Pinaharurot ni Tuesday ang L300 van na kaniyang minamaneho. Nag-aalala kasi siyang ma-late sa pagde-deliver ng mga itlog at bigas sa pinakabago niyang kliyente na maituturing niyang pinakamayaman sa lahat ng mga kliyente niya na si Mommy Gina.
Masasabi niyang maalwan na rin ang pamumuhay nilang mag-ina. Patuloy ang paglago ng negosyo ng kaniyang ina at tiyahin sa pagtitinda ng bigas at ibang basic needs gaya ng itlog, mantika, atbp. Inutang lamang sa bumbay ang naging puhunan ng mga iyon. Pagkatapos ng ikalawang taon niya sa kolehiyo sa kursong Business Management ay nagdesisyon siyang huminto muna at tumulong sa kaniyang ina at tiyahin. Pinasok nila ang pagsu-supply ng mga bigas, itlog, mantika at iba pang kinakailangan sa mga maliliit na kainan karinderya man o restaurants sa karatig-lugar nila. Mababang-mababa lamang ang bigay nila kaya nagtitiyaga sila sa maliit na kita.
Hanggang sa dumami nang dumami ang kumukuha sa kanila at lumaki na rin ang kanilang kita. Sa naisip niyang ideya na mag-supply sa mga restaurants, doon sila unti-unting nakabangon sa kanilang mga pagkakautang. Sabay-sabay pang napag-aral sina Karylle, Kenneth at Kyle. Nito ngang huli ay nagawa na rin niyang muling mag-enrol upang tapusin ang naiwanang kurso. Mula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-otso ng gabi ang kaniyang klase sa university, kaya marami pa siyang oras sa umaga para tumulong sa kanilang negosyo.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa niyang makapasok sa mundo ng mga mayayaman. Dahil nakilala niya si Mommy Gina na ubod ng yaman at siyang nagmamay-ari ng sikat na chain of restaurants sa buong Metro Manila. Mayroon pa raw branch iyon sa Tagaytay at Baguio. Ayon kay Mommy Gina, lalo pang umunlad ang negosyong sinimulan nito at ng namayapa nang asawa nito nang pamahalaan iyon ng apo nitong si Basty.
Chains of restaurants ang negosyo ni Mommy Gina. Aksidente lamang ang pagkakakilala nila. Galing siya noon sa pagdedeliver ng mga bigas at mantika kasama ng kanilang helper sa isang malaking handaan na ginanap sa Cavite. Kasal iyon ng anak ng isa niyang kliyente. Pauwi na siya nang madaanan niya si Mommy Gina at ang driver nito na nakahinto sa ilang na bahagi ng lugar. Malayo pa lamang ay natanawan na niya ang mga ito. Hindi nakaligtas sa mga mata niya nang parahin ni Mommy Gina ang dalawang kotse na nauna sa kaniya. Ngunit ni isa sa mga iyon ay hindi man lang nag-abalang hintuan o tulungan sina Mommy Gina.
Marahil ay na-disappoint na ang matanda kaya nang sila na ang dadaan ay hindi na ito nagtangakang parahin pa siya. Ngunit kusa siyang huminto at nagtanong kung ano ang maitutulong niya. Hindi ganoon karunong ang matandang driver nitong si Mang Agusto sa pagkukumpuni ng sirang sasakyan. Doon naman siya eksperto. Mas kinahiligan niya ang mga gawaing-panlalaki kaysa sa mga gawaing-bahay. Kung ang kaniyang ina, tiyahin at si Karylle ay magaling sa pag-aayos ng bahay, pagluluto, pananahi at paglalaba, ay kabaligtaran naman siya ng mga ito.
Pagbutingting ng mga sirang appliances, pag-aayos ng mga sira o baradong lababo, at pagkukumpuni ng sasakyan ang nakahiligan niya. Magaling kasing mekaniko ang kaniyang yumaong tiyuhin na si Tiyo Peter na siyang asawa ni Tiya Carmen. Dito nahasa ang galing niya sa pag-aayos ng mga makina ng sasakyan. Maaga rin siyang natutong magmaneho dahil maaga siyang tinuruan ng kaniyang ama. Galing din dito ang basic knowledge niya sa mga gawaing-panlalaki. Kaya kahit na may kasama siyang helper ay siya pa rin ang nagmamaneho ng sasakyang ginagamit nila sa pagde-deliver. Tanging taga-buhat lamang ng saku-sakong bigas ang kaniyang helper na kasa-kasama sa tuwing may dine-deliver-an siyang kliyente.
At iyon ang isang bagay tungkol sa kaniyang ama na ayaw na ayaw niyang isipin o alalahanin. Naiinis siya dahil aminin man niya o hindi ay natutuhan niya ang lahat ng iyon dahil sa kaniyang ama.
Napasimangot siya nang muli na namang pumasok sa isip niya ang kaniyang amang umabandona sa kanilang mag-ina. Nitong mga nakaraang araw ay napapadalas ang pag-iisip niya sa kaniyang ama. Iyon ay mula nang lokohin si Karylle ng nobyo nito. Agad niyang pinalis ang kaniyang ama sa isip niya. Ibinalik niya iyon kay Mommy Gina.
