Kabanata 9
Sa buong klase kaming walang imikan ni Mocha. Ni sulyapan man lang ako nang tingin ay hindi nangyari. Bumaling ako nang tingin kay Zairan. Laking gulat ko nang nakatingin din ito sa akin. Agad akong nag-iwas ng aking paningin.
“Huwag mo siyang pansinin,” ani ni Mocha.
Marahan lang akong napatango. Hanggang sa tumunog ang hudyat nang pagtatapos nang klase namin. Hanggang umaga lang ang pasok namin. Sa tanghali naman, pagala-gala na kaming dalawa ni Mocha. Sa tuwing nagugutom na ako, umaakyat kami sa silid-aklatan at nagtatago sa isang sulok. Nasabi nito sa akin na siya lang daw ang gumagamit ng silid-aklatan kaya walang makakakita sa akin habang kumakain. Malaki ang naitutulong niya sa pamamalagi ko dito. Maingat siya sa pagtatago ng katauhan ko. Pakiramdam ko nga ay mukhang may inililihim din ito sa akin.
“Mocha, paano mo pala nalaman ang inoming ito?” tukoy ko sa pakete nang inomin na kung titingnan mo ay parang isang pakete ng dugo. Bahagya itong natigilan sa sinabi ko.
“Kay Maestro,” tipid nitong sagot.
Gusto ko pa sanang mang-usisa pero biglang nag-iba ang kulay ng mga mata nito. Ang kulay itim nitong mga mata ay naging kulay dilaw ito na parang mata ng ahas. Kakaiba talaga sila. Kinuha ko ang dyurnal ko. Kaninang umaga ko ito sinimulang isulat.
“Ano 'yan?” Napaangat ako nang tingin sa tanong nito.
“History ng mga bampira,” nakangiti kong sagot.
“Para saan?” tanong nito ulit.
“Para alam ko kung ano ang dapat kong gawin kung sakali man na wala ka,” sagot ko. Kumikit-balikat lang ito at nagpatuloy sa ginagawa nitong pagbabasa.
“Ahm...” nag-aalangang buka ng aking bibig.
“Kung may nais kang itanong, sasagutin ko kung hindi ito lagpas sa limitasiyon ko,” aniya. Napatikhim ako ng kunti.
“Anong nangyari sa kanya? Iyong taong tinutukoy ni Zairan,” panimula ko at napapapikit mata sa kadahilanang baka 'di nito magustuhan ang tanong ko. Itiniklop nito ang librong binabasa.
“Noong limang daang taon ang nakaraan, hindi ikaw ang kauna-unahang napadpad sa lugar na ito. Mga bata pa kami noon, ako at si Zairan ay matalik na magkaibigan, pati na si Ren...” sagot nito at muling binuklat ang librong hawak nito. Nanatili akong tahimik.
“Walang muwang si Ren sa kung ano ang katauhan namin. Itinuring niya kaming dalawa ni Zairan na parang kapatid. Pero naglaho ang lahat ng iyon nang kunin siya ng mga Zoldic...” Puno nang hinanakit ang boses nito.
“Walang araw na hindi namin siya binabalik-balikan sa malaking bahay na iyon. Ang sabi sa amin, namatay daw si Ren pero hindi ako sumuko, hanggang sa kusa nang bumitiw si Zairan at mawalan ng pag-asa. Dahil doon nagkalayo na ang landas namin ni Zairan. Hindi ko iyon matanggap Catherine. Hindi ako naniniwalang wala na si Ren at alam kong babalik siyang muli sa lugar na ito,” ani Mocha. Marahan kong hinaplos ang balikat nito upang gumaan nang kahit papaano ang pakiramdam niya.
“Umuwi ka na Catherine,” sabi pa nito at hinila na ako patayo.
