CHAPTER 1: The Shalang Tukmol and The Bangenge

2864 Words
           "Ano ang tamang English ng ref?" Napapasayaw pa sa upuan na tanong ni Albie, ang baklitang kasamahan niya sa trabaho sa Dela Vega Development Corporation o DLVDC.            "Pridyider!" puno ng kumpyansang sagot ni Jia. Sabay-sabay na ngumanga ang mga kasama niya sa mesa bago sabay-sabay ring napahagikgik.            "Mali na naman, Jia," si Aleli naman na katabi niya mismo.            "Bakit mali? E, si Aling Baby 'yon ang tawag sa ref nila," nagtatakang rason niya.            "Refrigerator or fridge kasi 'yon, Jia," mahinahong pagtatama ni Albie bago muling inabot sa kanya ang isang kopita ng mamahaling alak. "O siya, inumin mo na 'yang parusa mo. Nang makarami tayo ng vocabulary words para sa pagpapatuloy ng ekonomiya mo sa DLVDC! Bilis!" susog pa sa kanya ng baklita.            Mali na naman siya. 'Langya talaga! Ang purol-purol ng utak niya sa englishan na 'yan!            "Bakit ba kasi bago sila ng bago ng tawag sa mga bagay. Why aren't they make up their mine?" reklamo niya bago kinuha ang kopita ng alak.            Dumoble ang tingin niya sa kopitang hawak. Mabilis niyang ipinilig ang kanyang ulo upang palisin ang pagkahilo bago tinungga ang alak na parang tubig lang. Pangatlong baso na niya iyon ng alak. At sa performance ng pundidong utak niya, siguradong tamado na siya mamaya-maya lang.          Hindi niya alam kung paano at bakit sila nauwi sa ganoong paglalaro. E, kani-kanina lang nagsasabihan lang sila ng mga pangarap nila habang nag-uuminggit silang nakatingin sa mga boss nila na sina JM este Sir Jason Marcus de la Vega at Ms. Alexa Reyes. Naroon kasi sila sa Gold Hotel-Japan kung saan ginaganap ang wedding reception ng kanilang mga boss. Paanong hindi sila maiinggit, e matapos ang maraming hanash, nauwi rin sa happily forever after ang love story ng dalawa.            Sina Albie at Aleli, pangarap nilang makatagpo rin ng pag-ibig na gaya ng mga boss nila. Pero siya, hindi lovelife kundi kaginhawan ng bulsa ang pangarap niya. Pangarap niyang manatili sa DLVDC hanggang sa makaipon siya at maipagawa niya ang dating bahay nila sa Batangas. Nasira kasi 'yon ng nakaraang mga bagyong dumaan. 'Yon lang kasi ang tangi niyang alaala sa mga namayapa niyang magulang. Kaso kahit ilang raket pa ang tanggapin niya, poorita pa rin siya kaya 'di niya 'yon maipagawa. Kaya ka-career-in na sana talaga niya ang pagtatrabaho sa DLVDC. Ang kaso, nahihiya siyang manatili sa DLVDC kung hanggang ngayon 'di pa rin nagle-level up ang pagi-English niya. Kaya naman, heto siya ngayon, nakikipaglaro ng hasaan ng English sa mga kasamahan niya sa trabaho. Ang baklitang si Albie ang naka-isip no'n.            Ngayon siya nagsisisi kung bakit do'n pa siya talaga naupo. Sa totoo lang hindi siya dapat nasa table na 'yon. Ang gusto kasi ni Json nasa VIP table din siya — kagrupo ng mga kamag-anak nitong shala of the shalas ang leveling dahil nga kaibigang matalik niya ang lalaki. Nagkakilala sila nito apat na taon na ang nakararaan sa dati niyang pinapasukang resort sa Batangas. Nagkaroon kasi ito ng problema sa pamilya nito at kay Ms. Alexa, kaya naglayas ito at nagtrabaho kasama niya sa Estrella's Resort. Nagturingan silang magkapatid at katuwang nila ang isa't-isa sa lahat ng problema. Kaya naman nang bumaliktad ang kapalaran nito ilang buwan na ang nakararaan, binitbit din siya nito pa-Maynila at hinanapan ng trabaho sa mismong kumpanyang pag-aari nito. Gano'n pa rin naman silang dalawa, para pa rin silang magkapatid kung magturingan. Kaya lang, tinanggihan niya ang naunang seating arrangement kasi nakakahiya sa mga kasamahan niya sa trabaho. Kaya doon na lang siya sa grupo nina Albie at Aleli, clerk ang mga ito sa executive floor. Kasama rin naman niya sa table nila sina Sir Charlie, ang executive secretary ni Json, at ang misis nitong si Carla. Kaya mas kumportable siya talaga sa puwesto niya. Baka kapag sa VIP seat kasi siya, ipahiya siya ng ilong niya sa pagno-nosebleed dahil tumitirik talaga ang mga braincells niya pagdating sa mga shala at konyong English ng mga elitista!            