Kasalukuyan siyang naka-duty ngayon, medyo busy sila dahil marami-rami ang customer dahil sabado. Mabuti na lang din talaga ay may mga intern sila na makakatulong.
May panibagong pumasok na customer at awtomatikong binati niya ito. Inasikaso niya ang isang lalaki para makaupo sa bakanteng table.
"Good evening po, ito po ang menu, sir," nakangiting sambit niya at inabot ang menu.
"Oh?" Napatingin siya sa lalaki dahil nakakunot itong nakatingin sa kaniya. "You're the girl in the ramen restaurant. The one who stared at me obviously," he laughed. Nanlaki ang mata niya nang mamukhaan ang lalaki.
"You remember me?" nakangiting tanong pa nito. Nahihiyang tumango siya rito at iniwas ang tingin sa lalaki.
"So, I'll order one triple cheese baked mac, hot stone steak, and one can of coke zero." Nilista niya ang mga sinabi nito para hindi makaligtaan.
"Noted sir. I'll be back with your order," sambit niya at yumuko rito. Tinanguan lang siya nito habang nakangiti. Pinasa niya agad ang order sa kitchen para magawa agad. After 20 minutes ay nakuha niya na ang mga order nito kaya dali-dali niyang sinerve. Tinulungan pa siya ng isang intern dahil sa hot stone steak.
Sinerve nila ito sa table at inayos.
"Complete na po ang order niyo, sir. Thank you po and enjoy," she smiled. Umalis na siya agad sa harapan nito para makapag-asikaso pa ng iba. Nagpunas siya ng mga kailangan punasan at tinulungan niya rin ang mga intern na mag-bus out.
Nang tumambay siya sa cashier para maghintay ng panibagong gagawin ay napatingin muli siya sa lalaki na nakita niya sa ramen restaurant. May kahawig talaga ito pero hindi niya matukoy kung sino ang kahawig.
"Hoy! Matunaw ang customer natin," bulong sa kaniya ni Dianne. "Kamukha niya 'yung kaibigan mong naghahatid sundo sa'yo 'no?"
Naibalik niya ang tingin sa lalaki at tama nga si Dianne, may hawig ito ni Xion. Mas mature at manly lang tingnan si Xion at itong lalaki naman ay sakto lang ang dating at sigurado siyang mas matangkad ng kaunti si Xion.
"Kumusta na pala 'yon? Isang linggo ko na hindi nakikita 'yon ah?" tanong pa ni Dianne. Napabuntong hininga siya at tinuon ang pansin sa pagpupunas doon sa cashier kahit hindi naman madumi.
"Busy," matipid na ani niya. Anim na araw na eksakto na wala itong paramdam sa kaniya. Ni text o tawag ay wala. Dapat hindi niya na ito iniisip pero mas lalo lang itong tumambay sa isipan niya.
Mukhang tuluyan na talaga siyang nagkagusto sa binata. Sigurado siyang hindi lang simpleng atraksyon ang nararamdaman niya.
"Kaya pala ang lungkot lungkot mo palagi, miss mo na 'no?" asar pa sa kaniya ni Dianne. "One sided love ba?" tawa nito.
"H-hindi ah! Kaibigan ko lang 'yon," tanggi niya.
"Ay sus! Friends with benefits? Masarap ba?" Tinapik niya ito sa braso para patigilin. Kung ano-ano kasi ang sinasabi, baka marinig pa siya ng ibang mga tao. Tumawa ito lalo nang lagpasan niya ito at iwanan doon. Isang taon lang kasi ang tanda niya kay Dianne at talagang magkasundo sila. Ang problema lang ay malakas itong mangasar at mangulit.
Nakita niyang nagtaas ang lalaki ng kamay kaya mabilis siyang lumapit dito.
"Bill," ani nito. Tumango naman siya at naglakad papunta sa cashier para kunin ang bill nito. Bumalik din siya at inabot iyon.
"Bago ka lang dito?" tanong nito sa kaniya habang naglalabas ng cash sa wallet.
"Opo," magalang na tugon niya.
"I see. The last time I am here was 6 months ago. Ngayon na lang ulit ako nakakain dito." Kinuha niya ang bayad nito pero nagtaka siya ng sobra ng isang libo ang binigay nito.
"A-ah sir, sobra po," sambit niya at inabot ang isang libo rito.
"No, it's not. Tip ko sa inyong dalawa ng kasama mo kanina," he casually said.
"Po? Hindi po ba m-masiyadong malaki ito?" parang bayad na ito ng isang araw nila ah.
"Accept it. By the way I'm Lloyd," pakilala nito. Nagulat man siya pero hindi niya na pinahalata at tinanggap na lang ang kamay nito. Hindi niya kasi alam kung bakit ito nagpakilala pa sa kaniya.
"Ako po si Aj," sambit niya naman. Ngumiti ito sa kaniya kasabay ng pagtango.
"Nice to meet you, Aj. I'll see you again." Tanging tango lang ang tugon niya dahil hindi niya naman alam ang sasabihin dito. Nagpaalam na ito at iginaya naman niya hanggang sa pinto. Pagkatapos ay bumalik siya sa cashier at binigay ang bayad ng lalaki.
Inabot niya rin sa isang intern ang tip at talagang gulat na gulat ito. Maski siya ay gulat dahil talagang malaki na iyon para sa kanila.
