Chapter 1
“I told you, couz, na sa hilatsa pa lang ng pagmumukha ng kumag na iyon eh, mukha nang hindi mapagkakatiwalaan. Guwapo masyado at pihadong simpatiko. Sa pagngiti-ngiti pa lang ng kumag na iyon eh, kaduda-duda na. And what? Nakinig ka ba sa akin?” sermon ni Tuesday sa pinsan niyang si Karylle.
“Malay ko ba, Ate Tuesday, na ganoon ang gagawin sa akin ni Romnick?” sagot naman nito habang humihikbi pa rin dala ng pag-iyak nito. “Paano ba naman kasi, ang amo-amo ng mukha ng Nick ko.”
“Aba ah! Ibang klase ka rin talaga, ano? Ikaw na nga itong niloko eh, nagagawa mo pa ring tawaging ‘Nick ko’ ang hudas na iyon?” Litanya pa niya sa kaniyang pinsan, di maitago ang disappointment sa boses niya nang sabihin iyon dito.
Inis na inis siya sa inaasal ni Karylle. Mas matanda siya rito nang limang taon at magkasama silang lumaki dahil magkapitbahay lang naman sila. Matagal nang biyuda ang kaniyang tiyahin na siyang ina ni Karylle samantalang inabandona naman ng kaniyang ama ang kaniyang ina. Nag-iisang anak lamang siya samantalang tatlo namang magkakapatid sina Karylle, pawang lalaki ang mga kapatid nitong sumunod dito dahil ito ang panganay sa kanilang tatlo.
Noong mga panahong pareho pang napasok sa isang pabrikang pinagtatrabahuhan noon ang kani-kanilang mga ina ay siya ang naiiwan para bantayan at alagaan ang mga kapatid ni Karylle. Kaya nga closed siya sa mga ito. Kaya naman nang ipakilala pa lang nito noon sa kaniya si Romnick bilang nobyo nito ay hindi na naging maganda ang kutob niya sa lalaking iyon.
Masyado pang bata si Karylle sa edad nitong beinte-uno at kaga-graduate pa lang nito sa kurso nitong Hospitality Management. Isa siya sa mga tumulong sa pagpapaaral dito. Nakapagtrabaho ito sa isang hotel bilang receptionist at doon nito nakilala si Romnick na isang regular customer doon. Niligawan at inuto-uto ng di-hamak na mas matanda at mas may karanasang lalaki ang pinsan niya.
Nang hulog na hulog na ang loob dito ni Karylle ay bigla na lamang naglahong parang bula ang Romnick na iyon. At habang nakikita niyang nahihirapan si Karylle ay sumisidhi ang pagnanais niyang sakalin hanggang sa malagutan ng hininga ang tarantadong Romnick na iyon.
Treinta anyos na ang lalaking iyon at ang kapal ng mukha na paglaruan ang inosente at batang-batang si Karylle. Walanghiya nga! Mapagsamantala! Makapal ang mukha! Walang pinagkaiba ang Romnick Montenegro sa kaniyang ama na nag-abandona sa kanila at ipinagpalit sila sa anak ng amo nito kung saan nanilbihan itong personal driver noon.
Lalo lang sumidhi ang galit niya sa mga lalaki. Mabigyan lamang siya ng pagkakataon na muling mag-krus ang landas nila ng Romnick na iyon ay titiyakin niyang may pagkakalagyan ito sa kaniya. Hindi por que lalaki ito at mas malakas sa kaniya ay hindi na niya ito kaya. Kayang-kaya niya itong turuan ng leksiyon na hinding-hindi nito makakalimutan!
“Hindi pa rin ako makapaniwalang magagawa niya sa akin na basta na lang akong iwan nang walang pasabi. Ni hindi man lang siya nagpaalam sa akin, Ate Tuesday. Naiwan akong nangangapa kung ano ang nangyari sa kaniya. Seven months din ang naging relasyon namin pero ni minsan hindi ko man lang nakilala ang family niya. Ni kaibigan niya ay wala akong nakilala kahit isa…” himutok pang sabi ni Karylle habang patuloy ito sa pagluha.
“Ultimo address niya ay hindi mo man lang inalam. Masyado kang nagpauto sa lalaking iyon na lahat ng common sense na natutuhan mo sa loob ng dalawang dekada ay nawalan ng saysay. Hinayaan mong maloko ka ng gagong iyon!” nanggagalaiting sermon niya rito.
Lalo lang itong bumunghalit ng iyak. Apektadung-apektado talaga ito sa ginawang paglalaho ng nobyo nito. Lalo pa at first boyfriend nito ang Romnick na iyon. Sa tingin niya ay masyado itong na-overwhelm sa lalaking iyon. Noon lamang ito nakatagpo ng lalaking tila alam na alam ang gagawin. Kung tutuusin ay mas boto pa siya sa kababata nitong si Danison na binasted nito dahil nga sa Romnick na iyon.
Paano ba namang hindi madadala si Karylle? De-kotse si Romnick. At sa real estate daw ang negosyo nito at mukhang may-kaya sa buhay. Ngunit obvious naman na intensiyon lamang nitong paglaruan ang batang puso ng kaniyang pinsan dahil hindi man lang ito nag-abalang ipakilala si Karylle sa pamilya nito o sa mga kaibigan man lamang nito.
“Ang sakit-sakit, Ate Tuesday.” Sabi ni Karylle sa pagitan ng pag-iyak nito. “ Parang mamamatay na ako sa sobrang sakit na nararamdaman ko ngayon. Hindi ko yata kayang tanggapin na basta na lang akong iniwan ni Romnick. Hindi ako makapaniwala. Samanatalang wala naman kaming naging problema. Hindi naman kami nag-away eh. Ang sabi pa nga niya, kapag kasama raw niya ako, pakiramdam niya ay bumabata siya at nakakalimutan niya ang mga problema niya. Na napapasaya ko raw siya. Napapatawa. Napapagaan ko raw ang loob niya. Pero bakit ganito? Parang kailan lang, ang saya-saya namin, ‘tapos, all of a sudden, ganito. Iniwan niya akong nangangapa. Ang sakit-sakit grabe…” lalo pang umiyak ang tunog ng pag-iyak nito.
Wala namang nagawa si Tuesday kundi ang tabihan ito sa pagkakaupo nito sa mahabang sofa na naroon. Mabuti na lamang at wala ang kaniyang ina at ang ina ina nitong si Tiya Carmen. Nasa palengke pa ang mga ito, sa puwesto nila ng bigasan at iba pa. Nang sabay mag-resign ang mga ito sa pinapasukang pabrika noon ay naisipan na lamang ng mga ito na magtayo ng tindahan ng mga bigas sa palengke. Hindi naglaon ay nag-boom ang negosyong iyon ng kanilang mga ina. Minsan kapag off niya ay tumutulong siya roon. Marami-rami na rin ang mga costumer nila sa tindahan nilang iyon.
“Tahan na, Karylle, huwag ka ng umiyak diyan,” pag-aalo niya sa pinsan habangmarahan niyang hinahagud-hagod ang likod nito. “Pasasaan ba’t makakalimutan mo rin ang Romnick na iyon. Hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal mo. Tingnan mo nga at ilang linggo na, eh hindi man lang niya magawang magparamdam sa iyo oh.”
“Pero mahal na mahal ko si Romnick, Ate Tuesday. Parang sasabog ang puso ko sa sobrang sakit…”
Niyakap niya ito nang mahigpit nang makita niyang tila magbe-breakdown ito. Ilang ulit na niyang na-imagine na sinasakal niya ang Romnick Montenegro na iyon. Awang-awa siya kay Karylle.