Kabanata 21
MAAGA pa sa bukang liwayway ako nang magmulat. Kailangan kong makapasok ng maaga sa unibersidad. Hindi pa man ako nakakapasok sa aking banyo ay narinig ko na ang bulong sa akin ng hangin.
“Catherine... bulong ng hangin sa akin. Bahagya akong napangiti sa nakita ko.
Agad akong lumapit sa bintana ko at kinuha ang itim na rosas na nakasukbit sa tali ng kurtina. Inamoy ko ito at hindi ko maiwasang mapangiti ng malapad. Hindi man nito ipinararamdam sa akin mula sa pagbigkas ng matatamis na salita pero ipinaparamdam naman nito sa akin na mahal niya ako sa pamamagitan ng mga kilos niya.
Inilagay ko ito sa plorera, kung kasama nito ang mga nauna pang rosas na ibinigay niya. Mabuti na lamang at hindi ito napapansin ni tiyang sa tuwing papasok siya rito sa kuwarto. Pumasok na ako sa banyo at naligo. Habang nakababad ako sa tubig ay hindi ko maiwaksi sa utak ko ang pasulit na magaganap mamayang gabi. Kinakabahan ako at puno ng takot ang umiiral sa akin. Nariyan man si Steffano sa tabi ko ngunit mas nangingibaw pa rin ang takot sa akin. Diyos ko, sana'y gabayan niyo ako mamaya.
Matapos kong maligo at makapag-ayos ng aking sarili ay agad din naman akong nagpaalam kay tiyang, lalo na kay Mama.
Habang binabagtas ang daan ay malalim pa rin ang aking pag-iisip. Gusto kong maiyak. Sasalang na naman ako sa kakaibang pagsubok, na sa tanang buhay ko ay hindi ko pa nasusubukan.
Nang makababa ako ng sasakyan, laking gulat ko nang yakapin ako ni Zairan. Nabitawan ko pa ang dala kong mga gamit dahil sa pagkagulat. Marahan ngunit may puwersa pa rin akong naramdaman sa yakap niya. Para bang takot na takot ito at iyon ang pakiramdam ko dahil na rin sa ayos nang pagkakayakap nito sa akin. Hindi ako tumugon sa yakap niya.
“Zairan... ani ko pa.
“Hayaan mong yakapin kita upang mabawasan ang takot mo,” anito.
Matamis man ang mga salitang binibitawan niya ngunit hindi tuwa ang nararamdaman ko, kundi pagtataksil sa pinakamamahal kong si Steffano. Nangako ako sa kanya na hindi ako makikipagpalagayan ng loob rito. Nangako akong sapat na ang mabuti nitong intensyon para sa akin. Napailing ako at buong puwersa ko siyang itinulak. Nagtagis ang mga bagang nito at kumunot ang noo. Unti-unti ring nagbago ang kulay ng mga mata nito.
“Alam kong mabuti ang iyong intensyon ngunit hindi ko gusto ang ginagawa mong pagyakap sa akin. Patawad kung iyo mang mamasamain ngunit hindi ako kumportable, depensa ko at pinulot ang aking mga gamit.
Lumakad na ako at nilagpasan siya. Nakahinga ako ng maluwag. Magtatampo na naman iyon sa akin dahil sa ginawa ni Zairan. Siguradong higit pa sa pag-angil nito ang gagawin niya. Napatampal ako sa aking noo. Nang mag-angat ako nang tingin sa dinadaanan ko ay muntik ko nang mabangga si Mocha.
“Balisa ka yata,” aniya. Umiling ako at ngumiti ng tipid.
“Wala ito.”
“Tara na sa sakayan, gayak nito na ikinakunot ng noo ko.
“Sakayan? Bakit?” Taka kong tanong.
“Pasulit natin ngayon, 'di ba?”
Napatango ako. Walang pasabi nito akong hinila sa kung saang daanan at narating nga namin ang sakayan. Isang lumang tren ang sasakyan namin. Takang-taka naman akong napapaisip. Kay lapit lang pala nang sakayan ng tren ngunit bakit hindi ko man lang naririnig na bumabiyahe ito.
“Ngayon lang ba ito bi-biyahe?” Usisa ko. Umiling naman ito.
“Araw-araw itong ginagamit Catherine kaya imposibleng hindi mo marinig ang malakas na pagbusina nito.” Sagot niya. Napaawang ang aking bibig.
