"Yuelo, sa susunod na linggo ay bente-uno anyos ka na. Kapag tumapak ka sa lupa ay magkakaroon ka rin ng paa. Medyo masakit ang unang paglalakad ngunit ‘pag nakasanayan mo ito ay madali na lamang kumilos. Huwag mo nang itanong ang pakiramdam, basta’t nakamamangha ito. Ngunit hindi pa rin ako pabor na hanapin mo ang iyong ama doon," ang wika ni Seres, ang matalik na kaibigan ng kanyang pumanaw na ina. Si Seres na ang nag-alaga sa kanya buhat noong siya ay maulila.
"Pero napansin ko na wala naman sa atin ang umaakyat doon. Kahit ang iba ay umabot na ng 21 anyos ay nandito pa rin sila," ang tugon ni Yue. Sa paligid nila ay may mga batang sirenang naglalaro na pumupukaw sa kanyang pansin.
"Dahil mas mapanganib ang lupa kaysa dito sa karagatan. Mas masahol pa sa pating ang mga tao at mas malupit sila sa mga lamang-dagat na maaaring magdulot ng panganib sa ating mga sirena. Dati ay nagkaroon ako ng pagkakataong makatapak sa lupa at nagustuhan ako ng isang makisig na lalaki doon. Ngunit sa kasamaang palad, nang malaman niya ang totoo kong pagkatao ay natakot siya. Iniwasan niya ako, itinaboy at lumayo nang tuluyan sa akin.
"Akala ko kasi ay sapat na ang pag-ibig upang maunawaan ako ng isang tao ngunit mali pala. Dahil hindi maaaring baguhin ng pag-ibig ang katotohanan na ang tao at isang sirena ay hindi maaaring magsama. Gayon pa man ay naramdaman kong magmahal at mahalin kahit na sa sandaling panahon lamang. Sapat na iyon para mapangiti ako. Marahil, ito ang dahilan kaya hindi na ako nakapag-asawa pa.
Masyado akong nabigo at natakot magmahal muli," ang salaysay ni Seres.
"Magbuhat ba noon ay hindi ka na bumalik pa sa lupa?" tanong ni Yue sa kanya.
"Bumalik, kahit paano ay gusto ko pa rin makita ang lalaking nagmahal sa akin," ang wika niya habang nakangiti.
"Tapos? Anong nangyari?" tanong ni Yue na nakaramdam ng magkahalong pagtataka at lungkot. Hindi pa siya umiibig kaya't hindi niya maunawaan ang lahat.
"E ‘di nakita ko siya at nalaman ko na mayroon na siyang asawa at anak. Wala naman akong nagawa. Sa tingin ko ay masaya na rin siya kaya kahit paano ay masaya na rin ako," ang tugon niya na bagama’t nakangiti ay bakas sa mukha ang kakaibang lungkot.
Napatingin Yue sa kanyang ina-inahan at inakbayan niya ito. "Okay lang iyan. Nandito na naman ako," ang wika niya na pilit inaalis ang lungkot ng kausap.
Tahimik.
"Salamat, nakuha mo ang ugali ng iyong ama at ina. Noong mga panahong nabigo ako sa pag-ibig ang akala ko ay katapusan na ng mundo ngunit nandito silang dalawa para umalalay sa akin. Ang iyong ina ay hindi ako iniwanan at pinaramdam niya sa akin na hindi ako nag-iisa," ang pagbasag niya ng katahimikan.
"Ang aking ama? Ano ang itsura niya? Mabait ba siya? Masayahin?" tanong ni Yue. Ito ang mga bagay na nahihiya siyang itanong sa kanyang ina noong nabubuhay pa ito dahil tiyak na magdudulot lang ito ng kalungkutan dito.
"Ang iyong ama? Kamukhang-kamukha mo siya, pareho kayo ng buntot, kulay pilak at kumikinang kapag lumalangoy. Ang iyong ama ay tahimik lamang at hindi nakikisama sa mga sirenang kalahi. Parang may sariling mundo. Sa iyong ina nga lang ito madalas na nakikipag-usap."
"Ang buntot ng aking ama, bakit kaya ito kulay pilak?" nagtatakang tanong ulit ni Yue.
"Ang sabi nila ay espesyal daw ang iyong ama dahil ang kanilang lahi ay mula pa sa sinaunang sibol ng mga sirena. Mga sirenang ginagawang Diyos ang buwan kaya't kulay pilak ang kanilang mga buntot na kakulay ng liwanag ng buwan. Ang iyong ama ay umaahon sa karagatan tuwing gabi at sumasamba sa buwan. Pero kami lang ng iyong ina ang nakaka alam nito," ang wika ni Seres, mga bagay na ngayon lamang nalaman ni Yue.
"Saan siya umaangat para sumamba sa buwan? Kaya naman pala kakaiba ako dahil kakaiba rin ang aking ama," ang wika ni Yue.
"Doon sa isang maliit na isla na kung tawagin ay Karikit. Doon siya nagtutungo para tumingala at magdasal sa buwan. Oo nga't kakaiba ang iyong ama ngunit napakaguwapo niya at hindi matatawaran ang kanyang pisikal na anyo. Parang ikaw, gwapo ka at napakaganda mong lalaki," ang tugon ni Seres.
"Talaga bang kamukha ko ang aking ama?" tanong ulit ni Yue.
"Oo, para kayong pinagbiyak na bunga noong kabataan niya. Alam mo naman, tayong mga sirena ay parang tao rin. Tumatanda rin tayo at hindi ganoon kahaba ang itinatagal ng ating mga buhay," ang dagdag pa ni Seres.
Napaisip si Yue at mabilis niyang kinuha ang kanyang salamin at humarap dito. Pinagmasdan niya ang kanyang guwapong mukha sa salamin at saka ngumiti. Sa ganitong paraan, habang pinagmamasdan niya ang kanyang sarili ay para na rin niyang nasisilayan ang kanyang ama. Matagal nang wala ito at hindi niya ito nakita simula noong siya ay ipanganak. Gayon pa man ay umaasa siya na isang araw ay magtatagpo silang dalawa, kapag ito ay itinakda na ng tadhana.
"Kapag humaharap ka sa salamin ay para mo na ring nakita ang iyong ama dahil magkawangis kayong dalawa," ang kaswal na wika ni Seres.
Hindi maalis ang ngiti ni Yue habang nakatingin sa salamin. At habang nasa ganoong posisyon silang dalawa ay tila may narinig silang nagkakagulo at nagsisigawan sa labas. Mabilis silang lumabas ng kanilang kuwebang tahanan at dito nga ay tila nagulat sila dahil ang paligid ay nangingitim, ang tubig ay may halong kakaibang kemikal na masakit sa mata sa balat.
"LASON! May lasong humalo sa tubig!!" ang sigaw ng mga sirena sa paligid habang mabilis na lumalangoy papalayo sa Liquara.
Nagkakagulo na! Ang lahat ay natatakot, natataranta, at hindi malaman kung ano ang kanilang mga gagawin. Ang lason na kumalat sa tubig ay isang kemikal na maaaring nagmula sa isang oil tanker. Kakaiba ang isang ito dahil masyadong matapang at mabilis na nagkamatayan ang mga lamang dagat sa paligid katulad ng mga isda, mga halaman, korales at iba pa. Sa tapang ng kemikal ay madali nitong napatay ang mga balyena at ang mga pating sa paligid.
Ang mga sirena ay lalo pang nagkagulo. Ang ilan sa kanila ay namatay at napinsala nang husto. Ang kanilang mga balat at kaliskis ay nalusaw at nasunog.
"Umalis na tayo dito!" ang sigaw ni Yue sabay hila sa kanyang ina-inahan. Dahil mabilis na lumangoy si Yue ay madali siyang nakapuslit at nakarating sa bahaging hindi kontaminado ng kemikal bagama’t nasunog nang kaunti ang palikpik nilang dalawa.
Nakarating na rin dito kanilang mga kalahi. Ang iba ay sugatan, ang iba naman ay napinsala nang husto ang buong katawan. Noong makarating sila sa sariwang bahagi ng tubig ay pinagmasdan nila ang pagkasira ng Liquara. Halos ilang taon na silang nakatira sa lugar na ito. Ngayon lamang nangyari ang ganitong trahedya.
