"Sir!"
Pagkababa ni Chastity sa dala niyang laundry basket na naglalaman ng mga bagong laba na damit ni Uno ay kaagad siyang kumatok. Hinihingal pa siya sapagkat may kabigatan din ang kanyang dala. Idagdag pa ang ilang baitang ng hagdan na inakyat niya. It's a total work out lalo na sa mga tamad na mag-ehersisyo na kagaya niya.
Kumatok ulit siya nang hindi sumagot ang binata sa unang pagkakataon. Hindi naman siya timang upang ulitin ang kanyang ginawa noong nakaraang araw. Kahit pa sabihin na hindi nakakasawang tingnan ang katawan ni Uno ay kailangan pa rin niya na mag-ingat. Baka mamihasa na siya at mapagkamalan pa siyang manyak nito.
"Sir!" tawag ulit niya.
Narinig niya ang mabibigat na hakbang nito at ilang sandali lamang ay bumukas na ang pinto. She wasn't surprised at all when she saw the annoyed look on his pretty face. Sanay na siya na hindi siya nginingitian ni Uno kahit na ano pa ang kabalbalan ang gawin niya. Siya na lang ang ngumiti at tumingala rito. Kung bakit ba naman kasi para silang sina David at Goliath.
"What do you want?" aburido nitong tanong.
"Ikaw--este, ahm, ano, Sir." Hindi siya magkandaugaga dahil sa nauna niyang sinagot. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang sagot niya na iyon. Oo nga't gwapo talaga ang masungit niyang alaga pero hindi kailanman pumasok sa kanyang isipan na magiging crush niya ito.
Teka, crush ko si Sir Uno? Bakit hindi ko alam? tanong niya sa sarili.
Tinaasan siya ng kilay ng binata at nagpapasalamat siya na hindi nito pinatulan ang nauna niyang sagot dahil kung sakali ay tumakbo na siya papunta sa inookupa niyang kwarto.
"I mean, ikaw, Sir, baka may kailangan ka?" palusot niya.
Kumunot ang noo nito sa sinabi niyang iyon. "Pinuntahan mo ako sa kwarto ko pagkatapos sasabihin mo na ako ang may kailangan sayo?"
Napakamot siya ng ulo dahil sa kagagahan niya. What he just said totally made sense. Nang yumuko siya ay noon lang niya naalala ang dahilan kung bakit siya nandoon. Nakangiting itinuro niya ang laundry basket na nasa pagitan nilang dalawa.
"Ito pala ang dahilan, Sir. Nagluluto kasi si Manang Martha kaya ako na lang ang nag-akyat ng mga damit ninyo," aniya rito. Yumuko siya upang muling buhatin ang basket ngunit napahinto siya nang magsalita si Uno.
"Anong shampoo ang gamit mo?" tanong nito.
Tumingala siya at kitang-kita niya ang irita sa mukha nito. Wala sa sariling inamoy niya ang kanyang buhok. Bagong-ligo naman siya at mabango naman iyon ngunit bakit tila pati amoy ng buhok niya ay ayaw ni Uno?
"I just asked you a question. Bakit kapag kailangan mong sumagot, hindi ka sumasagot?" aburidong wika nito nang tila tuluyan ng nainip sa paghihintay ng kanyang sagot.
"Ah, Sunsilk po," sagot niya sabay buhat sa may kabigatan na laundry basket. Nagbilang pa siya upang ipunin lahat ng lakas niya. "One, two, three!"
Malapad siyang nakangiti nang mabuhat niya iyon at nang mapansin niya ang pagtingin sa kanya ni Uno ay hindi siya mapakali. Hindi niya alam kung ano ang mayroon sa mga mata nito ngunit tila ba pinag-aaralan nito ang kabuuan niya. Kung bakit ay hindi rin niya alam.
Humakbang palapit sa kanya si Uno at awtomatikong umatras naman siya. Bago pa siya makalayo ng tuluyan dito ay nahawakan na nito ang kanyang batok at inilapit ang kanyang ulo sa sarili nitong mukha. Muli nitong inamoy ang kanyang buhok at para siyang nanigas sa kanyang kinatatayuan. Nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa ginawa nitong iyon. Kulang na lang ay mawalan na siya ng malay sapagkat nahihirapan na siyang huminga.
Parang tambol ang pagkabog ng kanyang dibdib at nakakabingi iyon. Tila gustong makawala ng puso niya sa kanyang dibdib. Hindi siya pamilyar sa ganoong reaksyon sapagkat hindi pa niya naranasan iyon. Ibang klaseng kabog ng dibdib ang nararanasan niya sa tuwing nanonood siya ng thriller o horror na pelikula. Kahit noong mga panahon na si Joem pa ang gusto niya ay hindi naging ganoon ang reaksyon niya sa tuwing nasa malapit lang ito.
Teka, noong mga panahon na si Joem pa ang gusto niya? Ibig sabihin hindi na talaga siya ang gusto ko? Kailan pa? naguguluhan niyang tanong sa sarili. Ang akala kasi niya ay natutunan lang siyang tanggapin na hindi sila para sa isa't isa kaya naman naging maluwag sa kanyang kalooban na makita itong ikasal sa iba. Does that mean that she really moved on? Or whatever she felt for Joem was not that deep?
"Kuya never told me about you. Paano kayo nagkita at nagkakilala? Have we met before?"
Ang magkakasunod na tanong ulit ni Uno ang nagpabalik sa kanyang diwa. Muli niyang tiningnan ang binata na nakanunot pa rin ang noo. Ilang beses siyang kumurap upang kalmahin ang kanyang sarili ngunit hindi iyon nakatulong. Ang kanyang mga labi ay nanuyo na rin sa sobrang pagkabalisa niya. Bakit ba kasi ang lakas ng epekto sa kanya ni Uno? Talaga bang nagugustuhan na niya ito?
"Chastity?" tawag ni Uno sa kanya. Ganoon ba talaga kaganda ang pangalan niya o sadyang maganda lang pakinggan iyon nang manggaling iyon sa bibig nito?
Atubiling ngumiti siya sa binata at hindi pinansin ang tila nanlalambot niyang mga tuhod. Kung dahil ba iyon sa bitbit niyang laundry basket o sa nanlalabong nararamdaman niya ay hindi siya sigurado.
"Nagkakilala po kami ng kuya ninyo 'nung hinatid ko kayo rito," paliwanag niya.
Unti-unting kumunot ang noo nito sa naging sagot ngunit mabilis din itong nakabawi. "That was you?" tila hindi pa rin makapaniwalang bulalas nito.
"Eh, opo," sagot niya sa mababang tono.
"Bakit hindi mo sinabi kaagad na ikaw 'yon?" tanong nito at hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang maging reaksyon. Hindi rin naman siya sigurado kung bakit parang big deal iyon sa binata.
"Hindi ko po kasi alam kung dapat ko po bang sabihin sa inyo 'yon. Kung sinabi ko po ba may magbabago? Atsaka paano ko naman po sasabihin sa inyo 'yon?" aniya sa binata.
"Ang daming pagkakataon na pwede mong sabihin sa akin ang tungkol doon," giit pa rin nito.
"Hindi ko po alam kung kailan ang perfect timing. Hindi ko po nasabi sa inyo noong unang araw ko bilang nurse ninyo dahil para kayong badtrip sa mundo. Noon naman pong nakita ko kayong boxers lang ang suot, badtrip kayo sa akin. Noon naman--" Inilapat ng binata ang hintuturo nito sa kanyang bibig upang patigilin siya sa pagsasalita.
"Okay, stop. Ang dami mong sinasabi."