Junior High School lamang ang natapos niya. Mula kasi nang iwan siya ng kanyang Tiyang Bebang sampung taon na ang nakararaan, 'di na niya ito muling nakita o nakausap pa. Kaya naman kinailangan niya agad magtrabaho para mabuhay siya araw-araw. Kunsabagay, kahit naman noon, bobita jones na siyang talaga sa English. English ng mga bakla at tambay sa kanto ang kinalakhan niya. Pero nakakaintindi naman siya kaunti ng English, basta hindi mabilis ang pagkakasabi at 'yong mga simple lang. Kaya lang, pilipit talaga ang dila niya sa pagsagot. Kung alam lang ba niya na mabibigyan siya nang maayos na trabaho sa siyudad, malamang kinarir niya ang pag-aaral sa shalang English na 'yan.            "O siya, para sa pangarap mong maging pak na pak sa Englishan. Bibigyan kita ng scenario," pukaw sa kanya ni Albie matapos nitong ituwid ang pagkakaupo sa magarang upuan sa reception. Ipinilig naman niya ulo. Naduduling na kasi siya sa pagtingin sa kaibigan. Epekto siguro ng alak, naisip niya.            "Magpapraktis tayo dahil sa susunod na walong linggo, ikaw lang ang tatao sa opisina ni Sir Json. Alam mo naman girl, honeymoon ng Big Boss at bitbit nila ro'n si Sir Charlie at si Ms. Carla. O, kunwari, may tatawag, magli-leave ng message, anong sasabihin mo?"            Natahimik ang mga kasama niya sa mesa, lahat ng mga mata nakatutok sa kanya. Si Sir Charlie, parang malulukot 'ata ang mukha sa paghihintay ng isasagot niya.            Juskolerd lihim niyang usal nang makita niyang kumuha ng dalawang kopita ng alak si Albie. Napalunok siya. Mabigat ang parusa.            Pilit niyang inalala ang mga notes na nakadikit sa mismong monitor ng computer niya sa opisina. Si Sir Charlie mismo ang nagdikit ng mga 'yon doon noong isang araw, bago sila tumulak papuntang Japan. Mga linyahan daw 'yon na pwede niyang gamitin sa pagsagot ng telepono.            Nag-concentrate siya. Nagtawag na rin siya ng mga santo para sana back-up ng braincells niya sa paghahanap ng signal. Kaso lang, bigo siya. Walang reception sa loob ng lintok na utak niya.            Naisip niyang baka puwede niya munang daanin sa drama at kumpiyansa. Kaya tumikhim muna siya, ngumiti, bago, "Goodmorning! Sir is out, Jia is in. No calling calling, because Jia cannot understanding!"            Sabay-sabay na nahigit ng mga kasama niya ang kanilang hininga — walang reklamo sa sinabi niya. Muntik na siya talagang maniwala na tama ang kanyang linyahan kaso tahimik na inilapag ni Albie ang dalawang kopita ng alak sa harap niya. At 'di pa nakontento ang baklita, kumuha ito ng dalawa pa. Napakamot na siya ng ulo. Sablay pala siya ng bonggang-bongga! At dahil hiyang-hiya siya, sinunod-sunod niya ang pag-inom sa apat na kopita ng alak bilang kanyang parusa.            