Malapit nang mananghalian pero silent night pa rin ang paligid niya. Hindi pa kasi tapos ang meeting ng mga board of directors. At mula nang lumabas siya sa board room, hindi na siya muling nag-return of the comeback doon. Natatakot siyang mabiktima ulit ng delubyo ni CDV. Kaya heto siya, nagtutumanga sa maliit niyang opisina. Inabala niya ang sarili sa pagsagot-sagot sa telepono. At nang tumila ang buhos ng tawag, nangalumbaba siya at itinuloy ang pagsosolitaryo sa kanyang computer. Bukod kasi sa gamitin ang Google at Word, 'yon lang ang alam niyang gawin sa computer.
Maya-maya pa, umiiyak na sumulpot si Albie sa opisina niya.
"Girl, ang sakit! Ang sakit-sakit!" Humagulgol ulit ang bakla bago nag-walling sa kalapit na pader. Tumikwas ang nguso niya.
"Walang luha, 'Te. 'Di pang-FAMAS," patamad na komento niya, hindi inaalis ang mga mata sa computer.
Lumipat si Albie sa harap niya, umupo sa receiving chair at doon itinuloy ang pagngawa. "Yung Fafa ko, girl. Ikakasal na!" anito bago pinalis ang imbisibol na luha nito. Sumulyap siya sa kaibigan. "Ang sakit dito, 'Te!" Tinuro nito ang dibdib nito.
"Sa dede mo?"
"Gaga! Dito sa heart! Isa siyang taksil!" Umirap ito at nagpunas ulit ng pisngi.
Lalong nanikwas ang nguso niya. "'Yan bang lalash na sinasabi mo, alam niyang ikaw ang dyowa niya?"
Sinamaan siya nito ng tingin. "Siyempre... hindi!"
Hindi niya napigilan ang matawa." 'Wag kasi masyadong amphibious, girl! Mangarap nang naaayon sa ganda!"
"Ikaw Jia, nang-aasar ka pang talaga!" Mahina pang hinigit ang buhok niyang hanggang balikat. "At saka ambitious 'yon 'no, hindi amphibious! Ginawa mo pa 'kong palaka!"
Lalo siyang nagtawa kahit sumablay na naman ang ganda niya. Si Albie itinuloy ang kunwaring pagngawa.
"Palibhasa hindi ka pa nagkaka-dyowa. Si Tyrone, kahit hindi ko 'yon truli na dyowa, sinubaybayan ko siya sa TV at mga magazines. Kulang na nga lang mag-apply akong P.A. niya e, kahit na walang bayad. Puno pa nga ng poster niya ang kwarto ko. Sinamba ko siya, pinangarap, inasam-asam. Tapos... ngayon malaman-laman ko na ikakasal na siya! At huling-huli na pala ako sa balita. Lintek ka, Tyrone San Miguel! Hindi ka man lang naghinay-hinay! Isa kang taksil!"
Napatayo si Jia sa upuan niya, parang may mali sa narinig niya. Mabilis niyang itinakip ang kamay niya sa bunganga ni Albie na ngumangawa.
"Ang tinutukoy mo ba na ikakasal ay walang iba kundi ang ubod ng gwapo, ubod ng yaman at lodi sa abs at crush ng buong universe na si Tyrone San Miguel?"
Kumurap-kurap ang bakla bago marahang tumango. Binitiwan niya ang bibig ng kaibigan.
Siya naman ang napahawak sa dibdib niya, kumirot kasi iyon nang very very light. May windangang ganap ulit sa loob ng isip niya, may kasama ring hilo. Kung bakit, 'di pa rin niya knows. Basta, lalong nakasama sa pakiramdam niya ang nasagap na balita.
Fiancee. Tama. Katipan. Iyon nga ang ibig sabihin niyon.
Ngumalngal pa nang kaunti si Albie sa harap niya bago ito inaya ni Aleli na bumaba sa canteen upang mananghalian. Siya naman, nanatili sa puwesto niya. Hindi siya kasi puwedeng umalis sa puwesto niya hangga't 'di pa natatapos ang meeting. Naglabas siya ng Skyflakes mula sa drawer niya— pantawid gutom. Ilang sandali pa, sumilip si Sir Charlie sa opisina niya.
"Ms. Hidalgo, tapos na ang meeting, puwede ka nang mag-lunch. Lalabas kami lahat. Nag-aya ng luncheon si CDV. Mamayang hapon na siguro ang balik namin," balita nito.
