Chapter 1
AKMANG papasok si Yssabelle sa pinto ng bahay nina Tita Amanda ng mapatigil siya ng marinig niya ang pagkabasag ng kung ano sa loob ng bahay. At ang sumunod na narinig niya ay ang sigaw ng asawa ng Tita Amanda niya na si Tito Ogie. Mukhang lasing na naman ito sa sandaling iyon at kung lasing ito ay talagang nanggugulo ito. Hindi lang iyon, lahat ng mahawakan nito at tinatapon nito. Kaya wala nang natitirang kagamitan sa bahay ng Tita Amanda niya dahil sa asawa nitong lasenggo.
“Pambihirang buhay naman ito. Wala na namang ulam.” Dinig na dinig niya ang sigaw nitong iyon. Rinig nga ang sigaw nito kahit sa kapitbahay nila. Kung minsan ay hindi din niya maiwasan ang makaramdam ng hiya sa tuwing lasing at sumisigaw ang Tito Ogie niya. Okay lang naman sa kanya kahit na araw-araw itong uminom, huwag lang itong sumisigaw at nangugulo. Minsan nga, pati sa labas ng bahay ay sumisigaw ito. Naghahanap ito ng away, mabuti na nga lang at walang pumapatol dito.
Napakagat naman si Yssabelle sa ibabang labi. At sa halip na magpatuloy siya sa pagpasok sa loob ng bahay ay hindi na niya ginawa. Humakbang naman na siya paalis do’n.
Galing ng trabaho si Yssabelle. Isa siyang saleslady sa isang grocery store sa bayan nila. At pagkatapos ng trabaho niya ay dumiretso na siyang umuwi sa kanila dahil gusto na niyang magpahinga. Pagod na pagod kasi siya. Halos wala na kasi siyang pahinga kanina dahil may dumating na stocks sa store. Inayos pa nga nila iyon at kinakailangan pa nilang i-inventory.
Pero mukhang hindi siya makakapagpahinga sa bahay kung lasing na naman ang Tito niya. At kapag makita na naman siya nito ay baka mapag-initan na naman siya nito ng ulo. Paparinggan na naman siya nito na pabigat sa buhay ng mga ito, na malas siya sa buhay ng mga ito.
Nineteen years old si Yssabelle no’ng mamatay ang Nanay niya sa sakit, namatay ito dahil sa komplikasyon sa diabetes. Ang tatay naman niya ay sampung taon ng nakakulong dahil sa ilegal na droga. Bago namatay ang Nanay niya ay ibinilin siya nito sa kapatid nito—si Tita Amanda na ito ang magiging guardian niya.
Sa bahay ng Tita Amanda siya tumira dahil no’ng nagkasakit ang Nanay niya ay na-i-benta nila ang bahay at lupa nila para mabayaran nila ang utang nila sa ospital. At kung hindi siya titira sa bahay ng Tita Amanda niya ay sa lansangan siya titira.
Lasenggero at walang trabaho ang Tito Ogie niya. Samantalang labandera naman ang Tita Amanda niya. Isa lang ang anak ng mga ito at nagta-trabaho ito sa Maynila at may sarili na ding pamilya. Bihira na nga lang din itong umuwi do’n dahil na din sa ugali ng ama nito.
Gabi-gabi na lang lasing ang Tito Ogie niya, at walang gabing hindi nito inaaway ang Tita niya sa hirap ng buhay. Naaawa naman siya sa Tita niya kaya kung minsan kapag sumasahod siya ay binibigyan niya ito ng pera pambili ng ulam at pang-bayad din sa mga bayarin sa bahay tulad ng kuryente at tubig. Pero kung minsan ay hindi nakakabayad ang Tita niya dahil kinukuha iyon ng asawa nito at binibili nito iyon ng alak.
Gusto naman ng bumukod ni Yssabelle. Kahit na maliit na boarding house ayos na sa kanya pero hindi niya magawang makapag-ipon kasi maliit lang ang sahod niya at nagbibigay pa siya kay Tita Amanda niya. At kung nakakaipon naman siya ay ninanakaw iyon ng Tito Ogie niya para may pambili ito ng alak o hindi kaya ay pang-sugal nito. Umiiyak na nga lang siya ng palihim kapag laging kinukuha ng Tito Ogie niya ang pera niya. Hindi naman niya kayang sumbatan ang Tito niya dahil magagalit ito sa kanya. Kaya minsan kapag may extra siyang pera ay pinapatago niya iyon sa kaibigan niya. At least safe din ang perang pinaghirapan niya.