Tuwang-tuwa at laking pasasalamat ni Mommy Gina sa kaniya nang hintuan niya ang mga ito at tulungang maayos ang sasakyan nito. Madaling-araw pa lamang kasi noon kaya madilim pa ang paligid. Bilib na bilib ito sa kaniya nang magawa niyang ayusin at muling mapaandar ang kotse nito. Pagkatapos niyon ay hindi ito pumayag na tumanggi siyang magkape kasama nito, kaya huminto sila at nagkape sa unang coffee shop na nadaanan nila. Iyon ang naging ugat upang magkakuwentuhan sila tungkol sa kani-kaniyang buhay.
Bahagya lang ang nalaman niya tungkol sa pamilya nito dahil tila mas gusto nitong makinig ng tungkol sa buhay niya. Nasundan pa ang pagkikita nilang iyon, hanggang sa unti-unti na rin niyang naikuwento rito maging ang panlolokong ginawa ng kaniyang ama sa kaniyang ina pati na rin ang pag-iwan nito sa kanila. Ayon kay Mommy Gina, hindi nito maipaliwanag ngunit napakagaan raw ng loob nito sa kaniya.
“Marahil ay dahil na rin sa wala akong anak na babae at ni hindi rin ako nagkaroon ng apong babae,” natatandaan pa niyang wika nito habang nagkakape sila.
Nabanggit nitong nag-iisa lang ang anak nitong si Albert. Hindi na iyon nasundan pa dahil mahirap itong magbuntis. Nagkaanak naman ng kambal si Albert—sina Basty at Nicolas. Nang malaman ni Mommy Gina ang trabaho at negosyo niya, ora-mismo ay sinabi nitong regular na itong kukuha sa kaniya ng bigas at itlog pati na rin ang iba pang produktong tinitinda niya, na magsu-supply na siya ng bigas at itlog para sa bubuksan pa lamang na dalawang bagong branch ng Gina’s Restaurant, pangalan ng restaurant nito. Tuwang-tuwa naman siya dahil malaki ang maidadagdag niyon sa kita nila.
Noong bago pa lang ang kanilang negosyo ay siya lamang ang solong nagde-deliver sa mga restaurants. Katu-katulong niya ang mga pinsang Kenneth at Kyle. Hanggang sa magkaroon na sila ng dalawang helper at driver na siyang nagde-deliver sa iba pa.
Masasabi naman nang maunlad ang negosyo nila. Hindi na sila kinakapos. Nabayaran na rin nilang lahat ang mga utang nila. Doon pa lang ay kontento na siya. Bonus na lang kung may sumusobra sa mga pangangailangan nila.
Pangatlong beses na iyon na magde-deliver siya sa dalawang bagong bukas na restaurant nina Mommy Gina kasama ng isang helper nila. Nasiraan pa ang L300 van na gamit niya kaya nagahol siya sa oras. Ayaw na ayaw pa naman niyang masisira sa kahit na sinong kliyente nila. Kaya naman muli niyang pinasibad ang minamanehong sasakyan. Ngunit sa malas ay naipit pa rin siya sa traffic.
Mabuti na lang at hindi naman siya nahuli. Ang unang destinasyon niya ay sa Pasig. Ang sumunod ay sa Quezon City. Pagdating doon ay sinalubong siya nghindi kagandahang balita. Ipinaabot iyon ng in-charge sa kitchen na si Miss Jacobe.
“Tuesday, sabi ni Boss, stop muna ang delivery mo hangga’t hindi ka pa daw niya nakakausap,” ani Miss Jacobe sa kaniya.
“Ho? Eh, bakit daw po? May problema raw ba sa mga idini-deliver ko?” Hindi ba nagustuhan ni Mommy Gina, I mean, ni Mrs. Bartolome?” nag-aalanagang turan niya. Hindi si Mrs. Bartolome ang tinutukoy ko,” anito, “kundi iyong apo niyang si Sir Basty. Nagbigay kasi ng instruction na hindi raw dumaan sa approval niya na ikaw ang magde-deliver ng mga bigas at itlog dito gayong okay naman daw ang supplier na siyang nagde-deliver sa iba pa nilang restaurants. Bago raw magtuloy ang transactions ninyo, eh, gusto ka raw muna niyang makilala…”
“Sure, no problem,” agad naman niyang tugon. Wala bang tiwala ang Basty na iyon sa judgement ng lola nito? Samantalang bago naman nito pamahalaan ang negosyo ng mga ito ay si Mommy Gina muna ang nagpalago niyon. But then again, hindi naman iyon problema sa kaniya. Handa naman siyang makipag-usap sa apo ni Mommy Gina.
Pero alam kaya ni Mommy Gina ang desisyong iyon ng apo nito? Alam niyang nasa Italy ngayon ang matanda at may binisitang kamag-anak.
“Miss Jacobe, kailan daw ba ako balak kausapin ni Mr. Bartolome?” tanong niya rito.
“In two weeks’ time siguro, kasi nasa France pa siya ngayon. In the meantime daw ay iyon munang supplier sa ibang restaurants ang magde-deliver ng rice supply dito…”