"Sige po, Sir," sagot niya bago itinuloy ang pagkain sa Skyflakes habang panay ang pindot sa cellphone niya.
Nakiki-tsismis kasi siya f*******:. Truli! Ikakasal na nga tukmol na reklamador na kauna-unahang lalaking naglunoy sa kagandahan niya. Last month pa pala naiposas ng diwatang si Ashley ang tukmol. Kunsabagay, bagay naman ang mga ito. Iisang mundo ang ginagalawan ng mga ito e. At ngayon niya naiintindihan kung bakit nagmamapait siya at may pa-kirot na hatid ang balitang pagpapakasal ni Tyrone.
Mukha yatang crush niya ito. Ay, erase, erase! Truli, crush na crush niya si Tyrone! Dahil bukod sa guwapo ito at mayaman, mabait din ito sa kanya; pinagtiyagaan nito ang lenggwahe niyang hirap intindihin ng iba; at marami itong pabaon sa kanya na magagandang linyahan tungkol sa sarili niya na hanggang ngayon pinananaligan niya nang bonggang-bongga.
Pero hanggang doon na lang 'yon. Hindi naman siya ambisyosa. Alam niyang ni sa hinagap, kahit nga powers ng milagro, hindi kayang ibigay si Tyrone bilang lovelife niya.
Tinitigan niya ang picture ni Tyrone na nasa cellphone niya. Sabi sa caption kuha iyon sa isang fashion show.
"Kapogian mo rin kasi, e. Tapos gifted child ka pa. Pa-kiss nga," aniya, bago mabilis na dinala sa bibig ang cellphone niya.
At habang nakalapat ang bibig niya sa screen ng cellphone niya, may nagsalita sa may pintuan.
"Mahal na mahal mo siguro 'yang boyfriend mo 'no?"
"Ay kapreng may TB!" bulalas ni Jia bago nag-angat ng tingin sa kanyang bagong 'bisita'. Agad nabitiwan ni Jia ang cellphone niya dahil ang lalaking hinahalikan niya sa cellphone niya, umaparisyon sa mismong harapan niya!
Ngumiti ang lalaki. "Did I startle you again?" anito, akmang pupulutin ang cellphone.
"W-wag mong pupulutin 'yan!" nagpapanic na sabi niya. Jusko! Hindi nito pwedeng malaman na pinagnanasaan niya ang litrato nito. "A-ako na lang," kabig niya maya-maya nang mahimasmasan siya nang kaunti. Mabilis niyang pinulot ang cellphone niya at isinuksok muli sa kanyang bulsa. "H-hindi ko boyfriend 'yon. W-wala akong boyfriend," depensa niya na ikinangiti ni Tyrone. Tumikhim si Jia at pilit pinakalma ang sarili sa harap ng lalaki. "H-hello, S-sir," aniya.
"Drop the Sir, Jia. You're not my employee. Just call me Tyrone, like you used to," anito.
Ngitian.
"Hindi ka magla-lunch?" tanong nito, bahagya pang hinagod ang buhok nitong sa tingin niya'y bahagyang umiksi.
"M-magla-lunch? S-siguro. Ewan ko. Bakit?" nauutal na sagot niya.
"Namumutla ka kasi. Baka 'ka 'ko ginutom ka dahil sa meeting namin," anito bago ipinagala ang mga mata sa maliit niyang opisina. "You didn't tell me, you work directly for Json."
"Ah, ano kasi... ano... ano... " Hindi ko naman knows na magkikita pa tayo, gusto sana niyang idugtong kaso, wala nang lakas ang dila niya. Umurong na nang tuluyan dahil sa malakas na datingan ni Tyrone.
"It's okay. I too never really expected to see you here today."
Sandali nitong ipinasada ang mata sa kabuoan niya. Suot-suot niya ang damit na bigay ni Ms. Alexa. Brown ang kulay niyon, hugis V ang neckline, may telang belt na kakulay din ng damit at may dalawang bulsa sa magkabilang gilid. Ang buhok naman niya, nilagyan niya ng pearl clip na may tatak na dalawang 'c' na baliktaran ang pwesto. Kasama rin 'yon sa mga bigay ni Ms. Alexa sa kanya.
"You look pretty, as usual," komento ng lalaki.
May umawit na naman ng aleluya sa tenga niya. Tumagos sa nag-uumasang puso niya ang sinabi ng lalaki na 'pretty' daw siya.
"I know," ipit ang boses na bulong niya bago inipit ang buhok sa likod ng kanyang tenga.
