Ponyang's POV
"Ponyaaaaang...!" Malakas at parang sirena ng ambulansyang tili ang gumising sa nahihimbing kong katawang lupa.
"Bumangon ka na ngang bata ka kung ayaw mong buhusan kita ng isang timbang tubig!"
Kakamot-kamot ulong umupo ako sa matigas na papag na aking kinahihigaan.
Oo, papag lang siya na sinapinan ko ng karton. Wala kaming pambili ng kutson kaya naman sa pagkakaalala ko labing pitong taon ko ng pinagtitiyagaan na matulog dito. Pero, ayos lang naman sanay na ako, kinalyo na nga ang likod ko, eh. Masaya parin naman, laban lang.
"Ponyang, ano ba? Isa... hindi ka pa ba baba d'yan!" sigaw na naman ni nanay.
Hay naku! Ang hirap talaga magpalaki ng magulang.
Kakamut-kamot ulong lumundag ako pababa ng papag.
"Opo, Nay, nariyan na po!"
Asar! ano ba kasi itong si Nanay? Bakit ba kasi hindi niya muna hayaang matulog ang maganda niyang anak?
Ponyang... Ponyang! Puro na lang Ponyang!P'wede naman niya akong tawaging Bell... Isa... Ella... Bella o Sab, para mag-mukha namang sosyal. Ewan ko ba kung saang lupalop niya nakuha ang palayaw na 'yon? Ang baho, yuck!
Ang ganda-ganda kaya ng pangalan ko.
Isabella Marquez, oh, ang ganda hindi ba? Palitan ba naman ng Ponyang, ito talagang si Aling Gina, wala sa hulog.
Habang naghihikab ay pinasadahan ako nang tingin ni nanay mula ulo hanggang paa.
Okay! May mali ba sa'kin?
Nakakapagtaka naman kasi.
Magsasalita sana ako nang parang may mga sipit ng talangka na kumapit sa buhok ko ngunit bumitiw rin agad.
Ouch! Ang sakit no'n, ah!
Nang lingunin ko ang may kagagawan,
as usual ang maldita kong kapatid na si Sandara.
Pinulot ko sa sahig ang matigas na bagay na ibinato niya sa akin na isa palang hair brush.
"Ano 'to?" maang na tanong ko.
Nagpa ikot-ikot ang mga mata niya, maya'y hinawi pa ang buhok.
Wheew! Napailing ako, nakakahilong pagmasdan ang ganuon niyang mga kilos.
Ihagis ko kaya itong babae na 'to sa labas ng bintana? Huh, tingnan ko lang kung hindi mawala ang pagiging maldita niya.
Hehehe!
Pero siyempre joke lang naman 'yon. Hindi ko kayang gawin 'yon . Wala naman akong lahing kriminal, isa pa mahal na mahal ko kaya ang kapatid kong 'yan. Wala naman akong choice nag-iisang kapatid ko lang naman siya, eh.
"Malamang suklay! Try mo kayang magsuklay muna bago lumabas ng bahay! Tsk... Mag hilamos ka na rin, may panis na laway ka pa. Naku naman, Ate! Ang muta mo left and right, kadiri ka kaya, noh!" kinikilig pang sabi nito.
Pinanlakihan ko ito ng mga mata. Ang dating malaki at magaganda kong mga mata ay mas lalong gumanda pa ngayon.
Sobrang lambing talaga ng kapatid kong 'to.
"Tama ang kapatid mo, Ponyang.
Mag-ayos ka muna ng sarili mo bago ka lumabas. Sa tingin mo ba ay may bibili ng mga kakanin natin kung nanlilimahid ang nagtitinda?" segunda naman ni Nanay.
Hmp! Nagkampihan pa talaga ang dalawa. Wala naman akong sinabing lalabas ako ng ganito ang itsura ko, eh. Siyempre naisip ko ring maghilamos muna, pinangungunahan kasi nila ako.
"Huh! Bakit 'di na lang kaya si Sandara ang paglakuin n'yo? Gusto niyo pala ng malinis, eh! 'Yan oh, pusturang-pustura."
Toinks!
Okay! Nakatikim ako ng kutos mula kay Nanay.'Yung totoo, anak ba talaga niya ako?
"Aray naman, Nay! Ang sakit no'n, ah!"
reklamo ko sabay himas ng aking ulo.
"May sasalihang singing contest sa plaza 'yang kapatid mo tapos paglalakuin mo ng puto at kutsinta. Eh, di pagbalik n'yan hulas na hulas na."