Nagpakawala na lang si Yssabelle ng malalim na buntong-hininga. Kinuha niya ang kanyang cellphone at tinext ang kaibigan niya na kung pwede ay do’n muna siya sa bahay ng mga ito ulit makikituloy. Ilang beses na din siyang nakituloy sa bahay ng mga ito kapag ayaw niyang umuwi sa kanila dahil nga lasing ang Tito Ogie niya. Kapag pumapayag naman ang kaibigan niya ay tini-text na lang niya ang Tita Amanda niya para kahit papaano ay hindi ito mag-alala sa kanya. Pinapayagan naman siya ng Tita niya dahil naiintindihan siya nito, naawa nga din ito sa kanya. At kapag nakakausap siya nito ay lagi itong humihingi ng sorry sa kanya dahil hindi daw nito natupad ang pangako nito sa Ate nito na aalagaan siya nito, hindi nga din nito natupad ang pangako nito sa Ate nito na pag-aaralin siya nito. Naiintindihan naman ni Yssabelle ang Tita Amanda niya, alam kasi niya ang hirap ng buhay ng mga ito at ayaw din naman niyang maging pabigat. Problema na nito ang asawa nito at ayaw naman niyang dumagdag pa.
Nakahinga naman ng maluwag si Yssabelle ng makatanggap siya ng reply sa kaibigan niya. Okay daw na makitulog siya sa bahay nito.
Ibinulsa na niya ang cellphone at nagpatuloy na siya sa paglalakad.
Nang makalabas siya ng kanto ay nagtawag siya ng tricycle. Sa kabilang barangay pa kasi nakatira ang kaibigan niya. Pinaandar na ng driver ang tricycle nito ng sabihin niya ang address kung saan siya pupunta.
Hindi naman nagtagal ay nakarating na din siya sa tapat ng bahay ng kaibigan niya. Nang makabayad na siya ay bumaba na siya ng Tricycle at naglakad na siya palapit sa bahay ng mga ito.
Nagpakawala naman si Yssabelle ng malalim na buntong-hininga bago siya kumatok sa pinto. Makalipas naman ng ilang segundo ay bumukas ang pinto. Agad namang sumalubong sa kanya ang mukha ng kaibigan niyang si Tanya.
“Pasensiya na, Tanya, ha,” wika naman niya dito nang magtama ang mga mata nila ng kaibigan ng buksan nito ang pinto.
Sa halip naman na magbigay komento sa sinabi niya ay hinawakan siya nito sa braso at hinila nito ang kamay niya papasok sa loob ng bahay. Pagkatapos niyon ay isinarado nito pinto.
“Welcome ka dito sa bahay lagi, Yssa,” sabi nito sa kanya. Yssa ang palayaw niya, masyado kasing mahaba ang Yssabelle.
Nginitian naman niya si Tanya. Mabuti na lang at may kaibigan siyang katulad nito. Hindi lang ito ang mabait sa kanya, pati na din ang pamilya nito dahil hindi siya itinuring na iba.
“Sina Tita pala?” mayamaya ay tanong niya sa mga magulang nito.
Napansin naman niya na sumulyap ito sa nakasarang pinto, kwarto iyon ng mga magulang nito. “Tulog na,” sagot naman nito ng ibalik nito ang tingin sa kanya. “Alam mo na, hindi sila pwedeng magpuyat,” dagdag pa na sagot nito.
Tumango-tango naman siya bilang sagot. May edad na din kasi ang mga magulang ni Tanya, hindi pwede ang mga ito na magpuyat. May sakit din sa puso ang Tatay nito, noong nakaraang taon nga ay na-mild stroke ang Tatay nito. “Hmm...kumain ka na ba?” mayamaya ay tanong ni Tanya sa kanya.
“Oo,” sagot naman niya. Bago kasi siya umuuwi sa bahay ng Tita Amanda niya ay kumakain na siya sa karenderya malapit sa pinagta-trabahuan niya. Kasi kung sa bahay pa siya uuwi ay for sure ay wala siyang uulamin. Minsan ay nagti-take out na din siya ng ulam para naman kina Tita niya para may maulam ang mga ito.
Kanina lang siya hindi nakapag-take out ng ulam dahil nakulangan siya ng budget. Wala pa kasi siyang sahod at iyong extra na pera niya ay inutang ng Tita Amanda niya, pambayad nila sa kuryente dahil may notice na silang natanggap. Kung hindi sila magbabayad ay puputulan na sila ng kuryente.
“Akala ko ay hindi ka pa kumain, may ulam pang natira. Ipapait ko sana para sa ‘yo,” sabi nito sa kanya.
Nginitian naman niya si Tanya. “Kumain na ako kanina. Pero salamat,” sabi niya dito na may ngiti pa din sa labi.
Isang ngiti lang naman ang isinagot nito sa kanya. Pagkatapos niyon ay inakay na siya nito papasok sa kwarto nito. Maliit lang ang kwarto nito pero maayos iyon at malinis.
