Tulala, nanghihina, at nagpipigil pa rin ng luha si Mariella habang inaalala ang mga nangyari ilang araw na ang nakakaraan. Hanggang ng mga oras na iyon ay hindi niya pa rin lubos akalain na ganoon ang kahihinatnan, matapos ng lahat.
“My gosh, Mariella. Will you get over it. He’s not worth it.”
Turan ni Leora na naparolyo na lamang ng mata habang iniinom ang inorder nito na iced tea na may maliit pang payong.
Kasalukuyan silang nakatambay sa isang coffee shop dahil hindi niya magawang manatiling mag-isa nang araw na iyon. Naroon pa rin kasi ang bigat ng kanyang kalooban sa bawat pagkakataon na maaalala ang mga nangyari.
“I don’t understand what happened. May mali ba akong nagawa? O baka naman masyado ako naging pakawala?”
Iyon ang mga katanungan na walang tigil na gumugulo sa kanyang isipan. Hindi niya kasi alam kung saan ba siya nagkamali para mangyari ang bagay na iyon.
Napayakap na siya sa kanyang sarili dahil sa kung anong paglukob ng matinding paninikip sa kanyang dibdib, dulo’t ng panunumbalik at paghalo ng ilang alaala sa nasira niyang relasyon.
Hindi niya namalayan ang unti-unting pagpatak ng kanyang luha, kasabay noon ang mabilisan na pagkakapos niya ng hininga.
Dito na umayos si Leora, mabilis itong lumipat ng kinauupuan upang mas makalapit kay Mariella, para agaran itong yakapin ng isang kamay para aluhin.
“Ano ka ba naman girl, why are you saying that?”
Marahan at buong ingat ang naging pag-alo ng kaibigan sa kanya habang panaka-naka ang pagtatapik nito sa kanyang balikat.
“Hindi naman sasabihin ni Armando if there wasn’t a problem.”
Nagtuloy-tuloy na ang kanyang paghikbi nang maalala nanaman ang tagpo nila matapos ng gabing iyon. Hanggang ng mga oras na iyon ay sariwa pa rin sa kanya ang hapdi na naidulot ng mga katagang binitiwan nito.
“Ano ba kasi exactly iyong nangyari?”
Pilit pagpapalumanay ni Leora ng boses upang kahit papaano ay mapakalama siya.
Ilang malalalim na hininga ang pinakawalan ni Mariella upang kahit papaano ay pahupain ang nadarama, kasunod noon ang pagpikit upang alalahanin mabuti ang mga kaganapan nang gabing iyon.
Malinaw na malinaw pa sa kanya ang imahe ng matipunong lalake na nakaupo sa dulo ng kama nang magising siya, kasama noon ang kung anong galak, pero mabilis ang naging pagkunot ng kanyang noo at pag-aalala nang makitang nakayuko at bagsak ang mga balikat nito.
“I just woke up na nakabihis na siya, and before I could even say a word he just blurted out na kalimutan ko iyong nangyari sa amin, na isang malaking pagkakamali lang daw iyon kasi lasing siya.”
Halos mautal pa siya habang isinasalaysay ang mga binitiwan nitong salita na hanggang ngayon ay umaalingawngaw pa rin sa kanyang isipan.
Ang sakit na naidulot noon ay maihahaluntulad niya sa dinanas noon panahon na nalaman niyang nambababae ang dating asawa, kung kaya naman ganoon na lamang ang muling pagguho ng kanyang mundo kasabay ng muling pagbagsak ng kompyansa niya sa sarili.
Naroon nanaman ang matinding panliliit niya lalo pa nang maalala kung paano na lamang umalis si Armando na hindi man lang siya nililingon, habang siya naman ay natuod na lamang sa kinalalagyan, namamaluktot habang napapakapit na lang ng mahigpit sa kumot na nakatakip pa rin sa hubad niyang katawan.
Doon na siya tuluyan bumigay at napahagulgol dahil sa matinding nadarama, nakadagdag pa roon ang bigat ng dinadala niyang mga problema.
“There, there, Mariella. Don’t fret about it, isipin mo na lang nakatatlo kang lalake noon araw na iyon. Doesn’t that prove something! May asim ka pa rin.”
Pilit pagpapatawa na lang ni Leora kahit naroon pa rin ang pagka-ilang nito dahil sa hindi malaman ang dapat gawin ng mga sandaling iyon.
Gusto man isipin ni Mariella na may punto ang kaibigan, naroon pa rin ang katotohanan na iniwan siya ng lahat ng mga ito sa silid na iyon matapos makuha ang mga ninanais, kung kaya ganoon na lang ang lalong pagsisisi niya sa ginawa.
Hindi niya nga lang iyon masabi sa kaibigan, dahil ayaw niya naman maapakan ang uri ng pamumuhay nito, lalo pa at ito na nga lang ang nakakausap at nasasandalan niya ng mga panahon na iyon.
Mabuti’t nasa liblib na parte sila ng naturang establishmento naka-upo at hapon na noon kaya’t walang masyadong tao roon, kung kaya naman inilabas niya ang hinanakit ang sama ng loob.
Pakiramdam niya kasi ay puputok na ang kanyang dibdib sa sobrang sakit dahil na rin sa magkahalong galit at panibugho.
Ilang sandali rin silang ganoon, bago siya tuluyan makabawi, nang medyo mapahinto niya na ang mga hikbi at pagpatak ng luha ay nakahinga na siya ng maluwag.
Agad iniabot ni Leora ang baso ng tubig sa kanya, maingat pa nitong inlalayan ang kanyang pag-inom dahil nanginginig pa rin siya ng mga sandaling iyon.
“I think I’m done with men and this kind of lifestyle.”
Iyon na ang unang mga katagang binitiwan niya habang pinupunasan ang mga natitirang luha na kumakawala pa rin sa kanyang mata.
Magaan na ang kanyang loob dahil sa pag-iyak at tila naliwanagan na siya sa sitwasyon ngayon matapos makapag-isip-isip ng mabuti.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Leora habang napaparolyo ng mata. Agad na itong bumalik sa kinauupuan sa kanyang harapan nang makasiguradong ayos na siya.
“Who told you naman kasi to get invested. You should just have fun with them, enjoy the single life nga diba.”
Napakusot na lang ng mukha ng kaibigan habang sumasandal sa kinauupuan, naroon pa ang pasimpleng pagtataas ng isang kilay nito bago muling sumipsip sa inumin nang mapansin ang kakaibang determenisyon sa kanyang mukha.
“Nope, I think I’ve had my fill already, so I’m good.”
Matapos noon ay nagdesisyon na siyang ituwid ang sarili at ituon na ang buong atensyon sa pagsasaayos ng buhay ngayon.
Pumayag lang naman siya sa kagustuhan ng kaibigan na sumubok sa ganoon, para na rin makalimot sa nasirang relasyon at pagtataksil ng dating asawa. Subalit matapos ng mga nangyari at naranasan ay mabilis siyang nakapagpasya na huwag ng bumalik sa naturang lugar.
Isang tao lang naman kasi ang naging dahilan niya upang bumalik at magpatuloy sa kasumpa-sumpang lugar na iyon, at ngayon na alam niyang wala na rin pupuntahan ang mga ginagawa niya roon ay nakasisiguro na siyang wala na siyang dapat pang balikan sa mansyon na iyon.
Abala pa siya sa pagpapalakas ng loob nang matigil ang kanyang pagmumuni nang marinig ang malakas na pagtunog ng kanyang telepono.
Hindi niya napigilan ang mapasalubong ng kilay nang makita ang numero na nakalagay roon.
“Yes hello.”
Matuwid pero mahinahon ang naging pagsagot niya rito, kahit pa naroon pa ring ang bahagyang pagbabara sa kanyang lalamunan dahil sa paghikbi.
Walang naging paligoy-ligoy ang naturang tumawag sa kabilang linya, kung kaya naman ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ni Mariella habang pilit na iniintindi ang mga sinasabi nito.
Agad naman napansin ni Leora ang mabilis na pagkatulala ni Mariella, kasabay ng muling pamamasa ng mga mata nito.
“What’s wrong?”
Mabilis nanumbalik ang pag-aalala sa kaibigan nang makita ang unti-unting pagbagsak ng balikat niya, para bang nawalan na lang ito bigla ng buhay matapos ng naturang tawag.
Dahil na rin sa matinding pagkabigla ay nanatiling tulala si Mariella ng ilang minuto, muli nanaman umagos ang luha sa kanyang mga mata, pero sa pagkakataon na ito ay para bang nanigas na lang ang buo niyang katawan dahil sa matinding pagkalugmok.
Nanatili lamang siyang nakatingin sa kawalan, nakanganga habang unti-unting lumalalim ang paghinga. Ni hindi niya na nga niya batid ang paglapit ng kaibigan at paghawak nito nang akmang mawawala siya sa balanse.
“Mariella, hoy. Are you all right?”
Wala rin nagawa ang matinding pagyugyog sa kanya ni Leora dahil halos unti-unti ng namamanhid ang buo niyang katawan. Wala na siyang madama matapos noon, kahit ang mga sigaw ng kasama ay biglang naging bulong, kasabay ng mabilis na pagbagal ng lahat ng bagay sa kanyang kapaligiran.