa sarili kasi sakit mo na itong panunudot ng tagiliran. At doon sa tanong mo, hindi. Bakit ko naman iisipin iyong lalaking taga malayo? Huwag mong sabihing may gusto ako roon, nagkakamali ka!"
"Weh? Talaga? Guwapo kaya iyong lalaki, no. Ang puti at mayaman. Hindi mo ba tipo iyong mga katulad niya?"
Bumuntong-hininga siya. "Hindi." At ipinagpatuloy niya ang ginagawa.
"Asa pa. Hindi ako naniniwala sa iyo, no! Nagsisinungaling ka la—"
"Ano bang sinasabi mo, Jodi? Hindi kita maintindihan, ha!"
"Huwag na nga nating pagkuwentuhan iyon, Isabella. Magtanim na lang tayo, sayang din ang kita, e..."
Napatango na lang sila. Madali lang naman pakiusapan ito kaya natapos kaagad ang pag-uusap nila. Nagpatuloy na sila sa pagtatanim ng palay. Sa pagtatanim at paggagapas lang sila nabubuhay. Buong buhay na niyang nakasanayan ito. Bata pa lang siya, tumutulong na siya sa mama at papa niya at nang magkaroon ng isip, ginawa na rin niya. Hindi na rin siya nakapag-aral, hanggang grade three lang ang inabot niya kaya minsan, nahihiya siyang makipag-usap sa mga taong may mataas na pinag-aralan. Isa lang ang rason niya, at iyon ay baka mapahiya lang siya sa mga ito. Kung hindi siya tutulong sa mga magulang niya, hindi magiging sapat ang panggastos nila sa pang-araw-araw.
Malalim na napabuntong-hininga si Isabella saka itinuon na ang atensyon sa ginagawa. Nang maubos ang palay niyang hawak, kumuha siya ng panibago at muling nagpatuloy sa pagtatanim noon. Maliit lang ang binabayad sa kaniya pero pinagtitiisan na lang iyon para makatulong naman siya sa pamilya. Kahit mahirap, ginagawa pa rin ni Isabella ang lahat.
Nang matapos siya sa pagtatanim, nagtungo na siya sa kubo para magtanghalian. Sobrang pawis niya. Tinanggal niya sa ulo niya ang saklob na suot. Isama pa ang bota niyang nababalutan na ng putik. Nang maayos na ang lahat, umupo si Isabella sa kawayang upuan ay pinahinga muna ang sarili. Mayamaya pa ay natapos na rin si Jodi. Kung ano ang ginawa niya, ginawa rin nito. Umupo ito sa harap niya at nagtataka siyang tiningnan.
"Malalim na naman ba ang iniisip mo?" Nangunot ang noo nito.
"Hindi, ah. Bakit ba palagi mo akong tinatanong niyan? Hayaan mo nga ako. Gusto ko muna maging tahimik ang aking kapaligiran," saad niya saka kinuha ang maliit na water jug na nasa harap niya at doon mismo uminom.
"May manggugulo yata, Isabella," mayamaya pa'y sabi ni Jodi na ikinatingin niya rito.
"S-Sino?" nagtataka niyang tanong.
Ngumuso ito— sa likuran niya nakaturo. Sino naman kaya iyon? Kaya nagtataka siyang tumingin sa likod niya at hindi na siya nagulat nang makita ang nag-iisang lalaking kinaiinisan niya. Ito ay si Albert, ang kapit-bahay nila na may gusto sa kaniya. Sobrang kulit nito— makulit pa sa makulit. Nawalan na tuloy siya ng ganang kumain. Ibinalik niya ang tingin kay Jodi saka nagpakawala ng hangin sa bibig.
"Sabihin mo tulog ako," wika niya saka umubob.
Wala siyang narinig na tugon mula sa kaibigan kaya naman nanahimik na lang siya. Nakapikit ang mga mata niya ng mga sandaling iyon. Kung kaya nga niyang tumakbo makalayo lang kay Albert, baka kanina niya pang nagawa. Kaso pagod siya. Halos dalawang oras siyang nakatayo at nakayuko.
