By: Michael Juha
email: getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
blog: h***:://michaelsshadesofblue.blogspot.com
--------------------------------------------------------------
May isang bagong itinayo na bahay sa tapat lang ng aking apartment. Sa pondasyon pa lamang nito ay masasabing malaki-laki ang building na gagawin nila.
Dito nagtatrabaho si Marjun; isang laborer na nasa 5'10" ang tangkad, moreno, maganda at matipuno ang pangangatawan at med'yo kulot ang buhok. Sa kabuuan, may hitsura at kung hindi lang sa kanyang trabahong marumi at puno ng dumi ng semento ang damit, masasabing may porma at dating talaga siya.
Alas tres iyon isang hapon noong may binili ako sa labas lang ng apartment. Noong pabalik na ako at papasok na sana ng gate, nakita ko siyang nakaupo at nagpahangin sa maliit na cottage sa ilalim ng puno ng akasya sa harap lang ng aking apartment. Ang cottage na iyon na gawa sa nipa at kawayan ay sinadyang ipinatayo ko. Bagamat hindi pa gaanong malaki ang puno ng akasya, may lilim na ito na nakapagbigay ng preskong simoy ng hangin lalo na kapag ganoong tag-init. At sa cottage na iyon ako kadalasang nagmumuni-muni, nagpapalamig, nag-iisip, nagpapalabas ng sama ng loob at hinanakit sa mundo, at kadalasan doon ko dinadala ang aking laptop upang magtipa ng mga kuwento.
Ako rin ang nagtanim sa puno ng akasyang iyon. Mahilig kasi ako sa kahoy. At kahit sa aking mga isinusulat na kuwento, minsan ginagawa kong simbolismo ito sa buhay at pag-ibig. Sabi ng manghuhula, ang kahoy daw ay may malaking papel sa aking tagumpay at pagkabigo.
Syempre tinawanan ko lang ito. Ano naman ang kinalaman sa kahoy sa aking tagumpay. Kung baha, land slide at global warming siguro ang pag-uusapan, malaki talaga ang papel ng kahoy. Pero sa buhay ko? Hmmm. "Mukha ba akong mother earth?" sa loob-loob ko lang.
Dahil nag-iisa si Marjun na nagpapahinga doon, parang may nagtulak sa akin na lapitan siya. At iyon ang ginawa ko.
Seryosong napako ang tingin niya sa akin noong napansin niyang lumihis ako patungo sa direksyon ng cottage imbes na sa direksyon ng gate kung saan sana dapat akong pumasok. Bakas sa mukha niya ang pag-alangan, marahil inisip na baka paalisin ko siya, o pagsabihang bawal ang mag-estambay doon. Nakatitig lang siya sa mukha ko habang palapit nang palapit ako sa kanya.
"I-ikaw iyong isa sa mga trabahante d'yan, ano?" ang tanong ko agad habang itinuro ko ang nasabing building na ginawa nila. Umupo na rin ako sa tabi niya.
"O-opo. Isa nga po ako sa mga nagtatrabaho d'yan. Laborer po ako. May isang linggo na akong nagsimula."
"Sabi ko na nga ba eh. Kasi parang nakita na kita noong isang araw." Ang palusot ko, kunyari ay hindi ako siguradong siya iyon. "Malaki-laki ata ang itatayong building d'yan ano?"
"Opo... apartment din ata eh. Nasa Canada ang may-ari."
"Ah..." ang nasambit ko, hindi alam kung paano ko sasabihin ang pakay ko sa kanya. "A-ako pala si Aldred" ang pagpakilala ko na lang sa sarili sabay abot ng kamay ko.
Binitiwan niya ang isang ngiting-hiya, nag-aalangan na parang hindi makapaniwala na kinaibigan ko ang tulad niyang nabalot sa dumi ang katawan. "Ako naman po si Marjun." At bagamat halata kong nag-alangan, iniabot pa rin niya ang kanyang kamay sa akin. "Eh... sensya na po, madumi ang aking kamay..."
"Ay... ok lang iyan, Marjun. At least, ang dumi ng kamay mo ay galing sa semento at graba, hindi galing sa kubeta."
Natawa siya.
