Nagulat si Sabrina. Talaga namang hindi niya inaasahan ang pahayag ni Brielle.
Umiling siya't pinigil ang nagbadyang luha. "Huwag muna sa ngayon, Brielle, pakiusap. Hindi pa 'ko handa. Paniguradong magagalit si Vito sa akin."
"We don't care! Basta sabihin mo na sa kanya ngayon mismo dito sa party!" tumatawa namang sabat ni Harika.
"Huwag niyo namang gawin 'to, please…"
"Hindi mo kaya?" Tinapik siya ni Brielle sa kanyang balikat. "Don't worry, we got your back. Ako na mismo ang gagawa para sa 'yo."
Bago pa man siya makapagsalita ay nakangisi nang nilagpasan siya nito at nagtuluy-tuloy ito sa pagpasok sa ball room.
Hinabol niya ang dalawang babae.
"Brielle, anong gagawin mo? Please, don't do this!"
Wala na siyang nagawa pa nang tuluyang makatuntong ng stage si Brielle at Harika, and surprisingly, naroon na rin sa taas sina Asha at Lizzy. Si Asha pa nga ang nakangiting nag-abot ng mic kay Brielle.
Tensyonado siyang umiling-iling sa babae, tapos ay tumingin sa gawi ng walang kamalay-malay na si Vito na naroon pa rin at nakatayo sa isang stool kung saan niya ito iniwan. Madaling tinungo niya ang nobyo saka hinila ang kamay nito.
"Vito, tayo na."
"Teka, sa'n tayo pupunta, Sab?" nagtatakang tanong nito, nabakas ang tila pagmamadali niya.
"Mamaya ko na ipaliliwanag ang lahat sa 'yo basta halika na! Umalis na muna tayo rito!"
"Hindi pa naman natatapos 'yung party, sisibat na agad tayo?" patuloy nito.
Panay ang excuse, tabi at makikiraan niya sa mga kapwa estudyanteng 'ni hindi niya namamalayang nababangga na pala niya kung kaya't karamihan sa mga 'yon ay biglang badtrip at irita sa kanya.
"Dahan-dahan ka naman!" sabi pa ng isa.
Hindi na lamang niya pinansin iyon bagkus ay patuloy sa madaling paglalakad.
"May I have the attention of everybody!"
Nuon nagsitinginan ang lahat ng tao sa nagsalita sa harapan. Si Brielle na nakatingin sa kanilang gawi at mukhang alam na ang gagawing pag-alis ni Sabrina kasama si Vito. Maging ang lalaki man din ay napahinto at napatingin sa stage.
"Vito, halika na!"
"Wait! Huwag muna kayong umalis, dear lovebirds Vito and Sabrina! May importante pa akong ia-announce sa lahat. Surely, you wouldn't want to miss this exciting chance to hear it!"
"Huwag mo siyang pakinggan, Vito! Umalis na tayo dito!" Desperada na talaga si Sabrina.
"Sandali lang, Sab. Pakinggan muna natin ang sasabihin niya. Sabi niya'y may importante siyang iaanunsyo."
Halos masapo ni Sabrina ang kanyang noo. Nangingilid na ang kanyang mga luha sa sobrang kaba.
"Dear Sabrina Salazar, I just want to mention and recognize you for recently you had just become an official member of our organization–SMBMA."
Tiningnan siya ng lahat at masayang pinalakpakan. Even the girls in front clapped at her.
Pinilit niyang ngumiti at magpasalamat kahit na tensyunado siya sa mga susunod pang gagawin at sasabihin ni Brielle sa harapan.
"And you successfully passed our initiation!" dagdag pa nga ng huli.
Nagtatakang tiningnan si Sabrina ng nobyo. "Initiation?"
Mariing napapikit na lang siya. Ito na nga siguro ang tinatawag na moment of truth, at wala na siyang kawala pa!
"Vito, you're part of that initiation! Don't you know?" Brielle spilled the tea.