"Hi, Isabel—"
"Tulog siya, Albert!"
"Hindi ako naninawala, Jodi! Nagtutulog-tulugan lang si Isabella, 'di ba?"
Bakit ba ang kulit-kulit nitong si Albert? Bumuka sana ang kinakatayuan nito at lamunin na ito para mawala na!
"Tulog nga siya, e! Umalis ka na nga, Albert! Daig mo pa ang bata dahil sa kakulitan mo!"
Dama niya ang pagkainis sa boses ni Jodi. Kahit minsan ay galit siya rito, hindi pa rin mawawala ang pagtulong nito sa kaniya. Para na nga silang magkapatid, e. Palagi silang nagtutulungan kung kinakailangan.
"Isabella, may dala nga pala akong nilagang saba sa iyo."
Mabilis niyang naiangat ang ulo hindi dahil sa sinabi nito. Literal na kumukulo na ang dugo niya ngayon. Paborito niya ang nilagang saba pero hindi siya tatanggap ng kung ano mang bagay mula kay Albert. Mamaya ay may nilagay pa itong lason, e 'di yari na, naisahan lang siya nito.
Sinamaan niya ito ng tingin saka tumayo. "Bakit ba palagi kang ganito, Albert? Hindi ba puwedeng hayaan mo na lang ako? Hindi kita kailangan! Wala kang mapapala sa akin. Kung gusto mo ako, sige, ipagpatuloy mo, pero puwede bang itigil mo ito? I-Itong ginagawa mo. Tigilan mo na ang paglapit sa akin!" walang pagdadalawang isip niyang asik dito.
"May dala akong nilagang saba, Isabella. Ito, tanggapin mo." Ipinatong nito ang isang plastik na may lamang saging sa lamesang nasa gilid niya. "Masarap iyan, may asukal na rin diyan, Isabella," nakangiti nitong dagdag habang nakatitig sa kaniya.
"Hindi ko iyan matatanggap, Albert! Nag-aksaya ka lang ng pagkain. Ibigay mo na lang iyan sa ib—"
Pinutol siya nito. "P-Para talaga sa iyo iyan, Isabella. Sige na, tanggapin mo na. Gusto mo bang sabayan kita sa pagkain?" Lalo pang ngumiti ang loko.
"Napakapilingero mo naman, Albert!" Si Jodi.
"Umalis ka na, Albert at dalhin mo iyang dala mo..." mahinahon niyang sabi saka marahang umupo at bumuntong-hininga.
"Isabella, tanggapin mo na, please? Para iyan sa iyo. Hayaan mo, kapag naging tayo, araw-araw kang makakakain ng saba. Kaya kong ibigay ang gusto mo, Isabella, mahalin mo lang ak—"
"Tse, tantanan mo nga itong kaibigan ko, Albert. Umalis ka na nga."
Nakita ni Isabella na inirapan nito si Albert.
"Babalik pa ako, Isabella. Sa susunod, masarap naman ang dadalhin ko sa iyo. Sige na, aalis na ako. Huwag kang magpapagod, ha?"
Nanatili siyang tahimik. Nakita niya sa gilid ng kanan niyang mata na dinampot ni Albert ang ipinatong nito sa lamesa. Nakita niya pa ang pag-alis nito. Wala siyang kibo ng mga oras na iyon.
"Malayo na ba siya?" tanong niya kay Jodi.
"Oo, malayo na siya. Tara na nga, kumain na tayo."
Napatango na lang siya at tiningan ang direksyon ni Albert. Malayo na nga ito. Nakayuko ito habang naglalakad. Mukhang dismayado yata sa kaniya. Hindi na niya inisip ito, naaaduwa na rin kasi siya minsan sa kakulitan ng lalaki.
Umiling na lang si Isabella saka sinabayan na si Jodi na kumain. Sardinas ang ulam niya at may dala rin siyang nilagang saba. Hindi niya ba alam, ginawa na niyang panghimagas ang nilagang saba kapag natapos siyang kumain. Sa saba lang kasi siya nabubusog minsan, e. Nagsimula na siyang kumain. Habang kumakain, nagkukuwento ng kung ano-ano si Jodi.