Tinanggap ko ang kanyang kamay at hinawakan iyon upang magshake hands kami. Hinawakan na rin niya ang aking kamay. Doon ko naramdaman ang malalaking daliri niya at ang malakas, matigas, at magaspang na kalyo sa kanyang kamay. "Huwag mo na lang akong po-puin Marjun. Aldred na lang ang itawag mo sa kin. Puwede ring Kuya Aldred. Alam ko, malaki ang agwat natin e. 35 na ako samantalang ikaw ay nasa 21 lang ba? O 22?"
"23 na po ako"
"Ah... muntik na akong tumama, hehehe. Parang 21 ka pa lang tingnan kasi."
"Salamat po."
"Iyon nga lang, huwag na lang ang 'po' ha?"
Natawa uli siya. "Ay... sige po. E... Aldred pala, hehehe." Ang sagot niya. Parang kumportable na siya sa aming usapan.
"Alam mo, Mar..." ang pagbukas ko na sa aking pakay. "Isa akong manunulat. At kaya kita kinausap ay upang alukin ka na maging modelong mukha at katawan sa isa sa mga karakter ng sinimulan kong kuwento. Noong unang nakita kasi kita sa trabaho mo, nakahubad ang pang-itaas na katawan, sumagi kaagad sa isip ko ang katauhan ng karakter ng aking kuwento na si 'Lester'. Parang kagaya mo siya..."
"T-talaga po? E... Aldred pala?" ang may dalang excitement na sagot niya.
"Oo. Kasi ang 'Lester' na karakter ng aking kuwento ay matipuno, malakas, masipag, at kagaya mo, sanay sa pisikal at mabibigat na gawain. Galing kasi siya sa isang mahirap na pamilya."
"Parang ako rin pala. Parang maganda iyang kuwento mo ah. Sana ay mabasa ko. Mahilig din naman akong magbasa. Iyong tagalog lang." sabay tawa.
Natawa na rin ako. "Syempre naman, mabasa mo iyon. At Tagalog iyon. Pero payag ka bang maging modelo ko?"
"Paano ba ang pagmomodelo? May... e... sweldo ba iyon?" pag-aalangan niyang tanong.
"Hmmmm. Pwede kitang bigyan ng kaunting halaga. Kasi syempre, hindi pa naman kumikita ang libro ko kung saan ay ilalagay natin ang litrato mo sa cover page at sa kabanata na may highlights. Pero kung halimbawang kikita siya, may royalty ka ring matatanggap."
"Wow! Libro pa talaga!" ang sigaw niya, hindi inaasahang gagawing libro ko pala ang aking kuwento.
"Oo... libro" at makikita ng maraming tao ang iyong mukha.
"D-di ba nakakahiya?" ang pag-aalangan niya.
"Ba't mo ikahihiya ang mukha mo? Kapag nakadamit ka ng maayos ay para ka na ring isang modelo o artista eh. Daig mo pa nga siguro ang iba d'yan."
Parang nag-blush siya sa aking sinabi. "Hindi naman..."
"Ano ka? Totoo kaya!"
Hindi na niya pinatulan ang birit ko. Bagkus, "T-teka... ano ba ang ibig sabihin ng royalty?"
"Iyan ay ang isang parte mo kapag may maibentang libro"
"Ah..." Nag-isip sya. At maya-maya lang, "S-sige. Sige... Payag akong magiging modelo mo. Kailan natin gagawin?"
"Kung kailan mo gusto. Puwede ring mamayang gabi magsimula tayo. Libre ako mamaya."
"A-ano ba ang gagawin ko?"
"Kukunan lang kita ng litrato at iyon lang."
"Ah sige, sige. Mamaya alas 6 ng gabi, pupuntahan kita dito s apartment mo."
Iyon ang napag-usapan namin bago siya tumayo at nagpaalam. "Trabaho na uli ako Aldred. Nand'yan na ang bisor ko!"
Ewan. Pero sumaya ako sa maiksi naming usapan na iyon.
Eksaktong alas 6 ng gabi, tinupad nga ni Marjun ang aming usapan. Naka kulay berde na t-shirt at jeans na kupas. Mukhang tao na siya. Malinis at higit sa lahat, pansing-pansin na ang taglay niyang kakisigan.
"Ay salamat at sumipot ka talaga! At wow! Ang guwapo-guwapo ng aking model naman! Sabi ko na nga ba eh!" ang papuri ko.
Napangiti siya. "Guwapo? Mas guwapo ang tatay ko! Sana nakita mo siya." biro niya.
"Naks! May ganoon pa talagang linya, hehehe" sagot ko. "Kumain ka na ba?"
"Kumain naman. Tapos na."
