"Sir? Tumayo po kayo pagbilang ko ng tatlo, ha?" aniya rito nang hindi ito gumalaw mula sa kinasasandalan na dingding. "One, two, three! Ahh!"
Inis na binitawan niya ang binata at sinapo ang kanyang nasaktan na tuhod nang mabigo siya na itayo ito. Tumama ang kanyang tuhod sa sahig nang mapaluhod siya sapagkat hindi niya nakayanan ang bigat nito. Naisip na rin niya na iwan na lang ang binata roon ngunit kaagad naman niyang binawi iyon. Sigurado siya na kung aabandonahin niya ang lalaki ay hindi siya makakatulog sa kakaisip dito.
Madalas ay gusto na niyang maasar sa sarili. Hindi niya alam kung bakit ang hilig niyang tumulong sa iba. Hindi niya maatim ang magsawalang-kibo kung alam naman niya may magagawa siya. She was fixer. Sa tuwing may problema ang pamilya niya, mga kaibigan o kung sino man na mahal niya at malapit sa kanya ay ginagawan niya lahat ng paraan. Ang sabi pa nga ng ilang mga nakakakilala sa kanya ay sakit daw niya iyon.
But she could not ignore her loved ones. She could not let them have a hard time. Kapag may kailangan ang mga kaibigan niya, kung kaya niyang ibigay ay ibibigay niya. Kapag may problema na hindi kayang lutasin ang importanteng tao sa buhay niya ay hahanap siya ng solusyon.
Nang tumingin ulit siya sa binata ay nakita niya ang marahan na pagkurap nito habang patuloy lang na nakatingin sa kanya. Lahat ng inis na nararamdaman niya ay nawala na lang ng parang bula at napakamot na lang siya ng ulo sa sobrang labo ng nangyayari sa kanya.
"Huwag mo na akong tingnan ng ganyan. Alam ko naman na ako ang mali. Ang sabi ko bibilang ako ng tatlo pero nag-English ako," paglilitanya niya. Inipit muna niya sa likod ng kanyang tainga ang ilang hibla ng kanyang buhok. Hinawakan niya ulit ang braso nito at inipon lahat ng kanyang natitirang lakas upang tuluyan na itong maitayo. "At the count of three, Sir, ha? One, two, three!"
Daig pa nya ang nagbuhat ng ilang sako ng bigas pagkatapos na magtagumpay na maitayo ang lasing na lalaki. Napahawak pa siya sa barandilya ng hagdan upang kumuha ng suporta at baka siya naman ang mabuway. Ipinatong niya ang braso ng binata sa kanyang balikat at ang isa niyang braso ay ikinawit niya sa baywang nito.
Nagtagumpay naman siya na alalayan ito hanggang sa makabalik sa rooftop. Sampung palapag ang gusali na iyon at wala siyang balak na pagurin ang sarili niya sa paggamit ng hagdan. Isinandal niya ang binata malapit sa elevator buttons at kinapa ang bulsa ng pantalon nitong suot. Pero bago iyon ay sinulyapan muna niya ang tahimik pa rin na lalaki. Nakayuko ito at nakapikit.
"Pasensya ka na, Sir. Kailangan ko lang malaman kung paano kita matutulungan. Kailangan ko lang ng ID mo para makita ko ang address ng bahay ninyo," wika niya habang hinahanap ang wallet nito. "Hindi naman kita nanakawan. Promise."
Matapos ang ilang sandali ay nahanap na rin niya ang kanyang pakay mula sa inner pocket ng coat nitong suot. Pati na rin ang susi ng kotse na pag-aari nito. Nang bumukas ang elevator ay mula niyang inalalayan ang binata papasok at kaagad niyang pinindot ang floor kung nasaan ang parking lot ng naturang ospital.
"Hindi ko alam kung bakit ginagawa ko 'to pero magpasalamat ka na lang na marunong akong magmaneho kahit wala akong kotse," aniya rito habang hinahanap ang ID sa wallet nito.
Hindi niya maiwasan na muling makaramdam ng lungkot dahil sa sinabi niyang iyon. Totoo naman na wala siyang kotse ngunit nang maalala niya kung sino ang nagturo sa kanyang magmaneho ay hindi niya maiwasan na mag-senti.
Si Joem, ang kababata at pinakamatalik niyang kaibigan na lalaki ang dahilan. Isa siya sa mga tao na na-in love ng lihim sa kaibigan. Mahilig makialam ng kotse si Joem kaya naman mechanical engineering ang kinuha nitong kurso noong nag-aaral pa sila. Kumuha rin ito ng vocational course na Aviation engineering.
Sa lahat ng trip nito sa buhay ay kasama siya nito. Mula sa pagpapalit ng gulong ng kotse, pagpunta sa iba't ibang probinsya upang mamasyal, pagluluto ng paborito nito na lasagna. She even introduced some great bands, books and music to him. Pero hanggang magkaibigan lang talaga sila dahil nakilala niya Joem ang babae na nais nitong makasama habang-buhay at hindi siya iyon.
Masakit noong una dahil wala naman siyang ibang nilaanan ng panahon at puso kundi ito. Kaya lang hindi naman niya nanaisin na mawalan ng matalik na kaibigan ng dahil lang sa pansarili niyang kagustuhan, Kaya kahit na hindi niya magawa na maging masaya noong una para rito ay unti-unti naman niyang natanggap iyon. At bukas, sa araw ng kasal nito ay natitiyak niya kaya niyang ngumiti ng totoo.
Her mind went back to reality when the elevator dinged. Muli niyang ipinatong ang braso ng lalaki sa kanyang balikat at naglakad palabas ng elevator. Pinindot niya ang hawak na car remote key upang mahanap ang kotse ng binata. Mabuti na lamang at malapit lang iyon dahil pakiramdam niya ay malapit ng bumigay ang kanyang tuhod sa bigat ng katawan ng binata.
Nang maipasok na niya sa kotse ang lalaki at nag-unat muna siya sapagkat sumakit ang kanyang katawan sa pag-alalay dito. Umikot naman siya upang maupo sa driver's seat at bago in-start ang kotse ay sinigurado muna niya na naka-seat belt na silang pareho. Muli niyang tiningnan ang ID nito at inilagay ang address sa navigation system.
Pinagmasdan niya ang hawak na ID at napagtanto niya na kahit hindi nakangiti ang lalaki sa litrato ay gwapo talaga ito. Pero ang mga mata nito ay sadya na nga yatang malungkot.
"Juan Oliver Salonga," basa niya sa pangalan nito. "Ang gwapo ng pangalan mo, ah. Bagay sayo," nakangiti niyang sambit sa natutulog na lalaki sa passenger's seat.