Ngunit sabay silang natigilan nang may tumawag sa pangalan niya. Sunod-sunod ang pagtawag sa kaniya ng mga sandaling iyon. Nang lingunin niya ito, nakita niya si Kristine, ang nakakabata niyang kapatid.
"Ate Isabella! Ate Isabella! Ate Isabella!"
"Bakit humahangos ka, Kristine? A-Anong nangyari?" nagtataka niyang tanong nang makalapit ito sa kaniya.
"Ate Isabella, m-may masama akong balita sa iyo." Umiyak na ito.
Napatayo siya sa kinauupuan. "Anong balita? Bakit ka umiiyak? Kristine, sabihin mo sa akin! Anong nangyari, ha?" sunod-sunod na niyang tanong habang unti-unting kumakabog ang dibdib.
"Ate..." Madiin nitong hinawakan ang mga kamay niya. "S-Si Ivan, nahimatay kanina at ngayon ay nasa ospital na siya."
Ano? Ang bunso niyang kapatid, nasa ospital ngayon? Diyos ko, bakit naman? Dahil doon, wala sa sarili niyang hinila ang kamay ni Kristine pauwi sa bahay nila. Hindi na niya nagawang magpaalam sa kaibigan dahil sa nararamdaman niya ngayon. Medyo malayo ang bahay nila sa kinaroroonan nila kaya ilang minuto ang bibilangin bago sila makarating. Nag-aalala na siya kay Ivan. Nasa ospital ito, ibig-sabihin, bayarin na naman. Pero para kay Isabella, wala lang iyon. Kaya niyang gawan ng paraan ang pambayad sa ospital basta't gumaling lang ito kung ano man ang mayroon ito ngayon. Mahal niya ang pamilya niya kaya kaya niyang isakripisyo ang lahat. Kahit ano pa, papatusin na niya alang-alang lang sa mahal niyang pamilya.
Halos sampung minuto ang tinakbo nila nang makarating sila sa bahay nila. Nang makapasok si Isabella kasama ang kapatid niya, nakita niya ang mama niya, nakaupo sa kawayang upuan habang umiiyak.
"Mama." Nag-aalala niyang nilapitan ito kapagkuwan ay umupo sa tabi nito. "Ano po bang nangyari kay Ivan? Bakit po siya nahimatay?"
Bumaling ang mama niya sa kaniya na basa ang mga mata. "H-Hindi ko alam, Isabella. Basta't pag-uwi ko rito, saktong natumba siya. Kaagad kong tinawagan ang papa mo at dinala na siya sa ospital ngayon. Nag-aalala na ako, anak. Gusto kong sundan ang papa mo pero hindi niya ako pinayagan kasi gagastos pa kami..."
"Gusto niyo pong sundan sina papa? S-Sige po, babale na po ako kay Kuya Migs ngayon."
"Isabella, kakabale mo lang nitong isang araw. B-Baka hindi ka niya payagan."
"Papayag po siya, mama. Basta't dito lang po kayo sa bahay. Pagbalik ko, may dala na akong pera." Hinalikan niya ang noo nito kapagkuwan ay binalingan si Kristine na nakaupo sa harap nila. "Ikaw, Kristine, huwag ka nang lumayas, dito ka lang sa bahay at bantayan mo si mama," aniya sa kapatid saka tumayo na.
"Makaaasa ka, ate..."
Tinaguan lang niya ito saka bumaling sa mama niya. "Makakasunod din po kayo kay papa, mama. Sige po, aalis na ako at babalik ako kaagad."
Hinawakan ng mama niya ang kaniyang mga kamay at masuyo iyong pinisil. "Anak, kung wala talaga, huwag mo nang ipilit, ha? Hintayin na lang natin ang papa mong umuwi kasama si Ivan."
"Sige po, aalis na po ako," wika niya saka lumabas na ng simple nilang bahay.