“Maliban na lang kung isa kang bampira dahil ang tunog nito para samin ay parang nakabitin sa ere at kay tagal kung bumagsak. Ibig sabihin, parang tunong lang ng kotse. Mahina lang.” Napaatras ako.
Hindi ako bampira ngunit sang-ayon ako sa sinabi niya. Napahilot ako sa aking sintido. Habang tumatagal ay nagiging malala na ang pagiging katulad ko sa kanila.
Huminto na ang tren sa tapat namin. Muli't muli ay hinila na naman ako ni Mocha pasakay sa loob ng tren. Muntik pa akong madapa dahil sa hindi ko pagtingin sa dinadaanan ko. Kay haba nang nilakad namin at hindi ko na matandaan kung ilang bagon na ba ang nadaanan namin.
Tumigil naman si Mocha at muli na naman akong hinila paupo malapit sa may bintana. Bahagya pa akong natigilan dahil kaharap ko si Zairan sa inuupuan ko ngayon. Malungkot ang mga mata nitong nag-iwas nang tingin sa akin, marahil ay tungkol ito sa tagpong nangyari kanina. Masama siguro ang loob niya sa akin ngunit umiiwas lamang ako sa kapahamakan. Baka masaktan siya ni Steffano at alam kong matatalo siya. Magkatulad man sila ng lahi ngunit kakaiba si Steffano sa kanila.
“Zairan, may naisip ka na bang plano?” Ani Mocha habang ang mata ay nakatuon sa binabasa nitong libro.
Yumuko ako ng kunti para makita ang pamagat ng kanyang binabasa. Hindi ko mabasa ang pamagat ng libro dahil nakasulat ito sa ibang linguwahe. Kumikit-balikat na lang ako.
“Wala akong maisip,” ani Zairan. Napalunok ako. Wala nga ba? O sadyang wala itong balak na iligtas ako.
“Lalagyan ko ng tali ang totoong tulay,” ani Mocha.
“Binago nila ang laro kaya imposibleng mahulaan mo.” Tila seryoso si Zairan sa mga binibitawan niyang salita.
“Puwes mag-isip pa tayo ng iba!” Tila galit na si Mocha sa kakaisip ng paraan mailigtas lang ako.
Ibinagsak nito ang hawak na libro sa mesa at tila kunting hampas pa nito ay matatangal na ang mga turnilyo ng mesa namin. Napapailing at napapapikit ako nang mariin. Nahihirapan sila sa akin.
“Maari ba na huwag niyo na lamang pagtalunan ang bagay na iyan. Kung araw ko na, wala kayong magagawa,” buong tapang kong wika na ikinagitla nilang dalawa.
Napatiim bagang lang si Zairan at wari'y hindi ito sang-ayon sa inilahad ko. Ganoon din si Mocha na napapaawang lang ang bibig at ipinagpatuloy na lamang ang pagbabasa.
Ibinaling ko ang aking atensyon sa labas ng bintana. Parang simpleng baryo lang ang mga nadadaanan namin ngunit bakas sa mga kilos at mukha nila ang totoong kaanyohang nakakubli. Napukaw din naman ang aking atensyon nang may mailapag na tatlong kopita sa mesa namin. Para akong masusuka ng maamoy ko ang laman nito. Hindi ko man nakikita ang laman nito ngunit alam kong dugo 'yan ng tao. Iniusog ko ang isang kopitang nakalaan para sa akin.
“Ito...” Iniabot ni Zairan sa akin ang isang supot ng tinapay at isang bote ng tubig.
Nagdadalawang-isip pa ako kung kukunin ko ba ito o hindi, pero kumakalam na ang sikmura ko at kailangan kong kumain. Kinuha ko na lamang ito at nagpasalamat sa kanya. Hindi ito umimik at nilagok lahat ang laman ng kanyang kopita. Bahagya pang kumalat ng kunti sa gilid ng labi niya ang dugo na kanyang nainom. Napalunok ako at napayuko. Naalala ko si Steffano at ang mga labi nitong kaakit-akit. Muli akong napatanaw na lamang sa labas ng bintana. Darating kaya siya ngayong nasusuong ako sa matinding panganib. Ngunit labis ko rin na ikinabahala ang gagawin niya kung sakali mang magpapakita siya mamaya. Para sa kanila si Steffano ay mapanganib at taliwas iyon sa paniniwala ko sa kanya. Mabait ito sa akin at busilak ang pagmamahal na inilalaan nito para sa akin. Wala man akong kasiguraduhan sa kung ano mang relasyon ang namamagitan sa amin ngunit sapat na sa 'kin ang kanyang prisensya.