"Ha?"
Tumikhim siya para matauhan. "A-ang ibig kong sabihin, ikaw rin. You look pretty este handsome." Pasimpleng kinurot ni Jia ang hita niya para matauhan na siya nang tuluyan. Kapag talaga kaharap niya si Tyrone, may kakaibang nangyayari sa huwisyo niya.
"Relax, Jia. I'm just here to say hi," sabi pa ng lalaki bago muling idinisplay ang mga ngipin nito. "Hindi ka pa ba bababa sa canteen?"
"Bababa," mabilis na sagot niya kahit wala talaga siyang balak mananghalian sana.
"Tara, sabay na tayo," aya nito sa kanya bago mabilis na pinulot ang bag niya na nakapatong sa mesa.
Hindi na nakatutol pa si Jia sa ginawi ng lalaki. Binawi niya rito ang bag niya at nagpagiya na lang siya patungo sa elevator. Nagpasalamat siya na sila lang dalawa ang lulan ng lift. Habang umaandar ang lift, lihim niyang pinapagalitan ang kanyang dila dahil mukhang naka-on na naman ang buton ng pagiging chismosa niya.
"H-hindi mo sinabing may girlfriend ka," hindi niya napigilang tanungin maya-maya.
"Technically, we were on a break no'ng nagkita tayo sa Japan. We've been dating on and off since we were in college. She's very passionate with her work, ako rin naman gano'n. Five months ago, she asked for a space and I gave it to her," kaswal na paliwanag nito.
"Ah, space," parang natatangang pag-uulit niya. Sa totoo lang, iilang salita lang ang naintidihan niya kaya tinuloy-tuloy na niya ang pakikipag-chismis. "So, kailan kayo nagkabalikan?"
"A week after we met in Japan. We got engaged a month ago," balita nito na bumaling pa sa kanya, puno ng ningning ang mga mata.
Pinilit ni Jia ang ngumiti. Hindi naman kasi tama na ngumalngal siya gaya ni Albie dahil sa unang kasawian ng puso niyang ambisyosa.
Kanfirmed! Ikakasal na nga ang tukmol na rekladamor!
"Congrats!" aniya, pilit ang ngiti kahit na panay ang aray ng puso niya. Isang ngiti lang ang isinagot ng guwapo bago nito muling ibinalik sa floor counter ang tingin.
Lihim siyang napangiwi at wala sa sariling sumandal sa elevator. Jusko! Ngayon na niya naiintindihan ang pakiramdam ni Albie. May kudlit sa kanyang dibdib at may kasama pang slight na hilo. Masakit nga Kuya Eddie! Mamaya, sa uwian, makikipagluksa siya kay Albie.
"Hindi ka sumama sa luncheon?" pag-iiba niya sa usapan.
"I have a meeting at 2pm. Si Ashley na lang ang pinasama ko," tipid na sagot nito.
Tumunog ang elevator at bumukas ang pinto. Sabay silang humakbang palabas ni Tyrone kahit pa pakiramdam ni Jia lalong tumindi ang pagkahilo niya.
"I'll go ahead, Jia. Nice meeting you here... again," paalam ng lalaki na nauuna sa kanya ng ilang hakbang.
Hindi siya sumagot, bagkus ay huminto siya sa paglalakad. Nilingon siya ni Tyrone at muli siyang nilapitan.
Yumuko siya, pumikit, bago sinapo ang kanyang ulo. Pakiramdam niya kasi naging malambot ang sahig at umiikot ang mundo.
"Ayos ka lang?" anito na hinawakan pa ang balikat niya.
"N-nahihilo ako e," aniya, sapo pa rin ang ulo.
"Tara, punta na tayo sa ospital," aya nito sa tinig na nag-aalala.
"W-wag na. Puyat lang ako—"
"No, Jia. Ang putla-putla mo o. Pupunta tayo sa ospital sa ayaw at sa gusto mo."
Hindi na tumutol pa si Jia nang akayin siya nito palabas ng building.
*****
"Pangalan?"
"Jianna Elise M. Hidalgo," sagot niya sa nurse na nakatunghay sa kanya. Nagsulat ang nurse sa chart na dala nito. Kasalukyan siyang nakahiga sa isa sa mga kama sa emergency room ng ospital na pinagdalhan sa kanya ni Tyrone.
"Age?"
"Ha? Negative po! Wala po akong gano'ng sakit, Ma'am," nag-aalalang sagot niya.