"Ay ako ay kakain pa lang kaya sabayan mo akong kumain. Kundi, magtatampo ako sa iyo."
Kumain kami at tuloy pa rin ang kuwentuhan tungkol sa trabaho niya. Nabanggit niya na galing probinsiya siya, at napadpad lamang sa lugar namin dahil sa kanyang kaibigan na ni-recruit siya upang magtrabaho. Panganay kasi siya sa limang magkakapatid at kailangang kumayod upang makatulong sa kahirapan ng pamilya.
Pagkatapos naming kumain at nasa sala na, nagtanong na siya kung ano ang gagawin niya.
Ngunit imbes na sagutin ko ang tanong niya, tinungo ko ang refrigerator at kumuha ng apat na bote ng beer, binuksan iyon at iniabot ang isa sa kanya. "Magpainit muna tayo"
Napangiti siya. At habang tinaggap ang beer na inabot ko, "Kailangan ba talagang uminum bago ang picture-taking?" tanong niya.
"Para mamula-mula ang mukha mo" biro ko. Actually, gusto ko lang namang mas makilala siya, makausap at magkagaanang-loob muna. Maganda kasing kahit papaano, may alam akong med'yo malalim-lalim sa pagkatao ng aking modelo. Malay ko, baka maidagdag ko pa sa kuwento ko ang mga karanasan, mga nararamdman, at laman ng pag-iisip niya.
"Ganoon ba iyon?" Biro niya. "A-ano nga pala ang kuwento na iyan na pagmomodelohan ko?"
"Tungkol ito sa isang taong masaklap ang karanasan sa pag-ibig. May katipang nanloko sa kanya, mayroong iniwan na lang siya ng basta, mayroon ding sinaktan siya ng pisikal..."
"Ang saklap naman..."
"Medyo. Drama din."
"Siya ba iyong sinabi mong karakter na ako, si Lester ba iyon?
"Hindi. Bale ikaw, bilang Lester, ang love interest niya."
"Ah... babae pala ang pinaka-bida ng kuwento?"
"Lalaki rin." Ang kaswal kong sagot, inobserbahan ang kanyang reaksyon.
Napatingin siya ng seryoso sa mukha ko, bakas sa kanyang mga mata ang pagkagulat. "P-paano nangyari???"
"M2M story ang kwento ko, Mar..."
At doon na siya nabilaukan sa beer na nainum niya. "G-ganoon ba? Akala ko lalaki at babae?"
Tahimik. Hindi ko kasi alam ang nasa isip niya; kung matakot ba siya at huwag nang tumuloy, o tanggapin pa rin niya ang pag-momodelo sa kuwento.
"S-sorry. Hindi ko nasabi agad sa iyo ha?" ang pagbasag ko sa katahimikan. "Akala ko kasi hindi malaking issue iyon sa iyo." Ang paliwanag ko.
"Hindi, hindi. O-ok lang sa akin, Aldred. Nagulat lang ako kasi... sino bang mag-aakalang M2M pala ang kuwento mo. Akala ko, ordinaryong lalaki-babae na love story lang iyan." Ang sambit niya. "Pero tamang-tama, hindi pa ako nakabasa ng M2M. Baka dito pa sa kuwento mo." Ang pagbawi din niya.
"Ibig sabihin ok lang sa iyo...? Papayag ka?"
"Wala namang mawawala sa akin, di ba? At sa kabilang banda, ibang karanasan din ito para sa akin; ang pagiging modelo at... sa isang M2M na kuwento pa!"
"Hindi ka naman mahihiya?"
"Hindi naman siguro. Trabaho lang ito. Bakit ako mahihiya?"
"Sabagay..."
"Ano ba ang papel ko talaga sa kuwento?"
"Nasa kabanata pa ako kung saan ang katipan niya ay nag-asawa, at ipinangako niya sa sariling hindi na siya iibig pa..."
"Awts ang sakit noon. Puwede malaman kung paano nangyari ito?"