"Oo nga po. Sabi ko nga. Sige po, maghihilamos lang po ako. Pakihanda na lang po ang mga dadalhin ko sa pagtitinda.
Kakamot-kamot ulong dumiretso na akong lumakad patungong banyo.
_
Ako si Isabela Marquez, labing pitong taong gulang kaga-graduate ko lang ng high school sa Mataas na Paaralan ng Bayabasan High School.
Yes, tama, sa Bayabasan Highschool ako nag aral. Tinawag iyong bayabasan dahil maraming puno ng bayabas sa eskuwelahan namin. Hindi nga ako umuuwi ng walang pantal, ang dami kayang higad sa paaralan namin. Laking pasalamat ko na lang at graduate na ako, nakaligtas na ako sa mga higad.
Malapit na'ng pasukan, dapat ay college na ako kaya lang dahil sa hirap ng buhay hindi kaya ni Nanay na pag aralin ako ng kolehiyo pero tanggap ko na. Naiintindihan ko naman ang sitwasyon namin at hindi ko masisisi si inay ginagawa naman niya ang lahat para sa amin.
Raketera ang aking ina at kahit na anong trabaho ginagawa niya para kumita ng pera ngunit, ginagawa niya ang lahat nang iyon sa mabuting paraan.
Tumatanggap siya ng labada at ng plantsa, nagpapahulugan ng mga cosmetic products, nagluluto ng mga kakanin at ipinalalako sa akin. Umaalalay din siya sa kapatid kong si Sandara kapag may sinasalihan itong mga singing contest at noong nakaraan lang ay may nag-alok sa kaniya na mag extra sa isang pelikula.
Napanuod ko nga 'yon, ang tindi talaga ni Nanay umakting. Siya ang yaya ni Chloe Montenegro do'n sa pelikula nila ni Jeff Escarlon na Light To Heaven. Ang dialogue ni Nanay duon ay aabutan niya ng gamot at isang basong tubig si Chloe. Ang galing kaya ng blocking niya do'n.Sapaw na sapaw sa camera 'yong bidang artista. Ang galing talaga humanap ng angulo ni Nanay.
Talagang napahagulgol ako, ang dami kong inilabas na luha. Sa tingin ko isa't kalahating baso 'yon kung sinahod ko. Hindi iyon dahil sa makabagbag damdaming acting ng mga bidang artista kun'di dahil do'n sa iyak ng aking mudra, tinalo pa niya kasi ang mommy ni Chloe sa lakas ng palahaw niya kaya nga dalang-dala ako.
Sayang nga lang 'di na nominate si Nanay kahit na best supporting actress. Gusto ko sanang umapela pero, ang sabi ni Nanay baka hindi pa para sa kaniya ang award na 'yon. Babawi na lang daw siya sa next project niya.
Grabe talaga si Nanay asyumera, hehehe!
Napapaisip nga ako kung pwede bang ma nominate ng major award ang isang extra? Si nanay naman kasi kung kailan tumanda ay saka kumakarir.
Kung ang tungkol sa aking ama naman ang pag uusapan ay bigla na lang siyang nawala no'ng pitong taong gulang palang si Sandara. Tatlong taon ang tanda ko sa kaniya kaya nasa sampung taong gulang na ako nang iwanan niya kami. Hindi ko alam kung ano talaga ang nangyari sa kaniya, ayaw ng pag-usapan ni Nanay, basta isang araw hindi na lang siya umuwi.
_
"Oh! Kamusta naman, 'teh?" tanong sa akin ng bruhilda kong kapatid.
"Huh!Bakit?" takang tanong ko.
"Aysus... Nagmaang-maangan pa!
Sino'ng kausap mo sa banyo at naririnig kitang nagsasalita?"
Napaisip naman ako sa tanong niya.
"Ah... 'yon ba? 'Yung mga butiki sa kisame, mas okay kasi silang kausap kaysa sa iyo." Pagsisinungaling ko, ayoko ngang sabihin sa kaniya ang totoo na sarili ko lang ang kausap ko dahil baka isipin niyang nababaliw na ako.
"Tsk. Whatever!" Napapailing pa at kakamot- kamot ulong nilayasan ako nito.
__
"Uy! Marco, ubusin mo na naman itong paninda ko, para sa'yo bente pesos na lang lahat 'to."
Medyo nakakapagod na kasi, naikot ko na ang buong eskenita at masakit na sa balat ang araw, pasado alas nuebe na kasi.