"No, Jia. Ang ibig niyang sabihin is kung ilang taon ka na," paliwanag ni Tyrone na naka-upo sa gilid ng kama niya.
"A... 26 po." Iba kasi ang pagkakasabi ng nurse. Tama nga si Albie, nag-iiba nag meaning ng isang salita kapag iba ang pagkakasabi.
Umirap ang nurse bago nagsulat sa chart. "LMP?"
Naguguluhan niyang pinaglipat-lipat ang tingin kay Tyrone at sa nurse. Pero nakamasid lang ang dalawa sa kanya, naghihintay sa isasagot niya. Jusko! Bakit may question and answer pa kasi? Hilong-talilong na nga ang ganda niya.
"Ahmm... QRST?"
"Niloloko mo ba 'ko?" nakamulagat na sabi ng nurse sa kanya, nakataas pa ang kilay. Namaywang na ito. "Last Menstrual Period. Kailan ka huling dinatnan, Miss?"
"A 'yon po ba 'yon. Sorry po," paumanhin niya.
"O, so ano nga? Kailan ka huling nag-mens?" pag-uulit ng nurse.
Sandali siyang nag-isip upang matigilan lamang sa huli. Napilitan siyang mapaupo sa kama nang tumindi ang pagkabog ng dibdib niya. Boba lang siya sa English pero alam niya ang ibig sabihin kapag nakipag-chuck chak ganern ganern ang isang babae at 'di na dinatnan pagkatapos.
"D-dalawang buwan mahigit na pong wala," alanganing sagot nya.
Umirap lang ang nurse bago lumabas ng cubicle. Wala silang imikan ni Tyrone nang maiwan silang dalawa. Pakiramdam ni Jia namamanhid ang buong pagkatao niya. Magulo ang isip niya. Puno ng kaba ang dibdib niya.
Ilang sandali pa, may dumating na kukuha raw ng sample ng dugo niya. Nagpa-unlak naman siya. Pagkalipas ng mahigit tatlumpong minuto, doktor na ang tumingin sa kanya at nakangiti silang binating dalawa ni Tyrone ng, "Congratulations! You're having a baby!"
*****
Walang imik si Jia habang nakaupo sa passenger's seat ng kotse ni Tyrone. Hawak-hawak pa niya ang reseta ni Dra. Angel Pedroza, ang doktor na tumingin sa kanya. Sabi ng doktora mga vitamins daw ang mga 'yon na kailangan ng bata na nasa sinapupunan niya.
"Yes. Cancel everything! Didn't you hear you me, Kathy?" Napaigtad pa si Jia sa pagsigaw-sigaw ni Tyrone sa kausap nito sa telepono. Galit ito. Asar. Iritable. Dahil ba 'yon sa nalaman nilang magta-talong buwan na siyang buntis?
"Reschedule the meeting tomorrow," dugtong pa nito bago tuluyang tinapos ang tawag. Bumaling ito sa kanya. "Are you... sure the baby is mine?"
Nasaktan siya sa tanong nito. Nagyuko siya ng ulo. "W-wala akong ibang... i-ikaw pa lang."
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila ni Tyrone pagkatapos. Abala naman ang isip ni Jia sa pag-iisip sa hinaharap.
Paano na ang bright futuristic future niya kung may kasama na siyang bata na bubuhayin? Ni sa hinagap hindi niya pinangarap maging isang dalagang ina!
Nakagat niya ang kanyang labi nang maisip ang malaking posibilidad na gaya niya, lalaki rin ang bata sa hindi kumpletong pamilya. Ayaw niyang mangyari 'yon sa magiging anak niya. Hindi puwede 'yon. Kaya naman, kahit na mahirap at nakakatanga, pinilit niyang magtanong.
"M-may... may posibilidad ba na... m-mapakasalan mo 'ko?"
Bumuntong-hininga si Tyrone. "You know I can't do that, Jia." Sumandal ito sa upuan, pinisil ang pagitan ng mga mata nito bago bumaling sa kanya. "Ikakasal na kami ni Ashley and you know that. I love her."
Tumango-tango siya at muling yumuko. Alam naman niya 'yon kaso... "P-please," paki-usap niya sa basag na tinig.
"For Pete's sakes, Jia, don't beg! Jeez!" Naroon ulit ang iritasyon sa tinig nito.
Nanatili siyang nakatungo. Ayaw niyang makita ang tuluyang pag-ayaw nito sa kanya— sa kanila ng batang dinadala niya.