"Buod lang muna. Magkasintahan sina Byron at Nathaniel or Nath. Magkakaklase kasi sila sa High School at doon sila na develop sa isa't-isa. Hanggang sa nag-college at gumarduate, hindi sila naghiwalay. Subalit nagkagirlfriend si Nath, si Liz. Lihim lang ito ni Nath ngunit dahil wala namang lihim na hindi mabubunyag, nalaman din ito ni Byron. Pinilit ni Byron na unawain si Nath. Mahal na mahal kasi niya ito. Ngunit mahal din naman Nath si Liz. Noong nabuntis ni Nath si Liz, napilitan siyang pakasalan ang huli. Sobrang drama ang tagpo nito sa araw ng kasal kasi, syempre, best man si Byron sa kasal. Sa gabi, habang nilasap ng bagong mag-asawa ang unang gabi ng pagniniig bilang mag-asawa, si Byron naman ay nasa may bakuran ng bahay, nagtanim ng isang puno na ayon sa kanya ay magsilbing isang bagay kung saan niya maipapalabas ang lahat ng sakit at sama ng loob. At dahil hindi naman sila naghiwalay, kasama pa si Byron sa bahay mismo ng mag-asawa, nagpanggap lamang sila na mag-pinsan. Noong isinilang ang baby nila ni Nath, ninong pa si Byron, at lalong naging masaya ang magasawa, na kabaligtaran naman sa naramdaman ni Byron na nagtiis. Ngunit hindi rin nagtagal ang set-up nilang iyon dahil isang araw noong umuwi ng maaga si Liz, nahuli silang may ginawa sa kuwarto pa mismo ng mag-asawa. Dahil dito, pinalayas ni Liz si Byron sa pamamahay nila at pinapili niya si Nath kung kanino siya sasama. Nagpaubaya si Byron kasi, una, kasal sina Nat at Liz, at pangalawa, may anak pa sila. Puro iyakan ang tagpo na ito. At sa pag-alis ni Byron sa kanila, pinutol din ng babae ang kahoy na itinanim ni Byron. Nai-kuwento kasi ito ni Byron kay Liz na may kinalaman ang punong iyon sa taong mahal niya ngunit hindi niya maaangkin ng buo..."
"Grabe... ang sakit!" sambit ni Marjun. "Parang gusto kong umiyak!"
"Sige umiyak ka..." biro ko.
"Tuloy muna ang kuwento" sabay tawa. "Excited ako. Ano ang sunod na nagyari?"
"Iyon ang pinakahuli at pinakamatinding karanasan niya sa pag-ibig. Kaya sa bago niyang buhay natutunan niyang huwag nang magmahal. Subalit sadyang mapaglaro ang tadhana. At kapag puso na ang tumibok, hindi mo mapigilan ito. Si Lester, at ikaw iyon..." sabay tingin ko sa kanya. "Mabait, gentleman, masipag, lumaking mahirap at sanay sa mabibigat na gawain. Magkasama sila sa trabaho. Asst. Manager si Byron habang janitor at hardinero naman si Lester. Si Lester ay walang kaalam-alam sa pagkatao ni Byron. Sa araw-araw na nakikita ni Byron si Lester na napakasipag, napakamatulungin at maalalahanin, nahulog ang loob ni Byron kay Lester. Pilit na pinigilan ni Byron ang sarili at huwag matukso. Ngunit sadyang malakas ang udyok ng kanyang puso. Kaya nagtanim muli siya ng kahoy sa maliit na hardin mismo ng kumpanya upang ito ang magpaalala sa kanya sa mga sakit na naranasan sa kamay ng pag-ibig at upang lakasan niya ang loob na labanan ang naramdaman. Ngunit aksidenteng naputol at napatay ni Lester ang itinanim niyang kahoy sa pag-aakalang isang ligaw na halaman lamang ito at nakakasira pa sa landscape ng hardin. Noong nalaman ni Byron na pinutol ni Lester ang tanim niya, kinabahan siya, sumagi sa isip na baka isang simbolismo ito; na ang taong lihim niyang minahal ay siya pang puputol sa kanyang kahoy na simbolo din ng kanyang pagpigil na mahalin ang mismong tao. Sinugod niya si Lester at pinagalitan, sinigawan, tinakot na sesantehin dahil sa kanyang ginawa. Hindi maintindihan ni Lester kung bakit ganoon kagalit sa kanya si Byron dahil lamang sa isang tanim. At sa sama ng loob, nagresign din si Lester. Ngunit bago umalis, pinalitan niya ang tanim ni Byron sa mismo ding lugar kung saan itinanim ni Byron ang naputol na puno. At sinabi niya kay Byron na para sa kanya ang tanim na iyon, kapalit ng tanim na aksidente niyang napatay. Lumipas ang dalawang taon, lumaki nga ang kahoy ni Lester. At noong dumalaw siya sa kanyang dating tinatrabahuhan, nagka-usap sila ni Byron at nanghingi naman ng tawad ang huli. At dahil interesado pa rin namang magtrabaho doon si Lester, ibinalik siya ni Byron sa kanyang dating puwesto. Ngunit... sa unang araw mismo ng pagsimula na naman ng trabaho ni Lester, pinutol at pinatay niya ang kahoy na itinanim niya para kay Byron..."
"Waahhh! Bakit niya pinutol??? At ano ang sunod na nangyari???" ang tanong ni Marjun na halatang excited sa kahahantungan ng kuwento.
"Sorry... kasi, hanggang d'yan pa lang ang naisulat ko. Hindi ko nga alam kung paano dugtungan ang kuwento eh."
"G-ganoon? Dapat happy ending iyan ha?. Ang ganda kasi. At kawawa si Byron." Ang sabi ni Marjun.
"Sana... sana... happy ending siya. Di ko pa alam talaga." ang sagot ko.
"Ngunit baka hindi ma-aprobahan ng gobyerno na ipalabas ang kuwento mo ah!"
"Bakit?"
"Syempre, maggalit ang DENR. Ilang kahoy na ang pinutol mo sa kuwento."
Tawanan.
"S-sandali. Paano ka ba nakagawa ng ganyang mga kuwento? Base ba iyan sa totoong karanasan o gawa-gawa mo lang?"
Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Tiningnan ko si Marjun. Naging seryoso ang aking mukha. Ewan, tinamaan ata ako sa tanong niyang iyon. Ramdam ko ang pangingilid ng aking luha. "B-base sa totoong karanasan ang mga iyan; isang refleksyon sa mga nagdaang masasakit na mga karanasan at ala-ala sa aking buhay. Sa kuwento ko, ako si Byron." Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng aking mga luha.
"Ay, sorry... sorry po..." ang malungkot din niyang sabi noong nakitang umiyak na ako.
Pinahid ko ang aking mga luha at binitiwan ang ngiting-hilaw. "O-ok lang Marjun. Kasi... at least di ba ang sabi nila na kapag na-unload mo ang iyong masasakit na dinadala sa isang tao, nakakatulong ito upang gumaan ang iyong pakiramdam. Ako kasi, walang mapagsabihan sa aking mga saloobin kaya dinadaan ko lang sa kuwento. Minsan, umiiyak ako habang tinitipa ang mga kataga dito at bumabalik-balik sa aking ala-ala ang mga masasakit na karanasan sa pammagitan ng aking karakter... Parang ako mismo ang nandoon sa kuwento, sariwang-sariwa muli ang mga kaganapan sa aking buhay."
"P-pasensya ka na. Hindi ko alam, mahirap pala ang pinagdaanan mo." Sabay lapit niya sa akin at mistula akong isang batang sinusuyo niya, hinahaplos ang likod.
"O-ok lang. Natuwa nga ako, nasabi ko sa iyo ito. Alam mo, sa iyo ko pa lang naranasang makapag-unload ng ganito. Kadalasan, ang computer ko lang ang nakakarinig sa aking mga hinanaing sa buhay, sa pamamagitan ng aking patitipa ng mga kuwento ko sa kanya."
"Alam mo Aldred, ngayon ko naramdamang ambait mo pala. K-kung babae ka lang sana... at kung ako lang si Lester at ikaw si Byron, liligawan na kita at hindi na pakawalan pa. Sana sa kuwento mo ay malaman ni Lester ang mga paghihirap ni Byron at mamahalin niya ito. Upang kahit sa kuwento man lang ay maranasan ni Byron ang lumigaya, ang mahalin ng wagas."
Napangiti naman ako. "Sana... At sana rin ikaw rin talaga si Lester."
Napangiti siya.
"Ikaw ba hindi pa nakaranas ng pagkabigo sa pag-ibig?" ang pagbaligtad ko sa tanong.
"Eh..." ang pag-atubili niya. "N-aranasan na rin. Kaya nga natamaan din ako sa kuwento kung saan ikinasal iyong kasintahan ni Byron sa iba kasi naramdaman ko ang sakit noong ikinasal din ang aking nobya. Sobrang sakit din noon. Siya ang first love ko. Sa kanya ko naranasan ang magmahal. Ngunit dahil sa wala akong pera, high school lang ang natapos, kaya tutol ang mga magulang niya sa akin at ipinakasal siya sa isang Amerikano. Nasa Amerika na siya ngayon at may dalawang anak. Para akong mababaliw noon. Halos magpakamatay na lang ako. Simula noon, parang takot na akong umibig pa..." ang malungkot din niyang sabi.