Pagkatapos niyon, agad na nag-change topic sina Albie at Aleli na parang walang nangyari. Suko na yata ang mga ito sa pagtuturo sa kanya. Si Sir Charlie naman, natawa pero parang gustong maluha. Sinabihan lang siya nito na mag-review nang maigi sa grammar and speech lessons niya. Um-oo na lang din siya. Alangan namang sabihin pa niyang matagal nang isinauli sa kanya ng tutor niya ang advance payments ni Json dito sa kadahilanang busy na raw ito at hindi na siya matuturuan. Jusko talaga! Nakatatlong sessions lang sila! Pero ramdam niya, kita niya, ang paghihirap ng tutor niya na turuan siya. 'Di pa siya diniretsa na hindi talaga kaya ng powers nito ang pagpapataba sa mga braincells niyang kinulang sa sustansya at pag-aaruga.            Juskohan, my self! lihim niyang usal. Pagbalik niya ng Maynila, maghahanap na siya talaga ulit ng tutor.            Ilang sandali pa, nagreklamo na ang pantog niya. Nagpa-alam siya sa mga kasama na pupunta lang muna sa CR. Nagprisinta si Aleli na samahan siya kaso tumanggi na siya kahit pa unti-unti na niyang nararamdaman ang epekto ng alak na ininom niya. *****            Matapos maglabas ng sama ng loob ang pantog niya sa CR, dumiretso siya sa sink at naghilamos ng mukha. Nagbabaka sakaling mawala ang hilo niya. Kundangan naman kasing pumayag-payag pa siya sa paandar na game ni Albie e ligwak-ganern naman siya talaga sa englishan na 'yan. Ha! Ang lakas ng loob niya e matagal na talagang 'di nababanat ang mga braincells niyang payatot sa kaalaman.            Matapos maghilamos ay agad siyang lumabas ng comfort room. Lalong naging pundido ang aandap-andap na mga mata niya dahil sa dance floor na lang ang bukas na ilaw. Halos wala na ring tao sa mga upuan. Lahat nasa dance floor na, kina-career ang paggiling. Malakas na rin sa tenga niya ang tugtog na lalo lamang napapintig sa sentido niya.            Inihilamos niya ang kamay sa kanyang mukha bago siya nagbuga ng hininga. Hindi na kaya ng byuti na. Bangenge na siyang talaga! Binalak niyang lumabas ng hall upang sana ay maghanap ng puwedeng mahigaan sa kung saan mang lupalop ng shalang hotel na 'yon. Kaso, pagpihit niya, may nabangga siyang pader.            "What the hell!" singhal sa kanya ng pader.            "S-sorry," aniya habang nakatungong minasahe ang nasaktang noo.            Hindi pala pader ang nabangga niya kundi mamang pinaglihi sa pader. Ang tigas ng katawan e! Tiningala niya ang lalaki upang mapanganga lamang dahil sa hitsura nito. Panandaliang um-exit ang mga hilong-talilong na braincells niya at sandaling sinamba ang pinagpalang lalaki sa kanyang harapan. Kamukha nito 'yong mga mahihilig magbilad ng katawan na mga Mexicano na kinakikiligang panoorin noon ng Tiyang Bebang niya sa mga teleserye tuwing hapon.            "Hey, Miss Whoever!" iritableng tawag ng lalaki sa kanya. Bumalandra sa ilong niya ang amoy alak na hininga nito. Magkasabay na bumalik ang kanyang hilo at huwisyo.            Mabilis na umasim ang mukha ni Jia. Sa lunod sa alak na isip niya, hindi maganda ang datingan ng tono ng lalaki. Agad na nag-switch ang buton ng toyo at katarayan niya pero nagpigil pa rin siya. Lasing ito at 'di dapat pinapatulan. At saka kasal iyon ni Json, ayaw niyang pati roon gumawa siya ng eksena. Parati na nga siyang gumagawa ng eksena sa opisina dahil sa pagiging mali-mali niya, pati ba naman doon sa kasal ng kaibigan niya.           Niyuko ng lalaki ang damit nito habang patuloy na bumabanggit ng mga hanash sa dire-diretsong English. Kaya pala ito naghuhurumentado. Natapunan ng hawak nitong alak ang damit nito nang magbanggaan sila. Nanatili siyang nakamasid sa guwapo pero supladitong lalaki. Inis na pinapalis ng kamay nito ang marka ng alak sa damit nito.           "Are you blind? Didn't you see me? s**t!" patuloy nito bago mabilis na ibinaba sa bakanteng mesa ang hawak nitong baso ng alak. Hinubad din nito ang puting coat nito. Sinipat ang mantsa bago muling naglitanya. Kung ano ang pinagsasabi ng lalaki, malay niya! 