Kimberly’s POV:
“Anak, handa na sila?” Pigil ang aking paghinga nang marinig ko ang malungkot na sabi ni ng inay sa akin. Mariin akong pumikit.
“O—oo nay, andiyan na po.” Napakagat ako ng aking pang ibabang labi. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
Dinig ko ang paglapat ng pintuan. Ilang beses akong kumurap para pigilan ang luhang gustong kumawala sa aking mga mata.
Ilang minuto pa akong nakatitig sa salamin. Bago ko napagpasyahan na tumayo at tunguhin ang mga bisitang naghihintay sa akin sa aming sala.
Makailang beses kong inangat-baba ang kamay ko sa seradura. Wala akong lakas na buksan iyon. Ayoko! Ayokong magpakasal!
Pikit mata kong binuksan ang pintuan at lumakad palabas mula sa aking silid. Huminto ako sa punuan ng hagdanan, lahat sila nakatingala sa akin. Isang simpleng bestidang puti, may maikling manggas at lampas tuhod ko lang ng kaunti ang haba noon. Pinaresan ko ng flat sandal. Nakalugay ang hanggang balikat kong buhok.
Tumayo ang ang lalaking mapapangasawa ko. Mas may edad siya sa akin. Binili niya ang maliit na hardware ni Tatay kapalit nang pagpapakasal ko sa kanya. Wala na kasi kaming pera para pambayad sa ospital. May stage IV colon cancer ang itay. Halos naubos na rin ang naipundar nila.
“Kim?” Mahinang tawag ni Leonel. Napilitan akong tumango at dumako sa bakanteng upuan. Napapagitnaan ako nina tatay at nanay.
“Kumare, kami na ang sasagot sa kasal, gusto kong engrande iyon. Sobrang swerte ng anak mo sa anak ko. Binata na mayaman pa.” Mayabang na pahayag ng Mama ni Leonel. Yumuko na lang ako. Basang-basa ang palad ko ng pawis.
“Ka—kahit simpleng kasal lang kumare,” magalang na sagot ng inay. Halos dumugo na ang aking labi sa mariing kong pagkagat dito.
“No, never!” Napalakas ang sagot nito. Na siyang ikinaangat ng aking paningin. Nababakas sa mukha nito ang pagiging aristokrata at mayaman. Mula sa mga ternong hikaw, kwintas at porselas. Siguradong mamahalin iyon. Napatingin rin ako sa bag niya na nakapatong sa kanyang kandungan. Branded din at mamahalin.
“K—kayo ang masusunod mare.” Dinig kong pagsang-ayon ni nanay.
“M—may gusto ka pa bang idagdag sa kasal, Kim?” Nauutal at magalang na tanong ni Leonel sa akin.
“Ah—ah, eh wala na. Mukhang alam na ng mama mo ang gagawin,” Sagot ko dito. Kita kong napataas ang kilay niya.
“So, bueno kumare, kumpare kami ay aalis na. Ipapasundo ko na lang si Kimberly kung kailangan na siyang susukatan ng traje de boda niya.” Agad itong tumayo.
“S—sige kumare, ingat kayo.” Halos hindi na nakapagsalita si tatay.
“Kim? Can we talk?” Tanong ni Leonel sa akin. Tumango ako. Itinulak na ni Nanay ang wheelchair ni tatay papasok sa kanilang silid.
“Hindi ka ba sasabay sa parents mo?” Simula kong tanong na ikinailing niya.
“No, I brought my car.” Tango ako nang tango.
“Ano ang pag-uusapan natin?” Deretso kong tanong sa kanya.
“About us,” sagot nito. Tumingin Siya sa mga mata ko, agad akong umiwas ng tingin.
“Wala akong pagtingin sayo, Leonel. Ang layo ng edad mo sa edad ko. Napilitan lang ako dahil kailangan ng pamilya ko ng pera. Ikaw ang rin ang nagmamay-ari ng paaralang pinagtuturuan ko. Wala lang akong pagpipilian.” Malamig kong sagot. Ayokong magkunwari, ayokong paasahin siya na may damdamin ako sa kanya.
“Alam ko naman iyon, Kim. Pero kahit sana subukan mo lang.” Parang pipiyok na ang boses niya. Namumula na ang kanyang mga mata.
“H’wag mo akong pilitin sa mga bagay na hindi ko kayang ibigay.” Dagdag ko pa. Nagulat na lang ako ng lumuhod siya sa harapan ko.