Nang makalabas, sunod-sunod na nagpakawala si Isabella ng hangin sa bibig saka naglakad na. Medyo malayo ang bahay ni Kuya Migs, halos kalahating oras na lakaran iyon pero kung tatakbuhin, madali lang. Si Kuya Migs pala ang katiwala ng palayang pinagtatrabahuhan nila. Ito na rin ang nagbabayad sa kanila. Kaya dito sila tumatakbo kapag kailangan. Hindi na niya mahintay ang oras kaya tumakbo na siya. Sa gitna ng palayan siya dumaan para madali. Wala na siyang pakialam kung ilang ulit man siyang natutubog. Kalaunan ay biglang nawala ang haring araw. Unti-unti nang nandilim ang kapaligiran. Malas naman! Uulan pa!
Lalo pang binilisan ni Isabella ang pagtakbo hanggang sa dumating na ang kinakatakutan niya. Bumuhos na ang malakas na ulan. Madulas-dulas siyang tumatakbo pero hindi iyon alintana sa katulad niyang nangangailangan. Sinabayan ng nakakatakot na kidlat ang malakas na pagbuhos ng ulan. Binalewala na lang iyon ni Isabella at nagpatuloy na sa pagtakbo kahit nadudulas. Ilang minuto pa ang nakalipas, nakarating na siya sa bahay ni Kuya Migs at laking gulat niya nang makitang sarado ang bahay. Hindi siya pinanghinaan ng loob, imbes, kumatok pa siya nang makailang ulit.
"Tao po! Kuya Migs, s-si Isabella po ito!" sigaw niya sa labas.
Bumukas ito at bumungad ang asawa nitong si Ate Vina.
"Anong ginagawa mo rito, Isabella? Ang lakas ng ulan, bakit ka nasa labas, ha?" may pagkastrikto nitong tanong pero ang totoo'y mabait ito.
"Si Kuya Migs po, Ate Vina? Babale lang po sana ako kahit pamasahe kang ni mama papunta sa ospital."
"Ganoon ba? Sige, sandali lang, ha? Hintayin mo siya rito."
Tumango lang siya kaya nagpatiuna na ito. Kinakaligkig na siya ng mga sandaling iyon. Kailangan niya ng pera, alam niyang alalang-alala na ngayon ang mama niya kay Ivan. Mayamaya pa'y lumabas na si Kuya Migs sa isang kuwarto at nakakunot ang noo nitong lumapit sa kaniya.
"Anong ginagawa mo rito, Isabella?"
"Kuya Migs, baka po puwedeng makabale ulit kahit pamasahe lang ni mama papunta sa ospita—"
"Ano kamo? Kakabale mo lang noong isang araw, 'di ba? Hindi, hindi ka pa nga nakakaisang linggo, babale ka na agad? Ang unfair naman sa mga kasamahan mo."
"Kuya Migs." Napaluhod na siya at nagsimula nang sumabay ang luha niya sa tubig na lumalagaslas sa mukha niya. "Parang awa niyo na, Kuya Migs. N-Na-ospital po ang kapatid kong bunso at gustong sumunod ni mama pero wala naman po kaming pera. Kahit pamasahe lang po, Kuya Mig—"
"Huwag mo akong daanin sa mga paganiyan-ganiyan mo, Isabella. Umalis ka na kung ayaw mong magalit ako sa iyo!" madiin nitong saad saka sinaraduhan na ang pinto.
"Kuya Migs," naiiyak niyang anas saka muling kinatok ang pinto.
Bumukas iyon at bumungad muli si Kuya Migs. May galit na ang mukha nito. May kinuha ito sa bulsa. Pera iyon. Kumuha ito ng dalawang daan at ibinato sa kaniya na kaniya namang kinuha agad.
"Huli na iyan, Isabella dahil simula sa isang linggo, hindi ka na magtatrabaho sa akin. Kailangan mong bunuin iyang ibinigay ko sa iyo. Kapag natapos mo, hindi ka na magtatrabaho! Ang kulit mo. Lumayas ka na nga!" At malakas nitong sinaraduhan ang pinto.
Tumayo siya sa pagkakaluhod sa lupa. "Salamat, Kuya Migs," aniya saka tumakbo na pabalik sa bahay nila.