Sumeryoso ang mga mata ni Vito at nagtiim-bagang sa kanya. "Anong sinasabi niya, Sabrina?"
Tuluyan nang tumulo ang luha ng dalaga tapos ay umiling-iling siya. "Ipapaliwanag ko lahat sa 'yo."
Ngayon ay sentro na sila ng atensyon na para bang nanunuod ng sine drama ang mga audience nila at kulang na lang ay popcorn sa tindi ng mga eksena!
"Ako na magpapaliwanag, Sabrina. Don't worry. Sabi ko naman sa 'yo, 'di ba? I always got your back. We, girls, got you!" Ang tinutukoy ni Brielle ang tatlong mga alipores sa likod nito.
Shut the h*ll up! Sabrina wanted to shout those words out right before Brielle's eyes pero nanatiling tikom ang kanyang bibig.
"Vito dear, listen. You were Sabrina's initiation. Her desperation and will to become one of us made the way para lapitan ka niya at kuhanin ang loob mo hanggang sa magustuhan mo siya. And she was indeed great with her task because successfully, naging kayo ngang dalawa."
Gumuhit ang galit sa mukha ni Vito. "Totoo ba 'yon, Sabrina?"
She reached for his hand. "Vito, hayaan mo akong magpaliwanag sa 'yo."
"Clearly, palabas lang ang lahat! Ginamit ka lang ni Sabrina just to get in the way!"
Umiling-iling siya kay Vito. Wala na siyang pakialam sa pang-e-expose ni Brielle, ang mahalaga sa kanya ay si Vito! Ang pakinggan siya't paniwalaan ng nobyo niya ang lahat ng kanyang ipaliliwanag!
"Bakit kasi hindi mo na lang aminin sa kanya, Sab, at nang matapos na! You didn't wanna do this thing, right? Sinabi mo sa amin 'yon noon! Because according to you, hindi mo tipo ang mga katulad ni Vito. Tinutulungan na nga kita na mapadali at matapos na ang pagpapanggap mo sa kanya dahil alam kong hindi ka rin naman masaya sa ginagawa mo!"
"Tumahimik ka, Brielle! Wala kang alam!" Sa wakas ay sinagot na rin niya ang bruha.
Napuno ng ilang hiyawan ang paligid.
Samantalang tuluyang bumagsak ang mga balikat ni Sabrina nang marahas na winaksi ni Vito ang pagkakahawak niya sa kamay nito.
"Palabas lang pala lahat? At hindi mo naman talaga ako gusto? Well then, congrats, Sabrina. Mission accomplished! Nakasali ka sa organization nila at ako ang naging tulay roon! Salamat sa paggamit sa akin at kahit papaano'y kahit na wala akong kaalam-alam ay malaki naman pala ang naging pakinabang ko sa ‘yo."
Sa muli ay umiling siya at halos magmakaawa. "Hindi, Vito. Hindi mo naiintindihan. Hindi ganoon!"
Nangingilid ang mga luhang tinalikuran siya nito at naglakad ito palayo sa kanya.
"Please, Vito! Huwag mo 'kong iwan! Pakinggan mo muna akong magpaliwanag!"
Ngunit tila hindi ito nakarinig at tuluy-tuloy lamang sa paglalakad.
"Wait, Vito, huwag ka munang umalis because there's more!" salita na naman ng bruhang si Brielle.
Pinanlisikan ito ng mga mata ni Sabrina. Ano pa?! Ano pang hindi nito nasasabi at nae-expose! Hindi pa ba ito kuntento at masaya na nasira nito ang magandang pagsasama nila ni Vito! ‘Ni hindi na nga yata ito maubus-ubusan ng mga sasabihin, eh!
"Hindi pa tapos ang drama, and the biggest plot twist is just about to begin!" dagdag pa nito.
Tumigil sa paglalakad si Vito, ngunit nananatiling nakatalikod pa rin at hindi gumalaw sa kinatatayuan nito.
"Huwag kang mag-alala, Sab, kasi hindi naman talaga si Vito ang tunay na biktima dito kundi ikaw."