“Just one chance. Kim. One chance papatunayan ko sayong mamahalin kita ng buong-buo.” Pakiusap niya sa akin.
“I’m sorry, Leonel. My son needs a father, and you're there to help fulfill that. Iyon lang ang papel mo sa buhay ko.”
Gumuhit ang sakit sa talim nang sinabi ko.
“Makasama lang kita, Kim masaya na ako. Kasama ng anak mo. Mahahalin ko siya na parang tunay kong anak.” Tumango ako. Pero hindi na ako sumagot. Ilang minutong katahimikan sa pagitan namin.
“May sasabihin ka pa?” Umiling siya at tumayo.
“Aalis na ako.”
“Close the door when you leave.” Tinungo ko na ang silid ng mga magulang ko. Hindi na rin ako nag-abalang lingunin si Leonel.
Mahinang katok ang ginawa ko at pinihit ko ang seradura ng pintuan. Nakita kong nabihisan na ni Inay si Itay ng pantulog. Tinulungan ko siyang iangat ang kanyang mga paa.
“Anak?” Nag angat ako ng tingin sa inay.
“Po?”
“Pagpasensyahan mo na kung pabigat kami ng iyong itay sa iyo. Alam kong hindi mo kami responsibilidad. Napakabuti mo anak.” Maluha-luhang saad ng inay.
Agad ko siyang niyakap. Hinagod ang kanyang likuran.
“H’wag niyo pong iisipin na pabigat kayo. Mga magulang ko kayo. Responsibilidad ko kayo ni Itay.” Mahabang saad ko. Ramdam ko ang paghawak ni Itay sa kamay ko kaya napakalas ako nang yakap sa inay at umupo sa tabi niya.
“Ayokong maging pabigat anak.” Nagsusumamo niyang sabi.
“Hindi ho kayo pabigat itay. H’wag niyong iisipin ang ganito please. Mahal na mahal ko kayo, ni inay.” Sagot ko dito kasabay nang pagbalong ng luha sa mga mata ko…
KINABUKASAN maaga akong nagising at gumayak, Biyernes ngayon at huling araw ng pasok. Makakapagpahinga ako. Nangako ako sa aking anak na dadalhin ko siya sa dagat. Gusto ko rin maka langhap ng sariwang hangin ang itay. Gusto kong samantalahin ang oras na kasama pa namin siya.
“Sis, uwi kana? Sabay na tayo?” Tanong ni Thelma sa akin.
“Naku mauna kana Thelma kasi dadaanan pa ako ng talipapa, bibili ako ng dadalhin namin bukas para sa outing.” Imporma ko sa kanya.
“Ganun ba? Siya sige, enjoy kayo bukas!” Kumaway siya sa akin.
Pagka ligpit ko ng aking mga gamit. Agad akong lumabas sa opisina at tinungo ang paradahan ng mga tricycle sa labas ng gate ng eskwelahan.
“Ma’am Kim sakay na ho kayo?” Tawag sa akin ng isang driver.
“Sige po, sa talipapa po ako magpapahatid may bibilhin lang ho, ako.” Sumenyas siyang pumasok na ako sa loob.
Umandar na iyon. Malapit lang naman ang talipapa kaya pagkalipas ng ilang minuto huminto na ang tricycle. Inabot ko ang aking bayad.
“Salamat po.”
“Areglado, basta ikaw Ma’am Kim.” Ngumiti lang ako sa kanya.
Una kong pinuntahan ang gulayan. Gusto ko mag ensaladang talong, na may manggang hilaw at alamang. Bumili na rin ako ng ibang gulay para pangkunsumo namin.
Sunod akong pumunta sa karnehan. Bibili ako ng isang kilong liempo at isang kilong hita-paa ng manok…
“Ate may may kasim pa po kayo?” Isang baritonong boses ang aking narinig mula sa likuran ko. Pamilyar iyon sa akin. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
“Ma’am sukli mo,” anang tindera sabay abot ng aking sukli. Kinuha ko agad iyon ng hindi nagpapasalamat at dinampot ko ang aking pinamili.
“Miss!” tawag ng lalaking pamilyar na pamilyar sa akin. Hindi ko alam kung lilingon ako o hindi.
“Naiwan mo Miss ang mga pinamiling gulay mo.”
“You...?”