Kabanata 1
NAKATINGALA si Lyka sa kalangitan nang mapagtantong sobrang ganda ng araw ngayon. Hindi gaanong mainit at punong-puno ng mga asul na ulap ang kalangitan. Dagdag pa nito ang malamig na hangin na humahampas sa kanyang magandang mukha.
“Ma’am, ito na po ang juice ninyo,” ani ng kanilang kasambahay dala ang isang baso ng juice.
“Maraming salamat po. Ay teka lang po,” pigil niya nang tatalikod na sana ang ginang. “May mga chips po ba sa refrigerator natin? O kahit anong dry foods nalang? Gusto ko sanang mag-picnic ngayon sayang naman ang magandang araw.”
“May mga natira pa naman pong chips sa refrigerator Ma’am Lyka at may mga tirang sausage kanina at fried chicken. Mayroon pa ding sandwhich kasi hindi kumain ang Mommy at Daddy mo rito. May breakfast meeting raw sila.”
“Ganoon po ba?” Kagigising niya lang kasi. Nang lumabas siya sa kanyang kwarto ay nakita niya ang kasambahay kanina kaya nagpagawa siya ng juice. Pagkatapos at dumirito na siya sa veranda. Hindi man lang sinabi ng mga magulang kung saan magtutungo ang mga ito.
“Gusto niyo po ay ipaghahanda ko kayo?”
“No,” mabilis niyang wika. “Ako nalang po ang gagawa. Wala din naman akong gagawin buong araw, e.”
“Sige po, iiwan ko na po kayo.”
Ngumiti lang si Lyka bilang tugon sa kasambahay. Tiningnan niya ang hawak-hawak na juice at tinungga ito kalaunan. Nang maubos ay dumirtiso na siya sa kusina at kinuha ang picnic basket.
Binuksan niya ang refrigerator at nandoon nga ang mga chips. Napangiti siya at kumuha ng tatlo. May nakita rin siyang bottled juice at kumuha siya ng dalawa. Nagtungo siya sa komedor at nandoon ang marami pang pagkain. Naabutan niya ang ilang kasambahay na kumakain na.
“Kukuha lang po ako ng makakain ko sa picnic. Doon nalang din ako mag-aagahan,” aniya sa mga ito.
“Teka lang po Ma’am at kukuha ako ng tupperware para lagyan ninyo ng pagkain,” ani ng isang katulong.
“Naku umupo nalang po kayo riyan at ako na ang bahala sa aking sarili.” May apat silang kasambahay at tatlo lang silang kumakain. Ang isa na nautusan niya ng juice ay mukhang may ginagawa ito. Nagtungo siya sa hanging cabinet at kumuha ng mga malalagyan ng pagkain. “Kukuha lang ako, ha.”
“Damihan niyo po.”
“Hindi na marami akong dalang chips at mamimitas nalang ako ng hinog na bayabas at hilaw na manga sa likod ng mansyon.”
“May mga apple at orange po tayo, ayaw niyo po?”
“Nauumay na ako, e.” Gusto ni Lyka na maiba naman ang kanyang kakaining prutas. Matagal-tagal na rin siyang hindi nakakain ng bayabas at hilaw na manga. “May uyap po ba tayo?” Uyap ang tawag nila sa fermented na hipon na nilagyan ng asin at food color na pula.
“Oo, teka kukunin ko.” Tumayo si Manang Emily at kinuha nito ang uyap.
“Ito pa Ma’am, isama mo na rin itong pritong karne ng baboy masarap to,” wika ni Manang Raquel.
“Sige po.” Halos lahat na yata ng pagkain ay may kinuha si Lyka. Medyo masarap din naman kasi tingnan at sa tingin niya ay malutong ang balat.
Bumalik si Manang Emily at may dala na itong tupperware at may laman iyong maraming uyap. Hindi niya iyon mauubos pero inilagay niya nalang iyon sa basket. Nang maayos na ang lahat at umakyat siya sa kanyang silid at kinuha ang paboritong kumot. Iyon ang dinadala niya kapag nagpi-picnic siya.
Sa likod ng mansyon dumaan si Lyka. Unang niyang natanaw ang hitik sa bungang puno ng bayabas. Mabuti nalang at matangkad siya kaya naaabot niya ang mga hinog at malalaking chinese guava. Lima ang kanyang kinuha at nagtungo na siya sa mangahan. May mga trabahador siyang naabutan at bumati ang mga ito sa kanya.