Maraming mga sirena ang namatay. Marami ring lamang dagat ang napinsala ng husto. Lumutang ang libo-libong mga isda. Ilang mga balyena ang sumadsad sa pampang ng mga karagatan dahil sa pagkalason.
Sa ibabaw ng lupa ay naging laman ng mga balita ang nangyaring pagkalat ng nakalalasong langis sa malaking bahagi ng karagatan. Ikinabahala ng gobyerno ang nangyari at ang magiging epekto ng oil spill sa karagatan at sa mga nabubuhay sa ilalim nito.
Samantala, sa ilalim ng dagat ay patuloy na binabalot naman ng lungkot at ligalig ang mga sirena. Marami sa kanilang mga kalahi ang pumanaw nang walang kalaban-laban. At marami rin sa mga nakaligtas ang napinsala nang husto.
Dahil wala silang pamimilian ay kailangan nilang lumipat ng lugar upang may matirhan sila. Doon sa bahagi ng karagatan na malayo sa kemikal at malayo sa mga taong papatay sa kanila nang unti-unti.
"Iyan ang sinasabi ng mga matatandang sirena, magdadala ng kamalasan si Yuelo sa ating lahi! Totoong may dalang kamalasan ang sanggol na ipinanganak sa ilalim ng liwanag ng buwan!" ang wika ng mga sirenang isinisisi kay Yue ang trahedyang naganap sa kanilang lahi.
"Teka hindi naman yata tama na isisi natin kay Yuelo ang trahedyang ito. Halos dalawampung taon na dito sa atin si Yuelo, wala namang nangyayaring masama, ‘di ba? Baka nagkataon lang ang trahedyang ito," ang pagtatanggol naman ni Seres.
"Basta malas iyan, tingnan mo nga ang buntot niya, kaiba sa atin! At isa pa ay bakit ba kasi inampon mo pa iyan Seres? Nagpalaki ka ng malas!" ang panininisi nila.
Niyakap ni Seres si Yue. "Walang kasalanan ni Yuelo dito. Huwag n’yong isisi sa kanya ang nangyari. Ito ay gawa ng mga tao. Tiyak kong ang kemikal na kumalat at pumatay sa Liquara ay ang produkto ng kanilang katalinuhan. Maniwala kayo sa akin dahil dati na akong tumapak sa lupa at naroon ang malalaking mga gusali ng mga kemikal na nakakasira ng kalikasan. Walang kinalaman si Yue sa pangyayaring ito."
"Ah basta! Tiyak kong simula pa lamang ito ng ating kamalasan!" ang sagot nila na hindi halos maitago ang matinding galit.
"Oo tama, mawalak ang karagatan, ‘di ba? Pero sa atin tumama ang lason! Iyon ay dahil nasa atin ang malas at si Yuelo iyon!" ang sigaw ng isang merman.
Noong mga sandaling iyon ay maraming naniwala na si Yue nga ang may kasalanan ng trahedyang naganap sa kanilang tahanan dahil bata pa lamang ay nakakabit na sa kanya ang salitang "malas" at kahit masakit ay wala siyang magawa upang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Ang nilipatang bagong tahanan ng mga sirena ay sa isang malalim at tagong parte ng karagatan. Dito sila magsisimula ng panibagong buhay ngunit ang trahedya ng kahapon ay hindi pa rin nila malilimot lalo't marami pa ring mga sirena ang may pinsala at hindi pa gumagaling.
Ang kanilang bagong tirahan ay tinawag nilang "Tsunaria", na ang ibig sabihin ay "Payapang Alon". Nilagyan nila ito ng espesyal na barrier upang maitago ang kanilang lahi mula sa labas ng karagatan.
Ayaw na sanang patirahin ng mga sirena dito si Yue ngunit alang-alang sa pakiusap ni Seres ay pumayag sila na muling kupkupin ang tinatawag nilang malas ngunit ang kundisyon sa kanyang pananatili dito ay magsisimula pa lamang.
At ang kondisyon na iyon ang babago sa takbo ng buhay ni Yue. Dito magsisimula ang kakaibang misyon na hindi niya matatakasan.