“Magpapalit lang ako ng damit pantulog,” wika naman niya kay Tanya ng makapasok sila sa kwarto nito.
“May dala kang damit?” tanong nito.
Nakangiting tinapik naman niya ang backpack niya. “Mayroon,” sabi niya.
Tumawa naman ito. “Girls scout. Laging handa,” komento nito sa natatawang boses sa kanya.
Tumawa lang din naman siya sa sinabi nito. Well, mayro’n talaga siyang extra na damit na nakalagay sa bag niya kapag umaalis siya sa bahay ng Tita Amanda niya. For emergency use, gaya na lang sa nangyari kanina. Hindi na naman siya nakauwi kasi lasing at nanggugulo na naman ang Tito Ogie niya. Para kapag hindi siya do’n matutulog ay hindi siya magpo-problema sa susuotin niya. Mabuti na lang iyong laging handa.
“Magpalit ka na ng damit para makapagpahinga ka na,” mayamaya ay wika nito sa kanya.
Tumango naman siya. Pagkatapos niyon ay naglakad na siya patungo sa maliit na banyo na nasa loob ng kwarto nito. At dahil nando’n na din siya ay nag-half bath na din siya. Hindi lang din mga damit ang dala niya sa bag. Mayro’n din siyang dalang mga sabon. Kompleto siya ng dala. Para ngang on the go lagi siya. Pagkalipas naman ng ilang minuto ay lumabas na siya ng banyo. Nakita naman niya si Tanya na nakaupo na sa kama nito, mukhang hinihintay siya nitong lumabas mula sa banyo dahil nakatingin din ito sa gawi niya.
Naglakad naman na siya palapit dito. Umupo naman siya sa gilid ng kama. “Lasing na naman ba ang Tito mo?” tanong ni Tanya sa kanya.
Humugot naman siya ng malalim na buntong-hininga bago siya tumango. “Oo. Ayon nagbabasag na naman ng mga pinggan,” sabi niya niya sa kaibigan.
“Hindi na yata magbabago iyang, Tito mo,” wika nito sa kanya. “Lagi na lang lasing. Mukhang alak ang laging laman ng tiyan.”
“Maghihimala ang langit kapag nagbago si Tito Ogie,” wika naman niya.
Narinig naman niya ang paghugot ng malalim na buntong-hininga ni Tanya. Napansin din niya ang paninitig nito sa kanya sa sandaling iyon.
“Bakit?” tanong niya dito.
“Wala ka bang balak na bumukod?” tanong nito sa kanya. “Ako ang nahihirapan sa sitwasyon mo,” concern na wika nito.
Nagpakawala din siya ng malalim na buntong-hininga. “Gusto ko din naman na,” honest na sagot niya. “Kaso wala pa akong ipon,” dagdag pa na sagot niya. Hindi nga lang iyon, gusto din niyang makapagtapos ng pag-aaral pero dahil sa hirap ng buhay ay hindi niya magawa.
Mayamaya ay napansin ni Yssabelle ang pamimilog ng mga mata ni Tanya na para bang may naalala ito. “Bakit?” tanong na naman niya dito.
“May naalala ako,” sabi nito sa kanya. “Gusto mo bang mag-trabaho sa Maynila?” tanong nito sa kanya.
“Sa Maynila?” balik tanong naman niya. “Anong klaseng trabaho?” tanong ulit niya dito.
“Katulong,” sagot naman nito. “May kilala kasi si Aling Puring na naghahanap ng isang katulong. Ako sana, kaso hindi ko naman maiwan sina Nanay dito,” wika sa kanya ni Tanya. “Gusto mo ba? Stay in iyong hinahanap, maganda ang sahod at kompleto ang benepisyo,” dagdag pa na wika nito sa kanya. “Wala ka ding ibang gagastusin dahil libre lahat. Matutulugan at pagkain.”
Hindi naman siya agad nakapagsalita dahil nag-iisip siya sa sinabi nito. “Chance mo na ito, Yssa para makalayo ka sa lasenggerong Tito mo. Kaya kung ako sa ‘yo ay pumayag ka na,” pamimilit pa nito sa kanya. “Malay mo din, baka makaipon ka do’n ng pera para maipagpatuloy mo ang pag-aaral mo sa college. Hindi ba pangarap mo iyon?”
Nagpakawala naman si Yssabelle ng malalim na buntong-hininga. “Pwedeng pag-isipan ko pa?” wika naman niya dito.
Tumango naman si Tanya bilang sagot. “Sige. Pero huwag mong patagalin ang pag-iisip mo dahil baka may ibang mahanap si Aling Puring. Kung hindi ko lang iniisip sina Tatay at Nanay, mag-a-apply ako. Sayang din kasi, libre lahat.”