Kabanata 19
WALANG pasabi naman akong hinila ni Mocha palabas ng silid. Nakasunod lang din naman si Zairan sa aming dalawa. Hindi ko magawang kumibo man lang dahil sa sobrang pagkabahala. Napapaisip ako sa sinabing iyon ni Zairan. Posible nga kayang may nakakaalam sa tunay kong katauhan. Ngunit sino ang nilalang na iyon?
Nabalik ako sa aking kaisipan ng bigla na lang sinipa ni Mocha ang pinto. Dinala niya ako sa isang kuwarto na punong-puno ng mga naipintang larawan. Nilibot ko ang aking paningin sa buong kuwarto. Napakunot ako ng aking noo nang mapatingin ako sa isang larawan. Napapaawang rin ang aking bibig dahil sa tindi ng pagkagulat.
Ang nasa larawang naipinta ay isang babaeng nakahiga sa dayami at nasa isang hardin. Mala paraiso ang hardin kung iyong ilalarawan. Ngunit hindi iyan ang mas lalong pumukaw sa aking atensyon. Sa karugtong nitong larawan ay ganoon pa rin ngunit sa kabilugan ng buwan ay magaganap ang isang kahindik-hindik na pangyayari. Naliligo sa sariling dugo ang babaeng nakahiga sa dayami. Warak ang dibdib nito na tila parang inialay ang puso nito sa makapangyarihang nilalang. Namamanhid ang buo kong katawan. Ganito ang nasa panaginip ko. Hindi man ditalyado ngunit alam kong ito iyon, base na rin sa nakapintang larawan na ito.
Napahawak ako sa aking dibdib dahil sa sobrang takot. Isa akong alay ngunit para kanino ang pagbubuwis ko ng buhay. Napaiyak ako sa sobrang pagkagulo ng aking utak. Hindi ko na alam kung ano ang paniniwalaan ko. Paano si Steffano. Paano siya?
“Catherine! Magiging ligtas ka,” ani Mocha habang hawak ang aking mukha at niyakap ako.
Napapikit ako ng mariin. Kung magiging duwag ako, hindi ko malalaman kung sino ang pag-aalayan ko ng buhay. Ngunit bago ko alamin iyon ay kailangang harapin ko muna ang mga pagsusulit na ito. Kumalas ako nang yakap kay Mocha at pinahiran ang aking luha.
“Ano ba ang larong iyan?” pang-uusisa ko.
Tinanguan ni Mocha si Zairan. Wari ay pinapahintulutan niya itong magpaliwanag. Kahit hindi na sila magkasundo ay may saya pa rin dito sa aking puso. Dahil sa akin maaring maibalik ko ang pagkakaibigan nilang dalawa. Lumapit nang kunti si Zairan sa amin.
“Ang ginawa nating taguan at ang lima pang pagsusulit ay hindi isang normal o nakagawian naming mga bampira. Pagsusulit iyon sa mga bampira na puwedeng ipadala sa mundo mo Catherine,” panimula nito.
“Pero bakit?” Sumeryoso ang anyo nilang dalawa.
“Base nga sa kutob ko. Maaring may nakakaalam na narito ka at pilit kang inilalagay sa kapahamakan,” ani Zairan.
“Imposible 'yon Zairan! Alam mo kung gaano ako kaingat kay Catherine.” Tila nagpupuyos na ng galit si Mocha kaya napaatras ako ng kunti.
“Kung ganoon bakit ganito? Isang laro lang dapat ang gagawin bawat taon!” segunda rin naman ni Zairan at parang nakakabali ng buto ang pagkakakuyom ng mga palad nito.
“Kalma nga puwede!? Sa inyong dalawa ako matatakot e!” inis kong singit sa mga ito.
“Ano nga ba ang larong 'yon sa inyo?” puno ng kuryusidad kong tanong.
Sana naman ay hindi mahirap gaya ng nauna naming pagsusulit.
“Kagaya iyon sa larong pambata ninyo Catherine ngunit mas ginawa itong kakaiba dito sa lugar namin. Bukas ng umaga dadalhin nila tayo sa isang liblib na lugar. Sa lugar na iyon ay may dalawang bangin na kung saan nagdudugtong lamang gamit ang napakaraming tulay.” Napalunok ako at pinagpawisan ng husto sa ipinaliwanag niya.
“Tatawid?” tanong ko pa. Napatango naman silang dalawa. Nakahinga ako ng maluwag.
“Iyon lang pala,” tila kampante ko pang sagot pero tila mali yata ang nasabi ko dahil wala silang imik. Napangiwi ako at kinabahang muli.
“Maraming tulay ngunit isa lang ang totoo, ang ibang tulay ay ilusiyon,” ani Zairan.
Napanganga ako sa narinig ko. Nanlulumo akong umupo sa sahig. Napakabobo ko pa naman sa hulaan.
“Sa kanta ng Leron-Leron Sinta, ikaw ang bunga at ang tulay ang magiging buslo mo. Kapag nabali ang sanga o nalinlang ka ng tulay? Tapos ang kapalaran o tapos ang buhay mo,” ani Zairan.
“Zairan labas!” utos ni Mocha.
Malungkot na tingin ang ipinukol sa 'kin ni Zairan bago ito tuluyang lumabas. Hindi ko na napigilan ang mapaiyak. Ano ba itong pinasok ko. Bukod sa nalaman ko na ang tungkol sa panaginip ko, may mas malala pa pala.
“Gagawin ko ang lahat mailigtas ka lang Catherine,” paniniguro ni Mocha sa akin habang hawak ang magkabila kong braso.
Tango lang ang naitugon ko. Parang ayaw pa rin tanggapin ng utak ko ang mga mangyayari. Malalagay na naman ako sa kapahamakan. Papaano kung hindi ako makaligtas sa pagsusulit na iyon?
Muli akong napatitig sa larawang nakapinta. Ito nga ba talaga ang tadhana ko, ang maging isang alay nang kung sinong 'di kilalang nilalang. Paano ko malalampasan ang mga ito.
Matapos ang tagpong nangyari kanina ay wala na naman ako sa sarili ko nang lumakad ako pauwi ng magdapit hapon na. Ni hindi alam ni Mocha na umuwi na ako. Lutang ang aking utak at 'di malaman kung ano ang nararapat gawin. Mapapasubo na naman ako sa kapahamakan bukas ng gabi. Paano kung hindi nila ako mailigtas? Paano kung wala si Steffano para iligtas ako? Puro katanungan ang nasa utak ko.
Napayakap ako sa aking sarili nang dumampi sa balat ko ang malamig na simoy ng hangin. Bahagya ko ring inayos ang aking buhok dahil nagulo ito nang liparin ng hangin. Napatingala ako sa kalangitan. Sumisilip na ang mga bituin ngunit nagkukubli pa rin ang buwan sa likod ng mga ulap. Wari'y nakikipagtaguan ito kung iyong pagmamasdan. Humugot ako ng malalim na hininga at lumakad ng muli.
Sa 'di kalayuan ay tanaw ko na ang volkswagen na sasakyan ni Mama. May kalumaan na ito ngunit maganda pa rin at parang inaalagaan ng mabuti. Huminto ito sa harapan ko at bumakas ang pinto. Tipid akong ngumiti sa tsuper at sumakay na sa likod. Nang maisirado ko na ang pinto ay agad kong isinandal ang aking kanang braso at itinukod ang aking baba rito.
“May problema po ba?” anito.
“Wala naman ho, pagod lang,” ani ko pa.
Hindi na ito umimik at nagpatuloy na sa pagmamaneho. Nakakatuwa dahil kinakausap na nito ako gayong dati rati ay wala itong imik at nakamasid lang.
Nang makarating kami sa bahay ay agad akong dumiretso sa kuwarto ko. Matamlay ang aking pakiramdam at para bang wala akong gana. Kumuha ako ng maliit na papel at pandikit. Idinikit ko ito sa labas ng pinto ko ang salitang ayaw ko ng istorbo.