Patuloy sa pag-iingay ang cellphone ni Chastity na nasa bedside table. Nakapikit na kinapa niya iyon upang sagutin. Halos kakatulog lang niya dahil gabi ang duty niya sa ospital kanina. Humikab siya at pilit na binuksan ang dalawang mata upang tingnan kung sino ang tumatawag.
Hindi nakarehistro ang numero at nagdalawang-isip pa siya kung sasagutin niya iyon. Akmang pipindutin na siya ang accept button nang tumigil iyon sa pagri-ring. Hindi pa man siya nakakapikit ay muli iyong tumunog kaya naman kaagad na niyang sinagot iyon upang makabalik na siya sa pagtulog.
"Hello," namamalat na boses niyang sagot.
"Pwede po bang makausap si Chastity Mercado?" tanong ng nasa kabilang linya.
"Speaking," tamad pa rin niyang sagot. Pumikit na siya dahil hindi na niya malabanan ang bigat ng talukap ng kanyang mga mata. Ilang beses pa siyang humikab at sumasakit na ang kanyang mga panga.
"Kailangan po ninyong pumunta sa ospital. Nasa emergency room po si Mrs. Lorna Sanchez."
Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig at napabalikwas siya ng bangon. Nakaramdam man siya ng hilo sa ginawa niyang pagtayo ng biglaan ay hindi niya iyon pinansin. Kaagad niyang tinanong kung saang ospital ang tinutukoy ng kanyang kausap. Mabuti na lang at sa St. Catherine Medical Center ito dinala sapagkat alam niya na maaasikaso ng maayos ang kanyang tiyahin doon. Mabilis pa sa alas-kwatro siyang nakapagpalit ng damit at hindi na niya nagawa pang magsuklay. Kaagad niyang dinampot ang kanyang wallet at tuloy-tuloy na lumabas ng bahay.
Miyerkules noon kaya naman wala ang mga pinsan niya. Nasa eskwelahan ang mga ito at ang tiyahin naman niya ay pumasok sa trabaho. Nagpaalam pa ito sa kanya kanina bago umalis. Hindi niya nakitaan ng kung anuman na senyales na may dinaramdam ito kaya naman talagang nagulat siya nang malaman na nasa ospital ito. O sadyang pagod at antok lamang siya kaya hindi niya napansin iyon?
Kaagad siyang pumara ng tricycle at habang lulan siya niyon ay walang tigil ang pagdarasal niya. Wala ibang laman ang isip niya nang mga sandaling iyon kundi ang nakangiting mukha ng Tiya Lorna niya. Ang lahat ng antok na nararamdaman niya ay parang bula na nawala. Ang kanyang mga palad ay namamawis ng malamig at para siyang nawawala sa sarili.
Nang makarating sa kanyang destinasyon ay dali-dali siyang nagbayad at tumakbo papasok sa ospital. Pagpasok sa emergency room ay mabilis na umikot ang kanyang mga mata upang hanapin ang kanyang tiya. Nang makita niya ito ay kaagad siyang lumapit doon.
Ang doktor na tumingin sa kalagayan ng kanyang tiya ang humarap sa kanya at dinala siya sa isang sulok upang kausapin. Panay pa ang tingin niya sa kanyang Tiya Lorna na mahimbing na natutulog nang mga oras na iyon. Ayon sa doktor ay kailangan nito na sumailalim sa emergency dialysis.
Mahigit dalawang buwan na rin daw nitong iniinda ang sakit na nararamdaman ngunit hindi nito pinapansin iyon. Kaninang umaga ay nabuwal ito at halos mamalipit dahil sa sakit kaya naman kaagad itong isinugod sa ospital. Halos hindi na niya marinig ang iba pang sinasabi ng kausap niyang doktor dahil samu't saring emosyon ang nararamdaman niya.
Gusto niyang umiyak dahil hindi niya maiwasan na mainis sa kanyang tiya sa pagtatago ng nararamdaman nitong sakit. Gusto rin niyang magtatalon sa tuwa na hindi malala ang sakit nito. Gusto niyang magalit sa sarili sapagkat sa kanyang palagay ay naging pabaya siya at hindi napansin na may iniinda pala ang Tiya Lorna niya.
Ang mas nakakagulo pa sa sitwasyon nila ay ang katotohanan na wala siyang magagamit na pera sapagkat nakabili na siya ng bagong printer kahapon gamit ang kanyang kaunting ipon. Wala si Empress na siyang takbuhan niya sa tuwing nagigipit siya. At hindi naman siya makahingi ng tulong kay Joem dahil alam niya malaki ang nagastos nito sa pagpapakasal at pagbubukas ng talyer na matagal na nitong pinapangarap.
Nakaalis na ang doktor na kausap niya at hindi niya magawa na lumapit sa kama na kinahihigaan ng kanyang tiya. Wala sa sariling naglakad siya palabas ng emergency room upang mag-isip ng dapat at tama niyang gawin. Tila may sariling mata at isip ang kanyang mga paa at napadpad siya sa nursery room. Unti-unting luminaw ang kanyang nanlalabong isip matapos lang ang ilang sandali.
Mabilis niyang hinanap ang calling card na ibinigay sa kanya ni Julien sa kanyang wallet at nang makita iyon ay hindi na siya nagdalawang isip na tawagan ang numero na iyon. Makalipas lang ang dalawang ring ay sumagot na ang natatanging tao na makakatulong sa kanya.
"Hello, Mr. Salonga? Tinatanggap ko na po ang alok ninyo na maging personal nurse ni Uno."