Hindi naman kasi tama ang ginagawa niya. Aksidente lang ang nangyari sa kanila tapos ngayong may nabuo, hihiling siya ng kasal? Wala talaga sa hulog ang pag-iisip niya minsan. Pero hindi naman ang sarili niya ang iniisip niya. Iniisip niya ang anak niyang hindi pa man ipinapanganak, kukutyain na ng mundo dahil lalaki itong walang tatay.
Natutop niya ang bibig nang magsimula siyang humagulgol.
"Oh God, Jia. I'm sorry. I'm sorry." Niyakap siya nito. Hindi na rin siya nagreklamo. "Hindi kita balak sigawan. It's just that... I am also confused right now. Hindi ko rin alam ang gagawin ko."
Ilang sandali rin silang nanatiling magkayakap. At nang mahimasmasan, siya na ang kusang bumitiw.
"Jia, hindi man kita mapapakasalan, pero susuportahan ko kayong dalawa ng bata. That's a promise," seryosong sabi nito na ginagap pa ang kamay niya.
Hindi pa rin 'yon matanggap ng puso niya, pero tumango na rin siya bilang tugon.
"Tumawag ka sa opisina ninyo. Sabihin mo, magha-half day ka dahil masama ang pakiramdam mo. Ihahatid na lang kita sa bahay niyo," anito maya-maya.
"Pero kailangan kong bumalik—"
"No, Jia. Kailangan mong magpahinga. Hindi mo ba narinig ang sinabi ni Dr. Pedroza kanina. Anemic ka. Ibig sabihin, may problema ka sa dugo. Maaring maapektuhan ang bata kapag hindi ka nag-ingat," mahinahong paliwanag ni Tyrone.
Hindi na nakipagtalo pa si Jia. Sa totoo lang, gusto na rin niyang umuwi talaga. Ngawang-ngawa na siya pero 'di niya magawa dahil nga kaharap niya si Tyrone.
Mabilis niyang inilabas ang cellphone niya at tinawagan si Albie. Sinabi niyang umuwi siya dahil hindi nga maayos ang pakiramdam niya. Nag-text din siya kay Sir Charlie. Matapos niyon, lumarga na silang dalawa ni Tyrone papunta sa inuupahan niya.
Sinilip pa ni Tyrone ang paupahang bahay na tinutuluyan niya. Dalawang palapag iyon na gawa sa kahoy at semento. Ang matandang dalagang may-ari ng bahay at ang pamangkin nitong nurse ang siyang nakatira sa itaas, habang ang sa ibaba naman ay solo niya.
"Sinong kasama mo d'yan? Parents mo?"
Hindi siya sumagot. Wala siyang ganang magkuwento ngayon kahit pa kay Tyrone— ang estrangherong nakabuntis sa kanya.
"Mauna na 'ko," paalam niya sa lalaki bago akmang bubuksan ang pinto ng kotse. Kaso pinigil siya nito. Naglabas ito ng calling card mula sa wallet nito at ibinigay sa kanya.
"Here. You can call me anytime."
Alanganin niyang tinanggap ang tarheta at mabilis iyong isinuksok sa bag niya.
"Jia." Nag-angat siya ng tingin dito. "Please take care," sinserong paalala nito. Gusto nga niyang bigyan sana pa ng kahulugan ang nakikita niyang kakaibang emosyon sa mga mata nito, kaso bobita siya sa maraming bagay. Baka magkamali siya ng interpretasyon.
Walang gana siyang tumango bago tuluyang bumaba ng sasakyan. Pagdating sa loob ng kuwarto niya, agad na pumatak ang mga luha niyang kanina pa niya pinipigil. Mabilis siyang nahiga at tumitig sa kisame.
Maraming isipin ang magkakasabay na gumulo sa isip niya. Lalo siyang naiyak sa kalituhan. Wala sa sariling siyang napahawak sa kanyang tiyan.
"Baby, naririnig mo na ba 'ko? Ako ang Mama mo. Ngayon pa lang, gusto kong malaman mo na... mahal na mahal na kita." Hagulgol ulit. Ang bigat-bigat talaga ng dibdib niya. Pero wala naman siyang magagawa pa kahit na magwala siya.
Sa mga susunod na buwan, makakasama niyang lumaki sa sinapupunan niya ang isang buhay. Buhay na binuo nila ni Tyrone pero palalakihin niya nang mag-isa.
Sa kabila ng lungkot, nakadama rin siya ng kaligayahan kahit papano. Dahil sa pagdating ng anak niya, kahit kailan, hindi na siya muling mag-iisa.