"Ano ka ba, Ponyang, pupurgahin mo ba ako sa puto't kutsinta?" reklamo sa akin ng kababata kong si Marco.
Hehehe! Siya kasi ang buena mano ko kanina, pinilit ko siyang bumili kahit ayaw niya. Sinabi ko kasing hindi ko siya ilalakad kay Cindy kung hindi siya bibili ng tinda ko.
Si Cindy nga pala ay 'yong tisay na pamangkin ni kapitana.
Tsk, mabuti naman kung patulan siya ng pasosyal na 'yun. Ipinagyayabang ang mga gamit niyang branded kuno. If I know fake lang naman ang mga iyon. Nakita ko kaya siya no'ng isang araw sa divisoria, namimili.
"Bibilhin mo ba ito o hindi? Sige ka 'di ko iaabot sa kanya ang regalo mong stuff toy," banta ko rito.
Wish ko lang umipekto, pagod na kaya ang beauty ko kalalakad at kasisigaw.
Cross fingers...
"Okay, sige, bibilhin ko na'ng lahat ng 'yan ibalot mo na." Napipilitang dumukot ito ng pera sa bulsa ng suot na short.
Ibinigay ko sa kaniya ang plastic at pagkatapos iniabot niya naman sa akin ang singkuwentang papel.
Dalidali kong tinanggap iyon at kumaripas ng takbo. Tinalo ko pa ang kabayo na kumakarera sa San Lazaro habang bitbit ang bilaong wala ng laman.
"Keep the change!" sigaw ko na iwinagayway pa ang perang papel.
"Hoy! Ikaw talaga, Ponyang, naisahan mo na naman ako!" Kakamot-kamot ulong pumasok na ito sa loob ng kanilang bahay dahil alam naman niyang hindi na niya ako aabutan.
_
"Ano, Ate, maganda na ba'ko?" tanong sa akin ni Sandara na nagpaikot-ikot pa sa aking harapan. Naka bestidang asul ito at sandals na gold na may mababang takong. Kinulot sa dulo ang hanggang baywang nitong buhok at naka make up ito ng manipis na manipis, tama lang sa edad niyang fourteen years old.
Grade 9 na ito sa Mataas na Paaralan ng Bayabasan High School at kagaya ko noon, lagi rin siyang umuuwing may pantal, minsan nga may kasama pang higad pag uwi ng bahay nakadikit sa bag niya sa uniform niya o di kaya sa buhok niya. Sa pasukan third year na siya.
Nagkunwari akong 'di siya nakikita. Binaling ko ang mga mata ko sa labas ng bintana.
"Ate naman, eh!" Maktol nito at nagpapadyak pa.
"Ha-eh! May sinasabi ka ba?" Pagmamaang- maangan ko.
Nagpaikot-ikot na naman ang mga mata nito.
Ipinilig-pilig ko ang aking ulo.
Dyosmeee! Nakakahilo talaga.
"Oo na! Maganda ka na! O, ano masaya ka na ba?" asar na tanong ko.
Pagkaklaro ko lang hindi ako naiinggit sa aking kapatid, naasar lang ako sa ugali niyang
maldita na, pikunin pa.
"Bumaba ka na nga, kanina ka pa inaantay ni Nanay sa labas!" pagtataboy ko rito.
"Hindi kaba manunuod?" Tanong na naman niya na nagsimula ng humakbang palabas ng pinto.
"Susubukan ko kung matapos ko agad ang mga labahan," dismayadong sagot ko.
Nagdala ng labahan ang kapitbahay namin para ipalaba kay Nanay ang kaso may lakad naman ito kaya siyempre ako ang gagawa ng trabaho niya.
Asar lang kasi isang sakong maduduming pantalon, karamihan pa ay puno ng grasa at langis, ang asawa at anak kasi nito ay mga mekaniko.
_
Grabe! Nakailang sabong panlaba at powder na ang nagamit ko hindi parin nabula. Kaya ang ginawa ko pinagsama-sama ko sila sa isang planggana ibinuhos ko ang powder at tinapak-tapakan ang mga iyon, bahala na. Kung iisa-isahin kong kusutin at brush-in ang lahat nang iyon ay aabutin ako ng siyam-siyam.
Alas dos na ng hapon ng matapos akong maglaba. Wish ko lang hindi umulan para matuyo silang lahat.
Patang-pata ang katawang sumalampak ako sa sahig.
Naalala ko, hindi pa pala ako nanananghalian.