Tipid akong napatango sa kanya. Inihatid niya ako hanggang sa bakod ng unibersidad. Ang pagkakaalam ko ay tanging ang bahay lamang ng mga Zoldic ang napapalayo sa baryo. Iyon din naman ay sabi ng aking tiyahin.
“Mocha?” habol na tawag ko pa rito. Bahagya naman itong napalingon sa akin.
“Sa tingin mo, buhay pa siya gayong hindi naman siya bampira.” Tipid itong ngumiti.
“Immortal siya Catherine kaya imposibleng mawala siya,” sagot nito at naglakad na palayo.
Sandali pa akong natigilan sa sinabi nito. Lubos kong ikinamangha ang nalaman kong iyon. Posible palang maging immortal ka lang nang hindi kagaya ng mga bampira na kailangan pang uminom ng dugo. Sa pag-iisip ko ay bahagya akong natigilan at napalinga sa paligid ko. Hindi ko man lang namalayang ang layo na pala ng nailakad ko dahil sa lalim ng aking iniisip. Napasulyap ako sa relo ko, hanggang ngayon kasi ay wala pa ang tiyang ko. Nagsimula na akong lumakad muli. Mabibigat ang hakbang ng mga paa ko at kay daling lumipas ang liwanag. Nabalot na ng kadiliman ang dinadaan ko at ang tanging ilaw lamang ng buwan ang nagsisilbing tulong sa akin upang makita pa ang paroroonan ko.
“Nasaan ka na po ba tiyang...” naibulong ko sa kawalan.
Mahigpit akong napapahawak sa mga gamit ko. Sa 'di mawari ay kinakabahan na ako. Palinga-linga ako sa paligid ko habang patuloy na binabaybay ang daan pauwi. Napahinto ako bigla dahil may kung anong nilalang ang nakamasid sa akin na nakakubli sa mayayabong na mga halaman. Lubos ang pagkabog ng aking dibdib at pakiramdam ko ay parang naghihina ang aking mga tuhod. Pinilit kong humakbang pero may kung anong bagay ang muling kumaluskos sa likod ng damuhan. Laking gulat ko nang tumunghay mismo sa harapan ko ang dalawang asong lobo.
“Diyos ko!” naisambit ko at kumaripas na nang takbo sa masukal na daan.
Wala na ako sa katinuan ko. Ang gusto ko lamang ay ang makauwi agad. Sa pagtakbo ko nang mabilis ay bigla naman akong natisud sa nakausling ugat ng punong nadaanan ko, dahilan para ako'y madapa. Nagimbal ako lalo sa nakita ko dahil dalawang dipa na lang ang lapit nito sa akin. Tagaktak ang pawis ko at pakiramdam ko ay mahihimatay na ako sa sobrang takot. Ang matutulis nitong mga kuko, mabagsik na anyo nito, ang nakakatakot nitong ungol at ang mga pangil nitong kay talim na mas lalo kong ikinatakot. Katapusan ko na yata ito! Mariin akong napapikit pero laking gulat ko ng bigla na lang natahimik ang paligid ko. Marahan kong iminulat ang aking mga mata at ganoon na lang ang pagkagulat ko nang makita ko siyang muli, dito mismo sa harapan ko. Pansin ko ring nakabulagta na ang dalawang asong lobo sa may paanan nito. Ang lalaking nakasuot ng itim na tsaketa at ang mukhang nakakubli rito, ang siyang nagligtas sa akin. Walang ano pa at mabilis akong napatayo at yumakap sa kanya. Napahagulhol ako ng matindi dahil sa sobrang takot. Ang akala ko ay katapusan ko na. Ramdam ko naman ang pag-galaw ng mga bisig nito at hinapit ang baywang ko. Pakiramdam ko ay may kung anong bagay ang nagliliparan sa loob ng tiyan ko ng maramdaman ko ang lamig na nagmumula sa kamay nito. Ramdam ko ang pag-angat ng katawan ko. Parang wala lang sa kanya ang pagbuhat sa akin pero kumapit pa arin ako ng mahigpit sa batok nito at marahang isiniksik ang mukha ko sa may leeg nito. Hindi ko alam kung bakit ganito na lamang ang gaan ng loob ko sa kanya, sa kabila ng pagiging istranghero nito. Ni hindi ko man lang makita ng buo ang mukha nito. Tahimik lang siya habang buhat ako.