'Di niya talaga maintindihan e. Dire-diretsong English ba naman. Malay ba niya sa mga 'yon! Pero isa lang ang sigurado niya, na-turn off na siya sa lalaking supladito na mahilig magreklamo!         Dumaan sa harap niya ang waiter na tagasilbi ng alak. Mabilis siyang kumuha ng isang kopita at walang kaabog-abog iyong tinungga. Agad niyang pinagsisihan ang ginawa dahil maling-mali! Para siyang sinapak ni Pacman sa lakas ng tama ng alak. Nagdilim nga ang paningin niya ng ilang segundo e.        "What the­— and you still have the guts to get drunk! What now?" tanong nito sa kanya sa namumungay na mata.        Napakapit siya sa silya sa malapit nang lalong tumindi ang pagkaliyo niya. "I... I pay," atubiling sagot niya.        "You can't just pay this! This is a customized piece!" hirit ulit ng lalaking reklamador sa tonong nangmamata.        Naihilamos niyang ulit ang kamay sa kanyang mukha. Nilingon niya ang table nila ng kanyang mga kasama sa bandang unahan ng hall, kaso wala nang nakaupo roon. At kahit pa siguro mayroon, hindi rin siya makikita ng mga ito dahil nasa gilid sila ng lalaking reklamador sa likurang bahagi ng hall.        Muling naglitanya ang lalaki. At anak ng tukmol na tokwa talaga dahil ni katiting wala siyang maintidihan! At dahil wala siyang maintindihan lalong nanakit ang ulo niya. Panay na rin ang pintig ng sentido niya. Sigurado siya, kaunti na lang talaga mapapatid na ang lubid ng pasensya niya at maghahasik na ng lagim ang toyo at katarayan niya.        "I... I... ano bang English ng..." napapabulong na sabi niya, kunsomido na. Sandali siyang nag-concentrate. "Fix. 'Yon! I fix."        "What the f**k are you saying? What do you mean fix?" Lukot na lukot na ang guwapong mukha ng lalaking reklamador. "You can't just fix this. This is Dolce!"        "Che ka rin! Ulol!" inis na singhal niya sa mahirap kausap na lalaki.        "Naintindihan ko 'yon ha!"        Namaywang na si Jia, pinilit magtaray kahit hilong-hilo na siyang talaga. "Langya! Nagtatagalog ka palang tukmol ka! Pinahirapan mo pa akong talaga! Ang arte mo, ha! Ayaw mong pabayaran sa akin 'yang damit mo. Ayaw mo ring ayusin ko! Anong bang gusto mo? My God! You're so hard in spelling!"        Natigilan ang lalaki, sandaling nag-isip bago, "W-what?"        "A ewan ko sa 'yo! Basta ako nahihilo! I wanna lay down on the bed of roses!" aniya bago sinubukang humakbang. Kaso, bumigay na ang nagmamagaling niyang mga paa. Susubsob siya sana sa carpeted na sahig kaso may sumagip sa kanya. Pagtingala niya, ang guwapong tukmol na reklamador ang nakahawak sa kanya.        "Hey, can you still walk?" may halong inis pa rin ang tono nito pero may bahid na nang pag-aalala ang mukha. At dahil sagad to death ang pagka-imbyerna niya sa lalaki, nagpumiglas siya. Kaso, 'di epektib. Ipinahiya siya ng mga long-legged legs niya. Juskohan! Senglot na siyang talaga.        Ilang sandali pa, hinapit ng lalaki ang beywang niya bago siya marahang itinayo. Hindi na siya nagreklamo, kaysa naman mag-sleeping beauty siya sa sahig. Inalalayan siya nito sa paghakbang hanggang sa makarating sila sa tapat ng elevator.        "Saang floor ka?" tanong nito.        "Wiz ko knows," aniya bago tuluyang isinandig ang sarili niya sa matipunong dibdib ng lalaki. Mabango ang guwapong tukmol. Kahit na may bahid na ng alak ang hininga nito, nangingibabaw pa rin ang natural na lalaking amoy nito na lalong nag-udyok sa kanya upang lalong iburo ang mukha niya sa dibdib nito. Humigpit naman ang kapit nito sa beywang niya.        