"Talaga? Pareho pala tayo. Mga bigo sa pag-ibig."
"Oo nga eh."
Tawanan.
"Hindi mo naman siya sinisi?" dugtong ko.
"Hindi naman. Ngayon ko napagtanto na hindi kami bagay. Parang nabulag din kasi siya sa pera ng Amerikano eh. Hinikayat ko siyang magtanan ngunit ayaw niya dahil magagalit daw ang tatay at nanay niya. Kesyo paano ko daw siya bubuhayin, ano ang ipapakain ko sa kanya at sa magiging mga anak namin... Ganoong mga tanong. Di ba ang importante lang naman kapag nagmahal ka, ay manindigan ka. Wala nang daming tanong kung paano, kung magkaano, kung ano... Dahil kung pareho ninyong mahal ang isa't-isa, ang pag-ibig na mismo ang kusang maghanap ng paraan upang malampasan ninyo ang lahat ng pagsubok."
Napahanga naman ako sa siabi niya. Tama nga naman. Ika nga, love will find a way... "Ang galing ng linya mo. Magamit nga iyan sa kuwento ko." Ang naisagot ko na lang.
Natawa siya. "Oo ba... Ibang bayad na naman iyan."
Tawanan.
"H-hindi mo ba siya na-miss?"
"Na-miss syempre. Pero dati na iyon. Tanggap ko nang hindi talaga kami para sa isa't-isa. Maaring ang taong nakatadhana para sa akin ay hindi pa dumarating. Lahat naman tayo ay may nakatadhana, di ba?"
"Hmmm... maaari." ang sagot ko. Hindi na kasi ako umasa na may nakatadhana pa para sa akin. Sa kalagayan ko bang isang bakla... "Pero alam mo, ang kaibahan sa sitwasyon natin ay kapag nakita mo na siya, pwede mo siyang pakasalan samantalang ako, kahit makita ko pa siya, hindi siya puwedeng maging akin talaga sa mata ng tao at mata ng Diyos... kasi wala namang same-s*x marriage sa Pinas eh. At labag daw ito sa batas ng Diyos. Kaya sa mga kagaya namin, makontento na lang kami sa pangarap. At ako, kagaya ni Byron, hindi na ako muling magmahal pa..."
"Oww?" ang expression niya. "Hindi naman din ako naniniwala sa kasal eh. Ang mas mahalaga ay pag-ibig. Kasi kung kasal man kayo ngunit sa bandang huli ay magkahiwalay din, ano ang silbe ng kasal? Pagmamahalan talaga ang importante. Kahit walang kasal basta panindigan ninyo ang inyong pagmamahalan, walang kahit na sino man ang maaaring magkapaghiwalay sa inyo."
"Sabagay..." ang sagot ko. "O sya... masyado na tayong madrama. Magsimula na tayong mag-shoot!" mungkahi ko.
Tawanan. "Sige-sige... at may trabaho pa ako bukas" ang sagot niya. Ewan, parang naramdaman kong masaya din siyang nakapag-unload sa akin.
"Ok... may angle tayong nakahubad pang-itaas ka, may angle tayong naka-brief ka, at may shoot tayong naka-casual ka. Tapos may shoot din tayong nasa kama ka, at may nakatayo sa isang gilid ng kuwarto. Tapos isang araw, sa beach naman tayo, naka swimming trunk ka, mayroon ding nasa tubig, may nasa buhanginan..."
"Ahh, hindi pala matatapos ito ngayon lang?"
"Hindi. Kasi gusto ko na sa bawat chapter na may highlight sa kuwento, may litrato ka doon. Start muna tayo sa nakahubad pang-itaas ka."
At hinubad na ni Marjun ang kanyang pang-itaas na damit.
Biglang naramdaman ko ang malakas na kalampag sa aking dibdib sa pagkakita ko sa hubad niyang pang-itaas na katawan. Matipuno ang kanyang dibdib at halatang halata ang mga muscles sa kanyang biceps. Mistulang inukit ng isang magaling sa iskultor ang kanyang hubog. At bagamat sunog ang kanyang balat, makinis ito.
Para akong natuyuan ng laway sa pagkakita ko sa napakagandang hugis ng kanyang takatawan. Napalunok ako ng laway.
[Itutuloy]