“Sino ka ba talaga?” mahina kong tanong.
Wala akong nakuhang sagot rito. Napabuga ako ng hangin. Sa isang kisap-mata ko ay nakarating kami agad malapit sa bahay ng mga Zoldic. Marahan niya akong ibinaba at tumalikod na.
“Sandali!” tawag ko. Nahinto ito sa paglakad.
“Paano ako makakabawi sa 'yo?” lakas loob kong tanong kahit na puwede kong ikapahamak ito.
Sa isang iglap ay ramdam ko na ang paghapit nito sa baywang ko at ang malamig na labi nito ang nakadampi sa labi ko. Limang segundo din ang halik na iyon at ang tanga ko dahil nagawa ko pang magbilang! Bumitiw ito pagkatapos ng limang segundong paghalik nito sa akin at bigla na lang itong nawala sa harapan ko.
“Catherine! Diyos kong bata ka! Bakit ka ba umuwi nang hindi man lang ako kasama!” pukaw ni tiyang sa pagkakatulala ko.
“Po?” tanong ko pa. Bigla namang pinahiran ni tiyang ang pisngi ko at niyakap ako.
“Diyos ko Catherine! Patawarin mo ako,” umiiyak na saad nito.
“Tiyang, ayos lang po ako. Tahan na ho, pumasok na ho tayo sa loob, gayak ko. Inalalayan ko ang tiyang hanggang makapasok kami sa loob.
“Nakaalis na ho ba si Ginang Zoldic?” pang-uusisa ko. Marahan namang napatango ang tiyahin ko.
“Maghahanda na ako ng hapunan natin. Ayos ka lang ba talaga Catherine?” Bahagya akong napatango.
“Magbibihis lang ho ako,” paalam ko at pumasok agad sa kuwarto ko.
Marahan kong naisandal ang bigat ng aking katawan sa pinto. Iniisip ko pa rin kung sino siya, kung bakit niya ginagawa ang lahat nang ito.
“Catherine, nakahanda na ang hapag,” tawag pa ni tiyang sa akin.
Tumayo na ako ng tuwid at nagpalit na ng damit. Ilang minuto din ang aking iginugol para makapag-ayos ng sarili. Lumabas din naman ako agad ng kuwarto ko at tinungo ang kusina. Mukhang kasabay ko ang tiyang sa paghahapunan dahil dalawang pinggan ang nakahain sa mesa.
“Umupo ka na Catherine,” yaya ni tiyang sa akin.
Matipid akong napatango at naupo na. Sa pagkakaupo ko ay pareho kaming natigilan ni tiyang Nely dahil sa malakas na kalabog na narinig namin ikaapat na palapag. Napatayo ako at napabaling sa may hagdan.
“Catherine, diyan ka lang,” utos pa ni tiyang sa akin na labis ko rin namang ipinagtataka. Hindi man lang ito nagulat sa narinig naming iyon sa itaas.
“Saan ka ho pupunta tiyang?” pigil ko nang bigla itong pumanhik sa hagdan.
“May kailangan lang akong gawin sa itaas. Umuna ka nang kumain,” paliwanag pa nito at mabilis nang pumanhik.
Sa tindi ng kuryosidad ko ay napasunod din ako ng panhik ngunit laking gulat ko ng humarang bigla sa akin ang dalawang tauhan ni Ginang Zoldic. Napaatras ako nang hakbang at bumalik na sa pagkakaupo. Nagdududa na talaga ako. May kutob akong hindi lang kami ang nakatira dito at aalamin ko kung sino siya.