Mabilis lang lumipas ang oras at out niya na agad. Sinundo naman na siya ng kaniyang driver at hinatid sa bahay. Pagkarating niya sa bahay ay nagpaalam na ang driver niya kaya siya na ang nag-lock ng gate. Pagkapasok niya sa kwarto ay nagpahinga lang siya saglit bago mag half-bath.
Nang matapos makapag-shower ay bumaba siya sa kusina para kumuha ng smirnoff na naka-stock sa ref. Hinayaan niya lang na bukas ang ilaw sa kusina dahil wala siyang balak buksan ang ilaw sa sala. Doon siya iinom, tutal ay wala naman siyang pasok kinabukasan dahil day-off niya.
Hindi naman siya malakas uminom, minsan lang talaga pag trip niya. Umupo siya sa sofa at tiyaka binuksan ang isang bote at ininom. Binuksan niya ang tv at nanood ng romance movie sa Netflix dahil wala siyang magawa.
Nakatutok nga ang mata niya sa pinapanood pero ang isip naman niya ay lumilipad. Hindi niya na nga namalayan na naubos niya na ang tatlong bote. Muli siyang tumayo at dumeretso sa may kusina para kumuha muli sa ref ng alak pero natigilan siya ng biglang namatay ang lahat ng ilaw.
Brown out ba o dahil medyo nahihilo na ako?
Kinurap-kurap niya ang mata pero madilim talaga. Napabuntong hininga siya at umupo na lang sa sahig. Wala rin naman siyang makita at hindi niya bitbit ang cellphone niya kaya sa kusina na lang siya maghihintay hanggang sa bumukas ulit ang ilaw.
Bumagsak ang tulikap ng mata niya dahil na rin siguro sa pagod ngayong araw. Hindi niya na napigilan at nakatulog na sa pwesto niya.
Nagising na lang siya nang maramdaman niyang lumulutang siya. Unti-unti niyang binuksan ang mata niya at bumungad sa kaniya ang mukha ni Xion. Seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa dinadaanan.
Napangiti naman siya at inabot ang mukha nito dahilan para mapatingin sa kaniya.
"Lasing na ata talaga ako at nananaginip na ako," mahinang sambit niya. Bumigat ang nararamdaman niya at kaya sinubsob niya ang mukha sa leeg nito at kumapit ng husto sa binatang karga siya. Kahit man lang sa panaginip ay mayakap niya ito at makausap.
Tuluyan na siyang naiyak habang nakayakap dito. Naramdaman niya pa ang pagtigil nito dahil sa iyak niya.
"Hindi ka man lang tumawag o kahit text lang. Alam ko naman na hindi mo obligasyon iyon pero hindi mo man lang ba naisip na na-miss kita?" iyak niya rito. Wala na siyang pakialam sa mga sinasabi niya dahil tutal ay isa lang naman itong panaginip.
Bumuntong hininga ito bago maglakad muli at pumasok sila sa isang kwarto na sigurado niyang hindi niya kwarto dahil mas malaki iyon.
Pinikit niya muli ang mata niya dahil kumirot ang ulo niya. Naramdaman niya na lang ang paglapat ng likod niya sa malambot na kama. Napadilat siya nang kumuntan siya nito at akmang aalis na ng hinuli niya ang kamay nito.
"Dito ka lang..." Hinatak niya ito ng buong lakas at napangiti naman siya nang mapaupo ito sa tabi niya.
"Ang bango mo talaga... Na-miss ko ang amoy mo," bulong niya pa. Pinilit niyang makaupo kahit ang bigat na ng ulo niya. Gusto niya lang sulitin itong panaginip niya dahil baka magising na siya at magsisi na hindi niya nagawa ang gusto niyang gawin dito.
"Don't move," seryosong ani nito. Napahagikgik siya dahil nagsasalita ito sa panaginip niya at parang totoo talaga.
Hinuli niya ang mukha nito at hinawakan sa magkabilaang pisngi at marahan itong hinalikan sa labi. Humiwalay rin siya agad at umupo sa hita nito at tiyaka niyakap ang binata. Siniksik niya ang mukha sa leeg nito para mas maamoy niya pa ang kabanguhan nito.
"Hindi ako magso-sorry dahil hinalikan kita," bulong niya. "Paano ba ang gagawin ko, Xion? Gusto na ata talaga kita dahil hindi ka na maalis sa isipan ko. Oo, may asawa ako pero hindi ko naman siya kilala. Ayaw kong magloko sa kaniya dahil totoong malaki ang utang na loob ko sa lalaking iyon. Siya ang dahilan kung bakit nagiging okay na ang lagay ng ama ko at dahil sa sweldo ko sa kaniya ay wala na akong mabigat na problema para sa mga kailangan ng kapatid ko." Mas lalong humigpit ang yakap niya rito.
Pinikit niya ang mata dahil parang hinahatak siya ng kadiliman. Ayaw niya pa mawala ang panaginip niya pero mukhang tuluyan na iyong maglalaho.
"Ito ang hindi mo dapat malaman dahil baka mawalan ka ng trabaho. Ayaw ko madamay ka pag nalaman ng asawa ko itong ginagawa at nararamdaman ko. Malaki pa rin ang respeto ko sa kaniya kaya kahit mahirap at masakit ay lalayuan na kita. Kahit man lang... sa panaginip... ay mayakap kita ng ganito at masabi ko ang nararamdaman... ko..."