“Magandang araw naman po sainyo. Kukuha sana ako ng dalawang manga upang aking kainin sa picnic.”
“Ako na po ang pipitas para sainyo, Ma’am.”
“Maraming salamat Mang Rener.”
Ngumiti si Mang Reney at pumitas nga ito ng dalawa. “Hindi na ito gaanong maasim Ma’am Lyka dahil malapit na ang mga itong mahinog. Balatan niyo nalang po dahil nag-spray kami ng pesticide kahapon.”
“Hala,” napaawang ang kanyang labi. “Nakalimutan ko pong magdala ng kutsilyo. Pwede po bang humiram ako sainyo? Idadaan ko nalang po dito o ibibigay ko mamaya sa asawa ninyong si Manang Raquel.”
“Sige po Ma’am.” Bahagyang tumalikod si Mang Rener sa kanya at nagtungo ito sa dalang basket na nakalapag lang sa ilalim ng puno ng manga. Kalaunan at bumalik ito dala ang maliit na kutsilyo.
“Mag-iingat po kayo Ma’am, ha. Matulis ang kutsilyo na iyan.”
“Opo,” ngumiti siya. “Aalis na po ako.” Kumaway si Lyka sa kanilang mga trabahador at kaagad nang nagtungo sa pabortiong lugar ng hascienda. Kaagad niyang natanaw ang nag-iisang puno ng balite. Sobrang laki niyon at nakatayo ito sa gitna ng hascienda. Sinadyang hindi iyon pinutol dahil sayang. Sobrang matanda na niyon. At hindi naman sila naniniwala sa mga engkanto. Pero naniniwala ang pamilya sa mga kaluluwa ng tao.
Nasa ilalim na siya ng puno ng balite nang maramdaman niya ang masarap na lamig ng hangin. Mas lalo itong pinapasarap ng mayayabong na dahon ng puno. Unang inayos ni Lyka ang kumot. Tinupi niya ito dahil masiyadong malaki. Nang handa na ay sinunod na niya ang mga pagkain.
“Ang sarap ng ganito,” aniya at naipikit ang kanyang mga mata. Sana dumating ang araw na may makakasama ako rito sa pag-picnic. Sana iyong mahal ko at mahal ako. Kinikilig niyang wika sa kanyang sarili. May mga manliligaw noon si Lyka ngunit kahit ni isa sa mga ito ay hindi niya sinagot. Ayaw niya pa kasi ng commitment. Ang gusto niya lang na mangyari ay magpakasaya at magpakasawa sa buhay. Marami pa siyang gustong gawin na mag-isa muna.
Ibinuka niya ang kanyang mga mata at tiningnan ang paligid. Sobrang napakapayapa. Natatanaw niya ang kanilang mga alagang hayop na malayang nakakalagad sa loob ng ransyo.
Wala na siyang sinayang na oras. Habang inilibang niya ang kanyang mga mata sa magandang paligid ay kumain na rin siya. Una niyang kinain ang kanin at mga ulam. Sarap na sarap siya sa kanyang ginagawang pagkain hanggang sa hindi niya namamalayang naubos niya na lahat ng ulam ngunit may marami pa siyang kanin. Inabot niya ang uyap at iyon ang ginawang ulam. Kahit na mayaman sina Lyka at hindi niya maitatangging kumakain siya ng mga ganoong pagkain. Mukhang malaking impluwensya kay Lyka ang kanyang Daddy na mahilig kumain ng mga ganoon.
Hindi pa siya nakakaramdam ng busog kaya tinuluyan na niya ang kanin hanggang sa maubos niya ito. Marami pang natirang uyap kaya sunod niyang nilantakan ang mangang hilaw at bayabas. Dahil diritso na niyang kakainin ang bayabas ay iyon na muna ang hiniwa ni Lyka. Nilagay niya iyon sa tupperware na may bagoong at sinunod niya ang manga. Naglalaway na siya at hindi makapaghintay. Tinapos niya ang pagbalat at hiniwa na ang mangasim-ngasim na manga. Kalaunan at masaya na siyang kumakain ulit!