Sa nanlalabong pandinig niya, narinig niyang tumatawag ang lalaki sa cellphone nito. Kaso, may englishan na namang ganap. 'Di na naman niya maintidihan ang karamihan.        "Hey Miss, anong pangalan mo?" tanong nito sa kanya maya-maya.        Nakangisi siyang tumingala rito, nanduduling pa rin ang paningin. "Helow Pilipins Mabuhay! Haw haw de karabaw? Ako po si Jia Hidalgo, haym payn, tenk yow!" napapahagikgik na sagot niya bago muling ibinuro ang mukha sa dibdib ng lalaki dahil namintig ulit ang sentido niya. Narinig niyang pumalatak ang lalaki. Supladitong tukmol talaga, naisip niya.        "Yes, Jia Hidalgo. What do you mean no guest under that name? Fine! Thanks! Useless hotel staff!" anito bago siya hinila papasok sa elevator.        Walanghiya na kung walanghiya, pero nanatili siyang nakayakap sa lalaki habang lulan sila ng lift. Naadik na siya yata sa amoy ng tukmol. Bakit ba, e ayaw din naman nitong bitawan ang beywang niya. So, quits lang sila.         Sa senglot na huwisyo niya, naramdaman pa niya nang iginaya siya nito sa isang kwarto. Maingat siya nitong ibinaba sa kama. Kaso lang dahil pakiramdam niya nahuhulog siya, agad niyang ipinulupot ang kanyang mga kamay sa leeg ng lalaki. Ang ending, dalawa silang bumagsak sa kama, ang lalaki, nasa ibabaw niya!        "Dammit!" anas ng lalaki, ilang pulgada lamang sa ibabaw ng kanyang mga labi.        Nang tumitig sa kanya ang namumungay na mga mata ng lalaki, walang hiya rin siyang nakipagtitigan. Maganda ang mga mata ng lalaki, kulay kape at sigurado siyang may magic. May magic kasi kahit na anong gawin niya, hindi niya maibaling ang mga mata niya sa iba — sa guwapong mukha nito lamang.        "You're pretty," anito maya-maya. Agad na nag-init ang mukha ni Jia sa sinabi ng lalaki. Marami naman nang nagsabi sa kanya niyon kaso iba ang pagkakasabi ng lalaki. Parang naglalaro sa landi at lambing.        Landi?        Napangiti siya na may halong kilig sa sariling takbo ng tamadong isip niya.        Ngumiti rin ang lalaki. "Jia, right?" anito halos pabulong.        "H-ha?"        Nangunot-noo ang lalaki. "Jia ang pangalan mo 'di ba?"        "O-oo," aniya.        Ngumiti ulit ang lalaki. Para siyang dinala sa ibang dimensyon ng ngiting iyon — sa lugar na wala siyang pakialam sa huwisyo at lohika niya. Sa lugar kung saan parang may amnesia ang toyo at katarayan niya. Magkasabay din niyang narinig ang aleluya at wangwang sa tenga niya. Kung bakit ganoon ang naririnig niya, wala siyang ideya. Lumunok siya nang biglang manuyo ang lalamunan niya dahil parang biglang uminit ang pakiramdam niya.        "I-ikaw anong-"        "Tyrone. Tyrone San Miguel," putol ng lalaki sa tanong niya.         Napapikit si Jia. Sigurado siyang narinig na niya ang pangalang 'yon. Kaso wala pa ring reception ang senglot na braincells niya — 'di makakuha ng signal sa kanyang mga alaala. Pinilit niyang buksan ang kanyang mga mata. Ngunit gano'n pa rin, nakatitig pa rin si Tyrone sa kanya. At dahil wala siya sa sarili, natukso siyang haplusin ang mukha nito papunta sa maalon-alon nitong buhok na hanggang balikat ang haba. Napapikit ang lalaki sa ginawa niya. Nang muli itong magmulat, may kakaiba na sa mga mata nito. Hindi nga lang niya alam kung ano.        "Jia," muling tawag nito sa kanya.        "Hmm?"        "Can I kiss you?"        Ngumiti lang si Jia. Kung sumagot siya o hindi, hindi na niya matandaan. Basta ang alam niya, sa isang halik na 'yon nag-umpisa ang lahat— ang lahat-lahat. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD