HANGGANG sa mga sandaling iyon, mula nang makabalik sila mula sa crime scene kung saan natagpuan ang bangkay ng kidnap victim. Hindi pa rin mawala sa isipan ni Musika ang kalunos-lunos na sinapit ng kinse anyos na babae. Nakatali ang mga kamay sa likod, may tali sa bibig at piring sa mga mata, walang saplot at duguan ang ulo dahil sa tama ng baril.
A nightmare from her past is slowly coming back. A familiar anger is starting to cover her heart. Muling nag-replay sa kanyang isipan ang isang malagim na pangyayaring nagbago sa kanya at pananaw niya sa buhay.
Nang sandaling iyon, habang nagmi-meeting sa conference room. Hindi nakikisali sa usapan si Musika. Sa halip ay tahimik lang siyang nakikinig at nakatitig sa itim na forty-five calibre niyang nakapatong sa ibabaw ng mesa habang pinaglalaruan ang isang lapis sa kamay niya.
“Nakausap na namin ang mga magulang ng biktima, Sir. Sabi nila, kagabi daw nakipagkita sila sa mga kidnappers ayon sa sinabi nitong lugar at oras. Pero noong nandoon na sa sinabing lugar. Nakatunog ang mga kidnappers na may pulis sa paligid. Mabilis tumakas ang mga suspects at dala pa rin ang biktima,” paliwanag ni Ric.
“Sinabi mo may mga pulis na kasama ang mga magulang, hindi nila nahabol o nakilala ang suspect?”
“Sabi ng nakausap ko kanina, mabilis daw ang mga suspect. Sinubukan nilang habulin pero natakasan pa rin sila.” sagot ni Ric.
“Sa tingin ko, Sir. Dahil sa galit ng mga kidnappers na nagsumbong ang mga magulang ng bata kaya ni-rape at pinatay ng mga ito ang biktima para makaganti,” sabi naman ni Edward.
Narinig ni Musika na napalatak ang Director nila at malalim na bumuntong-hininga. Kasabay niyon ay ang malakas na pagtunog ng lapis na hawak niya. Noon lang napansin ng dalaga na nabali na pala niya iyon.
“Oh brad, relax lang,” paalala ni Ric.
Salubong ang dalawang kilay na lumingon siya sa mga kasama.
“Ano na ang latest update sa kinaroroonan ng mga kidnappers?” sa halip ay tanong din niya.
“May dalawang witness kaming nakausap, mag-asawa. Kagabi daw bandang pasado alas-onse na ng gabi, habang sakay daw sila ng pinapasadang tricycle. Habang nagbababa ng pasahero sa di kalayuan, napansin daw nila ‘yong isang kulay puti na kotseng pumarada doon sa bakanteng lote kung saan natagpuan ang biktima. May bumabang dalawang lalaki, mula daw doon sa compartment, may malaking bagay daw na nilabas ang mga ito at tinapon sa damuhan. Hindi naman daw nila pinansin dahil minsan daw talaga ay tinatapunan ng basura ang mga iyon. Hanggang sa kanina nga nabalitaan nila na may natagpuan na patay doon,” paliwanag naman ni Edward.
“Hindi ba nila nakilala o nakita ang mukha ng suspects?”
“Hindi daw, Sir. Bukod sa gabi na nga ng oras na iyon, madilim daw talaga doon sa lugar na iyon.”
Their director sighed in deep frustration.
“Plate number? Nakita ba nila ang plate number ng mga kotse?” tanong ng director nila.
Binasa ni Ric ang plate number ng kotse ng mga suspect. “Kasama ‘yan sa impormasyon na sinabi ng mag-asawang witness. Pinahanap na po namin kung kanino naka-rehistro ang kotse.”
Mayamaya ay may tumunog na message alert tone ng cellphone nito. Binasa ni Ric ang message.
“Ah Sir, eto na pala! Twenty-eighteen Mitsubishi RVR, reported stolen in Fort Bonifacio Global City three months ago,” sabi pa nito.
“And may good news, Sir! Kasama sa report na pinasa nila ang artist sketch ng carnaper. Nakilala ng may-ari ng sasakyan iyong carnaper dahil matapos daw tumunog ang alarm ng sasakyan ay nakalabas agad siya. Sakto naman na papasok na ng sasakyan ang suspect at lumingon pa daw sa kanya kaya nagawa niyang i-describe kung anong itsura.”
Tumango-tango ito.
“Nasaan na ang artist sketch?”
May pinindot sa keyboard ng laptop si Ric na naka-konekta sa white screen projector. Lumabas doon ang artist sketch ng suspect na nang-carnap ng sasakyan na siyang ginamit sa pagtapon bangkay ng biktima.
Nanlaki ang mga mata ni Musika. Literal na nanindig ang balahibo niya sa buong katawan at tila nanlaki ang ulo sa nakita. That man. Hindi niya makakalimutan ang mukha nito sa kabila ng maraming taon na lumipas. Nagka-edad lang ito pero bukod doon ay wala na itong pinagbago.
Nakita nila sa impormasyon sa ibaba ng artist sketch ang record ng suspect. Patong-patong na kidnapping, rape, at kung anu-ano pa. Nakulong ng labing pitong taon at nabigyan ng parole noong nakaraan taon kaya nakalaya. Makahulugang tumingin ang director sa kanya. Naroon sa mga mata nito ang simpatya. Then, he mouthed.
“I’m sorry.”
Ilang sandali pa muna ang pinalipas nito bago muling tinuon ang atensiyon sa meeting nila.
“Si Gregorio Ignacio,” sabi nito sabay turo sa artist sketch. “If we will base our case on his records. Then, we have a suspect.”
Tumingin sa kanila ang director.
“Ric, puntahan mo ang magulang ng biktima. Nakaharap nila ang mga kidnappers, tiyak na makikilala nila ang mga ito para malaman agad kung tama ang hinala natin. Team, search all areas near the crime scene! Kailangan mahanap natin ang pinagtataguan ng mga hayop na ‘to! Siguradong kikilos ang mga ito dahil hindi nila nakuha ang pera na target nila sa mga magulang ng biktima. Edward, contact PNP. I want a manhunt search for these assholes,” mariin at may bahid ng galit na
utos ng director nila.
“Yes Sir!”
Mabilis na tumayo si Musika at dinampot ang baril saka walang kibong lumabas ng conference room. Imbes na lumabas ng headquarters ay kumaliwa siya sa hallway.
“Ma’am Ikah! S-Saan ka pupunta? Partner!” nagtatakang tawag ni Edward.
Pero hindi niya iyon pinansin at dere-deretsong lumakad. Pagdating sa firing range, agad niyang sinuot ang ear muffs pagkatapos ay mabilis na kinasa ang baril. Laman ng kanyang isip ang mukha ng suspect, sunod-sunod na pinaputok ang baril. Nang maubos ang laman bala ng magazine. Agad niyang kinuha ang isa pang reserba niya at kinabit sa baril bago muling pinaputok iyon sa target. At sa bawat balang lumalabas mula sa baril niya ay kasabay ang pag-alingawngaw ng tinig na buong buhay niyang hindi makakalimutan.
“Maawa po kayo! Huwag po! Tulungan n’yo ko! Mommy! Tulungan mo ako! Tama na! Maawa po kayo!”
Humigpit ang hawak ni Musika sa baril at sa pag-alingawngaw ng putol na armas niyang hawak ay kasabay din ng pag-alingawngaw ng malakas niyang sigaw. At hindi na namalayan ng dalaga ang luhang umagos mula sa kanyang mga mata. Nang maubos ulit ang bala sa magazine niya ay saka lang binaba nito ang baril at may pinindot na button at kusang gumalaw ang kinakabitan ng paper target na may naka-print na korteng tao simula ulo hanggang dibdib.
Tinitigan mabuti ni Musika ang hawak na paper target. Lahat ng balang pinakawalan niya mula sa baril ay tumama sa iisang parte. Sa ulo. Kasunod niyon ay mariin niyang nilamukos ang papel.
FOUR DAYS LATER…
“Ma’am, ayos ka lang ba?”
Napalingon si Musika sa katabing mesa kung saan naroon si Edward. Kasalukuyan silang na sa loob ng opisina ng NBI Headquarters.
He is looking at her with compassion. Bakas sa mukha ang pag-alaala mula dito kahit hindi magsalita. Isang matipid na tango lang ang sinagot niya na hindi ngumingiti, pagkatapos ay agad siyang bumawi ng tingin.
“I want you to know that I respect whatever you are going through right now. Pero gusto ko lang din malaman mo na nandito lang ako. Puwede mo akong kausapin ano man oras. I want to be your friend. I want to be there with you in every moment of your life, good or bad. Hindi ko rin alam kung bakit, basta ang alam ko gusto kong makita kang masaya,” sabi nito saka kinuha ang kamay niya at marahan pinisil iyon.
May mainit na pakiramdam ang humaplos sa kanyang puso matapos marinig ang sinabi ni Edward. Pinigilan niyang umiyak muli sa harapan nito. At ang kamay niyang hawak nito, hindi maintindihan ni Musika kung bakit hindi niya magawang bawiin iyon.
“Ano bang pinagsasabi mo diyan?” sa halip ay sagot niya.
“Wala lang, napansin ko kasi, simula nang hawakan natin itong kidnapping & murder case. Madalas ay tahimik ka at parang ang lalim ng iniisip mo.”
“I’m okay,” matipid na sagot niya na hindi pa rin binabawi ang kamay mula sa pagkakahawak ni Edward.
Magsisinungaling si Musika sa sarili kapag sinabing hindi niya gusto ang pakiramdam na hawak nito ang kanyang kamay. Mayamaya ay muli siyang lumingon sa binata.
“Edward?”
Lumingon ito sa kanya.
“Thank you for your concern, I appreciate it.”
Tila may sumipa nang malakas sa kanyang dibdib matapos siyang biglang nito ng magandang ngiti at marahan tumango.
“No worries, anything for you.”
Ngumiti siya ulit saka binawi na ang kamay mula dito. Gabi na nang mga sandaling iyon, wala naman na silang tawag na natatanggap kaya nagdesisyon na siyang umuwi.
“Saan ka uuwi? Sa condo?”
Umiling si Musika. “Sa bahay namin.”
Hindi sigurado ang dalaga pero tila napansin niya ang pagkadismaya sa mukha nito. Nasa parking area na siya at pasakay sa kotse nang muling tawagin ni Edward.
“Ah I-Ikah?”
Tumalon ang puso ni Musika nang marinig na tinawag siya ng binata sa pangalan lang at walang “Ma’am” sa unahan. Mas gusto niya iyon. Mas masarap sa pandinig niya kung paano nito sambitin ang kanyang pangalan. Tila gusto niyang marinig iyon ng paulit-ulit.
“Yes?”
“Sa day off natin, okay lang ba na… ano… ah?”
“Ano?”
“Ah, lumabas naman tayo. Like, kain sa labas, nood ng sine, pasyal.”
Saglit siyang natigilan saka napaisip. Mayamaya ay napangiti at napailing na lang siya.
“Ah… parang date?”
Nahihiyang ngumiti ang binata saka napakamot sa batok. “Parang ganoon na nga.”
“Are you asking me out?” tanong pa ulit niya.
“Oo, wala naman sigurong magagalit no?”
Dati kapag may nagyayaya sa kanyang makipag-date agad niya itong tinatanggihan kasunod ng hayagang pangba-basted. Isipin pa lang ng dalaga noon
na may manliligaw o dumidiskarte sa kanya ay naiirita na siya. But with Edward, it’s different. Hindi na siya teenager, alam ni Musika na hindi friendly date ang ibig sabihin ni Edward. Hindi niya maintindihan pero lihim siyang nakaramdam ng excitement. It’s been a while since she went out on a date. Hindi naman siguro masama kung hindi na niya iyon ipagkakait sa sarili. After all, Edward is not a stranger to her anymore.
“Okay,” sagot niya.
Napamulagat ito. “O-Okay? Talaga?”
“Oo nga!”
Hindi napigilan ni Musika na mapangiti muli nang tumalikod ito at sunod na narinig niya ay ang mahinang pag-yes nito. Nasa ganoon silang tagpo nang marinig niya ang ring ng kanyang cellphone. Agad iyon sinagot ng dalaga nang makita na ang kanyang informant ang tumatawag.
“Oh Jepoy, anong balita?” bungad niya.
“Madam, good news! Nakita ko na hide out nang pinapahanap mo! Na-tyempuhan ko na may kinidnap silang isang babae ulit kaya nasundan ko sila.”
Napalis ang ngiti niya at agad nagsalubong ang kilay.
“Saan?”
“Ite-text ko sa’yo ang address. Nandito ako ngayon.”
“Sigurado ka ba diyan sa impormasyon mo?”
“One hundred and twenty percent sure, boss!”
“O sige, magtago ka ng mabuti at mag-ingat ka diyan,” aniya saka agad na pinutol ang tawag.
“Ano ‘yon?” tanong ni Edward.
“Tawagan mo sila Ric, sabihin mo, alam ko na kung saan ang hide out ni Gregorio Ignacio,” utos niya.
Agad sumunod si Edward, pagkatapos makipag-usap ay hinagis niya ang susi ng kotse niya dito.
“Ikaw na ang mag-drive, kailangan natin bilisan!”
SA ISANG abandonado at malaking bahay sa isang liblib na bahagi sa Norzagaray, Bulacan sila dinala ng address na binigay ng informant ni Musika. Pinarada nila ang mga sasakyan dala na medyo malayo mula sa gate ng bahay para hindi sila makatunog ang mga ito.
Sa pakikipagtulungan nila sa PNP, nakapasok sila sa loob ng bakuran sa pamamagitan ng maingat at walang ingay na pagtalon mula sa bakod. Dahan-dahan at nakatungo sila na naglakad para palibutan ang buong bahay. Mabuti na lang at all-black ang suot ni Musika nang araw na iyon kaya madali para sa kanya na magtago sa dilim, bukod sa damit at nag-takip din siya ng itim na mask sa ilong at bibig bago nagsuot ng cap.
“Team, hintayin n’yo ang signal ko bago n’yo pasukin ang bahay,” narinig niya na instruction ni Ric mula sa suot na earpiece.
Tinapat ni Musika sa bibig ang mouthpiece na nakakabit sa dulo ng sleeves na suot.
“Copy Sir,” sagot niya.
“Eagle three, come in, ikaw at ang mga kasama mo, doon kayo sa likod dumaan. Lady eagle and eagle two, doon kayo mag-abang sa harap. Eagle four, standby kayo diyan sa bandang kaliwa. The rest, standby on your post and wait for my signal.”
Mula doon sa labas ay naririnig nila ang tawanan at kuwentuhan ng maraming boses, kabilang na ang iyak at paulit-ulit na pagmamakaawa ng tinig ng isang babae. Muling naramdaman ni Musika ang matinding galit. Kung siya ang tatanungin, kanina pa niya ito pinasok at agad na binaril.
“Parang awa n’yo na po, pakawalan n’yo na ako!” humahagulgol na wika ng babae.
“Tumahimik ka!” sigaw ng isang lalaki.
Nag-echo ang tinig na iyon sa tenga ni Musika. Ang boses na iyon, binalik siya ng tinig na iyon sa nakaraan, labing pitong taon na ang nakakalipas. That’s him.
“Sige na po, hi-hindi po kami magsusumbong sa mga pulis! Pauwiin n’yo lang ako sa amin!” pagpapatuloy ng babae.
“Sinabi nang tumahimik ka eh!”
“Boss, bigay mo na kasi sa amin ‘yan!”
Minura nito ang tauhan na huling nagsalita.
“Hindi natin puwedeng galawin ‘yan! Mas importante ang pera! Madali kang makakakuha ng babae kapag marami kang pera! Kapag hindi nagbayad ang magulang nito ng ransom, saka ko sa inyo ibibigay ‘yan.”
“Huwag po! Parang awa n’yo na!”
“Lady Eagle, pasukin n’yo na,” narinig niya na sabi ni Ric.
“Eagle two, cover her.”
Hindi nag-aksaya ng panahon si Musika, halos sabay silang tumayo ni Edward at sinipa ng malakas ang front door kaya halos magiba iyon.
“NBI! Walang kikilos!” sabay na sigaw nilang dalawa.
Imbes na sumunod ay mabilis nakabunot ng baril ang mga suspects at pinaputukan sila. Mabuti na lang at mabilis silang nakapagtago sa safe areas.
“Iyong babae, kunin n’yo ‘yong babae! Ihanda n’yo ang kotse!”
Habang kinakalas ang tali ng babaeng bihag nito, ang iba kasama na si Gregorio Ignacio ay pinagbabaril sila. Nagkatinginan sila ni Edward, nang sumenyas ito at tumango, sabay silang sumilip at gumanti ng putok.
Ilang sandali pa, bumagsak ang dalawang tauhan ni Gregorio. Ang tatlo pa sa mga ito ay nakatago sa kung saan man sa bahay na iyon. Nang tumakbo paakyat ng second floor ang isa sa suspect, sinundan iyon ng putok ng mga kasamahan nila, agad iyon tinamaan at gumulong pababa ng hagdan.
Naalarma si Musika nang marinig niya ang tumatakbong yabag ng mga natitirang suspects. Tumatakbo ang mga ito papunta sa daan sa likod. Agad siyang lumabas mula sa safe area at hinabol ang mga suspects.
“Tigil!” sigaw niya.
Bilang napa-tumbling si Musika sa lupa nang barilin siya ng mga suspects. Agad siyang nakabangon at gumanti ng putok. Mayamaya ay tumabi sa kanya si Edward at sabay silang nagpaputok. Agad natumba ang huling dalawa sa tauhan ni Ignacio. Hinablot ng huli ang buhok ng biktima pagkatapos ay tinutok ang baril sa dibdib nito.
“Huwag kayo magkakamali, papatayin ko ‘to!”
“Ibaba mo ang baril mo, Ignacio! Wala ka ng pupuntahan! Napapaligiran na namin ang lugar na ‘to!” sigaw ni Edward.
Samantala si Musika. Sa bawat paghinga niya, katumbas niyon ang tinig ng pagmamakaawa sa boses ng babaeng buong buhay na hindi nagpapatahimik sa kanya. Sa bawat paghinga niya, bumabalik ang alaala ng gabing puno ng takot ang kanyang dibdib. And damn this man for making her life miserable and living hell.
Binalot ng matinding galit ang puso niya, hindi lang para sa babaeng iyon kung hindi para sa kanya na naging biktima ng kababuyan nito. Ilang sandali pa, nanginig ang kamay at nangingilid ang luha niya sa galit. Gustong-gusto na niyang kalabitin ang gatilyo ng mga sandaling iyon.
“Santillan, alam kong naririnig mo ako,” anang Director mula sa earpiece.
“Hayaan mong sila ang mag-handle ng sitwasyon, nakikiusap ako anak, huwag kang gagawa ng bagay na ikakapahamak mo!”
Umagos ang luha mula sa mga mata niya habang hindi kumukurap na nakatitig
siya sa taong sumira ng buhay niya.
“Ang tagal kong hinintay ang pagkakataon na ‘to, Ninong. Seventeen years, I lived in fear and hatred because of this man. Isang bala lang, Ninong. Isang bala lang mabibigyan na natin ng hustisya ang lahat ng naging biktima niya.”
“Hija, pakiusap.”
Sa halip na makinig ay inalis niya ang earpiece sa tenga.
“Ibaba n’yo sabi ang mga baril n’yo!” sigaw ulit ni Ignacio.
“Tulungan n’yo po ako! Tulong!” palahaw na iyak ng babaeng hostage.
“Hold your fire!” sigaw ni Ric.
“Ibaba n’yo ang mga baril n’yo!”
Binaba ng mga kasamahan niya ang baril na hawak niyo. Tanging si Musika na lang ang nananatiling nakatutok ang baril sa suspect.
“Santillan! Sinabi nang ibaba ang baril!”
Labag man sa loob na binaba niya ang baril na hawak at tinaas sa ere ang kamay niya.
“Hindi ako magpapahuli sa inyo!” sigaw ni Ignacio.
Kasunod niyon, hindi nila inaasahan ang sunod na kilos nito. Sa halip na pakawalan ang biktima ay binaril ito ng suspect sa dibdib at tumakbo.
“s**t!” gigil na bulalas niya.
In split second, nagawang damputin ni Musika ang baril.
“Ignacio!” galit na sigaw niya, sabay baril sa lalaki ng dalawang beses at agad na tumama ang bala sa binti. Nang bumagsak ito sa lupa, sinubukan pa nitong bumangon at manlaban at gumanti ng baril sa kanila, pero hindi na binigyan ito ng dalaga ng pagkakataon dahil agad pinaputukan ito at tinamaan sa tagiliran.
Nang bumagsak na ito sa lupa, mabilis itong nilapitan ng mga kasama niyang agents at mga pulis saka pinosasan. Samantala, mabilis rumesponde ang medical
staff sa biktima na naka-antabay sa labas.
“Makakalaya ulit! Kahit hulihin n’yo ulit ako! Sisiguraduhin ko na makakalabas ako ulit!” sigaw nito sabay halakhak.
Malalaki ang mga hakbang na nilapitan niya ang suspect pagkatapos ay tinabig palayo ang mga agents na may hawak kay Ignacio. Hinablot niya ang kuwelyo ng suot nitong t-shirt at tinutok ang baril sa ulo nito.
“Santillan! Anong ginagawa mo?!” sigaw ni Ric sa kanya pero hindi iyon inintindi ni Musika.
“Pagmasdan mong mabuti ang mukha ko!” galit na sigaw niya dito.
Mahilo-hilo na tumingin sa kanya ang suspect.
“Tumingin ka sa akin!” galit na galit na sigaw niya.
“Hi-Hindi kita kilala…” sagot nito.
“Labing pitong taon na ang nakakalipas, may kinidnap kayong isang katorse anyos na dalagita! Ang anak ni Lt. Col. Armando Santillan!”
Nanlaki ang mga mata ng lalaki.
“Natatandaan mo na?”
“Ikah, tama na ‘yan!” awat sa kanya ni Ric pero hindi siya nakinig.
“I-Ikaw…”
“Ako nga! Ako ang batang minolestiya mo noon! Hayop ka!” nanggigigil sa galit na sigaw niya.
Biglang sumigaw si Gregorio dahil sa labis na takot sa kanya.
“Ilayo n’yo siya sa akin! Papatayin n’ya ko… argh!” pilit na umaalpas na sigaw nito sabay daing sa huli dahil sa tama ng dalawang bala sa katawan.
“Ikah!”
Muling umagos ang luha niya at binitiwan ito nang hindi inaalis ang
pagkakatutok ng baril na hawak dito.
“Ang dami nang buhay ang sinira mo! Kasama na ang buhay ko!”
“Ikah! Huwag!”
Kasabay ng pagputok ng baril ay may mabilis na humawak ng braso niya at inangat iyon kaya tumama ang bala sa kisame. Kasunod noon ay may yumakap ng mahigpit sa kanya.
“Tama na, Ikah. Tama na,” narinig niyang sabi ni Edward.