PATRIZ’s POV
Labing walong taon ako nang maaksidente ang sinasakyang bus ng aming mga magulang mula sa probinsya. Umuwi sila ng Bicol dahil may sakit ang aming lolo. Malubha na ang lagay nito at isang kahilingan ay makita si Nanay. Dahil malayo rin ang probinsiya ay nag-volunteer si Tatay na sasamahan niya si Nanay. Kaya naman sinamahan ng aming Tatay si Nanay sa pagpuntang Bicol. Pabalik na sila ng Manila nang mangyari ang kagimbal gimbal na trahedya. Ang araw na hindi namin makakalimutang dalawa ni Perla.
Sa isang iglap ay nawalan kami ng Nanay at Tatay. Second year high school palang si Perla at ako naman ay Grade 12 na. Hindi kami mayaman ngunit naibibigay naman ni Tatay ang mga pangangailangan namin sa pag-aaral. May bahay na naipundar ang aking mga magulang kaya wala kaming babayarang renta buwan buwan. Tanging tubig, ilaw, pambaon, pambili ng projects at pangkain naming dalawa ang kailangan naming bunuin. Wala pa ang pang-emergency na panggastos. Kaya bilang ate at panganay ay naghanap ako ng mapapasukan para masuportahan ang aming pang-araw araw na gastusin.
Si Mommy Art na kalapit bahay lang namin ang nagsama sa akin sa parlor ni Madam Lucila. Alam niya ang nangyari sa aming magulang kaya naman agad itong to the rescue. Mababait naman sila kaya kahit maliit lang ang pasahod sa umpisa ay tinanggap ko na. Tagalinis lang ako ng parlor. Pagkagaling sa eskwelahan saka ako pumapasok sa parlor.
Bago ako umuwi sa gabi ay sinisiguro ko na malinis na ang lahat. Pati ang mga towels ay ako na ang naglalaba. Inuuwi ko ito sa gabi at sa bahay ko ito lalabhan at kinabukasan ay idadaan ko muna ito kay Mommy Art para siya na ang magdala sa parlor. May extrang bayad ito kaya naman kinuha ko na kaysa magpa laundry pa. Pandagdag din sa aming budget.
Mula sa tagalinis ay naging assistant ako ng mga hairstylist. Taga blower ako ng buhok at minsan naman ay sa foot spa ako naka-assign. Lahat ng pwede kong matutunan ay ginagawa ko. Hanggang grade 12 lang ako. Hindi na ako nagkolehiyo dahil kapag nag-aral pa ako ay kulang pa ang kita ko at maapektuhan din ang trabaho ko na tanging source of income ko. Si Perla nga ay tumutulong din. Kung anu-ano ang itinitinda niya kapag walang pasok. Tulong kaming dalawa. Nasa huling taon na sa kolehiyo ang aking kapatid. Sabi niya ay siya naman daw ang magpapa-aral sa akin kapag may maganda na siyang trabaho. Bonus iyon kung totohanin niya ang sa akin lang ay makapagtapos lang siya at masuportahan ang sarili ay masaya na ako. Plano ko ay ang relasyon naman sana namin ni Edward ang bibigyan ko ng atensyon. Pero wala na kami ngayon.
Dito sa parlor ni Madam Lucila ko nakilala si Ma’am Soni. Hanggang naging kumare ko siya. Ewan ko kung bakit ako ang kinuha niyang kumare at hindi si Madam Lucila. Sila naman ang nakaka-angat sa buhay.
Magiliw sa akin si Mareng Sonia. Sa edad na 45 ay nagbuntis pa ito. At ako ang sinasabi niyang pinaglihihan niya. Halos araw-araw ay nasa parlor siya para makita lang ako. Pinaliguan pa nga ako nito noong nagbubuntis ito dahil naging antukin ako. Ganoon daw iyon sabi ng mga nakakatanda sa akin. Totoo nga naman.
Kaya nang manganak ito ay kinuha niya akong ninang ni Zandra. Ang cute na cute kong inaanak. Wala yatang linggo na hindi ito nagpapakita rito sa parlor para lang kumustahin ako. Minsan ay dadaan siya para ipakita sa akin ang mga stars na nakuha niya sa school. Kaya bilang ninang ay proud na proud naman ako.
Tulad ngayon na nagmumukmok ako dito sa pantry. Pumasok si Mommy Art.
“Gurl, tama na iyan. Hindi iyan maganda sa negosyo ni Madam Lucila. Dapat happy ka lang.” sambit nito.
“Mommy Art, kung pwede lang na kapag sinabi kong happy ay automatic akong tatawa ay gagawin ko. Pero ang sakit sakit po kasi Mommy Art. Niloko ako ni Edward. Sana noon pa lang kung iyon pala ang gusto niya ay sinabihan na lang niya ako.” Saad ko kay Mommy Art.
“At kung iyon nga lang ang gusto niya , ibibigay mo naman?” tanong pa nito sa akin. Medyo napaisip ako. Oo nga pala. Kung ibinigay ko kaya sa kanya saan na kaya ngayon ang relasyon namin? Kami pa rin ba? Masaya ba ako? Paano naman ang kapatid ko?
Hindi ko nasagot ang tanong ni Mommy Art. Mas tama pala na hindi ko naipagkaloob sa kanya ang katawan ko kundi ay baka kahit may ginagawa kami ay hahanap pa rin ito ng iba.
“Maiba ako, kaya pala ako pumasok dito ay para sabihin kong dumaan ang inaanak mo. Hinahanap ka pero nang sabihin ko na umiiyak ka ay agad din siyang niyaya ni Zandro na gwapo. Babalik na lang daw sila sa ibang araw.” Namumungay pa ang mga mata ni Mommy Art pagkabanggit kay Zandro.
Bihira ko lang makita itong si Zandro. Panganay na anak ito ng kumare ko. At si Zandra ang bunso. 25 years old na si Zandro nang ipnanganak ni Mareng Sonia si Zandra. Napakalaki ng age gap ng magkapatid at kahit sa akin ay matanda pa si Zandro.
Unang kita ko kay Zandro ay sa bahay nila at binyag iyon ni Zandra. Lahat kami dito sa parlor ay invited, kahit ako lang ang Ninang. Isinarado ni Madam Lucila ang parlor para makapunta kaming lahat. Kasama noon ni Zandro ang long time girlfriend nito na si Monica. Mayaman din daw ang girlfriend nito tulad ng pamilya Agoncillo. Kaya botong boto sina kumare at kumpare. Ang sweet nilang dalawa. Laging nakakapit sa braso ni Zandro ang girlfriend nito. Kasama ko pa si Edward noon at kahit siya ay napapahanga kay Monica. Ang suot kasing damit nito ay kita na ang cleavage at fit na fit sa katawan. Hindi naman ako nagseselos dahil kahit ako ay napapatingin sa dalaga. Hindi naman yata affected si Zandro kahit ganoon ang suot ng kanyang girlfriend. Parang okay lang sa kanya.
Sinanay ko talaga ang sarilli ko na tawagin sila ng ganoon. Dahil iyon ang gusto nila kumareng Sonia. First inaanak ko si Zandra. Minsan ay iniiwan ni Kumare si Zandra dito sa parlor. Pati ibang customers namin ay natutuwa dito dahil napakadaldal. Magaling pang kumanta at sumayaw.
Madalas ay niyayaya ako nitong mag t****k kami. May phone siya pero tinuturuan naman siya sa tamang paggamit.
Kung ang kumare ko ay boto sa girlfriend ng kanyang anak na panganay, iba naman ang sinasabi sa akin ni Zandra. Ayaw niya kay Monica. Masungit daw ito at maarte. Kapag wala raw ang kanyang kuya ay pinapagalitan siya nito o kaya ay nilalakihan ng mga mata. Sinabihan din siya na huwag siyang magsusumbong. Kaya nagkaroon na ito nanng takot kay Monica.
Sabi pa ni Zandra ay hinahalikan nito ang kuya Zandro niya kahit may bata raw sa harapan nila at ang sarili niya ang tinutukoy. Matatawa ka na lang kapag maririnig siya na nagkukwento.
Basta kapag pumunta dito sa parlor si Zandra ay hinanap agad ako. May isusumbong siya sa akin o di kaya ay may sasabihing secret. Hindi lang daw niya ako favorite ninang kundi bestfriend na ninang din.
Sayanng at hindi kami nagkita. Ayaw ko rin naman na makita niya akong umiiyak. Kaya siguro niyaya agad ito ng kuya niya. Pero kung nakita ko ito baka mapawi kahit papaano ang sakit na nadarama ko ngayon.