Part 3: The Silver Moon

1665 Words
Payapa ang gabing iyon. Ang karagatan ay maliwanag dahil tumatama rito ang sinag ng buwan. Isang ordinaryong gabi ito kung kailan ang mga mangingisda ay abala sa paghila ng mga lambat na may huling mga isda. "Hilahin ninyong mabuti! Mukhang maganda ang huli natin ngayon! Tiyak na maraming pera ang katumbas nito!" sigaw nila habang namamangha sa dami ng mga isdang nasa lambat. Habang abala sa kanilang ginagawa ay may Nakita silang isang kakaibang bagay na lumalangoy sa ibabaw ng tubig. Kapansin-pansin ang buntot nito na nagliliwanag, kulay pilak at mabilis na lumalangoy sa paligid ng kanilang bangka. Noong una ay namamangha sila dahil talagang kakaiba ang bagay na lumalangoy na iyon. Sa kada pagkilos nito ay kitang-kita ang kislap ng mga kaliskis lalo na kapag natatamaan ito ng liwanag ng buwan. Dahil sa tindi ng pagkamangha ay hindi na nakapagpigil ang pinuno ng mga mangingisda. Agad niyang kinuha ang isang matulis at matalim na sibat at buong lakas niya itong inihagis sa bagay na lumalangoy na iyon. Sapul ito! Tinamaan ng sibat ang buntot nito dahilan para umangat ito sa tubig. Inakala nila na ito ay isang simpleng balyena o pating lamang. Ngunit laking gulat nila nang makitang ito ay may katawan ng tao at may buntot ng isda! Lahat sila ay nabigla sa nakita ng kanilang mga mata! "Isang sirena! Hulihin n’yo!" ang sigaw ng pinuno. Mabilis siyang kumuha ng isang dinamita sa kaniyang kagamitan at agad nitong sinindihan! Walang pagdadalawang-isip niyang itinapon ang dinamita sa kinalalagyan ng sirena at nang sumabog ito ay nakita nila kung paano magdugo ang katawan nito. Umiyak ang sirena. Kakaiba ang tunog na pinakawalan nito dahilan para magtaka sila at kilabutan. NangMerwing ang kanilang mga buhok sa katawan. Lahat sila ay hindi makapaniwala sa kanilang nasaksihan! "Sir, bakit sinaktan mo ang sirena? Malas iyon!" ang natatakot na wika ng isang mangingisda. "Bakit? Wala akong pakialam kung malas ito! Alam mo ba kung gaano kamahal ang kaliskis ng sirena? Mas mahal pa ito sa mga buhay ninyo, mga tanga!" ang sigaw ng kanilang pinuno. "Pero pinuno, alam mo na ba ang sabi sa alamat? Sinasabi nila na kapag umiyak ang sirena ay magagalit ang karagatan! Ang iyak nila ay magdadala ng delubyo, lalo na ang mga sirenang kulay pilak ang buntot na katulad sa kulay ng buwan!" "Huwag kayong maniniwala doon! Kunin n’yo ang mga dinamita! Pasabugin n’yo ang tubig! Tiyak na mayroong mga kasama ang sirenang iyan!" ang sigaw ng pinuno at muling kumuha ng dalawa pang dinamita at saka inihagis sa tubig. Noong sumabog ito ay muli na namang umiyak ang sirena at kasabay nito ang pagtigil ng alon sa karagatan. Tumahimik ang buong paligid. Ang lahat sa bangka ay nagtaka dahil ang karagatan ay nawalan ng alon. Hindi na ito kumikilos at parang isang patay na tubig na lamang. Maya-maya ay nagsimula nang magdilim ang kalangitan at nagsimulang dumagundong ang mabagsik na kulog at kumislap ang mga matatalim na kidlat sa paligid! "Eto na nga ang sinasabi ko, ang iyak ng sirena ay magdadala ng delubyo! Dapat ay hindi n’yo sinaktan!" ang sigaw ng isang mangingisda. Halos atakihin na ito sa takot. Pero gayon pa man ay hindi pa rin natinag ang pinuno ng mga mangingisda. Desidido siya na mahuli ang sirena kaya't sa halip na matakot sa matatalim na kidlat na bumabagsak sa paligid ay mas tumaas pa ang pagnanais niyang mahuli ang sirenang nakita kanina. Lahat ng dinamita sa barko ay sinindihan niya at itinapon sa karagatan. Sumasabog ang karagatan, namamatay ang mga isda sa ilalim nito. Ang mga korales ay nawawasak na rin at halos nagdudulot ito ng malalang pinsala sa mga parteng tinatamaan. Maya-maya ay nagsimula na ring bumuhos ang malakas na ulan. Ang malakas na hangin ay umiihip sa iba't ibang direksyon at ang alon ay nagsimula na ring tumaas! Ang kaninang payapang karagatan, ngayon ay nagagalit, nagngingitngit at humahagupit! Ang bangkang kanilang sinasakyan ay tumatagilid na at unti-unting nawawasak at pinapasok ng tubig! Isang malakas na iyak pa ang kanilang narinig at ang tubig ay kusang tumaas nang tumaas. Halos naging dambuhala na ang alon hanggang sa maging tsunami na ito. Tama nga ang sinasabi sa alamat, ang iyak ng sirena ay magdadala ng delubyo at kamalasan para sa lahat. Ilang saglit pa ay nilamon ng mataas na alon ang bangkang sinasakyan ng mga mangingisda at ang lahat ay kinakain ng higanteng alon. Walang itinira sa kanila ni isa dahil ang lahat ay parang mga bulang nawala sa malawak na dagat. Samanatala, sa islang pinagmulan ng mga mangingisda ay kitang-kita ng lahat kung paano umurong ang tubig sa pampang kasabay nito ang malalang pagkulog at pagkidlat. Ang kanilang payapang paligid ay nagbago sa isang iglap. At lalo pa silang nagimbal nang makita ang isang dambuhalang alon na paparating sa kanilang isla! Ito ang sumpang hatid ng mga sirena. Ang kasalanan ng isa ay pagbabayaran ng lahat. Galit na galit na ang karagatan gayon din ang buong kalangitan. Habang lumilipas ang segundo ay mas lalo pang tumaas ang alon! Yumayanig sa buong paligid at ang mga lupa ay unti-unting nagigiba. Nagsisigawan sa takot ang mga tao sa paligid at kanya-kanya sila ng paraan upang makaligtas sa delubyong paparating! Nang mga sandaling iyon ay kinain ng isang malaking daluhong ng tubig at tsunami ang buong isla ng mga mangingisda. Ang lahat ng mga kabahayan dito ay nawasak at nasira. Maraming nalunod at nadamay sa kasamaan at kasakiman ng kanilang mga kasamahan. Ang payapang gabi ay nauwi sa isang bangungot na kailanman ay hindi malilimot ng mga taong nakaligtas mula sa tiyak na kamatayan. Makalipas ang ilang oras ay huminto ang bagyo. Naging payapa ang karagatan at muling nagpakita ang kulay pilak at bilog na buwan. Kasabay nito ang pag-ahon ng isang duguang sirena sa isang maliit na isla. Hinang-hina ang kanyang katawan dahil sa pinsalang kanyang natamo. Ang sirenang ito ay si Yuelo. Ang ibig sabihin ng pangalang Yuelo ay "buwan". Ang kanyang buntot ay kulay pilak kagaya sa liwanag ng buwan. Naupo si Yuelo sa mga batuhan, sa puwesto kung saan tinatamaan ng liwanag ng buwan ang kanyang pilak na buntot. At habang tumatama ang sinag ng buwan dito ay unti-unting naghihilom ang kanyang mga napinsalang kaliskis at balat. Ang kanyang mga napunit na palikpik ay unti-unting nabuo hanggang muling maging maayos ang kondisyon ng kanyang buntot. Samakatuwid, ang liwanag ng buwan ay may kakayahang pagalingin ang mga pinsala at sugat sa kanyang katawan. Nagsisisi si Yue sa kanyang ginawang pagpapalubog sa mga mangingisda at gayon din ng kanilang buong isla. Ngunit sumusobra na ang mga mangingisdang ito dahil wala silang patid sa pang-aabuso sa karagatan. Kadalasan ay gumagamit sila ng mga pampasabog at dinamita upang makahuli ng maraming isla ngunit nagreresulta ito ng pagkasira ng karagatan. Nawawasak ang kanilang mga tahanan at maraming mga korales ang nasasayang. Ganoon din, ang mga maliliit na isda ay nadadamay at namamatay dahil sa mga pagsabog na umaabot sa ilalim ng karagatan. Kanina ay binalak lamang niyang takutin ang mga ito para umalis na. Ngunit hindi niya akalaing sisibatin siya at mapupuruhan nang husto. Ilang beses din siyang hinagisan at pinasabugan ng dinamita at napinsala nang sobra ang kaniyang katawan. Ngayon, paano sasabihin na siya ay masama o malas na nilalang kung ginagawa lamang niya ang tama? Nangako si Yue sa kanyang sarili na pangangalagaan ang kanilang tahanan katulad ng ipinangako niya sa kanyang ama. Lalo't ang kanyang mga kalahi ay unti-unting nauubos dahil sa pang-aabuso ng mga tao. Tahimik. Panandaliang nagpahinga si Yue. Hinahangin ang kanyang malambot na buhok at ang kanyang mga mata ay nakatunghay lamang sa payapang karagatan. Nang makatiyak na maayos na ang kanyang kalagayan ay huminga siya nang malalim at muling sumisid sa karagatan. Nagliliwanag ang kanyang pilak na buntot habang lumalangoy. Mabilis ang kanyang ginagawang pag-usad, parang isang magandang guhit ng liwanag sa karagatan kung ito’y pagmamasdan. Dinaanan niya ang lahat ng mga magagandang bagay na matatagpuan sa karagatan katulad ng mga lumubog na malalaking barko, mga rebulto at estatwa ng mga tao. Dumaan din siya sa mga lumalangoy na balyena at sa mga nagliliwanag na jelly fish! Ngunit ang lahat ng kanyang kasiyahan ay napalitan ng lungkot nang madaanan din niya ang mga namatay na isda dahil sa sunod-sunod na pagsabog ng mga dinamita kanina lang. Ang bahagi ng karagatan kung saan itinapon ang mga pasabog ay lubhang napinsala at naapektuhan hindi lang ang lugar kundi maging ang mga naninirahan dito. Saglit siyang napahinto at pinagmasdan ang paligid. Sa gitna ng awa niya sa mga namatay na isda ay unti unting lumalim ang poot niya sa kasamaan ng mga taong patuloy na nang-aabuso at sumisira sa karagatan. Makalipas ang ilang sandali ay muli siyang umikot at ipinagpatuloy ang paglangoy hanggang sa makarating siya sa kanilang tahanan. Ang lugar kung saan nabubuhay ang mga sirena nang payapa sa loob ng maraming mga taon. Sa kailaliman ng karagatan ay makikita ang isang espesyal na tahanan ng mga sirena at ito ay tinatawag na "Liquara", isang nakatagong parte ng asul na tubig kaya't hindi agad ito nakikita ng mga ordinaryong mangingisda o ng mga maninisid. Ang mga lahing sirena ay payapang naninirahan at namumuhay sa parteng ito ng karagatan hanggang sa sumapit ang hindi inaasahang pangyayari na babago sa kanilang tahimik at payapang paniniwala. Pagpasok niya sa tarangkahan ng kanilang tahanan ay agad siyang sinalubong ng mga kapwa merman. Tinalian ng mga ito ang kanyang mga kamay at saka inilagay ito sa kanyang likuran. "Yuelo, arestado ka sa salang pakikialam sa mga mangingisda sa ibabaw ng karagatan. Isang malaking kaparusahan din ang ginawa mong pagpapalubog sa buong isla nila. Kami ay nautusan upang iharap ka sa mga matatandang sirenang gabay. Tiyak na ikaw ay parurusahan nang malupit dahil sa hindi mo pagsunod sa kanilang utos!" ang wika ng mga ito. Noong mga sandaling iyon ay walang nagawa si Yue kundi ang sumama sa mga ito. Tila nakalimutan niya na ipinagbabawal para sa mga sirena ang umakyat sa ibabaw ng karagatan lalo't nalalagay sa bingit ng panganib ang kanilang lahi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD