Ponyang's POV
Hindi ko akalain na napakabait naman pala ng gwapong lalake na 'yon. Pinahatid pa niya ako sa mga bodyguard niya at pagkatapos ay binigyan pa niya ako ng five thousand pesos para raw hindi na ako kagalitan ni nanay pag uwi ko ng bahay.
Masyado na akong humanga sa kaniya. Pakiramdam ko nga mahal ko na talaga siya.
Alam ko naman na suntok sa buwan na magustuhan ako ng isang guwapo, edukado at mayamang lalake na 'yon. Libre lang mangarap kaya lulubusin ko na.
"Nay!" Tawag ko kay inay, pagdating na pagdating ko ay siya agad ang hinanap ko.
Huh! Napaka seryoso naman ng mukha ni nanay.
"Saan ka nanggaling na bata ka, ha?Alam mo ba kung anong oras na?" galit na tanong nito sa akin.
"Ah-eh, hindi ko po alam. Teka titingnan ko po muna sa orasan natin," sagot ko naman.
Inumpisahan ko nang maglakad papasok ng kuwarto ng magsalita si nanay.
"Huwag ka ng mag-abala pang alamin. Alas dos na ng hapon, Ponyang," seryosong sabi nito.
Tsk! Tingnan mo itong si Nanay alam naman pala kung anong oras na tapos nagtatanong pa sa akin.
Natatawang napakamot ako ng ulo.
"Ano'ng nginingisi-ngisi mo d'yan? Hindi ako nakikipagbiruan sa'yo bata ka! Nasaan na ang paninda mo, naubos ba?" inis na tanong ni nanay sa akin.
"Ah, opo, Nay. Naubos pong lahat ang sarap kasi ng mga kakanin n'yo, eh! Ito nga po ang kinita ko sa maghapong pagtitinda." Iniabot ko rito ang one thousand five hundred pesos.
Siyempre hindi ko ibinigay lahat kay nanay, itatabi ko ang iba para may ipon ako. Malay mo maparami ko ito, eh di may pang enroll nako sa pasukan, makakapag-college na rin ako.
"Ayos!" tuwang sabi ni nanay ng mapasakanya na ang pera.
Sinundan ko lang ng tingin ito habang nagpapalinga-linga sa paligid.
"Nasaan na nga pala ang dala mong bilao?" tanong na naman nito.
Tsh! Si Nanay talaga ang daming hinahanap.
Iyon lang, nakalimutan kong bumili ng bagong bilao. Paano ko pa ba mabibitbit ang dala kong bilao kanina, nawalan nga ako ng malay?
Hay, ano na naman kayang palusot ang sasabihin ko rito kay Aling Gina.
"Ah-eh, sa sobrang sarap po ng mga kakanin n'yo, Nay, pati po 'yung bilao ay kinain na rin nila. Bili nalang po kayo ng bago sobra-sobra naman 'yang ibinigay ko sa inyo, eh!" sabi ko.
Tsk! Ang bait talaga ni nanay ko akalain mo pinektusan na naman niya ako nang ubod lakas.
"Aray naman, Nay!" reklamo ko.
"Puro ka kasi kalokohan, eh! 'Yan ang napala mo."
"Tsh... sige po magpapahinga muna ako sa kuwarto ko, napagod po ako ngayong araw."
Hindi na ako naghintay na payagan ni nanay. Dirediretso akong lumakad patungo sa maliit kong silid habang hinihimas ang kumikirot ko pang ulo.
Nang makapasok ay pabagsak akong humiga sa papag.
Tooogsss!
"Waaaaah! Aguy... ang sakit!" sigaw ko.
Sa katangahan ko nakalimutan ko na papag lang ang higaan ko. Akala ko kasi yung higaan parin sa ospital ang papag ko kaya halos magka lasug-lasog ang katawan ko sa tigas nito, naramdaman kong nagsitunugan pa ang mga buto ko.
Tsk! Grabeng katangahan ko talaga.Kailan ko ba kasi mararanasang humiga sa malambot na kama? Kung hindi pa ako na-ospital ay hindi ko iyon mai-experience.
Kahit iniinda ko ang sakit ng aking likod ay hindi ko parin mapigilan ang antok at tuluyan na akong nilamon sa kailaliman.
__
"Mahal kong , Prinsesa! Nais ko sanang makasal na tayo sa lalong madaling panahon," sabi ng aking prinsipe, isang hapon iyon ng ako ay sadyain niya sa aming malawak na hardin habang ako'y namimitas ng mga rosas.
"Huh! Ginulat mo naman ako, mahal na Prinsipe, hindi ba't napakaaga pa para tayo ay magpakasal?"
"Hindi na ako makapaghintay! Gusto ko nang makasama ka habang buhay at masilayan ang maamo mong mukha sa araw-araw."
"Ngunit __"
Pinutol nito ang aking sasabihin nang bigla na lang akong gawaran nito nang mabilis na halik sa aking labi.
Bigla akong namula at naging abnormal ang t***k ng aking puso, ang bilis niyon. Hindi ko maipagkakaila kung gaano kalaki ang pagmamahal ni Prinsipe Clark sa akin at gano'n din naman ako sa kaniya.
"Mabuti pang ipaalam mo muna sa iyong amang Hari at inang Reyna ang iyong binabalak."
Ngumiti ito sa akin sabay kindat.
"Bago pa man ako naparito ay iniluhog ko na sa aking mga magulang ang aking layunin, tanging ang iyong kasagutan na lang ang aking hinihintay, mahal kong Prinsesa. Pumapayag ka ba na magpakasal sa akin, Prinsesa Isabela?"
Sasagot na sana ako nang biglang may tumawag sa akin.
Poooonyaaang! Pooonyang!
Huh! Ano ba naman 'tong si nanay? Akala mo sirena ng bumbero kung makasigaw. Pambihira naman, oh! Nasa kasarapan ako ng panaginip, may kontrabida lang. Hmp! Ano kayang role ni nanay sa panaginip ko hindi pa siya lumalabas, eh? Huh! Alam ko na, isa siyang mabagsik na dragon na bumubuga ng apoy.
Hahaha! Bagay na bagay kay Nanay. Hulmang-hulma, siyang-siya talaga, eh!
"Hoy ikaw na bata ka halos maputulan na ako ng litid sa katatawag sa iyo hindi ka pa lumabas d'yan at may pangiti-ngiti ka pang nalalaman. Ano ba'ng iniisip mo at tuwang-tuwa ka?" singhal ni nanay sa akin.
"Kayo ho, este, naisip ko lang po yung nangyari sa akin kanina," pagdadahilan ko kasi naman pinanlakihan na naman ako nito ng mga mata.
"Ano po kaya, Nay, kung mag apply ako ng trabaho?" pagbabago ko sa usapan mahirap na baka mapekstusan na naman ako.
"Ano'ng sinasabi mo d'yang, bata ka? Pa'no ka makakahanap ng matinong trabaho, eh highschool graduate ka lang?"
"Yun na nga po, Nay! Kailangan kong mag-trabaho para maka-ipon ng pera, gusto ko pong makapag-college."
"Alam ko naman iyon, anak.Hindi ko rin naman gusto na mahinto ka sa pag-aaral." Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni nanay. Hindi ko naman siya sinisisi na hindi ako nakapag-aral dahil alam ko namang hindi nito ginusto ang kalagayan namin ngayon.
Kung sana ay narito lang si tatay 'di sana ay may katulong si nanay sa pagtatrabaho at kahit vocational course ay makakapag-aral ako.
_
Sa kakapilit pinayagan din ako ni nanay na maghanap ng trabaho.
Ang dami ko ng na-apply-an, lahat ay hindi ako qualified kaya naman last na 'to. Sa isang coffee shop ako dinala ng aking mga paa, nangangailangan sila ng part timer na service crew, at least daw nakapag-college.
High school graduate nga lang ako, eh. Pero bahala na wala namang mawawala kung susubukan ko.
"Miss, hiring kayo 'diba? P'wede pa bang magpasa ng bio-data?" tanong ko sa babaeng nasa counter ng makapasok ako sa loob.
"Resume' po ang required na ipasa ng applicants," sagot nito sa akin.
Hala! Ano ba yung resume'?
"Hindi ba pwedeng bio-data? Hindi ko naman alam kung ano yung resume', eh! Miss, wala ba kayong libreng pa kape d'yan? Nagugutom na 'ko ang layo na ng narating ko sa kakahanap ng trabaho."
"Tsk... Okay ka lang? Wala ng libre ngayon, noh!" singhal nito sa akin.
Huh! Taray naman! Kung makakalusot lang naman, eh. Kung hindi pwede 'di hindi.
"Akin na nga 'yang bio-data mo at ibibigay ko sa manager namin. Dyuskoday, year kopong-kopong pa ginagamit 'yang gan'yan, eh! Matagal na kayang na uso ang computer."
"Tsh... Ang dami pang sinasabi kukunin din naman pala."
"May sinasabi ka?" Taas kilay na tanong nito sa akin.
Malaking ngiti ang ibinigay ko rito, 'yung ngiting halos umabot na sa utak ko sa laki.
"Huh! Wala... ang sabi ko mas maganda ka pala sa malapitan," pambobola ko.
Siyempre biro ko lang talaga 'yon, mas maganda naman kasi ako sa kaniya, noh!
"Ito na, oh.Paki na lang ha!" pakiusap ko rito.
"Tsk... Oo na, ako na'ng bahala," napipilitang sagot naman nito.
Kinuha nito ng bio-data sa akin at pumasok sa nakasarang pinto.
Inilibot ko ng aking mga mata ang kabuuan ng coffee shop na iyon. Masasabi kong maganda at sosyal. Karamihan nga sa mga bumibili ay mukhang may mga kaya sa buhay.
Sana kahit interview-hin na lang muna ako.
"Hoy! Pumasok ka na sa loob i-interview-hin ka raw ng boss namin."
Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses, si Miss Sungit, nakabalik na pala.
"Huh! Talaga ba?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Oo nga sabi, eh. Nagtataka nga ako, ngayon lang si Boss Ice nag-volunteer na mag interview ng applicant, kaya pumasok ka na sa loob," utos nito sa akin sabay turo sa nakasarang pinto kung saan pumasok ito kanina.
"Ano pa'ng hinihintay mo? Pasok na!" sabi nito na may pagmamadali.
"Oo, ito na nga, papasok na," tarantang sabi ko.
Hindi talaga ako makapaniwala na mai-interview rin ako ngayong araw, 'yong iba kasi ay pinababalik pa 'ko para sa interview.
Wish ko lang talaga ay mabait 'yong boss nila.
Alumpihit na lumakad ako papasok sa silid na may karatulang authorized person only sa harap ng pinto.